Home Writings Messages ANG KASALUKYANG KRISIS NG IMPERYALISMO AT ANG MGA PAKIKIBAKA NG MAMAMAYAN: MGA TUNGKULIN NG MANGAGAWANG PILIPINO KAISA ANG MGA MANGGAGAWA NG BUONG DAIGDIG

ANG KASALUKYANG KRISIS NG IMPERYALISMO AT ANG MGA PAKIKIBAKA NG MAMAMAYAN: MGA TUNGKULIN NG MANGAGAWANG PILIPINO KAISA ANG MGA MANGGAGAWA NG BUONG DAIGDIG

0

Susing Talumpati sa Ika-10 Pambansang Kongreso ng Kilusan Mayo Uno, Teachers’ Camp, Baguio City, Marso 16, 2011

Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo,
International League of Peoples’ Struggle
15 Marso 2011

Sa ngalan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ay ipinaaabot ko ang pinakamainit na pagbati ng pakikiisa sa Kilusang Mayo Uno sa okasyon ng inyong ika-10 Pambansang Kongreso. Binabati namin kayo sa pagkakamit ng malalaking tagumpay at sa pagtindig bilang tunay at pinakaprogresibong sentrong pangmanggagawa sa Pilipinas.

Aming pinupuri ang inyong kapasyahan na mahigpit na panghawakan ang mga aral mula sa tatlong dekadang karanasan ng KMU, mapangahas na magpalawak at magpatatag ng hanay at isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa bago at mas mataas na antas.

May kumpyansa kami na sa inyong pagbabalik-aral sa gawain sa nakaraang tatlong taon ay matatasa ninyo ang inyong mga kalakasan at kahinaan, at mababalangkas ang Pangkalahatang Plano at Programa para sa 2011-2013.  Kolektibong mapag-aaralan din ninyo ang mga isyung nakakaapekto sa mga manggagawa sa bansa at sa buong daigdig.

Nakikiisa kami sa inyong pagbibigay ng espesyal na parangal sa yumaong KMU Chairperson Emeritus at Kongresista ng Anakpawis Crispin “Ka Bel” Beltran, KMU Secretary-General Wilson Baldonaza, KMU Federation Affairs Officer Douglas Dumanon, at PISTON-KMU President Emeritus Medardo Roda.  Ang kanilang huwarang buhay sa paglilingkod sa proletaryado at mamamayan ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa atin.

Nagpapasalamat ako sa inyong paanyaya na magbigay ng susing talumpati sa napakamahalagang okasyon tulad ng inyong ika-10 Kongreso. Aking karangalan at pribilehiyo na talakayin ang kasalukuyang krisis ng imperyalismo at ang mga pakikibaka ng mamamayan sa ibat ibang bansa at linawin ang mga tungkulin ng mga manggagawang Pilipino kaisa ang pandaigdigang kilusang manggagawa.

Kasalukuyang Krisis ng Imperyalismo

Sa takbo ng mahigit tatlong dekada, ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pamumuno ng US at kanilang mga papet na rehimen ay nagpatupad ng patakarang neoliberal na globalisasyon upang atakehin ang mga demokratikong karapatan ng uring manggagawa, ibaba ang sahod, uk-ukin ang naipanalong mga benepisyong sosyal at bawasan ang pondo ng gobyerno para sa mga serbisyong panlipunan.

Iginiit nila na ang tinatawag na “implasyon sa pasahod” at sosyal na gastusin ng gubyerno ang nagbunga ng penomenon ng “stagflation” sa dekada ’70 dahil diumano pinaliit nito ang kapital na magagamit para sa pagpapayabong ng produksyon at empleyo. Kaya binalangkas nila ang patakarang neoliberal upang ipasakamay ng monopolyong burgesya at oligarkiyang pampinansiya ang mas malaking kapital at oportunidad sa ganansya sa pamamagitan ng kaltas sa buwis, liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga rekursong publiko, deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga dominadong ekonomya.

Pinalalabo nila ang tunay na mga dahilan ng papalalang krisis ng labis na produksyon at paulit-ulit na resesyon noong dekada ’70 tulad ng rekonstruksyon at pagyabong ng mga ekonomyang nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at “demand-pull inflation” bunga ng walang habas na paggastos ng gubyernong US sa paligsahan sa armas at kalawakan, mga baseng militar sa ibayong dagat at gerang agresyon sa Korea at Indotsina.

Sa sistemang imperyalista, laging nagsisikap ang monopolyong burgesya na imaksimisa ang tubo sa pamamagitan ng pagtataas ng palagiang kapital para sa makinarya at hilaw na materyales at pagbabawas ng pondo sa sahod para sa pagbili ng lakas paggawa. Sa pagbagsak ng kita ng mga manggagawa, nababawasan ang kanilang kakayahang bilhin ang sarili nilang produkto. Sa gayon sumusulpot ang krisis ng relatibong labis na produksyon. Upang kontrahin ito at ang tendensya ng pagbagsak ng tantos ng tubo sa tunay na ekonomya, sinisikap ng monopolyong burgesya na makatamo ng mas malaking tubo at mabilisang magpalaki ng kapital sa palengkeng pampinansya sa pamamagitan ng espekulasyon at pagpapalobo ng halaga ng ari-arian sa paggamit ng kathang isip na kapital.

Sa sariling bakuran, nahila ng US at iba pang mga imperyalista ang ilang bahagi ng uring manggagawa sa labis na pangungutang para sa konsumo, sa pagbili ng sapi sa panahon ng “high tech bubble” ng 1995 hanggang 2000 at sa utang na pambili ng bahay na sa bandang huli’y di makayanan ang tantos ng interes sa panahon ng “housing bubble” ng 2002 hanggang 2006, na tumungo sa pagsambulat ng krisis pang-ekonomya at pampinansya noong 2008. Sa ilang atrasadong bansa na nagluluwas ng murang hilaw na materyales at malamanupaktura, ang walang humpay na lumalaking utang panlabas ay ginamit upang pondohan ang malakihang pribadong konstruksyon, konsumerismong nakabatay sa importasyon at lumalaking depisit sa kalakalan at badyet depisit.

Ang patakarang neoliberal na globalisasyon ay nagbunga ng pinakamalubhang krisis pang-ekonomya at pampinasya mula pa noong Great Depression. Ang pondong pampubliko ay ginamit upang sagipin ang mismong mga may-salang may pananagutan sa paggawa ng krisis tulad ng oligarkiyang pampinansiya at mga korporasyong kabilang sa “military-industrial complex” sa US at sa ibang lugar. Walang anumang pang-ekonomyang muling pagbangon ang nangyayari sa pakahulugan ng pagpapalago ng produksyon at empleyo. Ang muling pagbangon ay nasa aklat ng mga bangko, sa ilang mayor na korporasyon at sa palengkeng pampinansya lamang.

Ayon sa International Labor Organization, ang tunay na sahod ay bumagsak habang ang desempleyo sa buong daigdig ay nasa pinakamataas na antas na inabot sa kasaysayan nang walang pag-asang bumalik sa antas bago ang krisis sa malapit na hinaharap. Sa kabilang banda, ang mga korporasyong Amerikano at Europeo ay mistulang nakaahon na sa krisis at nagtatamasa na ng walang-katulad na ganansya kapapangyari lamang ng krisis. Sa ikatlong kwarto ng 2010 halimbawa, ang negosyong Amerikano ay kolektibong nakapagtala ng walang-katulad na $1.66 trilyong ganansya.

Kahit ang pondong pampubliko para sa pagpapalago ng produksyon at empleyo ay kinakailangang padaanin sa kamay ng mga pribadong korporasyon na lumilikha ng tubo sa aklat sa pamamagitan ng pagbabawas ng gastos sa paggawa alinsunod sa patakarang neoliberal na tutol sa patakarang Keynesian na nagtataguyod ng pangmasang empleyo sa ilalim ng tuwirang pamamahala ng estado, at buong nagbibigay-laya sa mga pribadong korporasyon na magpalaki ng ari-arian at magkamal ng tubo sa tinaguriang malayang palengke. Ang pagpapanatili ng patakarang neoliberal ay nagpapalawig sa mga kundisyon ng pandaigdigang depresyon.

Ang pinakahuling pihit ng pangyayari tungkol sa pandaigdigang krisis ay ang paggamit ng mga patakaran ng pagtitipid (austeridad) ng mga imperyalista at papet na gubyerno sa harap ng mabilis na lumalaking depisit at utang sa publiko upang sagipin ang mga may kagagawan sa krisis at ituloy ang pagpapatakbo ng gubyerno sa mataas na antas ng gastos. Malalaking bilang ng mga empleyado ng gubyerno ang sinisisante at inuuk-ok ang kanilang sahod at pensyon. Inaagnas ang mga serbisyo sa edukasyon, kalusugan at ibang serbisyong publiko habang nagiging lubhang magastos para sa mga mamamayan.

Mula sa nakaraang taon, nagpahayag ang mga gubyerno sa Europa ng $200 bilyong pagbabawas sa gastusing pampubliko sa susunod na dalawa hanggang apat na taon—pagbabawas na nangangahulugan ng pagsisisante, pagbabawas sa sahod at paglimita sa mga benepisyo—kasabay ng malupit na mga reporma sa paggawa na naglalayong limitahan ang karapatan ng mga manggagawa sa collective bargaining. Ganito rin ang patakaran sa antas estado at mga lokal na sangay ng gubyerno sa US. Ang yaman at kapangyarihan ay muling hinihigop pataas.

Anumang katiting na kita ang natitira sa mga manggagawa ay hinihigop ng mabilis na pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain. Kamakailan lamang nanganib na tumaas ang presyo nito halos sa antas na inabot noong tinaguriang “shock of 2008.” Ang krudo ay mahigit $100 bawat bariles ang bentahan habang ang presyo ng grana o butil sa pandaigdigang kalakalan ay nasa kataasan mula pa noong Hulyo 2008. Walang awang hinahagupit ang mga manggagawa sa daluyong ng papataas na presyo ng mga batayang bilihin bago pa man sila makabawi mula sa naunang bugso ng malawakang pagsisisante at implasyon at naunang mga krisis sa enerhiya at pagkain.

Ang Paglaban ng Mamamayan

Higit pang pinulubi ng patakarang neoliberal ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng pinakamasahol na pagsasamantalang ipinatutupad ng terorismo ng estado. Kaakibat ng binungang global na krisis ang mataas na tantos ng kawalan ng trabaho at tumataas na presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang bilihin. Ito ay nagdudulot ng hindi pa natutularang kapinsalaan sa buhay ng mga mamamayan sa buong mundo. Sa gayon, ang mga naghihirap na mamamayan ay malawakang bumabangon laban sa nang-aapi at nagsasamantala sa kanila sa iba’t ibang mga mauunlad at atrasadong mga bansa at mga buong rehiyong global tulad ng Amerika Latina, Timog Asya, Kanlurang Aprika at Gitnang Silangan.

Ang pangmasang pag-aalsa ng di-armadong mamamayan ay nagluluwal ng matinding rebolusyonaryong sigasig para sa pagbubuo at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado, organisasyon ng bayan, kilusang masa at armadong rebolusyon para sa pambasang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. Ang matagal nang mga kilusang masa ng masang anakpawis at mga rebolusyonaryong armadong kilusan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya ay inaasahang lalakas at uunlad habang tumatagal, lumalala at lumalalim ang global na krisis.

Ang proletaryado at mamamayan sa mga bansang imperyalista ay biniktima ng neoliberal na patakaran na globalisasyon. Sila ay naglunsad ng mga protestang masa at pangkalahatang welga laban sa lumalalang kundisyon ng kawalang trabaho, kawalang tahanan at pagkawala ng benepisyo-sosyal. Higit nang nahihirapan ang mga monopolyong burgesya na ikubli ang ugat na dahilan ng krisis ng sistemang kapitalista at sa tangkang linlangin at hatiin ang mamamayan sa pamamagitan ng mga reaksyunaryong agos ng sobinismo, rasismo, pasismo at histeryang gera.

Sa sunud-sunod na mga ”summit” taun-taon, inilantad ng mga naghahari sa mga bansang imperyalista at mga mayor na di-gaanong maunlad na mga bansa ang kanilang kawalan ng kakayahang lutasin ang mga malalang problemang pang-ekonomya, sosyal at pulitikal na bunsod ng patakarang neoliberal na globalisasyon. Sa walang tigil na serye ng mga kumperensya, ang IMF, World Bank, WTO at iba pang mga ahensyang multilateral ay bigong maghapag ng anumang kalutasan sa krisis.

Sa kabuuan, nagkakaisa pa rin ang mga kapangyarihang imperyalista laban sa mga inaaping mamamayan at bansa at ibinubunton nila ang kanilang pagkaagresibo sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at sa mga bansang naggugumiit ng kasarinlan. Ngunit papatindi ang kanilang kompetisyon at kontensyon laban sa isa’t isa para muling paghatian ang daigdig. Ang matagalang krisis ay nagdadala ng panganib ng pasismo at higit pang mga gerang udyok ng mga imperyalista. Gayundin, ito ay pumupukaw sa mamamayan na lumahok sa militanteng aksyong masa at sa rebolusyunaryong pakikibaka para sa pambansa at sosyal na pagpapalaya.

Ang Tungkulin ng KMU

Tungkulin ng KMU na isulong ang pakikibaka ng uring manggagawa at ng malawak na masa ng sambayanan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya sa Pilipinas laban sa rehimeng US-Aquino at sa buong naghaharing sistema. Dapat nating komprontahin at tutulan ang patuloy na pangangayupapa sa US at sa mga dikta nitong patakaran ng reaksyunaryong gobyerno sa ilalim ni Aquino.

Ang sinasabing plano para sa kaunlaran ng rehimen ay pinamamahalaan ng patakarang neoliberal na globalisasyon ng US. Ang tinatawag na planong internal na kapayapaan at panseguridad, Oplan Bayanihan, ay pagpapatuloy ng Oplan Bantay Laya at ginagabayan ng US Counterinsurgency Guide at ng global na gera ng lagim ng US. Dapat na matatag na labanan ang lahat na mga patakaran at planong naglalayong higit pang pagsamantalahan at apihin ang uring manggagawa at ang sambayanang Pilipino.

Dapat ninyong gawin ang lahat na posibleng nararapat gawin para pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan upang ipaglaban ang pambansang soberaniya, palawakin ang demokrasya, itaguyod ang kaunlarang pang-ekonomya sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, itaas ang empleyo at pahusayin ang kabuhayan ng mamamayan, gawing naglilingkod sa kaunlaran at sa masa ang syensya at teknolohiya, isakatuparan ang hustisyang sosyal at kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Lubos naming ikinalulugod na ang KMU ay handang humarap sa hamon ng ating panahon. Tama na manawagan kayo ng lakas-loob sa pagpapalawak at  matibay na konsolidasyon ng inyong pangmasang kasapian at para sa walang-humpay na mobilisasyon ng mga manggagawang Pilipino at mamamayan para sa adhikain ng pambansa at sosyal na pagpapalaya. Ang inyong mga tagumpay sa Pilipinas ay ambag sa pagkikibaka ng mamamayan ng daigdig para sa isang bago, makatarungan at mas mabuting   daigdig.

Sa inyong paglakas,  nasa pusisyon kayong gumawa ng mga inisyatiba o lumahok sa mga internasyonal na aktibidad para makipagtulungan sa mga manggagawa at mamamayan ng ibang bansa sa paglaban sa neoliberal na patakarang pang-ekonomya,  sa mga atake sa karapatan ng manggagawa,  pagbabarat sa lakas paggawa, malawakang disempleyo at sa mga hakbanging pangkagipitan, at ng paglalatag ng kung ano ang kailangang gawin upang labanan ang pagsasamantala at pang-aapi at  makamit ang katarungang sosyal at pundamental na pagbabagong sosyal.

Batid namin kung gaano katagumpay ang KMU sa pagpapaunlad ng relasyong praternal sa ibang organisasyon sa paggawa sa labas ng bansa at sa pagpupunyagi nitong panatilihin at itaguyod ang International Solidarity Affair. Mahigpit naming nirerekomenda na inyong pag-aralan ang ibayong pagpapasigla at pagpapalawak ng ISA.  Kailangan ninyong bigyang priyoridad ang komunikasyon at kooperasyon sa mga unyon sa paggawa at iba pang mga organisasyong manggagawa sa labas ng bansa na aktibo sa paglulunsad ng mga anti-imperyalista at demokratikong pakikibakang masa.

Aming laging pinahahalagahan ang papel  ng KMU sa balangkas ng ILPS. Natutuwa kaming malamang ang inyong ika-10 Pambansang Kongreso ay paghahanda para sa ika-4 na Asembleyang Internasyunal ng ILPS. Umaasa kaming  mag-aambag kayo ng  higit  pa para sa tagumpay ng Asembleya at sa gawain ng komisyon sa paggawa.

Bilang pagtatapos, nananalig kami  na ang inyong Kongreso ay magiging matagumpay. Pauna na naming binabati  ang mga bagong pambansang opisyales ng KMU na ihahalal ng Kongreso.  Aming minimithi ang higit pang malalaking tagumpay para sa mga delegasyon, kasaping-unyon at alyadong unyon ng Kilusang Mayo Uno sa mga taong darating.

Mabuhay ang Kilusang Mayo Uno!

Mabuhay ang makauring pamumuno ng uring manggagawa!

Mabuhay ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino!

Isulong ang pambansang demokratikong kilusan!

Patibayin ang pakikipagkaisa sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig!