Home Writings Messages ANG PAPEL NG KABATAAN AT MGA TUNGKULIN NG ANAKBAYAN SA PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PAKIKIBAKA

ANG PAPEL NG KABATAAN AT MGA TUNGKULIN NG ANAKBAYAN SA PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PAKIKIBAKA

0

Mensahe para sa ika-6 na Kongreso ng Anakbayan (16-18 Mayo 2011)

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
15 Mayo 2011

Malugod akong nakikiisa sa pamunuan at kasapian ng Anakbayan. Sa diwa, kalahok ninyo ako sa inyong ika-6 na Kongreso. Malaki ang aking tiwala na maisasakatuparan ninyo ang mahahalagang layunin ng kongreso.

Paghusayin ninyo ang pagtatasa ng kalagayan at karanasan at ang pagbubuo ng mga resolusyon, panibagong patakaran at programa at ang pagsasaayos sa pambansang organisasyon ninyo. Napakahalaga ang mahahango ninyong mga aral sa paglalagom sa 12-taong karanasan ng Anakbayan at ang pagpapataas ng kalidad ng mga saligang dokumento ng organisasyon tulad ng Konstitusyon, Oryentasyon at Programa.

Karapatdapat na alamin ninyo ang mga obhetibo at suhetibong sangkap ng mabilis na paglaki ng Anakbayan magmula 1998 hanggang 2001 at ang pagdausdos ng kasapian hanggang sa taong ito. Naging malaki ang papel ng Anakbayan at alyansang kabataan sa pagpapatalsik kay Estrada mula sa kapangyarihan noong 2001. Mahalagang suriin din ninyo kung bakit nakapanatili si Arroyo sa kapangyarihan sa napakahabang panahon sa kabila ng kanyang pagbaho at ng matinding pagkamuhi ng bayan sa kanya.

Nasisiyahan akong may determinasyon kayong mangibabaw sa mga kahirapan, lutasin ang mga problema, ibayong magpalakas at isulong ang kilusang kabataan. Tumpak na tugon sa mga hamon ang tema ng kongreso: Sulong sa Daluyong: Sumalig sa rebolusyunaryong aral at solidong lakas ng masa! Mapangahas na magpalawak at magpalakas tungo sa panibagong antas ng pambansa-demokratikong pakikibaka!

Salamat sa paglalahad ng Kilusang Mayo Uno sa lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Sa gayon, maliwanag ang pangkalahatang batayan ng pagtalakay ko sa makasaysayang papel ng kabataang Pilipino, mga kasalukuyang tungkulin ng kabataan at hinaharap ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng kabataan at sambayanang Pilipino.

Batay sa aking kaalaman sa kaysaysayan at sarili kong karanasan, mahalaga at mapagpasiya ang papel ng kabataan sa pagrerebolusyon o pagsusulong ng makabayan at progresibong kilusang masa. Katangian ng kabataan ang kasiglahan ng pag-iisip at pagkilos, ang kahandaan na tumanggap ng mga bago at rebolusyonaryong ideya at pamamaraan, ang kapangahasan sa paglaban sa di-makatarungang sistema, ang kagitingan sa paglahok sa rebolusyon at ang pagnanasang makalikha ng maningning na kinabukasan.

Sa lumang demokratikong rebolusyon, halos kabataan lahat ang pamunuan at kasapian ng Katipunan at ng mga ibinunga nitong rebolusyonaryong gobyerno at hukbo.

Sa bagong demokratikong rebolusyon, sadyang itinatag ang Kabataang Makabayan bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan para iugnay ang mga estudyante sa mga kapwa nilang kabataan sa mga uring anakpawis at ibat ibang sektor ng mga saray ng petiburges at gitnang burges.

Mulat sapul inspirado ng Katipunan at ng lumang demokratikong rebolusyon ang Kabataang Makabayan. Subalit batay sa mga kondisyon sa panahon ng makabagong imperyalismo at pandaigdigang rebolusyong proletaryo, itinuring ng KM ang sarili bilang katulong ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Naging mabilis ang paglaganap ng KM sa buong Pilipinas. Dahil nabulid sa rebisyonismo ang lumang partido ng pinagsanib na partido komunista at partido sosyalista, naging bahagi ang mga komunista sa loob ng KM sa pagbubuo ng bagong rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Sumama sa kanila ang mga beteranong tapat sa Marxismo-Leninismo hanggang Maoismo. Agad nagkaroon ang bagong partido ng katangiang pambansa at nakaugat sa uring anakpawis dahil sa lawak at lalim ng organisasyon ng KM.

Pinagbuhatan ang KM ng maraming kasapi ng Partido at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Sa panahon ng pasistang diktadura, kumilos ang KM nang palihim sa mga kalunsuran at kabayananan. Kinilala ng Partido ang KM bilang Liga ng Komunistang Kabataan. Nagparami ito ng kasapian sa hanay ng mga estudyante, mga manggagawa, mga magsasaka, mga maralitang tagalunsod, mga propesyonal at iba pang sektor ng petitbuges and gitnang burges. Naging mapagpasiya ang papel ng KM sa pagsusulong ng lihim at lantarang kilusang masa para ibagsak ang pasistang diktadura.

Patuloy na mahalaga at mapagpasiya ang papel ng organisasyon ng kabataang tumatahak sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon, tulad ng Anakbayan. Walang tigil at lumulubha ang pagsasamantala at pang-aapi ng dayuhang monopolyo kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa kabataan at sambayanang Pilipino. Palala nang palala ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, laluna ngayong niyayanig ng krisis na katulad ng Malaking Depresyon ang sistema ng pandaigdigang kapitalismo.

Ang mga kabilang sa uring anakpawis, gayundin ang sa gitnang saray ay nagdaranas ngayon ng matinding hirap. Laganap ang kawalan ng trabaho. Hindi tumataas ang kinikita at laging bumabagsak ang tunay na halaga nito dahil sa mabilis ang pagtaas ng mga presyo ng pagkain, langis at iba pang batayang kalakal na kailangan ng masa. Isinailalim sa pribatisasyonang mga serbisyo sosyal tulad sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa; at pinalubha ang panghuhuthot ng tubo mula rito. Sa mga natitira pang serbisyo sosyal mula sa reaksyonaryong gobyerno, mataas ang singil samantalang pasok na ang mataas na buwis sa presyo ng mga batayang kalakal.

Ipinagpapatuloy at pinapalala ng rehimeng Aquino ang masasamang patakaran at programang diktado ng mga imperyalistang pinangungunahan ng US. Patuloy at palala ang pagtiwangwang ng ekonomya sa mga dayuhang monopolyo para magsamantala sa anakpawis at sa likas na yaman ng bansa at para magkamal ng malalaking tubo. Patuloy at palala ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Patuloy at palala ang korupsyon ng mga nasa kapangyarihan sa reaksyonaryong estado.

Laganap at umaalingawngaw ang karaingan ng masa. Subalit panunupil ang sagot ng estado sa kanila. Alinsunod sa utos ng imperyalismong US, nagsasagawa ang rehimeng Aquino ng brutal at madudugong kampanya ng panunupil sa mga makabayan at progresibong pwersa ng kabataan at sambayanang Pilipino. Ang karahasan ng mga militar, pulis at paramilitar ay sinasabayan ng pakunwaring negosasyon sa kapayapaan at itinuturing ang mga operasyong militar bilang operasyon ng kapayapaan at kaunlaran. Dumarami ang patunay na palulubhain ng US at rehimeng Aquino ang gera sibil sa ating bayan.

Magpakahusay kayo sa paghihimok at pagmumulat sa kabataang Pilipino sa linya ng pambansang demokratikong rebolusyon. Pag-alabin ninyo ang kanilang damdamin at pataasin ang antas ng kanilang kamalayan sa pamamagitan ng ibat ibang paraan ng ahitasyon, propaganda at edukasyon. Sa bawat isyu, dapat kagyat na maabot ang nakapakaraming kabataan sa pamamagitan ng ahitasyon at propaganda. Dapat ipalaganap ang pamphlet ng Konstitusyon at Programa ng Anakbayan at ang Q & A na nakakatulong sa mabilis na pagsapul sa mga nilalaman, laluna sa hanay ng mga kabataang hindi mataas ang pormal na edukasyon.

Alamin mula sa kabataan ng ibat ibang aping uri, saray at sektor ang kanilang kalagayan, hinaing at kailangan. Sa gayon, tumpak ninyong mahahango ang mga islogan at ideya na ipinapalaganap sa kanila. Sa gayon, mapapadali at mapapalalim ang pag-ugat ng mga balangay ng Anakbayan. Sa inyong pagkilos, harapin ang mga problema ng mga estudyante kapag nagtatayo ng balangay sa eskwela, ang mga problema ng kabataang manggagawa kapag sa mga pabrika, ang mga problema ng kabataang magsasaka kapag sa kanayunan, mga problema ng kabataang maralita kapag sa mga komunidad ng maralitang lunsod at ang mga problema ng kabataan propesyonal kapag sa hanay ng mga propesyonal.

Gamitin ang mga tradisyonal na paraan ng ahitasyon, propaganda at edukasyon na hindi kailanman mawawala, tulad ng talumpati, sulat kamay, inilimbag na publikasyon, polyeto, sulat pader, poster, mga awit, tula, dula at pagtatanghal-sining. Gamitin din ang mga makabagong paraan na bunga ng teknolohiya ng elektronika, tulad ng e-mail, website, blogging, social media, video, texting, twitter at iba pa. Sa mga pamamaraang ito, dapat malayong maging mabilis ngayon kaysa rati ang gawaing ahitasyon, propaganda at edukasyon.

Sa panahon ng aking kabataan, ang hirap maghanap ng mga akdang rebolusyonaryo dahil sa pagbabawal ng mga imperyalistang Kano at mga reaksyonaryong papet nila alinsunod sa Anti-Subversion Act. Ngayon nasa internet ang ibat ibang tipo ng materyal para sa pag-aaral ng pambansa-demokratikong rebolusyon at Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat mabilis kumalat ang mga rebolusyonaryong ideya at mas madali kaysa rati ang pagpapasiklab sa damdamin at pagpapataas ng kamalayan ng kabataan at sambayanang Pilipino.

Magpakahusay kayo sa pag-oorganisa sa mga kabataan. Sayang kung hindi narerekluta ang malaking bahagi ng mga kabataang inaabot ng ahistayon at propaganda at napapalahok sa mga mobilisasyon ng masa. Batayang tungkulin ng bawat kasapi na magrekluta ng bagong kasapi sa araw-araw na takbo ng gawaing masa at sa mga okasyonal na pagtitipon ng masa. Magrekluta sa hanay ng mga estudyante, manggagawa, mangigisda, maralitang lunsod, magsasaka, manggawang bukid, mga propesyonal at mga petiburges sa lunsod. Pwede ring mangalap ng mga kasapi ang Anakbayan mula sa ibat ibang tipo ng organisasyon at mula sa hanay ng mga kasapi at boluntir ng elektoral na partido ng kabataan.

Gawing simple, sistematiko at mabilis ang pagrekluta. Una, gamitin ang subok na kombinasyon ng OD at ED, laluna sa mga lugar na wala pang balangay ang Anakbayan. Ang kadreng OD ang bahala sa pagdaraos ng miting sa pagrekluta, pagtanggap ng aplikasyon at pagpapasumpa bago magtapos ang miting. Ang kadreng ED ang bahala sa pagpapaliwanag sa mga pinakamahalagang punto sa Konstitusyon at Programa ng Anakbayan. Ikalawa, dapat laging magkusa ang umiiral na balangay at mga kadreng OD at ED nito na yumakag ng mga aplikante at tuwing linggo magdaos ng miting o magtakda ng bahagi ng miting para sa pagrekluta. Ikatlo, pwedeng mangalap nang paisa-isa ang bawat kasapi ng Anakbayan ng kahit ilang aplikante kahit kailan at kahit saan na kaya niyang abutin bastat sundin ang malinaw na proseso ng pagpapasampa.

Pwedeng pasumpain bilang kasapi ang sinumang aplikante na napaliwanagan at tumatatanggap sa Konstitusyon at Programa ng Anakbayan, rekomendado ng isang kasapi at sinuri ng tagapangasiwa sa pagrekluta at handang dumaan sa kurso hinggil sa kabataan at pambansang demokratikong kilusan. Sapat na ang pag-unawa at pagtanggap ng Konstitusyon at Programa para maging kasapi ang aplikante. Isunod ang mga kursong higit sa dalawang buong araw at ang pag-aatas ng gawain batay sa kolektibong pangangailangan at personal na kakayahan ng kasapi.

Tandaan na makabuluhan at malaking bagay sa aplikante mismo at sa Anakbayan ang pagsumpa at pagsampa bilang kasapi. Ito ay pagkilala sa makabayan at progresibong pagnanasa ng aplikante. Sa ganitong pagkilala, tiyak o malamang na ibayong magsisikap siya na itaas ang antas ng kanyang kamalayan at pagkilos. Mawawalan ng gana ang sinumang aplikante na pinahihirapang makapasok sa Anakbayan dahil sa kawalan o kasalimuotan ng mga hakbang sa pagrekluta o sa mga pangakong mabigyan ng mahaba o maraming kurso na hindi naman maagap na natutupad. Huwag gamitin ang salitang konsolidasyon para sikilin ang ekspansyon. Magpalawak para may makonsolida, laluna kapag dumadausdos ang bilang ng kasapian.

Bawat rekluta ay dapat ipasok sa isang balangay na umiiral na o kagyat na itinatatayo. Ang balangay ang angkla at batayang kolektiba ng mga kasapi. Sa umpisa, sapat na ang tatlo o limang kasapi para buuin ang isang balangay sa isang depinidong lugar. Kapag umabot na sa tatlumpo ang mga kasapi, pwedeng magbuo ng bagong balangay. Dapat itulak ang mga bagong kasapi na magrekluta mula sa hanay ng mga dati at bagong kakilala nila. Isang batayang tungkulin ng bawat kasapi ang magrekluta ng iba pa.

Dapat gawing bukal ang Anakbayan ng mga kadre at kasapi para sa ibat ibang tipo ng rebolusyonaryong pormasyon at gawain. Bago o matapos lumampas ang isang kasapi ng Anakbayan sa maksimum na hangganan sa edad, dapat maihanda silang kumilos sa ibang angkop na pormasyon o gawain. Kaugnay nito, dapat tularan ng Anakbayan ang Kabataang Makabayan sa paghuhubog ng mga kadre at kasapi para sa ibat ibang pormasyon at gawain. Dapat mapanatili sa angkop na mga progresibo at makabayang pormasyon ang mga naging kasapi ng Anakbayan na lumampas na sa gulang ng kabataan.

Napakahalaga ang mobilisasyon ng masa sa mga sentro at lansangan. Sa pamamagitan nito, nailalantad nang lubusan ang mahahalagang isyu at nailalahad ang poot ng bayan. Kung talagang malaki at malakas, nagbubunga ang mga kampanya ng mga makabuluhang pagbabago hanggang pagpapatalsik sa mga pinunong katulad nina Marcos at Estrada. Napapalakas ng mga ito ang makabayan at progresibong mga pwersa ng sambayanang Pilipino. Nakakapagbukas at nakakapagpalawak ang mga ito ng daan para sa pagpapabagsak sa bulok na naghaharing sistema sa hinaharap.

Umigpaw ang lakas ng Kabataang Makabayan dahil sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1971. Ganoon din ang lakas ng ibat ibang organisasyon dahil sa kampanya ng pagpapabagsak sa pasistang diktadura noong 1983-86 at ang lakas ng Anakbayan dahil sa matagumpay na kampanya sa pagpapatalsik kay Estrada sa mga taon ng 1999-2001. Nanatili ang rehimeng Arroyo sa kapangyarihan hanggang 2010 dahil walang lumitaw na malalaki at militanteng kilos-masa sa mga lansangan. Kahit kailan walang lumitaw na kilos protesta na umabot sa 100,000 sa kabila ng malakas na propaganda laban sa rehimen at matinding galit ng masa. Sa ganitong kalagayan, lumiit at humina ang kasapian ng Anakbayan.

Magpakahusay kayo sa pagmobilisa ng mga kabataan para sa mga kolektibong kilos hinggil sa mga maiinit na isyu na bumabagabag sa kabataan at sambayanang Pilipino. Dapat pakilusin ang organisadong masa para abutin at pakilusin ang mas marami pang masa na hindi pa organisado o kaya nasa ilalim ng ibang organisasyon o institusyon. Gamitin ang patakaran ng nagkakaisang hanay para abutin at pakilusin ang masang hindi pa organisado ng Anakbayan.

Mantenihin ang kasarinlan, inisyatiba at militansiya ng Anakbayan at iba pang pwersang progresibo. Gamitin ang malawak na nagkakaisang hanay para magparami ng masang kalahok at hindi para lamang gumawa ng token protests o kaya’y maging sunud-sunuran pa sa mga alyadong walang dinadalang masa. Huwag magpakasapat sa rali sa Ayala Avenue, Makati o saan mang natatanging lugar kundi maglunsad ng mga kilos protesta ng masa sa maraming lansangan. Lalong nagiging arogante at mapanupil ang mga nasa kapangyarihan kapag hindi malaki, malaganap at militante ang mga kilos protesta ng masa.

Para dumami ang kalahok sa mga mobilisasyon, katulad ng mga martsa at rali, dapat may panahon ng paghahanda na kinapapalooban ng malawak na ahitasyon at propaganda at mga lokal na miting at rali. Sa takdang araw ng malaking mobilisasyon, dapat umabot sa rurok ang ahitasyon at propaganda at dapat hanggat maaari paramihin ang mga pangunahin at segundaryong kolumna ng mga nagmamartsang demonstrador para dumagsa sa sentral na tagpuan.

Sa mga aktibidad ng paghahanda at pagsasagawa ng mobilisasyon, dapat rinerekluta sa Anakbayan ang mga lumilitaw na aktibo para may maagap na solidong pag-oorganisa sa gitna ng malawakang kampanya. Dapat laging dala ng mga organisador ang batayang pamplet (ng Konstitusyon at Programa) at application form ng Anakbayan para ibigay sa mga lumalahok sa kilos masa. Matapos ang mobilisasyon, ipagpatuloy ang pagrekluta sa mga lumitaw na aktibo. Sayang ang mobilisasyon kung lilitaw at maglalaho lamang na parang bula ang natipong masa. Dapat na may agarang solidong bunga sa pamamagitan ng pagrekluta ng mga bagong kasapi ng Anakbayan.

Makakaasa ang Anakbayan na makakapag-ambag ng malaki at makabuluhan sa pagsulong at tagumpay ng kilusang pambansa-demokratiko, kung mahusay at mabunga ang gawain sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa daan-daang libo hanggang milyun-milyong kabataang Pilipino.

Tulad ng Kabataang Makabayan, sa takbo ng pakikibaka, makakapag-ambag ang Anakbayan ng maraming matibay na aktibista o militante para sa pagpapalakas at pagsulong ng ibat ibang tipo ng organisasyon, gawain at anyo ng pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at demokrasya.

Mabuhay ang Anakbayan!

Isulong ang kilusang pambansa-demokratiko!

Mabuhay ang kabataan at sambayanang Pilipino! ###