Mensahe sa Forum ng ANAKBAYAN, Enero 20, 2013
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag ng Kabataang Makabayan
Taos puso kong binabati ang ANAKBAYAN, ang tanyag na komprehensibong pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataang Pilipino. Nakikiisa ako sa inyong layuning pukawin, organisahin at pakilusan ang malawak na masa ng kabataan para sa kanilang demokratikong karapatan at kahilingan alinsunod sa rebolusyonaryong tradisyon at linya ng Kabataang Makabayan.
Batid ko ang malakas na organisadong pundasyon ninyo. Mayroon kayong kasapiang higit na sa 20,000 sa inyong mga sangay sa mga iskwela, komunidad ng mga maralitang-lungsod, pamayananan ng mga magbubukid at iba pang lugar. Sa batayang ito, malaki ang magagawa ninyo sa pagsulong ng kilusang masa para ipaglaban ang mga karapatan at kabutihan ng kabataan at sambayanang Pilipino.
Karanasan sa Paglaban sa Estado
Marapat na sa darating na ika-20 ng Enero gugunitain at aralin ninyo ang matagumpay na pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada sa tinaguriang EDSA Dos noong 2001. Mahalaga ang papel na ginampanan ng ANAKBAYAN at ibang organisasyon ng kabataan sa pagtitipon ng malawak na masa sa Edsa at sa mapagsiyang pagdagsa ng 70,000 kabataan sa tarangkahan at paligid ng Malakanyang para paalisin si Estrada sa kanyang palasyo.
Sa pag-aaral sa kakayahan ng kabataan na lumaban sa kapangyarihan ng reaksyonaryong papet na estado, tandaan din ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 na nagpalakas sa Kabataang Makabayan. Nang ipataw ni Marcos ang pasistang diktadura sa bansa noong 1972, mayroon nang matibay na organisasyon ng kabataan sa buong kapuluan na pinanggalingan ng mga proletaryong rebolusyonaryo at Pulang mandirigma. Kaagad at sa kalaunan, natugunan ng digmang bayan ang batas militar..
Dahil sa pagkilos ng kabataan sa ibat ibang anyo ng pakikibaka, umabot ang lakas ng sambayanang Pilpino sa panahon na kayang ibagsak ang pasistang diktadura ni Marcos noong 1986. Dumagsa ang malaking bilang ng malawak na masa sa Edsa. Kasabay nito, nagtalaga rin ang Kilusang Mayo Uno at League of Filipino Students ng malaking bilang ng mga manggagawa at kabataan sa harap at paligid ng Malakanyang.
Sukdulang Pagsasamanatala at Pang–api
Nakaharap tayo muli sa isang rehimen na sukdulang taksil sa bayan, mapagsamantala, mapangurakot, malupit at sinungaling. Kapasyahan ng bayan na ibagsak ang kasuklam-suklam na rehimeng ito. Dahil sa pagsunod sa neoliberal na patakaran sa ekonomiya na pataw na US, pinalubha ng rehimeng US-Aquino ang pyudal at malapysudal na pagsasamantala sa masang anakpawis at pinasidhi ang paghihirap nila. Alinsunod sa Oplan Bayanihan na pataw din ng US, pinatindi ng rehimen ang panunupil, pagmamalupit at malawak na paglabag sa karapatang tao.
Palubha nang palubha ang kawalan ng trabaho at ng lupa at pagbaba ng kita samantalang pataas nang pataas ang presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo. Umaalingasaw ang korupsyon ng rehimeng Aquino at mga kasapakat sa kongreso, militar at iba pang ahensiya ng gobyerno. Ninanakawan pati ang foreign aid para sa mga biktima ng superbagyong Yolanda. Sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno na wala o kaunti ang pera para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyo sosyal pero daan-daang bilyong piso ang perang inilalaan para sa militar, korupsyon at pambayad sa utang.
Tumpak ang pagsasagawa ng isang forum na may pamagat, “OUST: Talakayan hinggil sa kilusang kabataan, kilusang pagpapatalsik at pagpapanibagong-panpunan.” Panahon na para gawin ang lahat na magagawa para patalsikin ang rehimeng US-Aquino. Ang lahat ng pagsisikap para patalsikin ang rehimeng ito ay pagpapalakas sa bayan para ibagsak ang bulok na naghaharing sistema sa kalaunan.
Pamamaraan sa Pagpapatalsik
Dapat nating sapulin ang katunayan na ang palasyo ng Malakanyang ay pinalilibutan ng mga eskwela at mga estudyante. Pukawin, organisahin at pakilusin ang mga estudyante dito. Kayang-kaya nilang okupahin ang lahat ng kalsada patungong Malakanyang. Ganito ang nangyari noong Unang Sigwa ng 1970 at nang ibagsak si Marcos noong 1986 at si Estrada noong 2001. Puedeng gawin muli ito. Pupuntahan sila ng mas malaking bilang ng masa mula sa iba’t ibang direksyon kapag okupado na ng mga estudyante ang kalsada.
Paratingin din sa kapaligiran ng Malakanyang ang mga kolumna ng masang magmamartsa mula sa Bonifacio Monumento-Caloocan, Tondo-Binondo, QC Rotunda-Sampaloc, Sta Ana-Pandacan, Makati, Pasay att iba pang assembly point. Ginawa ito nang paulit-ulit ng Kabataang Makabayan at iba pang organisasyon noong 1969 hanggang 1972. Puede pa ring gawin ito ngayon. Kung dadagdag ang mga Lakbayan mula sa mga lalalawigan sa hilaga at timog ng Manila, lalong mapaparami ang tuwirang lalahok sa kilusang pagpapatalsik.
Nasa Inyo ang mga Pamamaraan
Nasa inyo ang mga pamamaraan sa pagtititipon ng masa para umabot sa daan-daang libo at kahit sa isa o dalawang milyon. Batay sa ating karanasan, paghahanda lamang ang mga gasampunlibong kalahok sa demonstrasyon. Kapag umabot na sa gasandaang libo ang lalahok, doon lilitaw ang probabilidad na mapatalsik ang hari mula sa kanyang trono. Kapag ganito ang antas ng kilos masa, mag-uumpisa nang mag-isip ang mga naghaharing uri na palitan nila ang hari bago malusob ang palasyo.
Ang sinasabi ko ngayon ay mga posibilidad na hango sa dating mga karanasan sa pagpapalaki ng kilos masa. Laging maliwanag naman ang pangkalahatang linya sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nasa inyo ang pagpapasya kung ano ang mabisang mga islogan at taktika para pukawin, organisahin at pakilusin ang kabataan at sambayanan hanggang sa antas at yugto na kaya na nilang patalsikin ang rehimeng US-Aquino.
Mabuhay ang ANAKBAYAN! at kabataang Pilipino!
Patalsikin ang rehimeng US-Aquino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!