Home News news reports HINGGIL SA PAMAHALAANG DEMOKRATIKO NG BAYAN

HINGGIL SA PAMAHALAANG DEMOKRATIKO NG BAYAN

0

By Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly Online
05 March 2012

Lalong ipinamamalas ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona ang matinding pagkabulok ng mga institusyon ng gobyerno, kabilang ang hudikatura. Samantala, matagal nang lantad ang elitistang katangian ng paggawad ng hustisya sa bansa.

Pero may itinuturing ang ilan na isa pang gobyerno sa bansa, na sinasabing may sariling mga institusyon ng paggawad ng hustisya, paggogobyerno at demokrasya. Ito ang gobyerno, ayon sa mga tagasuporta nito, ng National Democratic Front, sa mga lugar na “pinalaya” ng armadong puwersa ng New People’s Army mula sa kamay ng gobyerno ng Manyila.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly, sa pamamagitan ng e-mail, si Prop. Jose Maria Sison, tagapagtatag na tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas at punong tagapayo sa pulitika ng National Democratic Front sa usapang pangkapayapaan.

Tinanong natin siya hinggil sa “alternatibong paggogobyerno” diumano ng NDF sa ilang bahagi ng bansa.

PW: Matagal nang sinasabi ng NDFP na mayroong shadow o parallel government na namumuno sa mga bahagi ng bansa na kontrolado ng rebolusyonaryong kilusan. Maaari ba ninyong ipaliwanag kung paano tumatakbo ang gobyernong ito? Ano ang pinagkaiba ng gobyerno ng rebolusyonaryong kilusan sa kinikilalang gobyerno ng Pilipinas?

JMS: Milyun-milyong masa at malawak na teritoryo na saklaw ng mga gerilyang larangan sa 70 prubinsya ay pinamamahalaan ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang suma total ng mga organong ito ay maituturing na pamahalaang demokratiko ng bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Komite ang anyo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Katulong nito ang sub-komite sa edukasyong publiko, reporma sa lupa, produksyon, kalusugan, depensa, kultura, arbitrasyon, atb. Nakasalalay ang ang mga komite sa mga organisasyong masa at sa malawak na masa.

Ang pamahalaang demokratiko ng bayan ay batayang gobyerno ng mga anakpawis (mga manggagawa at magsasaka) at mga nasa panggitnang saray ng lipunan. Kaiba sa reakyonaryong gobyerno ng mga malaking komprador at asendero na papet ng imperyalismong Amerikano. Ang reaksyonaryong gobyerno ay nakasentro sa kalunsuran at ang pangulo nito ngayon ay si Benigno S. Aquino III.

PW: Sa inyong pagkakaalam, paano sinisiguro ng rebolusyonaryong kilusan ang demokratikong pamumuno? Paano pinipili ang mga namumuno?

JMS: Sinisiguro ng rebolusyonaryong kilusan ang demokratikong pamumuno sa pagtiyak na ang mga kandidato ay mula sa uring magsasaka at manggagawa sa pangunahin at mga mula sa panggitnang saray bilang dagdag. Mayroon silang karanasan ng pagkilos sa mga organisasyong masa na dapat magnomina sa kanila.

Ihinahalal ang mga kagawad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitka ng masa ng baranggay o baryo o ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa, depende sa kalagayan sa seguridad. Sa umpisa lamang sa mga bagong lugar, hinihirang ng hukbo at Partido ang mga kagawad ng pansamantalang organo ng kapanyarihang pampulitika.

PW: Paano sinisiguro ng rebolusyonaryong kilusan ang malinis na paggogobyerno?

JMS: Sinisiguro na malinis ang paggobyerno sa pamamagitan ng mga sumusunod: 1. pagnomina at paghalal ng mga kagawad ng komite batay sa matatag na rebolusyonayo at makauring paninindigan at militanteng pagkilos sa mga organisasyong masa, 2. mahigpit na ugnayan at araw-araw na paglilingkod sa masa, 3. laging bukas sa mga puna at suhestyon mula sa masa, 4. superbisyon ng masa sa mga opisyal, 5. pag-recall at pagpapalit sa mga opisyal na hindi nagsisilbi sa masa at 6. pagsasakdal at paglilitis sa mga opisyal na may kriminal na pananagutan.

PW: Mayroon ding alternatibong sistema sa paggawad ng hustisya ang rebolusyonaryong kilusan, na tinatawag nilang “Hukumang Bayan.” Sa Hukumang Bayan, sinu-sino ang mga tumatayong hukom? Ano ang pinagkaiba nito sa hudikatura ng kasalukuyang sistema?

JMS: May sistemang legal at hudisyal ang pamahalaang demokratiko ng bayan. Ang buod ng sistemang ito ay ang hukumang bayan sa ibat ibang antas: lokal, probinsyal, rehiyonal at nasyonal. Sa bawat hukuman, may tatlong hukom na hinirang ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at masa.

Pinakamalaking pagkakaiba ng hukumang bayan sa reasyonaryong hukuman ay ang rebolusyonaryo at makauring paninindigan at pagkilos para sa mga anakpawis at para sa sambayanang Pilipino. Itinataguyod ng hukumang bayan ang mga karapatan at interes ng mga anakpawis at sambayanang Pilipino laban sa imperyalista at mga reaksyonaryong uri. Sa mga kasong administratibo, sibil o kriminal sa hanay ng masa, tinitiyak ng hukumang bayan na makatarungan ang pag-imbestiga, paglilitis at paghuhusga.

PW: Paano pinapangalagaan ng Hukumang Bayan ang kapakanan/ karapatan ng kababaihan?

JMS: Sa ilalim ng Konstitusyon, Programa at mga batas ng pamahalaang demokratiko ng bayan, maliwanag ang mga karapatan at kapakanan ng kababaihan. Tinatanggap din ng pamahalaan ang balidad at bisa ng mga karapatan at kapakanan ng kababaihan na nakasaad sa mga internasyonal na batas at kumbensyon. Tinatanggap, linilitis at hinuhusga ng hukumang bayan ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatan at kapakanan ng kababaihan. Administratibo, sibil or kriminal man ang katangian ng kaso.