Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa naganap na Congress hearing tungkol sa Mamasapano incident.
ITANONG MO KAY PROF
April 9, 2015
1. Sa kabuuan, ano po ang inyong masasabi sa katatapos pa lang na hearing sa Kongreso hinggil sa Mamasapano incident?
JMS: Lalong lumiliwanag na si Aquino ang nag-utos na isagawa ang Oplan Exodus at siya rin ang nag-authorize sa suspendidong Heneral na Purisima bilang kasama niya sa pagmando kay Napeñas at inako nilang dalawa ang koordinasyon sa loob ng PNP at sa AFP.
Nagtaksil si Aquino sa mga pinaslang na 44 na police commando dahil hindi siya kumilos para iligtas ang mga ito magmula nang 7 a.m. hanggang 12 noon kung kailan naipit at napalaban ang SAF 44 hanggang naubos.
Tama ang sabi ni Napeñas na si Aquino at Purisima ang dahilan ng kawalan ng saklolo at pagkamatay ng SAF 44. Tama rin ang pagtutuon ni Congressman Neri Colmenares sa katotohanan na hindi kumilos ang commander-in-chief para iligtas ang mga pinaslang.
2. Nabasa nyo po ba ang 20 tanong na inihanda ng Makabayan bloc para sa Congress hearing? Bakit po kaya hindi ito sinang-ayunan ng nakararaming kongresista na ipadala man lamang sa palasyo para mabasa ng pangulo at bahala na siya kung sasagutin niya ang mga ito o hindi?
JMS: Binasa ko nang masinop ang 20 tanong. Tama ang panimulang tanong kung bakit inauthorize ni Aquino si Purisima na magcommand kay Napeñas. Tama ang tanong kung bakit si Aquino ay walang ginawa para pakilusin ang Army at iligtas ang mga kawawang police commando. Tama ang tanong kung bakit hindi nag-utos si Aquino ng fly over sa maisan.Tama ang tanong tungkol sa pag-utos ng US kay Aquino.
Ang mga kongresista na nagharang sa 20 tanong ay naglantad sa sarili bilang mga utusan at kasabwat ni Aquino sa katiwalian. Alam naman ng sambayanan na mga 90 por syento ng Lower House ay mga garapal na magnanakaw sa pork barrel.
3. Ano po kaya ang nagtutulak kay Pnoy na umiwas sa mga pagtatanong hinggil sa kanyang responsibilidad sa Oplan Exodus? Magkakaroon po ba kaya ng magandang bunga ang Congress hearing kahit wala ang pangulo?
JMS: Ayaw ni Aquino na sagutin ang 20 tanong dahil lalong malalantad ang kriminal na pananagutan niya sa pagpaslang sa mga mga police commando ng SAF gayundin sa kanyang pagsisinungaling sa bayan. Ayaw din ni Aquino na lalong malantad ang pag-utos ng US sa kanya.
Mahirap sabihin na makakagawa ng final report ang Lower House para ilantad ang buong katotohanan at pananagutin si Aquino dahil mayorya sa Lower House ang mga kasabwat ni Aquino sa pangungurakot, mas malamang na white wash or yellow wash ang mangyayari.
4. Sa panahon ng mga pagtatanong hinggil sa kondukta ng dapat ay tulungan na nangyari sa pagitan ng PNP-SAF at AFP, para mailigtas ang SAF 44, meron pong ilang magkakaibang paliwanag ang dalawang pwersa ng pamahalaan na maaaring mauwi sa matinding di pagkakaunawaan kung ito ay isasawalang bahala lamang. Ano po ang inyong pagtingin sa bagay na ito?
JMS: Maliwanag naman na si Aquino ang may kasalanan dahil sa stand down order niya. May utos siyang huwag saklolohan ang SAF 44 para iwasan daw ang labanan ng Army at MILF. Isa pa, nabuwisit si Aquino sa SAF dahil nakatakas si Usman. Naging dahilan na ito para maging mababaw ang pansin ni Aquino sa mga update at hindi na niya sapol ang kalagayan na mauubos na yong SAF 44.
5. Ano po ang inyong masasabi sa partisipasyon ng Magdalo Party List sa Congress hearing ng Mamasapano?
JMS: Malamang na susundin nila ang pagsipsip kay Aquino, tulad ng ginagawa ni Trillanes sa Senado at sa press releases niya. Itatambak nila kay Napeñas at SAF ang sisi sa pagkapaslang ng mga kapwa nilang SAF.
6. Ano po ang inyong pagtingin sa kahihinatnan nina Purisima at Napeñas sa imbestigasyon ng nabigong Oplan Exodus?
JMS: Baka sa katapusan, sina Purisima at Napeñas at SAF lang ang babatikusan ng final report ng Lower House. Posible ring si Napeñas lamang ang tatambakan ng sisi dahil sa kung pananagutin nila si Purisima magiging tampok din ang katotohanan na si Aquino ang may pinakamabigat na kasalanan.
Si Aquino ang nag-authorize sa isang suspendidong heneral na maging taga-utos kay Napeñas. Hindi niya inisip na wala sa katayuan si Purisima na makipagcoordinate sa loob at labas ng PNP. At kriminal na nagpabaya naman si Aquino kahit siya na ang umako sa koordinasyon bilang commander-in-chief.