ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
& Kasalukuyang Tagapangulo, International League of Peoples´ Struggle
Pebrero 21, 2013
Mga kasama at mga kaibigan,
Maalab na rebolusyonaryong pagbati sa inyong lahat!
Isang malaking karangalan para sa akin ang maimbitahan bilang punong tagapagsalita ng Diosdado Fortuna Academy, isang pampulitikang paaralan ng mga manggagawa sa rehiyong Timog Katagalugan na naglalayong magbigay ng programang pang-edukasyon sa mga manggagawa at propesyunal sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng kanilang hanay laban sa naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.
Ipinapaabot ko ang aking pinakamarubdob na pakikiisa sa mga organisador at mga delegado sa porum na ito para sa ika-165 taong anibersaryo ng pagkakalimbag ng Communist Manifesto o Manipesto ng mga Komunista. Nais kong samantalahin ang pagkakataon na ito upang talakayin ang kahalagahan at kabuluhan ng dakila at makasaysayang dokumentong ito sa nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.
Nais kong talakayin ang paksa sa dalawang bahagi. Una, ilalahad ko ang Communist Manifesto na siyang naglatag ng mga pundamental na prinsipyong gabay ng uring manggagawa sa rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa kasalukuyan at siya ring naglinaw ng kalagayang kolonyal ng Pilipinas noong ika-19 na siglo. Matapos ito, ilalahad ko kung paanong pinalawig at pinaunlad ang mga aral ng Communist Manifesto ng mga sumunod na dakilang guro matapos sina Marx at Engels, at ang paglalapat nito sa mga kalagayan ng ika-20 siglo at mga sumunod na panahon.
Kahalagahan at Kabuluhan ng Communist Manifesto
Sa pagsusulat ng Communist Manifesto, inilapat nina Marx at Engels ang kanilang materyalista-siyentipikong pananaw at pamamaraan ng pagsusuri sa kasaysayang panlipunan ng daigdig at sa mga kongkretong kondisyon ng kapitalismo sa yugto nito ng malayang kumpetisyon sa England noong 1848. Palagiang nakita nila ang umiiral na mga pwersa sa produksyon (ibig sabihin, ang mga kasangkapan, kagamitan, at mga tao sa produksyon) bilang batayan ng relasyon sa produksyon at ang kabuuang moda sa produksyon bilang base ng panlipunang superistruktura (pulitika, batas, kultura, pilosopiya, at iba pang katulad).
Sa paglalapat ng materyalistang diyalektika, kanilang tinunton ang mga pagbabago sa mga sistemang panlipunan sa pagbabago-bago ng moda ng produksyon at superistruktura sa ilampung libong taong nagdaan mula primitibo komunal tungong lipunang may uri, pagsulong mula sistemang alipin tungong pyudalismo, hanggang kapitalismo. Kanilang nasuri na mula nang umusbong ang mga uring nagsasamantala at pinagsasamantalahan, ang kasaysayan ay kasaysayan na ng tunggalian ng mga uri.
Binansot ng mga higanteng konstruksyon sa kapitalismong yugto ng panlipunang pag-unlad ang lahat ng mga naunang sibilisasyon. Nakita nina Marx at Engels na kailangan ng uring kapitalista ang mga manggagawa upang magtrabaho sa mga makina upang sa gayon ay makapasok sa malakihang produksyon at magkamal ng malaking tubo sa paghuthot ng labis na halaga (o ang hindi binayarang sahod) mula sa mga manggagawa. Ginagamit ng mga kapitalista ang kanilang tubo sa pamamagitan ng pagpapalaki ng kanilang palagiang kapital (pabrika, makina, hilaw na materyales) at pagbabawas naman sa baryableng kapital para sa sahod.
Habang paparami nang paparami ang kanilang nililikha para sa mga kapitalista, lalo namang nagdurusa ang mga manggagawang industriyal sa pagbawas sa kanilang tunay na sahod at malawakang tanggalan tuwing puputok ang krisis ng labis na produksyon. Upang makaagapay sa papataas na antas ng pagsasamantala, lalong namulat ang mga manggagawa sa kanilang sarili bilang isang uri at nagtayo sila ng kanilang mga unyon para sa pakikibakang pang-ekonomiya. Dahil sumasailalim sila sa papaigting na pang-aapi, namulat sila bilang isang uri na may sariling interes at hinaharap at nagtayo ng mga pampulitikang partido upang hamunin at mandi’y naghangad patalsikin ang uring kapitalista.
Isinalarawan nina Marx at Engels ang uring kapitalista bilang siyang nagluwal ng proletaryadong industriyal na huhukay ng libingan ng uring kapitalista. Tinukoy nila Marx at Engels na kailangang makibaka ang manggagawa sa pagpapalakas ng kanilang uri nang sa gayo’y ipagtagumpay ang batalya para sa demokrasya. Kailangang patalsikin ng manggagawa ang burgesya at buwagin ang sistema nitong aliping sahuran upang maisakatuparan ang makasaysayang misyon nito na itayo ang sosyalismo. Kailangang palitan ang makauring diktadura ng burgesya ng makauring diktadura ng proletaryado.
Sa Communist Manifesto, nakita nila Marx at Engels ang kontekstong panloob at pang-internasyunal ng tunggalian ng mga uring burgesya at proletaryado. Kanilang tinukoy ang higit na pagkakahati ng lipunan sa kampo ng burgesya at proletaryado sa gitna ng papatinding kontradiksyon sa hanay ng mga kapitalista sa isang bansang kapitalista gayundin sa iba’t ibang mga kapitalistang bansa, ang patuloy na pagkakalansag ng mga magsasaka at artesano, at ang brutal na pagsasamantala ng mga kapangyarihang kolonyal sa mga anakpawis sa mga kolonyang bansa.
Inihudyat nina Marx at Engels ang panawagang, “Manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!” Kanilang idineklara na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan, nagbabangon ang isang pinagsasamantalahang uri – ang proletaryadong industriyal – at may kakayahan itong palayain ang sarili at iba pang aping uri. Isa itong radikal na paghiwalay sa mga milenyo ng pribadong pag-aari ng kasangkapan sa produksyon, at naghahawan ng daan para sa sosyalismo at komunismo.
Kanilang diniinan ang pagiging makatarungan at pangangailangan ng mahigit 90% ng mamamayan sa pagbawi, para sa kapakinabangan ng nakararami, ng panlipunang yamang kanilang nilikha ngunit inangkin ng burgesya. Kanila ding idineklara na hindi lalaya ang mga manggagawa sa kapitalistang bansa hangga’t hindi napapalaya ang mga mamamayan sa mga kolonya.
Naobserbahan din nina Marx at Engels na pumihit ang mga bansang kapitalistang industriyal mula sa merkantilistang patakarang pang-estado na kinatangian ng lantay na pandarambong sa mga kolonya, at bumaling sa pagbabandilyo ng islogang “malayang kalakalan” upang bagsakan ang mga kolonya ng mga manupaktura at kunan ng mas marami pang mga hilaw na materyales. Gayunman, nagpatuloy ang kolonyalismo bilang pamamaraan sa primitibong akumulasyon ng kapital, dagdag pa sa proletaryanisasyon ng mga magsasaka at paghuthot ng labis na halaga mula sa proletaryado.
Sa ganitong punto, masasabi nating lubos na napakalahaga at makabuluhan ang Communist Manifesto sa demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino dahil ito ay pinamumunuan ng proletaryado at may perspektibang sosyalista. Nilinaw nito ang namumunong rebolusyonaryong papel ng proletaryado sa kontekstong pambansa at internasyunal, at sa parehong pambansa-demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino. Nagbigay-linaw ito sa kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas at ang sumunod na kalagayang malakolonyal at malapyudal. Sa pamamagitan lamang ng bagong demokratikong rebolusyon sa ilalim ng makauring pamumuno ng proletaryado maaaring sumulong mula sa pambansa at panlipunang paglaya tungong rebolusyong sosyalista at sa kalauna’y komunismo.
Kawastuhan ng Communist Manifesto
Kahit pa isinulat ang Communist Manifesto sa panahon ng malayang kumpetisyon ng kapitalismo, nananatiling wasto ang pagsusuri nito sa kapitalistang anyo ng lipunan at ang mga prinsipyo ng makauring pakikibaka ng proletaryado at makauring diktadura ng proletaryado bilang batayan para sa sosyalismo. Itinaguyod, pinalawig, at ibayong pinaunlad ni Lenin ang mga turo sa Communist Manifesto ni Marx at Engels sa pamamagitan ng pagtukoy sa pag-unlad ng malayang kumpetisyon tungong monopolyong kapitalismo o modernong imperyalismo, at ang pag-usbong ng proletaryong rebolusyon.
Sa unang hati ng siglo (1848-1898) matapos ilimbag ang Communist Manifesto, ang mga nilalaman nitong aral ay kauna-unahang pinatunayang wasto sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ng proletaryadong nagtatag ng Komuna ng Paris noong 1871. Kahit pa nagapi ito matapos ang dalawang buwan, ito ang naging panimulang halimbawa ng proletaryong rebolusyon. Inaral ni Marx ang mga kalakasan at kahinaan nito upang higit pang tanglawan ang landas ng proletaryong rebolusyon. Sa huling dekada ng ika-19 na siglo, naging pangunahing tunguhing ideolohikal at pulitikal ang Marxismo sa kilusang unyon sa Europa.
Sa ikalawang hati ng siglo (1898-1948) matapos ang pagkakalimbag ng Communist Manifesto, isinagawa ni Lenin ang kritika sa monopolyong kapitalismo bilang naghihingalong kapitalismo at lubhang agresibong imperyalismo. Tinuran niya ang yugtong ito bilang panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon, hinahalinhan ang pandaigdigang burges-kapitalistang rebolusyon ng pandaigdigang proletaryong sosyalistang rebolusyon. Iniugnay niya ang proletaryong rebolusyon sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa panibagong panawagang, “Manggagawa at inaaping mga mamamayan at bansa sa daigdig, magkaisa!”
Sa kanyang teorya ng di-pantay na pag-unlad ng kapitalismo, nabanaag ni Lenin ang posibilidad ng tagumpay ng proletaryado laban sa burgesya sa pinakamahinang bahagi ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Bilang resulta ng unang digmaan sa pagitan ng mga imperyalista, nanaig ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre noong 1917 sa Rusya, ang pinakamahinang kawing sa mga kapangyarihang imperyalista. Sa ilalim ng Ikatlong Komunistang Internasyunal, itinatag naman ang Partido Komunista ng Kapuluang Pilipinas noong 1930 at naglayong ipagpatuloy ang di-tapos na rebolusyong Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Sinupil ng kolonyal na rehimeng Amerikano ang partido ilang buwan matapos ang pagtatatag nito. Magiging ligal ito noong 1936 alinsunod sa pagbubuo ng anti-pasistang Prente Popular laban sa Hapon. Nagresulta ang ikalawang digmaan ng mga imperyalista sa pagkakabuo ng hukbong bayan sa ilalim ng pamumuno ng pinagsanib na mga partidong Komunista at Sosyalista. Subalit binawasan ang tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan dulot ng Kanang oportunistang pagkakamali sa patakarang “umatras upang magtanggol”.
Nagdulot ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa tagumpay ng mga pwersang anti-pasista at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya, at sa paglitaw ng ilang sosyalistang bansa sa Silangang Europa at Asya. Rumurok sa panibagong antas ang proletaryong sosyalistang rebolusyon. Lumaganap din ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa Asya, Africa, at Latin America. Sa loob lamang ng 100 taon, ang mga turo ng Communist Manifesto ang naging epektibong gabay sa rebolusyonaryong aksyon ng proletaryado at mamamayan sa ilang bansang sosyalista at sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista at sosyalista.
Sa Pilipinas, binigo ang mga pagtatangkang ipagpatuloy ang rebolusyon ng “Kaliwang” linyang oportunistang “tagumpay sa loob ng dalawang taon” noong 1949-50 at ang Kanang oportunistang linyang likidahin ang hukbong bayan noong 1955 at ang partidong pinagsanib noong 1957. Subalit ginatungan ng lalong lumalalang kalagayan ng pagsasamantala at panunupil sa sistemang malakolonyal at malapyudal ang pagnanasa ng mga mamamayang makibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya, at ang mga tagumpay ng sosyalismo at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa ibayong dagat ay patuloy na nagbigay-inspirasyon at pag-asa sa sambayanang Pilipino.
Sa loob ng unang dekada ng ikatlong hating siglo (1948-98) matapos ang pagkakalimbag ng Communist Manifesto, nagpatuloy ang pagtatagumpay ng mga rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng mga partido ng komunista at manggagawa. Nagtagumpay ang rebolusyong Tsino sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina at binasag ang hanay na imperyalista sa Silangang Asya. Sangkatlo ng sangkatauhan ang pinamamahalaan ng mga partido ng komunista at manggagawa. Isa itong pagsulong mula sa dating sinasaklaw na sang-anim (1/6) sa daigdig ng Unyong Sobyet. Nakibaka ang mga mamamayang Koreano sa mananalakay na US, pinadanas ito ng malulubhang pinsala at inobliga silang tanggapin ang isang kasunduang armistice o matagalang tigil-putukan.
Subalit sa loob ng Unyong Sobyet, namayagpag ang rebisyunismong Khrushchov matapos ang pagkamatay ni Stalin at kasunod na lumikha ng paghiwalay sa Marxismo-Leninismo sa pandaigdigang kilusang komunista noong mga dekada 1950-60. Sumunod ang rebisyunismong Brezhnev at sosyal-imperyalismo na nagpalala sa burges na pagkabulok at krisis ng Unyong Sobyet at mga rebisyunistang rehimen sa Silangang Europa. Kahit pa pinangunahan ng Partido Komunista ng Tsina ang mga Marxista-Leninista laban sa modernong rebisyunismo, ilang panlipunang salik at pagsamba ng lahat sa Unyong Sobyet (kabilang ang rebisyunismo) ang nagpatuloy na nagtulak sa Kanan-ismo at rebisyunismo sa Tsina at sumalunga sa proletaryong rebolusyonaryong linya ni Tagapangulong Mao.
Sa dekadang 1966 hanggang 1976, isinulong ni Mao ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado upang bakahin ang rebisyunismo, pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo, at konsolidahin ang sosyalismo sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Di naglaon, matapos ang kanyang pagkamatay, nagsagawa ng kudeta ang mga rebisyunistang Tsinong pinamunuan ni Deng Xiaoping upang bigyang-daan ang mga repormang makakapitalista at pagpasok sa pandaigdigang sistemang kapitalistang dominado ng US. Ang ganap na pagkatalo ng imperyalismong US sa kamay ng mga mamamayang Byetnames noong 1975 nasapawan ng panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang pinamumunuan ng mga rebisyunista.
Pinabilis at kinumpleto ang buong panunumbalik ng kapitalismo nina Gorbachov, Deng Xiaoping at iba pang mga rebisyunistang taksil sa sosyalistang simulain. Nasaksihan sa mga taong 1989 hanggang 1991 ang panlipunang ligalig sa Tsina, ang pagkalansag ng mga rehimeng rebisyunista sa Silangang Europa at ang pagbagsak ng Unyong Sobyet noong 1991. Dumanas ng pansamantalang pagkatalo at pag-atras ang pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Bilang tanging superpoder, pinaigting ng imperyalismong US ang ibat’t ibang tipo ng opensiba laban sa proletaryado at mamamayan ng daigdig.
Katatagan ng Partido Komunista ng Pilipinas
Sa loob pa rin ng ikatlong hating siglo matapos ang pagkakalimbag ng Communist Manifesto, itinaguyod ng Partido Komunista ng Pilipinas ang dakilang dokumentong ito ng proletaryong rebolusyon bilang kanyang pulang bandila. Binigyang inspirasyon ito ng lahat ng mga nagdaang tagumpay ng mga rebolusyong anti-imperyalista at sosyalista. Sa muling pagtatatag nito noong Disyembre 26, 1968, ginabayan na ang Partido ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Tinanganan nito ang rebolusyonaryong paninindigang ipagpapatuloy ng proletaryado at mamamayan ng daigdig ang pakikibaka at aani ng mga tagumpay.
Tumalima ito sa tatlong batayang komponente ng Marxismong inihapag ni Marx at Engels sa pilosopiya, ekonomiyang pampulitika at syensyang panlipunan. Natuto ito mula sa Marxista-Leninistang teorya at praktika ng sosyalistang rebolusyon nina Lenin at Stalin ng Unyong Sobyet. Natuto ito mula sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ni Mao sa mga dakilang tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa bansang malakolonyal at malapyudal, sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, at sa teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado.
Nang maganap ang buong panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang pinamumunuan ng mga rebisyunista noong mga taong 1989-91, malakihan at malalimang nagtamasa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Matatag nitong isinagawa ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, malinaw na naninindigan para sa sosyalismo laban sa modernong rebisyunismo at nagpatuloy sa bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at sa landas ng sosyalismo.
Nagpahayag ang PKP ng mariing kawalang-respeto sa mga kapangyarihang imperyalista at kanilang mga alipuris habang kanilang inaanunsyo ang pagtatapos ng kasaysayan sa kapitalismo at liberal na demokrasya, ang pagkamatay ng sosyalismo at ang pagtatapos ng epokal na tunggalian ng proletaryado at burgesya. Nagpahayag din ito ng kawalang-respeto sa mga rebisyunista, mga neo-rebisyunista, mga Trotskyista, mga liberal at neoliberal na nakikoro sa mga kapangyarihang imperyalista sa pagkagalak sa pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen at maling tinukoy ang mga ito bilang mga bigong rehimeng sosyalista. Pinalalabo nila ang katotohanang ang bumagsak na mga rebisyunistang lider, kanilang mga pamilya at kaibigan ay nakikibahagi sa malaganap na pribatisasyon ng mga pag-aaring publiko at maaari nila itong gawin dahil sa mga nakalipas na dekada ng pag-iral ng kapitalismo at maling pagtutukoy sa rebisyunismo bilang sosyalismo.
Kahit pa bago magtapos ang ikatlong hating siglo mula nang ilimbag ang Communist Manifesto, masiglang nanatili ang PKP sa unahan ng pagtataguyod, pagtatanggol, at pagsusulong sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa pagbubuklod ng proletaryado at mamamayan sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya, at sosyalismo laban sa papaigting na opensibang imperyalista sa larangang pang-ideolohiya, pampulitika, ekonomiko at militar.
Matatag at militante ang mga Pilipinong proletaryong rebolusyonaryo sa pagsasagawa ng mga pakikibakang pang- ideolohiya at pampulitika laban sa mga ideya at sentimyentong anti-komunistang pinakawalan ng mga institusyong akademiko, mass media, partidong pampulitika, at iba pang mga kinakasangkapan ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo. Nangunguna sila sa pagtutol sa mga patakarang neoliberal ng “malayang pamilihang” globalisasyon at mga digmang agresyon, panghihimasok, at pang-uupat ng mga imperyalista sa pangunguna ng US. Malinaw nilang inilantad ang paglubha ng neokolonyalismo dahil sa neoliberalismo.
Mula nang ipatupad ang patakarang pang-ekonomiyang neoliberal sa pagsisimula ng dekada 1980, sa bigong pagtatangkang mapangibabawan ang penomenon ng stagflation, naharap ang US at iba pang mga imperyalista sa papalalang krisis ng labis na produksyon at lalo pang papalaking kawalang kakayahan ng mga estadong imperyalista at mga ahensyang multilateral na lutasin o pahupain ang krisis. Mula nang magtapos ang Cold War, ginamit ng US at iba pang mga imperyalista ang produksyon para sa digma at mga gerang agresyon kapwa upang magsagawa ng walang saysay na pagtatangkang malutas ang problema ng pagtumal ng ekonomiya at upang dakmain ang langis at iba pang hilaw na materyales, pamilihan, ang larangan ng pamumuhunan, at saklaw ng impluwensya.
Mataas ang tiwala ng mga kasalukuyang proletaryong rebolusyonaryo na sa ikaapat na hating siglo (1998-2048) matapos ilimbag ang Communist Manifesto, tatamaan ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng mas malulubhang krisis, ibayong panunupil, at maraming nakahihindik na mga digmaan; habang higit na determinado at puspusan namang lalaban ang proletaryado at mamamayan ng daigdig para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya, sosyalismo at sa ultimong layuning komunismo.
Sa ngayon, gumagalaw at lumalaki ang mga pwersa ng kilusang anti-imperyalista at pandaigdigang proletaryong rebolusyon bunsod ng papasidhing krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. ‘Di hamak na higit silang mas makapangyarihan at matagumpay bago dumating ang 2048, ang ika-200 taong anibersaryo ng pagkakalimbag ng Communist Manifesto. Hindi habang panahong tatanggapin ng proletaryado at mamamayan ang pagsamantalahan at apihin ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo. Tiyak silang babangon at aani ng mga tagumpay sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.
Sa pagsisikhay sa rebolusyonaryong pakikibaka, sa ilalim ng inspirasyon ng Communist Manifesto, umani na ang Partido Komunista ng Pilipinas at sambayanang Pilipino ng karangalan bilang tagapamandila ng rebolusyon sa panahong gipit ang pakikibaka ng proletaryado at mamamayan dahil sa mga pangkalahatang kondisyon ng rebisyunistang pagkakanulo, pagkatalo at pag-atras ng mga dating pwersang rebolusyonaryo, at sa mga inilunsad na walang-awang opensiba ng imperyalismo at reaksyon.
Maraming salamat. Mabuhay kayo! ###