Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Ika-21 ng Pebrero 2014
Kapwa kong mga aktibista,
Nagagalak ako na sa taong ito pinangungunahan ng NNARA-Youth ang kampanyang may pamagat “KM@50: Pagpapatuloy ng adbokasiya para sa tunay na repormang agraryo” bilang pagkilala sa naging paninindigan ng Kabataang Makabayan sa usapin ng repormang agraryo.
Angkop na manguna ang NNARA-Youth sa kampanya dahil sa ito ay isang pang-masang organisasyon ng mga kabataan at estudyante na nakikiisa sa panawagan ng uring magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Kaya ng NNARA-Youth na magsagawa ng iba’t ibang aktibidad para ipatampok sa pinakamalaking bilang ng mga kabataan at estudyante ang pakikibaka ng mga magsasaka at sa kalaunan ay mapalahok sila rito. Pagkakataon na rin ang kampanya upang palawakin ang kasapian at palakasin ang NNARA-Youth.
Isang karangalan na kalahok ako sa paglulunsad ng panimulang serye na aktibidad na katatampukan ng magkakasabay na aksyong propaganda at programa sa UP Diliman, UP Manila at PUP. Angkop na lundo ng mga aktibidad ang talakayan hinggil sa kasaysayan ng KM at paninindigan nito para sa tunay na repormang agraryo.
Mula’t sapul tinutukoy sa saligang batas at programa ng Kabataang Makabayan ang uring manggagawa bilang namumunong uri at ang uring magsasaka bilang pinakamalaking pwersa sa pagsasagawa ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa na kontrolado ng imperyalismong US.
Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ang pagpapatupad sa rebolusyong agraryo na siyang pangunahing pangangailangan ng uring magsasaka. . Ito ang paraan ng kanilang paglayang sosyo-ekonomiko at pampulitika. Magkakaroon lamang ng pambansang kalayaan at pag-unlad ang sambayanang Pilipino kapag mapalaya ang uring magsasaka sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo na isinasabay sa pambansang industriyalisasyon.
Malaki, mahalaga at mapagsiyang bahagi ng Kabataang Makabayan ang kabataang magsasaka mula sa umpisa. Sa pagtatayo ng KM, inugnayan sila sa pamamagitan ng mga samahan ng mga magsasaka sa Gitnang Luson at Timog Katagalugan.
Sa gayon, napadali ang pagtungo ng mga kabataang tagalunsod sa kanayunan para makisalamuha sa uring magsasaka, kabilang ang kabataan nila sa pamamagitan ng pagsisiyasayat sa sosyal na kalagayan at gawain masa para pukawin, organisahin at pakilusin sila para sa kanilang mga karapatan at interes.
Inabutan ng KM ang Agricultural Land Reform Code ni Macapagal na nangakong buwagin ang lumang sistemang kasama (tenancy). Subalit binatbat ng butas ang batas para ilagan ng mga asendero ang pagpawi sa sistemang kasama at pamamanginoong maylupa. Sa pananalita lamang, nag-itsurang mas mabuti ang repormang agraryo ni Macapagal kaysa sa mga dating reporma sa lupa nina Quezon hanggang Garcia na namimili ng mga asyenda sa mataas na presyo at ibinenenta ang mga ito sa mataas ding presyo o kaya simpleng hihimok ang mga walang lupa na kumuha ng homestead sa umiiral pang mga prontera.
Sa ikalawang hati ng dekadang 1960, lalong naging malupit ang rehimeng Marcos sa harap ng palubhang krisis ng sistema at laban sa mga kilos protesta ng kabataan at sambayanan. Lalong pinahigpit ng KM ang ugnay nito sa uring magsasaka at naghanda laban sa pakana ni Marcos na maging pasistang diktador. Maraming aktibista ng KM ang naging kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Noong Nobyember 1969, nagtagpo sa isang demostrasyon ang ilanlibong KM at 15,000 libong magsasaka sa harap ng Kongreso.
Nang ipataw ni Marcos ang pasistang diktadura sa buong bansa, dumami ang KM sa kanayunan. Sumapi sila sa Partido at sa hukbong bayan. Tumulong sila sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa bilang integral na sangkap ng digmang bayan, kaugnay ng sandatahang pakikibaka at gawaing masa. Pinabulaanan at binatikos nila ang panibagong pagkukunwari ng rehimeng Marcos sa reporma sa lupa.
Tulad ng dati, ang mga palayan at maisan lamang ang saklaw ng reporma sa lupa. Lalo pang mapagkunwari ang Code of Agrarian Reform ni Marcos kaysa sa kodigo ni Macapagal. Naglatag ng pormula para mapirmi raw ang presyo ng lupang palayan o maisan at gagawing maluwag ang pagbayad ng magbubukid sa amortisasayon. Sa katunayan, nagsasabwatan ang gobyerno at mga asendero sa paggawa ng balwasyon laban sa uring magsasaka.
Dahil din sa mataas na retention limit para sa mga asendeero, kaya nilang ilagay sa pangalan ng mga anak at ibang kamag-anak ang mga bahagi ng malawak na lupa. Iba pang lusutan ang pag-alis ng lupa sa kategorya ng palayan at maisan. Puedeng magbuo ng korporasyon para gawing pangluwas ang produktong agrikultural at gawing komersyal o residensyal ang opisyal na gamit ng lupa.
Matapos na ibagsak ng sambayang Pilipino ang pasistang diktadura, nagkunwari rin ang asenderang Cory Aquino na magrepormang agraryo, Sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng 1988, pínanatili ang mga butas sa batas para makalusot ang mga panginong maylupa sa ibat ibang paraan tulad ng dati. Gumawa pa si Aquino ng mas masahol na panloloko sa mga magsasakang walang lupa. Ginawang prinsipyo sa konstitusyon ng 1987 na dapat boluntaryo sa panig ng asendero na magbenta ng lupa sa presyong gusto niya at ginawa pang prinsipyo na ang makatarungang kompensasyon sa asendero ay alinsunod sa presyo ng lupa sa pamilihan.
Gumawa pa si Aquino ng garapal na palusot para sa Hacienda Luisita at iba pang asyenda. Ito yong stock distribution option. Gumamit ng korporasyon para palakihin ang balwasyon ng mga sapi ng pamilyang asendero para manatili sila sa kontrol ng asyenda at ikalat ang maliliit na sapi sa mga magbubukid para manatili silang manggagawang bukid na tagasunod lamang sa kagustuhan ng pamilyang asendero. Nailantad ang kabulukan ng pamilyang Aquino-Cojuangco sa pandaraya at paggamit ng dahas laban sa mga manggawang bukid. Hanggang ngayon gumagamit ng iba’ibang taktika ang pamilyang ito para gantsuhin at pwersahin ang mga magsasaka.
Hanggang matapos ang taning ng CARP noong 2009, hindi linutas kundi pinalubha ng CARP ang mga problema ng kawalan ng lupa ng mga magbubukid at pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanila. Nananawagan at kumilos ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ang masa ng magbububukid na magkaroon ng tunay na reporma sa lupa. Subalit tinanggihan ng reaksyonaryong rehimen at kongreso ng mga asendero ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Sa halip nito, pinahaba pa hanggang 2014 ang buhay ng CARP sa ngalan ng CARP—Extension with Reforms (CARPER).
Hangga’t maaari, ipaglaban ang pagsasabatas ng GARB. Pero kung mabibigo ang ganitong legal na mga pagsisikap, huwag kayong magpabulid sa kawalan ng pag-asa. Anumang paghaharang ang gawin ng mga reaksyonaryonng maykapangyarihan, paigtingin ninyo at ng malawak na masa ang inyong kampanya ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagmobilisa hanggang sa magapi ang naghaharing sistema at magtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Kayong nasa legal na pagkilos para sa tunay na repormang agraryo ay nakakaalam na habang binibigo at pinipigilan ng reaksyonaryong estado ng mga malaking komprador at asendero ang tunay na reporma sa lupa, sumusulong sa kanayunan mismo ang rebolusyonaryong pagkilos para sa tunay na repormang agraryo.
Kapag dumami sa kalunsuran ang mga kabataang aktibista na nagtataguyod sa tunay na repormang agraryo, puedeng tularan nila ang mga kadre at kasapi ng Kabataang Makabayan na tumungo sa kanayunan at gumawa ng panlipunan pagsisiyasat at gawaing masa hanggang sumapi sa rebolusyonaryong Partido at sa hukbong bayan para puspusang isakatuparan ang rebolusyong agraryo mula sa minimum na antas hanggang sa maksimum na antas.
Naghihintay sa inyo ang mga kadre at aktibista ng Kabataang Makabyan sa kanayunan. Nais nilang matulungan sa pagsasagawa ng minimum na antas, kabilang ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng pasahod sa mga mangagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng produktong agrikultural at pagpapahusay ng produksyon sa agrikultura at ibang gawain– hanggang sa pagsasagawa ng maksumum na antas, kabialng ang pagkumpiska ng lupa mula sa mga asendero at libreng distribusyon ng lupa sa mga magsasaka.
Mainam na habang nasa mga unibersidad pa lamang kayo, may pag-unawa na kayo sa mga problema ng uring magsasaka at sa solusyon na dapat tuparin. Dumako kayo sa kanayunan para ibayong matuto sa mga magsasaka tungkol sa kalagayan, mga problema at pangangailangan nila. Puedeng pansamantalang tumigil sa kanayunan para magsimula sa pag-aaral. Puede ring tuluy-tuloy at permanenteng kumilos sa kanayunan.
Bastat may matibay kayong ugnayan sa kanayunan hindi kayo matatakot na lumahok sa mga pakikibaka sa kalunsuran. Sinasabi ko ito kaugnay ng mga binabalak na kilos protesta laban sa pagkapapet, pagsasamantala, pangungurakot, karahasan at kasinungalingan ng rehimeng Aquino. Mangahas na patalsikin ang kasuklam-suklam na rehimeng ito. Lakasan ninyo ang inyong loob na lumaban dahil anumang kalupitan ang gawin ng rehimeng ito mayroon na kayong muog na bakal sa kanayunan, sa piling ng mga magsasaka at manggagawang bukid na nagrerebolusyon.
Maraming salamat.