Mensahe sa Ika-7 Kongreso ng Migrante International
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Disyembre 16, 2014
Ang internasyonal na pamunuan at lahat ng kasaping-organisasyon ng International League of Peoples’ Struggle ay nagpapaabot ng taos pusong pagbati at militanteng pakikiisa sa Migrante International sa ika-7 Kongreso nito. Humahanga kami sa inyong mga tagumpay at hinahangad naming umani pa kayo ng ibayong tagumpay batay sa inyong kasalukuyang lakas at sa inyong paglalagom at pagbabalak sa kongresong ito.
Napakahalaga at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: Labanan ang Pangamgalakal at Pangaalipin sa Pilipino sa Ibayong Dagat at sa kanilang Pamilya! Isanib ang Lumalakas na Kilusang Migranteng Pilipino sa Daluyong ng Mamamayan para sa Tunay na Pagbabago!”
Karapat-dapat na magpursigi ang Migrante International sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga migranteng manggagawang Pilipino upang labanan ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila at ipagtanggol at isulong ang kanilang mga karapatan at kapakanan at upang itaguyod ang tunay na pagbabago sa Pilipinas at pag-unlad nang sa gayon magkatrabaho sila sa sariling bayan imbes na umalis sa bayan at mapahiwalay sa pamilya.
Dahil sa kawalan ng pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industryalisasyon, sapilitang nagtratrabaho ang milyun-milyong kababayan natin sa ibang bansa. Patakaran ng rehimeng Aquino na pasidhiin at pabilisin ang pangangalakal at pang-aalipin sa Pilipino sa ibayong dagat. Patunay ito ng paglubha ng disempleo at pagbagsak ng kita sa bansa.
Ipinagmamalaki ng rehimen ang lumalaking foreign exchange remittance ng mga migranteng manggagawa. Umaabot na ito sa antas ng USD 28 billion at mga 8.7 porsyento ng Gross National Product (GNP). Mas malaki pa kaysa bahagi ng tradisyonal na iniluluwas na produktong agrikultural. Sa pangkalahatan, pangsustento ito sa mga pamilya ng mga migranteng manggagawa ang foreign exchange remittances nila.
Matapos na maipalit sa peso, ang kitang foreign exchange ng mga migrante ay pinakikinabangan ng mga bangko, malaking komprador at korap na opisyal na may mga foreign exchange accounts. Hindi ito ginagamit para sa pagpapaunlad ng ekonomiya kundi para sa pagpapanatili ng sistema ng pagkonsumo na dependiyente sa pag-aangkat ng yaring kalakal, pangungutang at panlulustay at panluluho..
Lantarang nagsisinungaling ang rehimen sa pagsasabi na mabilis ang paglaki ng ekonomiya at mayroon nang “reverse migration” o malakihang pagbabalik ng mga migranteng manggagawa. Ang paglaki naman ng GNP sa ilang taon ay dahil sa tinaguriang “hot money” o portfolio investments na pumapasok sa stock market, bond market at money market at hindi lumilikha ng mga empresa at empleyo kundi kumikita lamang ng tubo sa espekulasyon at madaling umaalis, tulad ng nangyayari na ngayon.
Malaki ang hinuhuthot ng gobyernong reaksyonaryo mula sa mga migranteng manggagawa. Sa pamamagitan ng Administrative Order 31, pinahigpit at pinataas ng rehimeng Aquino ang mga singil sa ilalim ng OWWA, Pag-ibig, Philhealth, Department of Foreign Affairs, airport at iba pang ahensiya. Ngunit wala o labis na limitado ang mga serbisyo at benepisyo na naibibigay ng gobyerno sa mga kaso ng aksidente, pagkakasakit at pagkamatay at iba pang panganib sa panahong may kontrata o wala nang kontrata ang migranteng manggagawa.
Walang ibinibigay ang gobyerno na proteksyon at pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa. Bale wala sa rehimeng Aquino ang demanda na pagsabihan ang mga gobyernong tumatanggap sa mga migranteng mangggawa na irespeto ang mga karapatan nila. Hindi ipinapatupad ng rehime ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act (RA 10022, amended by RA 8042), Anti-Trafficking in Persons Act (RA 9208) at Overseas Absentee Voting Act (RA 9189).
Wala o salat ang tulong sa mga kaso ng karahasan, panggagahasa at pagpaslang sa mga migranteng manggagawa, sa paglabag ng mga kontrata at arbitraryong pagpapatalsik at sa mga malakihang paglikas dahil sa gera, gulo, paghihigpit o kalamidad. Sa normal or abnormal na pagtatapos ng mga kontrata sa trabaho, walang maliwanag na komprehensibong plano sa reintegrasyon ng mga balikbayan.
Ang bisa ng mga dati ninyong pagsisikap sa pag-organisa sa mga migranteng manggagawang Pilipino at mga pamilya nila sa Pilipinas ay nakikita sa pagkakaroon ninyo ng 30 chapter sa labas ng bansa at 21 sa loob ng Pilipinas. Umaasa kami na batay sa mga pag-uulat ng mga global coordinator at mga chapter delegation at talakayan ng kongreso maitatakda ninyo ang mga tungkulin at pamamaraan para maiangat sa bago at mas mataas ng antas ang inyong gawain at pakikibaka.
Malaki ang potensyal ng Migrante International sa gawain, pakikibaka at ibayong tagumpay dahil nasa ibayong dagat para magtrabaho ang mga 12 hanggang 15 porsyento (12 hanggang 15 milyon kung isama ang walang dokumento) ng populasyon ng Pilipinas o hindi bababa sa 24 por syento ng labor force na mga 62 milyon. Tantiyang 30 hanggang 40 porsyento ng mga Pilipino ang dependyente sa kita ng mga migranteng manggagawa.
Karamihan sa mga migranteng manggagawa ay kasambahay o tagalinis ng mga bahay at opisina, staff sa mga hotel at restaurant, health workers sa mga ospital, mga caregiver, skilled at unskilled workers sa mga pabrika, construction at engineering projects at crew ng mga barko. Galing sila sa ibat ibang dako ng Pilipinas.
Ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay nasa higit na 200 bansa at teritoryo sa lahat ng kontinente (Asia, Australia, North America, South America, Africa at Europe). Pinakakonsentrado sila sa United States (3.5 milyon); sa Saudi Arabia (1.8 milyon ); at Canada (639,686). Konsentrado rin sila sa United Arab Emirates, Australia, Qatar, Malaysia, Japan, United Kingdom, Hong Kong at Singapore.
Kapag mabisang masaklaw ninyo ang mga konsentrasyon ng migranteng manggagawa, magkakaroon kayo ng lakas at kasanayan para abutin ang nasa iba pang bansa. Mas madaling maugnayan din ninyo ang mga migranteng manggagawa sa mga barko kung sa mga mayor na daungan makakapagtayo kayo ng mga pwesto na kombinasyon ng opisina, tindahan at tambayan. Mainam din kung sa Pilipinas may organisasyon ng mga pamilya ng mga migranteng manggagawa at kung may lugar ugnayan o tambayan na pinupuntahan ng mga migrante bago umalis o sa pagbalik.
Mataas ang pagtingin namin sa Migrante International at itinuturing naming isa ito sa mga mayor na kasaping-organisasyon ng ILPS. Malaki ang utang na loob ng ILPS sa Migrante International sa tulong nito na maging global ang saklaw ng ILPS at sa pagpaparami ng manggagawa sa batayan ng ILPS . Mapagpasya rin ang inyong organisasyon sa komisyon ng ILPS na may kinalaman sa mga migranteng manggagawa ng ibat ibang di-maunlad na bansa at sa pagbubuo ng International Assembly of Migrants and Refugees.
Mabuhay ang Migrante International!
Mabuhay ang mgamigranteng manggagawa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!