Home Writings Articles & Speeches LAGUMIN ANG KARANASAN, ALAMIN ANG KALAKASAN AT PLANUHIN ANG PAGSULONG BILANG TSAPTER

LAGUMIN ANG KARANASAN, ALAMIN ANG KALAKASAN AT PLANUHIN ANG PAGSULONG BILANG TSAPTER

0

Susing Talumpati sa Pangkalahatang Asambleya ng ILPS-Philippines

Ni Propesor Jose Maria Sison
Tagapangulo, International Coordinating Committee
International League of Peoples’ Struggle
Mayo 28, 2014

Mahal na mga kaliga at kababayan,

Salamat sa pag-anyaya ninyo sa akin na magbigay ng susing talumpati. Ipinapaabot ko sa inyo ang pinakamaalab na pagbati ng pakikiisa mula sa Internasyonal na Komiteng Tagakoordina (International Coordinating Committee o ICC ) at sa kabuuan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa pagdaraos ninyo ng Pangkalahatang Asambleya ng ILPS-Philippines.

Isang pagkakataon ito para malagom ninyo ang inyong karanasan, matasa at mataya ang antas ng inyong lakas, magawa ang mga plano at resolusyon at mahalal ang bagong Pambansang Konsehong Tagakoordina (NCC), Tagapangulo at Pangkalahatang Kalihim.

Lubos ang aming kasiyahan na malaman na idinaraos ninyo ang Pangkalahatang Asambleya bilang bahagi ng mga paghahanda para sa Pulong ng ICC sa Hunyo 5-7. Ikinalulugod namin ang paghahanda ng namumunong mga organisasyon na nakabase sa Pilipinas ng mga ulat ng mga Komisyon para sa Pulong ng ICC. Inaasahan na ipuproseso ngayon ang gayong mga ulat, ipipinalisa at ipapadala sa Kalihiman ng ILPS.

Natutuwa kami na lalamnin ng mga ulat ang mga plano para sa mga pagkilos at kampanya hanggang 2015. Inaasahan namin na sa pagbabahagi ng mga plano sa inyong asambleya, isasaalang-alang ang mga ito ng lahat ng mga organisasyong myembro ng tsapter sa Pilipinas ng ILPS sa kanilang mga plano. Makakapagsilbi ding batayan ng mga resolusyon ng asambleya ang gayong mga ulat.

Ang mga resolusyon ay maaaring para sa pagsasagawa ng mahahalaga o prayoridad na mga kampanya, komperensya, koordinadong pagkilos na global; para sa pagpapanibagong-sigla, pag-ooperasyunalisa o pagpapahusay ng gawain sa mga kalihimang Komisyon; o para sa pagpapalakas ng kooperasyon at koordinasyon sa ibang mga pambansang tsapter sa rehyon laluna sa harap ng papalaking interes at pokus ng US at ibang mga imperyalista sa East Asia at Oceania.

Ikinalulugod namin at seryosong isasaalang-alang namin ang panukalang ang tsapter ninyo ang magpunong-abala sa Ika-5 International Assembly (5thIA). Palagian kaming magpapasalamat sa inyong napakagaling na pagpupunong-abala sa Ika-4 na IA. Naipamalas na ng The Netherlands kung paano magpunong-abala sa dalawang magkasunod na asambleya ng ILPS. Maaari nating isabay ang idaraos pang asambleya sa inyong mga kilos pagtutol laban sa APEC Summit sa 2015.

Idinadaos ninyo ang inyong asambeya sa panahon na ibinubunsod ng palubhang krisis ng global na sistemang kapitalista at ng naghaharing sistema sa bansa ang sukdulang kasamaan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo para higit na apihin at pagsamantalahan ang malawak na masa ng mamamayan, laluna ang masang anakpawis na manggagawa at magsasaka.

Itinutulak ng imperyalismong US sa pamamagitan ng papet na rehimeng Aquino ang pag-amyenda sa konstitusyon ng 1987 para mabigyan ng puwang ang US at ibang mga korporasyong dayuhan na makapag-ari ng lupa at lahat ng tipo ng negosyo hanggang 100%. Higit nitong hinihigpitan ang kontrol ng US sa ekonomya ng Pilipinas sa pagbitag dito sa isa pang kasunduan sa kalakalan, ang Trans-Pacific Partnerhip Agreement, na kalkuladong magpapalakas sa hegemonya ng US sa ekonomya ng rehyong Asia-Pacific.

Higit ding itinitrensera ng imperyalismong US ang pwersang militar nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement kaugnay ng US pivot sa Asya para tiyakin ang militar na hegemonya ng US sa rehyong Asia-Pacific. Dagdag sa dating kunwang paglulunsad ng gera sa terorismo, ginagamit ng US ang kunwang pagtiyak ng asal ng China ayon sa batas. Sa katunayan, nagpapanggap itong nyutral sa pagitan ng China at Pilipinas sa tunggalian ng mga ito sa karagatan at ipinupursigi nito ang sariling pambansang interes sa pagpapatupad ng dalawahang patakaran ng kolaburasyon at kompetisyon sa China.

Pusakal na malaking komprador at malaking panginoong maylupa ang makauring katangian ng rehimeng Aquino. Nakahilera ito sa patakarang imperyalista na globalisasyong neoliberal para palalain at palalimin ang mga kondisyong pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Pinalala ang problema sa lupa ng pagpapalawak sa mga plantasyon para sa produksyong pang-eksport at biofuel at ng malaganap na mga empresa sa pagmimina at pagtutroso na pumipinsala sa agrikultura at kapaligiran.

Ipinapakita ang antagonismo ng rehimen sa reporma sa lupa sa buktot na mga tangka ng pamilyang Aquino-Cojuangco na isabotahe, ilihis at ipawalambisa ang distribusyon ng lupa sa mga manggagawang bukid at magsasaka sa Hacienda Luisita. Magkasabay ang pagkaunti ng lupang laan sa produksyon ng pagkain at ang papatinding muling konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilang panginoong maylupa at agrikorporasyon. Ginagawang harang sa pambansang industriyalisasyon ang marahas na pagbabaligtad sa reporma sa lupa at sa walang habas na pagluwas ng mga hilaw na sangkap mineral.

Ipokrito ang rehimeng Aquino sa paggamit ng islogang “tuwid na daan”. Todo-todo ang pagpraktika nito sa burukrata kapitalismo. Ginagamit nito ang tanggapang publiko bilang kasangkapan sa akumulasyon ng yamang pribado ng mga kamag-anak, kaibigan, kaklase at kabarilan ng presidente. Ginagamit ng mga ito ang mga pautang ng estado, pag-iwas sa buwis at ibang mga pribilehyo para palakihin ang mga empresa nilang pribado. Ginagatasan nila ang mga korporasyon ng estado o pinipribatisa ang mga ito para sa makasariling pakinabang nila. Kumikita sila mula sa mga kontrata ng mga empresang hindi nila pag-aari. Ninanakaw nila ang mga pondong publiko sa pamamagitan ng sistemang pork barrel. Lumalahok sila sa pagpupuslit ng mga kalakal daan sa opisyal na mga daungan at sa tinatawag na malayang daungan at mga sona sa pagproseso ng eksport.

Para mapanatili ang naghaharing sistemang bulok, nagsasagawa ang rehimeng Aquino ng garapal at sistematikong mga paglabag sa mga karapatang tao, kabilang ang extrajudicial killings, iligal na pag-aresto at detensyon, tortyur, marahas na pagpapalayas sa mamamayan mula sa mga barung-barong nila sa mga syudad at nayon at pangangamkam ng lupa ng mga kamag-anak at kabarkada ni Aquino. Ginagamit na ng rehimen ang sistema ng estado na organisadong karahasan para sa higit na pansariling kapangyarihan, yaman at yabang at sadyang pinaparalisa nito ang negosasyong pangkapayapaan para ipilit ang pagsuko ng mga pwersang rebolusyonaryo at iwasan ang kailangang mga reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika para sa makatarungan at matagalang kapayapaan.

Sa walang hiyang reaksyunaryong pagpapamalas ng pagiging utusan nito sa monopolyong kapitalismong dayuhan at mga interes na pyudal at ng napakalalim na pagkamuhi sa masang anakpawis na manggagawa at magsasaka, inihayag na nito sa publiko ang pag-ayaw at pagtanggi sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang adyenda sa usapang pangkapayapaan sa NDFP sa pagbansag sa mga ito na “kargado sa ideolohiya” at “lipas na”. Matindi ang pagkalulong ng rehimen sa neokolonyal at neoliberal na mentalidad at gawi.

Napakainam ng obhetibong kondisyon para sa malikhain at epektibong pagkombina ng mga kampanya sa masinop na paglalantad at paglaban at lubusang paghihiwalay sa rehimeng US-Aquino bago 2016 habang pinatitindi ang mga kampanyang anti-imperyalista hanggang sa mga aksyong protesta laban sa 2015 APEC Summit. Buo ang aming kumpyansa na kaya ng Tsapter ng ILPS-Philippines na makabuluhang magkontribusyon sa layuning ito.

Nananawagan kami sa Tsapter ng ILPS-Phil na magsagawa ng mas madalas at higit na mas malalaking demonstrasyong anti-imperyalista at ibang mga aksyong protesta, gayundin ng mas maraming pagkilos na pang-edukasyon at pang-impormasyon. Magagawa ang mga ito sa sumusunod na mga paraan: (1) sa sariling pagsisikap at inisyatiba nito, (2) sa pakikikoordina at kooperasyon sa pamumuno at inisyatiba ng BAYAN o alinmang organisasyong myembro sa Pilipinas, (3) sa pakikikoordina sa mga tsapter ng ILPS sa Australia, Hongkong at Indonesia, (4) sa kooperasyon sa ibang mga pormasyong anti-imperyalista gaya ng IMA, IWA, WORKINS, RESIST, APC, Ban the Bases Coalition, AWC, IAC at iba pa, at (5) bilang bahagi ng mga koordinadong pagkilos na global sa inisyatiba ng ILPS.

Nananawagan kami sa tsapter sa Pilipinas na gumawa ng mas madalas na mga pahayag sa malalaking isyu sa Pilipinas at sa rehyong Asia-Pacific para sa impormasyon ng ICC, paglalathala sa website ng ILPS at para sa pagkilos. Nilinaw na ng US na itinatrato nito na malayong mas mahalaga ang rehyon kaysa alinmang ibang rehyon, kung saan gumastos na ito ng napakalaking rekurso sa mga gerang agresyon, at determinado ito na higit na magsikap para matiyak ang hegemonya nito sa rehyon sa kabuuan ng ika-21 dantaon.

Kailangang tipunin at gamitin natin ang lahat ng pagsisikap at rekurso para higit na mailantad at malabanan ang lahat ng nangyayari at mangyayari pang mga maniobra ng imperyalismong US at mga alipures nito sa rehyong Asia-Pacific sa napakasamang pakana nila na patindihin ang pandarambong at agresyon. Palagian ang komitment ng ILPS sa pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya, katarungang panlipunan, pagpapaunlad at matatag na kapayapaan. Isakongkreto natin ang komitment na ito hanggang sa tagumpay!

Maraming salamat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.