Home Writings Messages MAKIBAKA PARA SA MGA KARAPATAN AT MAKATARUNGANG KAPAYAPAAN

MAKIBAKA PARA SA MGA KARAPATAN AT MAKATARUNGANG KAPAYAPAAN

0

Ni Prop.  Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle

Mensahe sa Ikatlong Panrehiyong Kongreso ng Karapatan-Gitnang Luson
Hunyo 17, 2013

Taospusong nagpapaabot ang International League of Peoples’ Struggle ng militanteng pakikiiisa at pagsuporta sa Karapatan-Gitnang Luson sa okasyon ng Ikatlong Panrehiyong Kongreso nito.

Malugod naming binabati  ang mga delegadong kumakatawan sa  mga tsapter ng mga lalawigan ng Gitnang Luson, mga organisasyong sektoral ng alyansa, mga alyado, mga panauhin at mga tagapagtaguyod ng karapatang tao.

Napakahalaga at tumutugon sa mga hamon ng panahon ang tema ng inyong Kongreso:  Palawakin ang hanay! Makibaka para sa mga karapatan ng mamamayan! Isulong ang kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Nagpupugay kami sa inyong kapasyahan na lagumin ang inyong karanasan sa halos isang dekada mula noong inyong huling Kongreso. Hanguin ang mga positibo at negatibong aral. Sa gayon, maitatakda ninyo ang mga tungkulin para isulong ang inyong gawain sa pagtatanggol ng mga karapatang tao at sa pagtataguyod ng makatarungang kapayapaan batay sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Alam ng sambayanang Pilipino ang magiting at mayamang kasaysayan ng Gitnang Luson sa lumang demokratikong rebolusyon ng 1896 hanggang sa bagong demokratikong rebolusyon. Sa rehiyong ito, lumaban nang puspusan ang mga mamamayan sa kolonyalismo ng Espanya,  imperyalismo ng US at pasismo ng Hapon.

Dito rin paulit-ulit na nagsandata ang masang anakpawis laban sa malakolonyal at malapyudal na sistema ng mga malaking komprador at asendero. Dito  sumibol at lumago ang digmang bayan laban sa pasistang diktadura ni Marcos.  Tuwing may paghupa ang pakikibaka sa Gitnang Luson, hindi nagtatagal bago sumunod ang pagdaloy kapag  mahusay  ang paglalagom at maliwanag ang  pagtatakda ng mga tungkulin.

Kapag tama ang pamumuno sa masa, hindi sila nasisindak kundi nagagalit  at natutulak na magbunsod ng ibayong pakikibaka laban sa mga krimen ng mga berdugong katulad ni Palparan na nagsagawa ng terorismo ng estado alinsunod sa Oplan Bantay Laya 1 and 2 ng rehimeng US-Arroyo. Sa maningning na halimbawa ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita, hindi sila natakot kundi lalong lumaban sa kasakiman at kapangyarihan ng mga Cojuangco-Aquino nang naganap ang masaker at pagpaslang sa mga lider ng unyon at mga tagatangkilik nilang tulad nina Councilor Abel Ladera,  Fr. William Tadena at Bishop Alberto Ramento.

Nararapat na tugisin ng masa at ng Karapatan-GL ang mga pasistang kriminal sa panahon ni Arroyo at sa kasalukuyang panahon ni Aquino. Nararapat na papanagutin ang kanilang mga pasimuno, tulad nina Arroyo at Aquino.  Sila ang may pinakamataas na command responsibility.  Pinakamalaki ang pananagutan nila sa pagpapairal ng impunity o kawalan ng parusa sa mga salarin sa paglabag ng mga karapatang tao. Mga walang hiyang taga-udyok at tagapagtakip ng mga krimen laban sa bayan!

Kailanman hindi nilulubayan ng kaaway ang araw-araw na karahasan ng pagsasamantala at mga madugong krimen sa pang-aapi.  Hindi pinaslang si Willem Geertman sa panahon ni Palparan kundi sa panahon ni Aquino na katulad ni Arroyo sa pagtatakip sa madugong kamay ng militar.  Dapat na laging mapagmatyag at masigasig ang mga tagapagtanggol ng mga karapatang tao.

Kung tinitingnan natin ang kasalukuyang kalagayan sa Pilipinas, nakikita nating lalong lumalakas ang lahat ng anyo ng pakikibaka sa Compostela Valley at sa Caraga region sa Mindanao habang dumadagsa ang mga brutal na pwersa ng reaksyonaryong gobyerno at gumagawa ang mga ito ng mga karumaldumal na krimen sa pagsalakay sa mga mamamayan. Nagiging sanhi ng paglakas ng digmang bayan ang paglabag ng kaaway sa mga karapatang tao.

Naaalala ko ang pagdaloy, paghupa at muling pagdaloy ng kilusang rebolusyonaryo sa ikalawang distrito ng Tarlac noong mga taong 1969-72. Ang pinag-umpisahang siyam (9) na riple ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 1969 ay naging higit sa 200 sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba bago matapos ang taong 1970.  Bilang reaksyon ng rehimeng Marcos, nagmobilisa ito ng 5,000 sundalo, pulis at BSDU sa ilalim ng Task Force Lawin para paigtingin ang mga raid, pagdukot, pagdakip, tortyur at masaker at iba pang anyo ng panunupil magmula noong ikalawang hati ng 1969.

Dahil sa labis na konsentradong salakay ng kaaway, nahirapan ang hukbo magmula 1971 hanggang unang hati ng 1972. Laganap ang  garapal at sistematikong paglabag ng kaaway sa mga karapatang tao.  Ngunit bunga ng tamang pamumuno ng rebolusyonaryong Partido ay lalo pang lumawak ang kilusang masa sa buong rehiyon.  Sa ikalawang hati ng 1972,  muling naibangon ang mga pwersang rebolusyonaryo sa Tarlac mismo at napalaganap pa nga sa ibang lalawigan ng rehiyon.

Hindi nagtatagal ang paghupa ng pakikibaka at natitiyak ang pagbawi at muling pagsulong basta’t tinutuwid ang mga kamalian at pinupukaw, inoorganisa at minomobilisa ng mga rebolusyonaryong pwersa ang masa. Sa alinmang anyo ng pakikibaka, legal o hindi, mapagpasya ang linyang masa.  Ito ay pagtugon sa mga pangangailangan ng masa, pagtitiwala sa kanilang kayakayahang lumaban; at pagmobilisa sa kanila para gawin ang dapat gawin.  At kung lalong magsamantala at mang-api ang kaaway, natitiyak nating ibayong lalaban ang masa.

Ang  gawain ng Karapatan-GL sa pagtatanggol sa mga karapatang tao ay lalakas lamang kung nagbabatay sa lakas ng kilusang masa, bukod sa lakas ng mga institusyong tumutulong. At kapag mabisa ang pagtatanggol sa mga karapatang tao, nakakapagpalakas ito sa mapanlabang diwa ng mga demokratikong organisasyon ng masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, kabataan, kababaihan, mga propesyonal at iba  pang sektor ng lipunan.  Nagtutugunan at nagpapalakas sa isa´t isa ang mga pagsisikap ng Karapatan-GL at ng mga organisadong masa na makabayan at progresibo.

Anuman ang antas ng legal na pagkilos o pagsasandata ng masang inaapi, natitiyak nating patuloy ang mga paglabag sa mga karapatang tao sa ilalim ng rehimeng Aquino II. Nakadeploy ang mga pwersang militar at pambansang pulis para ipatupad ang malawak na  pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa ng mga Certificates of Land Ownership Award (CLOA), Emancipation Patents (EP) at Certificates of Land Transfer (CLT). Ang mga lupang publiko pati na ang mga reserbasyong militar ay isinasailalim  sa pribatisasyon na pabor sa  mga korporasyong kasabwat ng mga nasa kapangyarihan.

Malawak at masinsin ang pagmimina ng mga korporasyong dayuhan o malaking komprador sa mga lalawigan ng Zambales, Bulacan, Nueva Ecija at Pangasinan. Laganap ang malaking korupsyon, ang demolisyon ng mga tahanan ng maralita at ang pang-aagaw ng lupa kaugnay ng mga proyekto ng Public-Private Partnership Program, tulad ng  expressways, dambuhalang mga dam, economic zone, free port area, ekoturismo, at pribatisasyon ng tubig at iba pang serbisyo.

Kaalinsabay ng mga magastos na proyektong kinukurakutan ng matataas na opisyal ng reaksyonaryong gobyerno, patuloy ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa rehiyon. Banggitin natin ang ilang tampok na halimbawa.  Ginagamit ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang lahat ng paraan para mapanatili sa sarili ang kontrol sa mga lupa sa Hacienda Luisita na dapat pag-aari na ng masang mangggawang bukid at magsasaka.  Sa bandang Aurora, inagaw na ng pamilyang Angara sa ngalan ng Apeco ang napakalawak na sakahan mula sa mga magsasaka at mga katutubo.

Sa  Gitnang Luson at sa kabuuan ng Pilipinas, tumitindi ang pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng rehimeng Aquino.  Ipinapatupad nito ang patakarang neoliberal sa ekonomya. Palaasa ito sa mga dayuhang korporasyong salungat sa pambansang industrialisasyon at reporma sa lupa.  Ipinapasa sa masang anakpawis, pati na sa mga panggitnang saray ang pasanin ng papalubhang krisis. Lumulubha ang kawalan ng trabaho, ang pagtaas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo, ang pagbabawas sa serbisyo sosyal at pagpapasak ng lumalaking buwis sa presyo ng mga kalakal.

Lalo pang lalaganap at titindi ang mga paglabag ng mga karapatang tao.  Walang alam ang rehimeng Aquino para tugunan ang mga pangangailangan at kahilingan ng sambayanang Pilipino kundi magbanta at gumamit ng pwersa sa ilalim ng Oplan Bayanihan.  Masyadong  nagtitiwala ang rehimen sa tulong militar ng US at pinapayagan ito na lalong manghimasok sa Pilipinas.  Nalilimutan niya na bumagsak ang diktadurang Marcos kahit na may malalaking base militar sa Pilipinas ang US noon.

Isang malaking palatandaan na paiigtingin ng rehimen ang digmaang sibil sa Pilipinas ang pagtanggi nito sa usapang kapayapaan sa Pambansang Demokratikong  Prente ng Pilipinas. Natitiyak nating magbubunga ng malawak at maramihang paglabag sa mga karapatang tao ang mga kampanyang panunupil ng militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Natitiyak din nating  paiigtingin ng mga pwersang rebolusyonaryo at mga mamamayan ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan at isasakatuparan ang balak na isulong ang digmang bayan sa yugto ng estratehikong depensiba tungo sa yugtong pagkapatas.

Tulad ninyo,  umaasa kami na sa Kongresong ito mapapahigpit ninyo ang pagkakaisa ng mga delegado para sa puspusang pagsusulong at pagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan. Dapat itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga karapatang tao nang sa gayo’y mabaka ang pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista at lokal na reaksyonaryo at maisakatuparan ang pambansang kalayaan at demokrasya sa ating bayan.

Mabuhay ang Karapatan-Gitnang Luson!

Ipagtanggol ang mga karapatang tao!

Ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya!

Itaguyod ang makatarungang kapayapaan!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.