Mensahe sa League of Filipino Students sa ika-18 Pambansang Kongreso Nito
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag ng Kabataang Makabayan
4 Mayo 2012
Nagpapaabot ako ng maalab na makabayang pakikiisa sa League of Filipino Students sa okasyon ng ika-18 Pambansang Kongreso nito. Sumasaludo ako sa ng inyong matatag, militante at mabungang pagkilos para sa mga karapatan at iteres ng mga mag-aaral sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Sa mahabang panahon, pinatunayan ng LFS ang kanyang katangian at papel bilang isang makabayan at demokratikong pwersa na nangunguna sa mga mag-aaral. Tampok ang kanyang bahagi sa pagpapabagsak sa papet at pasistang diktadura ni Marcos. Kasama ang LFS ng Kilusang Mayo Uno sa pagharap sa palasyo ng diktador sa mga araw na ibagsak ito, kasabay ng pagtitipon ng karamihan ng iba’t ibang pwersa ng BAYAN at mga alyado nito sa Edsa.
Maningning na ipinagpatuloy ng LFS ang pakikibaka laban sa mga sumunod na rehimeng papet at mapagpkunwaring demokratiko. Tampok din ang papel ng LFS sa pagpapabagsak sa rehimeng Estrada at sa pagbatikos at pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo. Sa ngayon, matalino at magiting na humaharap at lumalaban ang LFS sa rehimeng Aquino na nagpapatuloy at nagpapalubha sa pagsasamantala at pang-aapi sa mga mag mag-aaral at sambayanang Pilipino.
Wasto at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: Mangahas na makibaka, mangahas na magtagumpay! Isabuhay ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan, Pag-ibayuhin ang pagpapalawak at pagpapatatag ng ating hanay, Paigtingin ang anti-imperyalista at pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan!
Sumisidhi ang pagdarahop at paghihirap ng sambayanang Pilipino habang lumulubha ang krisis ng global na kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema ng mga malaking komprador at asendero. Paborable ang kalagayan ngayon para pag-alabin ang diwa at damdamin ng mga mag-aaral at sambayanang Pilipino, organisahin sila para sa pakikibaka at pakilusin sila laban sa mga imperyalista at kanilang mga alipuris at sumulong sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo.
1. Para gisingin, himukin at pukawin ang mga mag-aaral sa antas ng hayskul at kolehiyo, dapat magpakahusay tayo sa paggawa ng ahitasyon at propaganda alinsunod sa pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Batikusin natin ang mga imbing pwersang nagpapataas ng gastos sa edukasyon , kabuhayan, paninirahan at pangangalaga ng kalusugan, nagsisinungaling at nanlilinlang sa bayan at nagbabanta o gumagamit ng karahasan para supilin ang mga demokratikong karapatan.
Ibig sabihin ng ahitasyon ay ang mabilis ng pagkalat ng mga panawagan, laluna sa anyo ng mga islogan, tungkol sa mga nagbabagang isyu sa pamamagitan ng maiigsing talumpati, polyeto, larawan, poster, sulat pader at iba pang paraan na dagliang nakakaabot sa marami. Ibig sabihin ng propaganda ay ang mga pahayag, artikulo at iba pang kasulatang nagpapaliwanag ng mga patakarang bunga ng pananaliksik at pag-aral at ng mga kolektibong talakayan at maaaring ilathala ang mga ito sa peryodiko o ikalat sa anyo ng pamplet.
Lumilitaw ang mga mahusay na ahitador at propagandista dahil sa pampulitikang edukasyon sa pambansang demokratikong kilusan, kabilang ang pagsapol sa mga pinakaesensiyal na nilalaman ng Konstitusyon at Programa ng LFS, mga napapanahong propaganda ng LFS at mga pag-aaral sa mga kurso tungkol sa Lipunan at Rebolusyong Pilpino at sa sektor ng mga mag-aaral. Maaaring ipaliwanag sa masa ng kasapian ng LFS kung ano ang hinaharap na demokrasyang bayan at sosyalismo. Subalit hindi kailangang gawing rekisito sa masa ng kasapian ang pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo dahil ang LFS ay pangmasang organisasyon at hindi partido ng mga rebolusyonaryong proletaryo.
2. Magtayo ng mga sangay sa mga unibersidad, kolehiyo, departamento at hayskul. Kung saan wala pang sangay, dapat may organisador ng LFS na nagtitiyak na may mga panimulang rekluta at dapat may kasama siyang tagapagpaliwanag sa mga esensyal na punto sa Konstitusyon at Programa ng LFS. Puedeng pasumpain na agad ang mga rekluta bilang mga kasapi at puede na rin silang maghalal ng mga pinuno ng sa sangay.
Para mabilis na lumawak ang organisasyon ng LFS, dapat laging pinaaalalahanan ang mga kasapi ng sangay na magrekluta ng ibang estudyante na kaibigan, kaklase o kasama sa ibang organisasyon, magbigay ng paliwanag sa kanila tungkol sa mga esensyal na punto sa Konstitusyon at Programa ng LFS, mag-ulat sa pamunuan ng sangay para may iba pang kasapi na aatasang gumawa ng beripikasyon at magdala sa rekluta sa miting ng sangay para aprubahan ang aplikasyon nila.
May ilang paraan ng konsolidasyon ng sangay: maagap na pagtupad sa mga takdang kurso ng pag-aaral, pagpaparami ng kasapi at pagtaas ng kakayahang magparami, paggawa ng mga porum tungkol sa mga mahalagang isyu, mga kultural na pagtatanghal, pagbubuo ng mga grupo o tim ng pagsisiyasat at paglubog sa mga komunidad sa kalunsuran at kanayunan at pagmobilisa ng sariling hanay, mga alyadong organisasyon at mga di-organisadong mag-aaral para sa kampanya. Ibig sabihin ng konsolidasyon ay pagpapataas ng kakayahan, hindi pagkulong sa sarili. Napagsasabay ang ekspansion at konsolidasyon.
3. Sa mobilisasyon, dinadala natin ang mga isyu tungkol samga karapatan at interes ng malawak na masa. Katugon nito ang pagpapakilos sa sariling hanay natin, sa mga alyadong pwersa at mga di-organisadong masa. Sa paglulunsad ng mga kampanya natin, dapat gumamit tayo ng mga pamamaraan para maakit na lumahok ang malawak na masa. Ang sarili nating bilang ay laging mas maliit sa bilang ng mas malawak na masa. Kung gayon, lagi nating pagsikapan na magkaroon ng mga alyado at mga personahe na nakakaakit ng karagdagang masa.
Matitiyak nating magiging matagumpay ang kampanya kung kasama sa plano ang mga malawakang paghahanda na ang layunin ay patingkarin ang atensiyon at interes ng masang nais nating mapalahok. Sa mismong araw o mga araw ng malakihang pagkilos dapat ding may mga pamamaraan para akiting lumahok ang mga nakakamasid at nakakarinig sa ahitasyon at propaganda at masang kumikilos na. Gumamit ng ilang kulumna mula sa iba’t ibang direksyon para dumagsa sa pagtitipunan. Pero sa kaso ng estudyante sa downtown ng Manila, dapat sikapin din nilang okupahin ang mga kalsada patungong Malakanyang.
Dapat hindi parang bula ang mobilisasyon ng masa na madaling lumobo at madali ring mawala. Bunga ito ng masisasig na trabaho sa ahistasyon at propaganda at sa organisasyon. At dapat magbunga ito ng ibayong lakas ng LFS. Noong araw na ibagsak ng mga estudyante’t mga kabataan si Estrada, akala ko tuluy-tuloy na ang paglakas ng LFS at buong kilusan ng kabataan. Pero humupa nang ilang taon ang kilusang ito at nahirapang ibagsak ang rehimeng Arroyo nang lumitaw itong napakasama.
Naiwasan ni Arroyo na ibagsak ng mga mamayan. Pero patuloy na nabubulok ang naghaharing sistema. Ito ang nagbibigay ng pagkakataon at pag-asa sa mga mag-aaral at sa buong kilusang pambansa-demokratiko para ibagsak hindi lamang ang isang rehimen kundi ang buong sistema. Maliwanag na ganap na papet ng mga imperyalista ang rehimeng Aquino, kinatawan ito ng mga mapagsamantalang uri, sakim at korap at mahilig sa paglabag sa mga karapatang tao. Hindi lamang Noynoying sa mga mahahalagang isyu kundi sobrang aktibo sa paglabag sa mga pambansa at demokratikong karapatan ng sambayanang Pilpino.
Nasa mas masamang kalagayan ngayon ang lokal na sistema dahil sa mabilis na paglubha ng krisis ng global na kapitalismo. Pumalpak nang todo ang patakarang neokolonyal, tinamaan ng depresyon ang buong daigdig at gumagamit ngayon ang mga imperyalista at mga papet nito ng terorismo ng estado at mga digmang agresyon. Sapilitan, malaganap ngayon sa daigidig ang paglaban ng mga mamamayan sa mga imperyalista at mga papet nito para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at tumahak sa daang patungo sa bagong daigdig ng ibayong kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal, lahatang-panig na kaunlaran at internasyonal na pagkakapatiran at kapayapaan. ###