Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Agosto 11, 2013
Kami sa International League of Peoples’ Struggle ay nagpapaabot ng taos pusong pagbati at pakikiisa sa pamunuan at kasapian ng Central Luzon Ayta Association (CLAA) sa paglulunsad ng Ayta Day 2013.
Batid namin ang malaking kahalagahan ng okasyong ito kung saan nagtitipon ang mamamayang Ayta mula sa mga probinsya ng Pampanga, Tarlac, Zambales at Bataan, at makakapagpanibagong determinasyon sila para ipaglaban ang karapatan sa lupang katutubo, kultura at sariling pagpapasya.
Kaisa kami sa tema ng inyong aktibidad: “Katutubong Ayta, Magkaisa! Ipagtanggol ang lupang katutubo, kultura at sariling pagpapasya! Labanan ang mapandambong na pagmimina, dam, eko-turismo at militarisasyon!”
Iniaalok ng ILPS sa inyo ang kaya naming itulong. Handang makipagtulungan sa inyo ang Komisyon Blg. 10 ng ILPS na siyang may saklaw at masinop na pansin sa kalagayan at mga problema ng mga katutubo at pambansang minorya. Kailangan ang mga programa at kampanya para ipagtanggol ang mga karaparatan ng mamamayang Ayta, labanan ang panunupil at pagsasamanatala sa kanila at paghusayin ang kanilang kalagayan at pamumuhay.
Alam namin na ang CLAA at mamamayang Ayta ay naging tampok na biktima ng Oplan Bantay Laya noong panahong ng rehimeng US-Arroyo. Ang mga komunidad ng Ayta ay dumanas ng militarisasyon at paghihigpit sa kanilang pagkilos. Madalas silang hinaras ng militar, hinalughugan ng bahay at, pinakamasahol, pinalayas sa kanilang mga tahanan at lupang sinasaka.
Sa kasalukuyang rehimeng US-Aquino, patuloy at lumalala ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga Ayta. Dumarami at lumalawak ang pagpapalayas sa mga Ayta mula sa kanilang lupang katutubo sa sari-saring dahilan. Inaagawan sila ng lupa, tinatakot at pinagdarahasan, at inaalisan ng kabuhayan.
Kabilang sa mga dahilan ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga Ayta ay ang pagbibigay daan sa mga minahan tulad ng sa Zambales at Pampanga, umano’y real estate development, eko-turismo o bakasyunan ng mga dayuhan, pagpapalawak ng mga asyenda, mga bagong plantasyon sa ngalan ng reforestation, konstruksyon ng Balog-balog dam sa bayan ng San Jose sa Tarlak, at ang Balikatan exercises sa bayan ng Capas.
Sumusuporta kami sa lahat ng inyong pagsisikap na pangibabawan ang terorismo ng estado at magpanibagong lakas. Dahil makatarungan ang inyong pakikibaka, hindi masisindak ang masa laluna kung magpakahusay kayo sa pagkilos at makuha ninyo ang malawak na suporta ng lahat na makabayan at progresibong pwersa sa loob at labas ng rehiyon.
Karapat-dapat na masikhay ninyong itaguyod ang inyong mga karapatan laban sa Mining Act, Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) at Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPer). Saludo kami sa iyong aktibong pakikiisa sa sambayanang Pilipino at paglahok sa rehiyonal na pagkilos kaugnay ng nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Aquino, at sa inyong pagsisikap na pataasin ang inyong kamalayan at kakakayahang labanan ang Oplan Bayanihan, Public-Private Partnership at Indigenous Peoples Master Plan na bahagi ng Medium-Term Philippine Development Plan.
Umaasa kami na matagumpay ninyong makakamit ang layunin ng Ayta Day na pataasin ang antas ng pagkakaisa ng mamamayang Ayta sa Gitnang Luson at maisakatuparan ang mga tungkuling itinakda ninyo, tulad ng mga sumusunod:
1. Makonsolida ang higit pang malaking bilang ng katutubong Ayta at iba pang katutubong mamamayan sa rehiyon para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at karapatang kultural gayundin ang paglaban sa malawakang pagmimina, mapaminsalang proyekto at militarisasyon.
2. Maitambol ang isyu at problema ng mga katutubong Ayta sa antas probinsya, rehiyon hanggang nasyunal.
3. Makakuha ng suporta mula sa iba’t ibang sektor para sa tuluy-tuloy na paggigiit ng karapatan sa lupang ninuno.
Malaki ang aming tiwala na ang Ayta Day ay magiging lunsaran ng ibayong mabisang pagkilos ng masa ng Ayta at mga tagatangkilik nila; at mag-aani ng mas malalaki pang tagumpay sa pamumuno ng CLAA.
Mabuhay ang mamamayang Ayta!
Ipaglaban ang kanilang mga karapatan!
Mabuhay ang Central Luzon Ayta Association!