Home Writings Messages MENSAHE NG PAKIKIISA SA KADAMAY SA OKASYON NG IKA-4 NA PAMBANSANG KONGRESO

MENSAHE NG PAKIKIISA SA KADAMAY SA OKASYON NG IKA-4 NA PAMBANSANG KONGRESO

0

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples´ Struggle
05 Nobyembre 2012

Taos pusong bumabati at nakikiisa ang International League of Peoples´ Struggle sa pamunuan at kasapian ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa okasyon ng inyong ika-apat na Pambansang Kongreso.

Pagkakataon ang kongreso para suriin ang kalagayan ng maralitang lungsod, lagumin ang karanasan ng Kadamay, patingkarin ang inyong mga kalakasan at pangibabawan ang mga kahinaan at itakda ang mga tungkulin para ibayong patatagin ang inyong pagkakaisa at diwang mapanlaban, palakasin at palawakin ang inyong organisasyon at isulong ang kilusan sa bago at mas mataas na antas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Humaharap ngayon ang maralitang lungsod sa papalubhang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema at sa papatinding pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Kung gayon, napakahalaga at napapanahon ang tema ng inyong Kongreso: Paigtingin ang kilusang masa laban sa rehimeng US-Aquino! Magpalakas at magpalawak para sa tagumpay ng pambansa-demokratikong pakikibaka!

Tampok ang pasistang kalupitan ng rehimeng US-Aquino sa maralitang lungsod. Marahas ang pagpapalayas sa kanila at demolisyon ng kabahayan nila. Ayon sa Alyansa Laban sa Demolisyon noong Hulyo, winasak ng rehimen ang mga tirahan at kabuhayan ng 16,000 pamilya. Minamanmanan, ginigipit at pinapaslang ang mga lider-maralita na puspusang lumalaban para sa mga karapatan ng maralitang lungsod.

Sa ilalim ng Public-Private Partnership Program ni Aquino, balak na palayasin ang 1.4 milyong maralitang lungsod para ipatupad ang 14 na malaking proyekto na imprastruktura na pakikinabanagan ng mga malaking propyetaryo sa lupa at mga pribadong konstruktor. Sa takbo ng Oplan Bayanihan, marami pang aktibista ng maralitang lungsod ang gigipitin, dudukutin, itotortyur, papaslangin o ibibilanggo ng rehimen.

Anuman ang hirap at panganib, dapat ibayong labanan ng mga maralitang lungsod ang malawakang pagtanggal sa trabaho, ang pagpapabagsak ng pasahod, kontraktwalisasyon, ang pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo at pribatisasyon sa mga serbisyong panlipunan. Ang P426 na sahod ng mga manggagawa sa NCR bawat araw ng paggawa ay hindi man kalahati ng P993 na pamantayan ng simple at sapat na pamumuhay. Malaking bahagi ng sambayanan ang maralita at dumadanas ng gutom.

Sa mga maralitang pamilya, tinatayang 60 porsyento ang walang tahanan, 48 porsyento ang walang suplay ng kuryente, 40 porsyento ang walang kakayahang papasukin sa eskwelahan ang kanilang mga anak, at 35 porsyento ang walang suplay ng malinis na tubig. Dahil sa pribatisasyon at komersyalisasyon ng edukasyon, dadami ang kabataang hindi makakapasok sa eskwela. Sadya ng programang K-12 na ihanda ang karamihan ng kabataan na maging murang paggawa para sa mga dayuhang monopolyo kapitalista. Sa ngayon, 6 sa 10 maysakit ang namamatay na lamang nang walang atensyong medikal. Lalala pa ito dahil sa patuloy na pribatisasyon ng mga pampublikong ospital.

Kung hindi lumalaban ang mga maralitang lungsod, lalo pa silang pagsasamantalahan at aapihin. Wala silang ibang maasahan kundi ang sariling pagsisikap at pakikibaka, kasabay ng lahat ng uring anakpawis at sambayanan. Dapat nilang ipaggumiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga puspusang pagpapahayag, solidong pag-oorganisa at malawakang pagpapakilos ng maralitang lungsod at kanilang mga alyado at tagapagtangkilik.

Pusakal na papet ng imperyalismong US at kinatawan ng mga malaking komprador at asendero ang rehimeng Aquino. Walang hiyang sunud-sunuran ito sa mga utos ng mga imperyalistang amo nito tungkol sa mga patakarang sosyo-ekonomiko, pulitiko-militar at kultura. Sa ganitong punto, walang ikinaiiba ang rehimeng Aquino sa rehimeng Marcos at mga sumunod na rehimen nina Cory Aquino, Ramos, Estrada at Arroyo.

Nananatili ang atrasadong ekonomya, ang laganap na pagdarahop at paglubha ng krisis dahil sa patuloy na pagtanggi ng rehimen sa pangangailangan ng pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa at dahil sa patuloy na pagkapit nito sa patakarang neoliberal na kinasasangkutan ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyonalisyon. Balak ng rehimen at mga alyado nito na susugan ang konstitusyon ng 1986 para lalong mawalan ng saysay ang mga probisyon ng soberanya sa ekonomya, pambansang patrimonya at ilang limitasyon sa pagpasok ng dayuhang kapital.

Lantarang linalapastangan ng US at rehimeng Aquino ang pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino at integridad ng teritoryo ng Pilipinas. Pinalalaki at pinadadalas ang panghihimasok ng pwersang militar ng US. Mapagpasiya ang US sa pagdisenyo, pagplano at pagsasagawa ng Oplan Bayahihan laban sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng US Counterinsurgency Guide. Ginagamit din ng US ang umano´y gera sa terorismo at ang mga usapin tungkol sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas para lalong manghimasok sa Pilipinas.

Dapat itaguyod ng Kadamay at mga maralitang lungsod ang pangkalahatang linya ng pambansang pagpapapalaya at demokrasya. Nararapat silang sumabay at makipag-isa sa lahat ng makabayan at progresibong pwersa ng sambayanang Pilipino para ipaglaban ang pambansang kasarinlan, demokrasya, pambansang industrialisasyon at reporma sa lupa, hustisya sosyal, lahatang panig na pag-unlad at kapayapaang matatag dahil nakabatay sa katarungan.

Mabuhay ang Kadamay!
Mabuhay ang maralitang lungsod!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.