Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
7 Hunyo 2012
Sa ngalan ng International League of Peoples’ Struggle, nagpapaabot ako ng taos-pusong pagbati at pakikiisa sa Kilusang Mayo Uno sa okasyon ng ika-2 Pulong ng Pambansang Konseho sa ilalim ng ika-10 Kongreso.
Ikinagagalak namin ang pagtitipon ng mahigit na 40 kagawad ng Pambansng Konseho at ang pagdalo ng mga pinuno ng mga unyon ng KMU sa Caraga sa pagbubukas ng pulong. Pinupuri namin ang sigasig at bisa ng KMU-Caraga chapter sa paghahanda ng pulong.
Umaasa kami na maging matagumpay ang pulong sa pagsusuri sa pambansang kalagayan, paglalagom sa mga pakikibaka ng mga manggagawa at pagtatakda ng mga pangkalahatang tungkulin ng kilusang unyon.
Mahalaga ang ispesyal na ulat ng Timog Katagalugan, kaugnay ng two-tiered system at hagupit ng Oplan Bayanihan. Ginagawa ng rehimeng Aquino at mga pwersang militar ang naturang rehiyon bilang laboratoryo ng mga panibagong pakana sa pagsasamantala sa mga mamamayan at panunupil sa kilusang makabayan at progresibo.
Inaabangan namin ang mga pag-uulat ng mga rehiyon, pederasyon at pangmasang organisasyon hinggil sa pagkilos nila sa nakaraang isang taon. Batay sa mga ulat at mga mungkahi, makakapagplano kayo ng mga kampanya at pakikibakang masa hinggil sa mga mahalagang isyu.
Karapat-dapat na bigyan natin ng parangal ang mahal nating martir, si Kasamang Joel Ascutia, dating tagapangulo ng PISTON sa Bikol na nagpasyang maglingkod sa kanayunan at nag-alay ng kanyang buhay sa kapakanan ng sambayanan. Bahagi ng pagsulong ng kilusang rebolusyonaryo at inspirasyon natin lahat ang kanyang mga ambag at sakripisyo para sa bayan.
Malaki ang aming tiwala na ibayong lalakas ang Kilusang Mayo Uno bunga ng mga talakayan at pagpapasya ng inyong pulong. Natitiyak naming aabot kayo sa mas mataas na antas ng mapanlabang diwa at kakayahan para isulong ang kilusang unyon at ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong Amerikano at mga reaksyonaryong alipuris nito. ###