Home Writings Messages MENSAHE NG PAKIKIISA SA SELDA SA PAMBANSANG KUMPERENSIYA NITO (Setyembre 10-11,2010)

MENSAHE NG PAKIKIISA SA SELDA SA PAMBANSANG KUMPERENSIYA NITO (Setyembre 10-11,2010)

0

Ni Jose Maria Sison
Detenido sa MSU, Fort Bonifacio, 1977-86
10 Setyembre 2010

Mainit na pagbati ng pakikiisa sa lahat ng kapwa kong naging detenidong pulitikal na nasa pamunuan at kasapian ng SELDA at sa lahat na tagapagtangkilik sa atin. Napapanahon at napakahalaga ang pagdaraos ng Pambansang Komperensiya ng SELDA.

Pagkakataon ito na balik-aralan ang kasaysayan ng SELDA, suriin ang pambansang kalagayan at talakayin ang ating mga tungkulin bilang isang samahan. Karapat-dapat na muling pasiglahin natin ang pagkilos at pakikibaka upang kamtin ang katarungan para sa mga biktima ng pasistang diktadura ni Marcos.

Bago pa bumagsak si Marcos, magiting na itinayo ang SELDA ng mga lumayang detenido pulitikal. Bunga ito ng mahabang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa pasistang diktadura na pakana ng imperyalismong Amerikano.

Ang misis kong si Julie ay tuwirang kasama sa pagtatatag ng SELDA dahil nauna siyang lumaya sa akin. Subalit kahit na ako ay nasa piitan pa noon, nakapagbigay ako ng mga opinyon at mungkahi sa pamamagitan ni Julie tungkol sa Konstitusyon at pag-organisa ng SELDA. Kung gayon, lagi kong ipagmamalaki na kasali rin ako sa pagtatatag ng SELDA.

Maningning ang kasaysayan ng SELDA sa paglaban para sa karapatan ng mga detenidong pulitikal sa ilalim ng rehimeng Marcos at mga sumunod na rehimen. Masigasig na nangampanya ang SELDA sa loob at labas ng bansa laban sa paglabag sa mga karapatang tao. Sa Estados Unidos naipanalo ng SELDA ang human rights case laban kay Marcos.

Hanggang ngayon, binibigo ng mga rehimeng post-Marcos ang hustisya para sa mga biktima ng pasistang diktadura. Inipit o kinamkam ng rehimeng Arroyo pati ang indemnipikasyon para sa mga biktima. Walang humpay ang paglala ng paglabag sa mga karapatang tao. Kung gayon, tungkulin ng SELDA ang patuloy na magpakatatag at magpalakas para ibayong labanan ang paglubha ng terorismo ng estado.

Dapat nating gawin ang mga hakbanging organisasyonal para palakasin ang SELDA. Dapat ugnayan at muling organisahin ang mga balangay at kasapi ng SELDA sa buong bansa. Inaasahan ko na nakatipon ngayon sa kumperensiyang ito ang mga pinakaaktibo at pinakamasugid na kasapi ng SELDA. Maghalal tayo ng mga bagong opisyal at kagawad ng Pambansang Lupon.

Palawakin natin ang kasapian ng SELDA. Susugan natin ang konstitusyon nito para isama ang mga naging detenidong pulitikal sa mga rehimeng sumunod sa pasistang diktadura ni Marcos. Sa gayon, mapapalaki natin ang bilang ng mga kasapi at masasagkaan ang pagbawas dahil sa pagtanda at pagpanaw ng mga naging detenido pulitikal sa panahon ng martial law.

Kailangang-kailangan ang SELDA dahil tiyak na lalong sasama ang kalagayan sa Pilipinas. Bulok na bulok na ang naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Dapat nating harapin ang walang tigil na paglubha ng krisis ng lokal na naghaharing sistema at global na kapitalistang sistema. Nagbubunga ito ng ibayong
malupit na paglabag ng mga karapatang tao para pagtakpan ang mga pundamental na problema at supilin ang mga mamamayan.

Wala tayong nakikitang mga batayang reporma kundi mas matindi pang pagsasamantala at pang-aapi mula sa mga naghaharing uri sa ating bayan. Dapat matatag at masikhay tayong lumahok sa paglaban sa sumisidhing paglabag sa mga karapatang tao at sa tuluy-tuloy na terorismo ng estado at sa nagbabantang panunumbalik ng lantarang pasismo. Isulong natin ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya! ###