Ni Prop. Jose Maria Sison
Guro, Manunulat at Aktibista
Punong Konsultant Panel ng NDFP sa Negosasyong Pang-Kapayapaan
Malugod na makabayan at militanteng pagbati sa mga lider at mga kasapi ng Anakpawis Party List sa okasyon ng ika-apat ng pambansang kumbensiyon ng partido. Nakakatuwa ang pagtitipon ng daan-daang delegado na nangangatawan ng mga anakpawis sa ibat ibang rehiyon, mga prubinsiya, mga siyudad at mga bayan.
Kapansin-pansin ang patuloy na paglakas ng inyong partido. Saludo ako sa inyong lahat sa pagkamit ng mga tagumpay sa nakaraan at sa paghahanda ninyo sa pamamagitan ng kumbensyon para sa ibayong paglakas ng inyong partido, para sa susunod na halalan sa darating na taon at sa buong saklaw ng programa ninyo sa susunod na limang taon..
Mainam na pagkakataon ang inyong kumbensyon para lagumin ang inyong mga karanasan, hanguin ang mga aral at itakda ang mga bagong tungkulin para sa pagsulong ninyo sa mas mataas na antas ng pagkakaisa at kakayahan. Napapanahon at tumpak ang inyong tema: Sulong Anakpawis, Magpalakas, Maglingkod, Magtagumpay!
Napakahalaga ang papel na ginagampanan ng inyong partido. Pinangangatawanan ninyo ang mga anakpawis—mga manggagawa, mga magsasaka at mga mangingisda—na siyang mayorya ng populasyon at sinisikap ninyo sa pamamagitan ng kilusang masa at elektoral na pakikibaka na magpahayag ng kanilang mga hinaing at programa at magkaroon sila ng mga kinatawan sa loob ng Kongreso.
Isang malaking kabalintunaan na ang mga malalaking komprador at asendero na bumubuo ng napakaliit na minorya sa populasyon (kulang pa sa isang por siyento) ang may pinakaramaring kinatawan sa Kongreso at sa iba pang sangay ng gobyerno. Gayunman, kahit na tatlo lamang ang maksimum na magiging kinatawan ng partido ninyo sa Kongreso makabuluhan na may tinig sila rito at makipagtulungan sa iba pang makabayan at progresibong diputado.
Mabuting binababasag ng tinig ng anakpawis ang katahimikan o kasinungalingan ng mga reaksyonaryong diputado tungkol sa mga pundamental na karapatan at kapakanan ng mga anakpawis at ng sambayanang Pilipino. Mabuting gamitin ng mga anakpawis ang pagkakataon na batikusin ang mga tuta ng imperyalismong Amerikano at mga kinatawan ng mga nagsasamantalang uri sa loob ng kanilang bakuran na Kongreso,
Dapat makibaka ang inyong partido sa mga kaaway ng bayan sa loob ng Kongreso at mas mahalaga pa sa labas sa pamamagitan ng mga kampanya at iba pang pagkilos tungkol sa mahahalagang isyu. Sa loob ng Kongreso, may mga limitasyon para sa kinatawan ng mga anakpawis. Pero sa labas ng Kongreso, mas malawak ang mga at marami ang pagkakataon para ipaglaban ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mga anakpawis at sambayanang Pilipino.
Magandang pagkakataon ang inyong kumbensyon na linawin ang kasalukuyang kalagayan. Malubha ngayon at lumulubha pa ang krisis ng pandaidigang sistemang kapitalista at ang lokal na naghaharing sistema. Sinasalanta ng krisis ang mga anakpawis at mga panggitnang saray ng lipunan sa anyo ng malawak na kawalan ng trabaho,lupain at tahanan, ang pagbagsak ng mga kita, ang paglipad ng presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo at iba pang sirkunstansiya ng palaglanap at paglalim ng karukhaan at kahirapan sa buhay.
Sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon, pinabilis ang paghuthot ng tubo at akumulasyon ng kapital sa kamay ng burgesyang monopolyo sa pamamagitan ng pagpapababa ng sahod at pagbabawas sa mga sosyal na serbisyo. Tuwing sumulpot ang krisis ng labis na produksyon, tinatakpan ito ng mga dambuhalang pautang at lalo pang kumikita ng malaking tubo ang mga monopolyong burges at oligarkiya sa pinansiya.
Sa kalaunan, hindi na umoobra ang mga gabundok na pautang para sa mga korporasyon at konsumidor sa mga bansang imperyalista. Bumulosok ang produksyon at lumaganap ang desempleyo. Nagbigay ang mga estado ng malalaki pang pautang sa mga bangko at korporasyon. Pero hindi nila mapasigla muli ang ekonomiya dahil inuuna nila ang pagtatakip sa mga naunang pagkakautang nila. Ngayon, ang mga estadong imperyalista mismo ay tinamaan ng malubhang krisis sa pinansiya.
Mas malubha pa ang kalagayan ng mga bansang atrasado, agraryo at malapyudal tulad ng Pilipinas. Ipinapasa ng mga imperyalista sa kanila ang pasanin ng krisis. Bumaba ang mga pang-luwas na order sa produksyon ng mga hilaw na sangkap at mga malamanufactura (asembli ng semi-conductor ng elektronika at iba pa). Pati empleo sa labas ng bansa nag-umpisa na ang pagbawas. Kumakalat ngayon ang kawalan ng trabaho at pagbagsak ng mga kita, samantalang mabilis ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang batayang kalakal at serbisyo.
Itong kasalukuyang rehimeng Noynoy Aquino walang ikinaiba o mas masahol pa sa rehimeng Arroyo sa pagsasamantala at pagpapahirap sa mga anakpawis. Sumasamba pa rin sa patakarang neoliberal at ayaw ang mga patakarang ng pambansang kasarinlan at pambansang industrialisasyon at reporma sa lupa. Sukdulang korap ang mga burukratang kapitalista na pinangungunan ni Aquino. Kasabwat sila ng mga imperyalista, mga malaking komprador at mga asendero sa panghuhuthot sa mga manggagagwa at magsasaka.
Sabi ni Aquino na walang mahirap kung walang korap. Sinasampal niya ang sarili. Dumarami ang mahihihrap at tama naman na dumarami at lumalaki ang korupsiyon sa rehimeng Aquino. Sinaswapang ng pamilyang Aquino at Cojuangco at mga iilang kasabwat nila ang mg insfrastructure at energy projects, landgrabbing at mga mining concessions. Sa mahabang panahon, ipinipilit ang presyong 10 billion pesos para sa Hacienda Luisita. Ipinagkakait sa mga magbubukid sa niyog ang coco levy funds na kinamkan nina Marcos at Danding Conjuangco.
Walang ikinaiba o mas masahol pa ang rehimeng Aquino sa rehimeng Arroyo sa usapin ng pang-aapi at paglabag sa mga karapatang tao. Kinokunsinti ng rehimeng Aquino ang mga ilegal na detensyon, tortyur at pamamaslang na ginawa ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng Oplan Bantay Laya at gumagawa ng mga panibagong krimen sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan. Hanggang ngayon patuloy na nakakakulong ang higit sa 350 na political prisoners, samantalang matagal nang pinalaya ni Aquino ang higit sa 400 na military prisoners.
Walang respeto ang rehimeng Aquino sa pambansang soberaniya at integridad sa teritoryo ng Pilipinas. Sumusunod na parang tuta sa mga utos ng mga imperyalistang Amerikano at pumapayag sa pagpaparami ng mga pwersang militar ng US sa loob ng Pilipinas, sa malayang paggamit ng mga ito ang kalupaaan, himpawid at karagatan ng Pilipinas. Nagsasabwatan ang US at tehimeng Aquino sa pagpapadalas ng mikitary exercises at panghahamon sa Tsina at DPRK para may dahilan ang US na gamiting baseng lunsaran ang Pilipinas sa pagpapanatili ng ehemonya ng US sa Silangang Asia.
Batid kong kailangan ng inyong partido ang wasto at maliwanag na direksiyon hindi lamang para sa susunod na halalan ng 2013 kundi para sa buong panahon ng 2012 hanggang 2016. Kailangan ninyo ng isang program na sumasaklaw sa susunod na limang taon at naglalahad ng mga patakaran at anyo ng pagkilos para isakatuparan ang programa.
Dapat kasama sa mga patakaran ang pagtataguyod ng pambansang soberaniya at independensiya, ang paglawak ng demokrasya sa pamamagitan ng pagkakamit ng kapangyarihan ang mga anakpawis, ang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pambansang industriakisasyon at tunay na reporma sa lupa, ang pagpapalago sa kultura at edukasyon na makabayan, syentipiko at maka-anakpawis at independyente at mapayapang ugnayang panlabas.
Dapat ipalaganap at isakaturan ang mga patakarang ito sa pamamagitan ng mga kampanya at aktibidad sa impormasyon at pampulitikang edukasyon pagpapalawak at konsolidasyon ng inyong sarling organisayon bilang partido at mga mobilisasyong masa hinggil sa mga umaapoy na isyu.
Kaugnay ng impormasyon at pampulitikang edukasyon, dapat magkaroon ng gawaing research at mga pamplet tungkol sa mga matagalan at mabilisang isyu, dinamikong website, internet broadcast at peryodiko o magasin, mga audio-visual na madaling mapaliwanag tungkol sa partido at mga isyu nito, at madalas na mga seminar at porum sa mga institusyon, lugar ng trabaho at laluna sa mga komunidad.
Kaugnay ng organisasyon, dapat mabilis kayo sa pagrekluta ng kasapi at pagbubuo ng mga balangay at namumunong komite. Konsolidasyon ang mga pag-aaral at paggawa ng kumbensyon sa ibat ibang antas. Ang gawaing konsolidasyon ay pagpapalawak din kung napapadalo ninyo ang mga interesado. Ang gawaing pagpapalawak nagiging konsolidasyon din dahil dito napapanday ang mga kasapi at lider sa gawaing organisasyon.
Kaugnay ng mobilisasyong masa, dapat masiklab o umaapoy na ang isyu at pakilusin ang kasapian, mga kaibigan at kamag-anak, mga kasama sa trabaho, at mga kapitbahay. Dapat ding isagawa ang patakarang nagkakaisng hanay. Himukin na lumahok sa mobilisasyon ang lahat ng tipo ng organisasyong na kayang abutin ng partido. Magkaroon ng mga ugnayang mutwal ng pagtutulungan at pakinabang.
Umaasa ako na magkamit kayo ng mas marami at mas malaki pang tagumpay sa pagpapalakas ng inyong partido at sa pagpapatupad ng inyong programa sa susunod na limang taon at makaganap ang inyong partido ng malaking papel sa pagsusulong ng kilusan para sa pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya soyal at lahatang-panig ng pag-unlad.
Mabuhay ang Anakpawis Party List!
Mabuhay ang mga manggagawa at magbubukid!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!