Mensahe sa Lakbayan ng Visayas 2017: Pagbalikwas sa Kagutuman at Pasismo
17-20 Oktubre 2017
Cebu City
Ni Prop Jose Maria Sison, Tagapangulo
International League of Peoples´ Sruggle
Mahal na mga kababayan,
Malugod kong binabati ang lahat sa inyong kalahok sa Lakbayan ng Visayas 2017. Nasisiyahan ako na nagkaisa kayo para sa lupa, makataong pasahod, katarungan at kapayapaan. Mabuti na marami sa inyo ay magbubukid at mangingisda mula sa ibat ibang dako ng Visayas at dadagsa sa Cebu City para idaos ang Visayas Rural Poor Summit at Camp-out against Hunger and State Repression.
Nasisiyahan din ako na ipagbubunyi ninyo ang ika-100 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre sa balangkas ng pandaigdigang pagdiriwang sa inisyatiba ng International League of Peoples´ Struggle. May kaugnayan ito sa Lakbayan ng Visayas 2017 sapagkat pinatutunayan ng Rebolusyong Oktubre na ang panlipunang pagpapalaya ay nakakamit batay sa alyansa ng manggagawa at magsasaka. Nahawan ang daan para sa tagumpay ng rebolusyon sa pamamagitan ng mga kilos protesta ng masa laban sa kagutuman at panunupil ng estado.
Kapuripuri ang Lakbayan ng Visayas 2017 bilang kilos ng mga mamamayan ng Visayas para ipaggumiit ang karapatan nila sa buhay at kabuhayan na niyuyurakan at nilalabag ng rehimeng US-Duterte. Karapatdapat na labanan ang pagpapalubha ng karukhaan ng mga mamamayan sa kanayunan na dulot ng patakarang neoliberal. Lalong ibinulid nito ang ekonomiya ng bayan sa pagkaatrasado at binigyang-daan ang all-out war na pumapaslang sa mga magsasaka, mangingisda at sibilyan sa Guihulngan.
Karapatdapat na makipagkaisa sa uring manggagawa at iba pang uri at sektor ng lipunan upang isulong ang pakikibaka para sa pambansang soberaniya, demokrasya at pag-unlad sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon. Hangarin nating lahat ang makabayan at progresibong pagbabago sa lipunan at pagkakamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan.
Malawak at mayaman ang kalupaan ng Visayas para sa iba´t ibang tipo ng pananim. Magsasaka ang 75 porsyento ng populasyon. Kanilang produkto ang pagkain para sa bansa subalit sila ang nagdaranas ng kagutuman at nasasadlak sa labis na kahirapan. Sadyang atrasado at pyudal ang sistema sa produksyon.
Walang pag-aaring lupa ang 90% ng mga magsasaka. Pag-aari ng malalaking asendero ang 80 porsiento ng kalupaan . Hinuhuthot ng mga panginoong maylupa ang 70 hanggang 80 porsyento ng produkto bilang upa sa lupa. Laging nakabaon sa utang ang mga magsasaka dahil sa usura, laluna´t sa kanila ipanasasagot ang gastos sa produksyon. Walang suporta ang gobyerno para sa libreng irigasyon at mga serbisyong teknikal. Kung gayon, wala silang pagkakataong kumalas at umahon sa pagkatali sa siklo ng kawalang lupa, utang, karukhaan at kagutuman.
Sa kanyang kampanya sa eleksyon, nangako si Duterte ng pagbabago subalit ito ay kasinungalingan lamang. Ipinagpatuloy niya ang patakarang neoliberal ni Aquino na lalong nagpapabigat sa kahirapan ng mga magbubukid. Ang madugong Oplan Tokhang laban sa ilegal na droga, Oplan Kapayapaan laban sa mga rebolusyonaryo at Moro ay nagbunga ng maramihang pamamaslang at paglabag sa karapatang tao sa hanay ng mga magsasaka at iba pang mamamayan.
Nangako si Duterte na mamahagi ng lupang publiko, libreng serbisyo sa irigasyon, pag-pawi sa kontraktwalisasyon, pagtaas ng pasahod at pagtigil sa red tape at korupsyon, libreng edukasyon at mas mataas na badyet para sa mga serbisyong pampubliko. Subalit matapos ang isang taon, napatunayan na kasinungalingang lahat ang mga pangako.
Tinalikuran din ni Duterte ang pangako sa pambansang industryalisasyon. Bumaling siya sa pangako ng bulagsak na pagpapatayo ng imprastruktura na nakabatay sa pangungutang sa Tsina at pagpapataas ng buwis. Magbubunga ang mga imprastrukturang ito sa kumbersyon ng malalawak na lupaing agrikultural tungo sa di-agrikultural, dislokasyon ng mga tahanan, pagkasira sa kabuhayan at mabubulid pang lalo ang mga anakpawis sa mas mahirap na kalagayan.
Salot sa mga magsasaka at sa sambayanang Pilipino ang land-use conversion sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Nangangahulugan ito ng patuloy na monopolyo ng lupa sa kamay ng mga panginoong maylupa at mga dayuhan at lokal na korporasyon, kawalan ng seguridad sa pagkain, pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal, pagsira sa kapaligiran at dislokasyon ng mga magsasaka at iba pang maralitang bukid.
Binalak sa Bohol na maglaan ng 45,000 ektarya para sa palm oil plantation subalit napatunayan ng mga magsasaka na magiging manggagawang bukid sila dito na hindi kikita ng sapat para sa kanilang kabuhayan. Kaya nilabanan ang balak na plantasyon ng mga organisasyong magbubukid, mga nongovernment organisations at mga lokal na yunit ng gobierno.
Sa isla ng Negros pinakamarami ang mga manggagawang bukid sa mga asyenda ng asukal. Kumikita sila ng 8 hanggang 17 piso bawat araw na hindi man sapat na pambili ng isang kilong bigas sa tiempo muerto. Sa panahon ng paggiling, kumikta sila ng 1000 – 1500 piso sa 15 araw ng paggawa. Napakaliit kung ihambing sa kita ng asendero na 80,000 piso kada ektarya.
Walang suporta ang reaksyonaryong gobierno para madagdagan ang kanilang kita. Walang ibang pinagkakakitaan ang mayorya sa kanila. Mangilan-ilan sa kanila ang pumapasok sa ibang asyenda o tumutungo sa kalunsuran upang magtrabaho at tumanggap ng sahod na mababa pa sa minimum.
Masahol din ang kalagayan ng mga mangingisda. Ang sistema ng produksyon ay atrasado, kalat-kalat at maliitan. Nangingibabaw ang malalaki at dayuhang barkong pangisda; pinanghihimasukan nila ang municipal fishing grounds. Limang kilong isda lamang ang karaniwang nahuhuli ng maliliit na mangingisda dahil wala silang makabagong kagamitan. Malayo sa 1,088 piso living wage (ang umano´y takdang arawang pangangailangan ng 5-kataong pamilya) ang kinikita nila. Sapilitang nangingibang bansa ang maraming mangingisda para magkatrabaho sa karaniwang kita na 2000 piso bawat araw.
May joint memorandum ang DENR, DILG, DND, DPWH, at DOST noong 2014 na nagtatakda ng no-build zones sa mga baybay-dagat umanoý dahil sa malalakas na bagyo, pagbaha, at pagguho ng lupa. Subalit ang tunay na layunin ay palayasin ang mga naninirahang mangingisda at ibigay ang lupa sa mga tinaguriang special economic at eco-tourism zones. Ipinatutupad ang memorandum sa Silangang Visayas, isla ng Panay at Hilagang Cebu.
Sa pagbaling ni Duterte sa kanan, naging dependyente siya sa mahigit na 60 opisyal militar na hinirang niya sa mga mahahalagang pwesto sa gobyerno. Tinanggal na ang mga hinirang niyang mga makabayan tulad nina Gina Lopez, Judy Taguiwalo at Paeng Mariano. Pinapalibutan na siya ng kapwa niyang mga papet ng US at mga oligarkong komprador at asendero.
Sa halip na atupagin ang mga ugat ng kahirapan at ugat ng tunggalian sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industrialisasyon, nagsasagawa si Duterte ng tatlong gera laban sa mga mamamayan: mga pobreng suspetsang drug adik at pusher, mga rebolysonaryo at mga mamamayang Moro. Nagbunga ito sa maramihang pamamaslang at paninira.
Higit sa 14,000 ang naging biktima ng digma laban sa ilegal na droga. Sa digma laban sa mga rebolusyonaryo at mamamayan binobomba ang mga komunidad, at pinapaslang ang mga organisador ng mga komunidad at kllusang masa, matapos silang siraan at taguriang mga rebelde. Walo ang pinaslang sa loob lamang ng dalawang buwan na mga lider ng mga progresibong organisasyong lokal. Ginagambala at tinatakot ang mga lider ng magsasaka. Nagbunga ito ng klima ng lagim. Mga pulis ang maliwanag na gumagawa ng pagpatay.
Sa Bohol, tinarget ng pambubulabog at paninira ang Hugpong sa Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL). Magmula Pebrero, may 11 kaso sa paglabag sa karapatang tao bukod sa marami pang di naitatalang kaso. Gawa ang mga krimen ng 47th IB ng PA & PNP sa tulong ng Countryside Development Program-Purok Power Movement ng gobyernong prubinsyal sa ilalim ng umano´y counter-insurgency program na Oplan Kapayapaan.
Nagkampo ang mga miyembro ng yunit 87th IB sa mga komunidad ng Western Samar, gumawa ng pananakot at gambalang sekswal sa mga teenager. Napinsala ang kabuhayan ng mga tagaroon dahil lumikas sila mula sa mga bukirin.
Balak ni Duterte na magproklama ng martial law sa buong bansa at ipormalisa ang pasistang diktadura na de facto na. Ngayon pa lang may monopolyo na siya sa kapangyarihan at walang pakundangan sa paggamit ng terorismo ng estado. Nasa kanya na ang umano´y supermajority sa Kongreso at mayorya sa Korte Suprema. Nais niyang maging unitaryong diktador bilang presidente ng binabalak na pekeng pederal na sistemang gobyerno.
Maliwanag nang bubuo ang Kongreso ng isang constitutional assembly para iratsada ang pagpalit ng 1987 konstitusyon. Tulad ni Marcos, gagamitin ni Duterte ang kilima ng lagim sa ilalim ng batas militar at ang kontrol niya sa Comelec at mga opisyal ng barangay para iratsada rin ang ratipikasyon ng isang pasistang konstitusyon.
Karapatdapat ngayon na dumagsa ang mga magsasaka at mga mangingisda sa kalunsuran upang ipakita ang pagkakaisa at lakas laban sa mga imbing na patakaran at balak ng rehimeng US-Duterte. Ihayag ang mga hinaing at mga demanda. Ilantad at labanan ang pagkapapet at mga karahasan ng rehimen. Ugnayan ang pinakalawak na mamamayan para sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika.
Karapatdapat na manindigan ang mga mamamayan sa Kabisayaan laban sa kontra-mamamayan at pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Wasto ang layunin ng Lakbayan na ilantad ang mga kahirapang hinaharap ng mga mamamayan ng Visayas na sumasalamin sa kalagayan ng sambayanang Pilipino. Isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Itigil ang pagpatay sa mga magsasaka!
Buwagin ang sistemang asyenda!
Itigil ang kombersyon ng paggamit sa lupa! (land-use conversion)
Wakasan ang martial law at pasismo ng estado!
Wakasan ang oligarkya ng malalaking asendero at komprador!
Wakasan ang patakarang neoliberal ng rehimeng US-Duterte!
Makibaka para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon!
Tugmang, tugma ang ngayon kalagayan para mapadali ang paglaya, hinog na at dapat pitasin isalang malakihang pagkilos na may malaking pinsala sa mga alipuris ng estado at jaguar na sasama ang bayan