Ni Prof. Jose Maria Sison
Alumnus at Guro ng UP
Ika-21 ng Nobyembre, 2013
Mahal na mga guro, estudyante at kaibigan
Malugod akong nagpapasalamat sa inyong pagdalo, sa UP Cineastes’ Studio sa pagdadala ng lahat ng pelikula ng CineFilipino at sa STAND UP bilang punong abala sa pagpapalabas ng The Guerrilla Is a Poet dito sa UP Film Center.
Umaaasa akong magugustuhan ninyo ang nilalaman at ang masining na paggawa ng pelikula. Nakatuon ang nilalaman sa buhay ko noong mga taon mula 1968 hanggang 1977, mula sa pagpupundar ng Partido Komunista ng Pilipinas hanggang ako ay mahuli, mapadebate kay Marcos at matortyur. Ipinakikita ang paglakas ng kilusang rebolusyonaryo hanggang ngayon. Patunay na mahusay ang pagkakagawa ng pelikula ang mga gawad na tinanggap at mga papuri mula sa mga manunulat sa masmidya.
Maituturing ang pelikula na bahagi ng ika-150 anibersaryo ng pagsilang ng dakilang Andres Bonifacio at pagbubunyi ng Rebolusyong Pilipino na inumpisahan niya at ipinagpapatuloy ng sambayanang Pilipino at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Galak din akong makaalam na magkakakaroon ng ng paligsahan ng mga maigsing pelikula na pinamagatang Cinema Supremo.
Panahon ito ng pagbubunyi sa rebolusyonaryong tradisyon ng sambayanang Pilipino, sa mga saligang prinsipyo at mga tagumpay na nakamit sa pakikikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nakaalay sa gunita ni Andres Bonifacio ang serye ng limang libro ko sa pangkalahatang pamagat ng Pagpapatuloy sa Rebolusyon at ang ika-49 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan.
Sumulong na tayo mula sa lumang demokratikong rebolusyon tungo sa bagong demokratikong rebolusyon sa epoka ng makabagong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Lumalaban pa rin tayo sa nagpapatuloy na mga salot sa bayan tulad ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo upang ganap na makamit pambansang kalayaan at demokrasya.
Mapagpasya ang papel ng kabataan sa pakikibaka. Binibiktima kayo ng mga malakolonyal at malapyudal na kondisyon. Walang habas ang mga nasa kapangyarihan sa pangungurakot at pagpapataas ng gastos-militar at debt service samantalang patuloy din sa pagbabawas sa badyet para sa edukayon, kalusugan at iba pang serbisyo sosyal. Dapat matatag at magiting tayong kumilos para sa mga karapatan at interes ng kabataan gayundin ng sambayanang Pilipino.
Sabi ng dakilang Mao, “Sa inyo ang daigdig, gayundin sa amin, subalit sa huling pagsusuri, sa inyo ito. Kayong kabataan, puno ng lakas at sigla, ay nasa yabong ng buhay, tulad ng araw sa alas otso o alas nueve ng umaga. Ang pag-asa namin ay nasa inyo. Sa inyo ang daigdig.”
Ipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino! Maghimagsik! Mabuhay kayo!