04 Agosto 2010
Pasisimulan ng Bagong Alyansang Makabayan – National Capital Region (Bayan-NCR) ang Paaralang Jose Ma. Sison, na tatawaging “Paaralang JMS” sa Setyembre 2010. Ito ay bilang pagpupugay kay Propesor JMS sa kanyang ika-50 taon ng maningning na paglilingkod sa mamamayang Pilipino; sa kanyang hindi mapapantayang ambag sa pambansa demokratikong kilusan sa Pilipinas; at sa kanyang mga sulatin tungkol sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya; sa pakikibaka ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalistang pandarambong at gera; at gayundin, sa pilosopiya at unibersal na teorya at praktika ng Marxismo-Lenninismo-Maoismo.
Ang Paaralang JMS ay nakaturol sa pag-aaral at pagsasanay ng paparaming bilang ng mga instruktor sa iba’t ibang edukasyong pampulitika — partikular ng mga akda at aklat na isinulat ni Propesor JMS — sa hanay ng malawak na inoorganisang masa at ng mga aktibista mula sa mga kasapi at alyadong organisasyon ng Bayan-NCR. Kung kaya, hindi pinapalitan, bagkus ay pagsuhay pa sa Pambansa Demokratikong Paaralan (PaDePa), o katumbas nito, na pawang sistematiko at sustenidong pag-aaral sa loob ng mga pambansa demokratikong organisasyong masa sa ilalim ng Bayan-NCR.
Nakikita ng Bayan-NCR ang silbi ng “Paaralang JMS” sa konteksto ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa tunay na demokrasya at kalayaan, lalo na sa harap ng walang humpay na paghahabi ng imperyalismong US (at pagtatambol ng mainstream media) sa ilusyon ng pag-asa sa rehimeng US-Noynoy Aquino; sa harap ng pag-igting ng kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino; at sa harap ng ibayong paglalim ng krisis sa ekonomya at pinansya ng US at mga imperyalistang bansa.
Ang pag-aaral sa mga akda at aklat ni Propesor JMS ay tiyak na makapaglilinaw sa batayang suri sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal at sa pangangailangan sa at tiyak na pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon sa hinaharap.
Tinatanaw ng Bayan-NCR na magkaroon ng pangrehiyong pisikal na sentro para sa Paaralang JMS; gayundin na magkaroon ng kahalintulad na sentro ang mga organisasyong masa na kasapi ng Bayan-NCR, at mga balangay nito sa antas syudad.
Layunin:
1.Matamang pag-aralan ng mga aktibista at higit na ipopularisa sa hanay ng masa ang mga akda at aklat na isinulat ni Propesor JMS.
2.Makapagsanay ng mga paparaming bilang ng instruktor sa mga akda at aklat na isinulat ni Propesor JMS.
3.Isikad pa ang pagpapahusay ng gawaing edukasyon sa pambansa demokratikong linya, pagsusuri at panawagan sa buong rehiyon.
Mga kurso/akdang pag-aaralan:
1.Lipunan at Rebolusyong Pilipino — aklat na isinulat ni Amado Guerrero, ang pen name na ginamit ni Propesor JMS mula 1968 hanggang 1977.
2.Makibaka para sa Pambansang Demokrasya — isang koleksyon ng mga talumpati (noong 1964-68) ni Propesor JMS, Tagapagtatag ng Pangulo ng KM.
3.Krisis at Rebolusyong Pilipino — isang koleksyon ng mga talumpati (noong 1986-89) ni Propesor JMS.
4.Crisis of Imperialism and People’s Struggle, Volume 1, 2, 3 & 4 –koleksyon ng mga piling sulatin ni Propesor JMS.*
5. Mga piling sulatin at mga talumpati ni Propesor JMS kaugnay sa Pilosopiya (Marxismo-Lenninismo-Maoismo).**
6.Mga piling sulatin at mga talumpati ni Propesor JMS kaugnay sa modermong rebisyunismo at sosyalismo.**
* Tukuyin ang mga mahahalagang dokumento sa dapat ay matiyak na kasama sa mga aaralin.
** Mag-research. Piliin para gawing isang bungkos ang mga akda/sulatin na angkop para sa kurso.
Mga instruktor:
Nagtukoy ang Bayan-NCR ng mangungunang 32 instruktor, mula sa iba’t ibang mga kasapi nitong organisayong masa, at mga balangay para sa serye ng pag-aaral sa mga akda at aklat ni Propesor JMS.
Panimulang iskedyul ng pag-aaral:
* Setyembre 25 at 26 LRP, SND
* Oktubre 9 at 10 LRP, SND, KRP
* Oktubre 23 at 24 LRP, SND, KRP, Imperyalismo
* Nobyembre 6 at 7 LRP, SND, KRP, Imperyalismo, Pilosopiya,
* Nobyembre 20 at 21 LRP, SND, KRP, Imperyalismo, Pilosopiya,
Ispesyal ng kurso hinggil sa sosyalismo at modernong rebisyunismo
May isasagawang enlistment para sa mga mag-aaral bago ang naihanay na mga iskedyul.
Matapos ang 5 iskedyul ay tatasahin ang kabuuang inabot ng Paaralang JMS upang mapaunlad ang muling pagbubukas nito sa simula ng taong 2011.