ni Jose Maria Sison
Setyembre 16, 2014
Malugod kong ipinapaabot ang aking rebolusyonaryong pagbati kay Gelacio Guillermo sa paglulunsad ng kanyang aklat ng “Mga Tula” at sa kanyang pagtanggap na siya at si Kris Montanez ay iisa. Kapuri-puri na inakda niya sa tunay na pangalan at nom de plume ang magagandang tula na naglalarawan at nagbibigay kabuluhan sa buhay ng mga anakpawis at sa kanilang pakikibaka para lumaya sa pang-aapi at pagsasamantala.
Angkop na siya ay pararangalan sa okasyon na nakaalay sa mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita at gumugunita sa ika-10 anibersaryo ng Hacienda Luisita masaker. Ipinanganak sa Obrero, Central Azucarera de Tarlac noong 1940, nauna pa siya sa mga Cojuangco at Aquino sa pagtira sa Hacienda Luisita. Lumaki, nag-aral at nagtrabaho siya sa kapaligiran ng asyenda.
Maalaala ko na noong una kong makilala si Gelacio sa UP interesado siya sa panitikan at pagtula at sa paglalahad ng panlipunang katotohanan sa pamamagitan ng sining. Pero nang sumunod na semestre, nawala siya sa kampus at unang kong inisip na nasa paligid lamang subalit nanlamig siya sa mga rebolusyonaryong talakayan at aktibismo.
Iyon pala, nawala siya sa kampus ng isang semestre para magtrabaho at kitain ang gagastusin niya sa pag-aaral sa susunod na semestre. Kung gayon, malayong malaki ang lamang ni Ka Gelacio sa akin sa pagsapul sa punto de bista ng mga api at pinagsasamantalahan. Kanyang naranasan at nadama nang tuwiran ang pang-aapi at pagsasamantala. Sa kabilang banda, nag-umpisa ako sa obserbasyon at pag-aaral lamang sa kalagayan ng mga anakpawis.
Si Ka Gelacio ang orihinal na makata ng mga anakpawis ng Hacienda Luisita. Una ko siyang nakilala bilang makata mula sa mga tula niya tungkol sa Hacienda Luisita. Ang una niyang inilathalang aklat ay pinamagatan niyang Azucarera, isang bungkos ng mga tula na tampok ang buhay at pakikibaka ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita.
Hacienda Luisita man ang sinilangan at pinag-ugatan ni Ka Gelacio, naging pambansa, makaproletaryo at unibersal ang kabuluhan at saklaw ng kanyang mga sulatin bilang makata at kritiko na naglilingkod sa sambayanang Pilipino at proletaryong namumunong uri sa kasalukuyang demokratikong rebolusyon ng bayan at sa susunod na sosyalistang rebolusyon.
Kayamanan ng panitikang Pilpino ang mga tula ni Ka Gelacio. Isa rin siya sa pinakatampok na awtoridad sa panitikang rebolusyonaryo ng Pilpinas magmula ng mga 1960 bunga ng kanyang masusi at masigasig na pag-aaral at pagtitipon ng mga salaysay at tula ng mga manunulat na kapwa niyang kalahok sa rebolusyon.
Nagpapasalamat ako na siya ang unang nagsalin sa aking bungkos ng mga tulang tinipon sa aklat na Sa Loob at Labas ng Piitan.. Tayong lahat ay nagpapasalamat sa lahat na kanyang akda at iba pang gawa bilang guro at aktibista para pukawin, organisahin at pakilusin ang mga anakpawis at sambayanang Pilpino para sa kanilang pagpapalaya.###