Pagbati sa Kilometer 64 Poetry Collective (KM64) sa ika-10 Anibersaryo ng Pagkakatatag
Ni Prop. Jose Maria Sison
Kapwa Makata at Tagapangulong Tagapagtatag ng Kabataang Makabayan
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
11 Marso 2013
Taos puso akong nagpapaabot ng maalab at mapagpalayang pagbati sa Kilometer 64 Poetry Collective (KM 64) sa okasyon ng ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Maningning na bahagi kayo ng kasaysayan at kasalukuyang agos ng paglikha ng mga makabayan at rebolusyonaryong mga tula sa Pilipinas.
Mabunga ang inyong pagsasama-sama bilang mga makata. Binibigkis kayo ng diwang lumikha ng mga tulang nagsisilbi sa sambayanan, laluna sa mga anakpawis, at nag-aambag sa pagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Tumitingkad ang diwang ito sa bawat isa sa inyo. Naisasakatuparan ang inyong matayog na layunin sa paglikha, paglathala at pagtatanghal ng inyong mga tula.
Isang karangalan para sa akin ang paglahok sa ilang mayor na aktibidad ninyo. Nakapagbigay ako ng paunang salita sa librong 40, mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan. Lumahok ako sa pagbabasa ng mga tula sa paanyaya ninyo sa pamamagitan ng yumaong Alexander Martin Remollino . Nakakapasigla sa akin ang ganitong mga okasyon. Pinakamahalaga sa akin, nakakasama ko kayo sa pakikibaka sa anyo ng pagtula.
Ang mga tula natin ay mga ulos, punyal at bala na tumutudla sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Napakahalaga ang tungkuling itumba at gapiin ang mga halimaw na ito. Natatanging tungkulin natin na sa pamamagitan ng mga tula mapapaalab natin ang diwa at damdamin ng ating mga kababayan para lumaban at palayain ang sarili nila.
Ibayong magpakahusay tayo bilang mga makata ng bayan at ng rebolusyong Pilipino. Dalasan ang paglikha, paglathala at pagtatanghal ng mga tulang maganda, mapanlaban at mapagpalaya. Bilang mga makata, paigtingin ang bahagi natin sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Mabuhay ang KM 64!
Isulong ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang samabayanang Pilipino!