Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle
Hulyo 24, 2015
Aking ipinapaabot ang pinakamainit na pagbati at pakikiisa ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa pamunuan at kasapian ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagbubunyi ng kanyang ika-30 anibersaryo. Sa pagtatatag ng KMP sa kanyang Unang Pambansang Kongreso noong Hulyo 24, 1985, mapalad akong nakapagbigay ng mensahe na may pamagat, “Reporma sa Lupa at Kilusang Magbubukid,” kahit ako ay nasa kulungan pa ng diktadurang US-Marcos.
Sa harap ng mabangis bagamat pabulusok nang diktadura, magiting na nagtipon ang mahigit na 300 lider-magsasaka mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kasama ang mga tagasuporta at kapanalig na organisasyon at institusyon. Binuo nila ang pinakamalawak na pambansa demokratikong organisasyon ng mga magbubukid.
Magmula noon, maraming tagumpay ang inani ng KMP sa paghimok, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang magbubukid. Aking karangalan na muling maging kasama ninyo sa sa pagbubunyi ng inyong mga pagsisikap,mga sakripsyo at mga tagumpay sa tatlong dekada ng militanteng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Magpugay tayo sa mga martir at bayani ng KMP, ng uring magsasaka at sambayanang Pilipino! Pulang saludo!
Sa ngalan ng ILPS, nais ko ngayong magpasalamat sa KMP sa pamumuno nito sa ILPS Commission No. 6 at sa pagrekluta ng maraming samahang magsasaka mula sa saklaw ng Asian Peasants’ Coalition para maging kasapi ng ILPS. Nasisiyahan kami na patuloy na nanghihikayat kayo ng dagdag pang mga organisasyon ng mga magsasaka at magbubukid na dumalo sa 5th International Assembly ng ILPS na gaganapin sa darating na 14-16 ng Nobyembre at sumapi sa ILPS.
Sang-ayon kami sa inyong tema at panawagan na ipagbunyi at konsolidahin ang inyong mga tagumpay at ibayong paigtingin ang pambansa demokratikong pakikibaka. Ipagpatuloy ng KMP ang pangunahing tungkulin na ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at karapatan ng mga magsasaka sa gitna ng papatinding pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pananalansa ng imperyalismo sa agrikultura at mga atake ng pasismo sa kanayunan. Ibayong tagumpay pa ang inyong aanihin sa puspusan at magiting na pagkilos para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga demokratikong karapatan at interes ng uring magbubukid.
Ang pakikibaka ng mga magbubukid ay gulugod ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ay tunay na reporma sa lupa bilang susi sa sosyo-ekonomiko, pampulitika at kultural na pagpapalaya ng uring magsasaka na bumubuo sa malaking mayorya ng sambayanang Pilipino.
Kahanga-hanga na umabot na ang KMP sa 65 na pamprobinsyang balangay at 15
panrehiyong balangay na may mahigit dalawang milyong kasapian. Malaking pwersa na ito sa pambansa demokratikong kilusan. Subalit marami pang dapat gawin para abutin ang sampu-sampung milyong mga magbubukid. Kailangang palawakin at konsolidahin ang umiiral na lakas.
Ibayong paunlarin ang KMP sa pamamagitan ng matiyaga at masinop na pagsisikap sa larangan ng edukasyon at propaganda, organisasyon at mobilisasyon ng masang organisado na natin at ng hindi pa. Magpakahusay sa mga kampanya sa iba’t ibang antas—lokal, panlalawigan, panrehiyon at pambansa. Makipagkaisa, makipagtulungan at makipag-alyansa sa iba pang pormasyon ng mga magsasaka at sa ibang sektor. Gayundin, makipagkapatiran sa mga magsasaka at mga mamamayan sa labas ng bansa.
Bigo ang kasalukyang rehimeng US-Aquino at mga naunang rehimen na wasakin ang KMP. Hindi natakot kundi lalo pang lumakas ang loob at hanay ng mga magbubukid sa harap ng mga pananakot, panggigipit at panggugulo sa mga kilos masa, pagbilanggo ng mga aktibista, mga pandurukot, mga masaker sa kanayunan at sa Mendiola, pagbilanggo ng marami, sapilitang ebakwasyon, pang-aagaw ng lupa at lahat na pagsasamantalang pyudal at malapyudal at mga kampanyang militar na panupil sa mga magbubukid at mga kapatid nating katutubo at sa kilusan para sa tunay na reporma sa lupa.
Naging tanyag ang KMP sa buong bansa dahil sa mga matatag at magiting na pagtataguyod, pagtatanggol at pagsusulong sa hustisya sosyal at mga karapatan ng mga magbubukid. Kabilang sa mga tampok na pakikibaka ng KMP laban sa mga asendero at mang-aagaw ng lupa.ay sa Hacienda Luisita, Hacienda Looc, mga bungkalan sa Negros Occidental, bio-ethanol project sa Isabela, Hacienda Yulo sa Laguna, San Jose del Monte, Bulacan, CMU sa Mindanao at Opol sa Misamis Oriental. Nakuha rin ng KMP ang inisyatiba sa pagbawi sa multi-bilyong coconut levy funds, paglaban sa resikada, pandaraya sa timbang, pagpababa ng upa sa lupa at interes sa pautang, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid at sa iba pa.
Bunga ng paglakas sa pamamagitan ng pakikibaka, nakayanan ng KMP na maging mayor na pwersa sa Anakpawis party list at sa Makabayan Coalition at nakakapagpanalo ng kinatawan sa Kongreso. Lalong lumakas ang KMP sa kanyang paglaban at paghadlang sa pagpapalawig ng reaksyonaryong Comprehensive Agrarian Reform (CARP) habang itinutulak ang panukalang batas na Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) bilang alternatibo at solusyon sa kawalan ng lupa. Nailantad ng KMP na sa ilallim ng CARP nakakalusot ang mga panginoong maylupa at binabawi pa sa iba’t ibang dahilan ang mga dating sertipikasyon ng pamamahagi ng lupa sa ilang lugar.
Kung saan umabot ang mga balangay ng KMP, militanteng naisasagawa ang tunay na reporma sa lupa. Nangyayari ang restitusyon ng mga lupang kinamkam ng mga mapagsamantala, okupasyon ng mga malawak na lupa at kolektibong pagsasaka. Naibababa ang upa sa lupa o tuluyan nang naipapatigil ang pagbayad ng upa kapag natupad paantas-antas ang mga rekisito. Pinapalis ang usura. Ipinapatupad ang tamang bayad sa manggagawang bukid at tamang presyo ng mga produkto. Pinauunlad ang produksyon sa agrikultura at iba pang hanapbuhay. Nilalabanan ang mga atake at abuso ng mga pasistang sundalo at masasamang elemento.
Lumakas ang KMP dahil napangibabawan nito ang mga kamalian at kahinaan at mahusay na nilabanan ang mga atake mula sa loob at labas ng organisasyon sampu ang lantarang kaaway sa uri at mga tusong ahente nilang socdem at iba pang repormista. Nilabanan at ginapi ang mga maling linya at panghahati ng mga kontra at oportunista tulad nina Taning, Tadeo at Pascual. Magmula nang naihiwalay at nawala sila, lalong sumigla ang mga kampanya at bumilis ang paglakas at pagsulong ng buong KMP.
Habang hindi nagtatagumpay ang kilusang pambansa demokratiko ng sambayanang Pilipino, mananatili ang mga pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi ng mga asendero at komprador na kinakatawan ngayon ni Noynoy Aquino. Sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon, kasabwat nila ang dayuhang monopolyo sa pangangamkan ng malalawak na lupa at sinisira nila ang pagkakataon na magkaroon na tunay na reporma sa lupa.
Sinisira pa nila ang agrikultura ng Pilipinas at kasarinlan sa pagkain, dahil sa nagpapalawak nila ng mga plantasyon ng produktong pangluwas tulad ng hilaw na goma at palm oil at dahil din sa pagpapalawak ng mga trosohan na sumisira sa natitira pang forest cover at ng mga minahan na naglalason sa mga ilog, pumipinsala sa kapaligiran at nagbubunga ng pagguho ng lupa, mga baha at mahahabang tagtuyot. Dahil sa pagsira sa kapaligiran, palubha nang palubha ang mga sakuna at lalo ring pabaya ang reaksyonaryong estado sa mga milyun-milyong biktima. Ang mga mamamayan at mga organisasyon katulad ng KMP ang kumikilos para tulungan ang mga biktima.
Habang nananatili ang pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ang lokal na sistemang malakolonyal at malapyudal, humaharap ang KMP sa maraming hamon. Sumisidhi ang krisis sa labas at loob ng bansa dahil sa patakarang neoliberal na diktado ng imperyalismong US. Tumitindi ang suliranin sa kawalan ng trabaho at lupa, karukhaan, kagutuman, at iba pang paghihirap sa ilalim ng rehimeng Aquino. Kinakamkam ng mga dayuhang monopolyo at mga kasabwat nilang malalaking komprador at asendero ang mga lupain. Kaya, ang mga halimaw na ito mismo ang nagpapataba ng lupa para sa digmang bayan sa kanayunan at para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.
Sa larangan ng legal na pakikibaka, tungkulin ng KMP na kamtin ang tunay na repormang agraryo, ang pagbuwag sa monopolyo sa lupa at pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal. Habang hinaharang ng mga makapangyarihan ang layuning ito, nagkakaroon ng ibayong katuwiran na isagawa ng sambayanang Pilipino ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Sa gayon, maisasagawa ang ganap na rebolusyong agraryo na kaakibat ng pambansang industriyalisasyon sa balangkas ng Pilipinas na may ganap na kasarinlan, demokrasya, hustisya sosyal at lahatang panig na pag-unlad.
Umaasa ako na ang inyong pagbubunyi ng ika-30 anibersaryo ng KMP ay maging hudyat at tulak sa ibayong pagpapalawak at konsolidasyon; at ibayong mga tagumpay sa pagtaas ng kamalayan, pagpapalakas ng organisasyon, paglulunsad ng marami pang kampanya para sa pagpapatupad ng inyong pangunahing layunin na repormang agraryo at para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong kilusan.
Mabuhay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas!
Magkonsolida at magpalawak!
Mabuhay ang uring magbubukid!
Isulong ang tunay na reporma sa lupa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Ipagwagi ang pakikibaka para sa pambasang kalayaan at demokrasya!