Home Writings Messages PALAWAKIN AT PATATAGIN ANG CHRISTIANS FOR NATIONAL LIBERATION

PALAWAKIN AT PATATAGIN ANG CHRISTIANS FOR NATIONAL LIBERATION

0

Pagdiriwang ng ika-40 Anibersaryo ng Christians for National Liberation

Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Pampulitikang Konsultant ng National Democratic Front

Taos pusong ipinaaabot ko ang rebolusyonaryong pagbati at pakikiisa sa Christians for National Liberation (CNL) sa ika-40 anibersaryo ng pagtatatag nito.. Napakaraming tagumpay ang nakamit ng CNL sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino kaakibat ng pagtupad sa Kristiyanong pananampalataya.

Bunga ng mamatinding pakikibaka at mga sakripisyo ang mga tagumpay. Karapatdapat lamang na parangalan ang kabuaan ng CNL at mga martir at bayani na nagpalakas at nagsulong ng diwa’t layunin ng CNL sa rebolusyonaryong praktika ng pagmamahal sa kapwa, laluna sa mga pinagsasamantalahan at inaapi sa isang malupit na sistema ng malalaking komprador at asendero na sunud-sunuran sa imperyalismong Amerikano.

Napakahalaga ang makasaysayang papel na ginagampanan ng CNL sa hanay ng mga taong simbahan para isulong ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilpino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Mapalad ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan na makasama ang CNL sa balangkas ng pagtutulungan at paglilingkod sa masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Mula’t sapul, humanay ang CNL sa mga pwersang makabayan at progresibo. Magiting at masigasig na lumahok sa paglaban sa pasistang diktadura ni Marcos. Pursigidong kumilos para mahimok ang karaniwang mga taong simbahan, mga madre, mga pari, mga pastor at mga obispo na ipagtanggol ang mga karapatang tao at sawatain ang mga reaksyunaryo sa paggamit sa institusyon ng simbahan bilang kasangkapan ng imperyalismo at mga nagsasamantalang uri laban sa masang anakpawis, kabilang ang Bangsa Moro.

Nakakatulong natin ang CNL sa pagpapalaganap ng kilusang pambansa at sosyal na pagpapalaya sa kalunsuran at kanayunan. Malaki at mapagpasya ang papel ng CNLsa loob ng National Democratic Front. Matapos na ibagsak ang pasistang diktadura ni Marcos, patuloy na kumikilos ang CNL sa balangkas ng NDF at sa landas ng rebolusyon laban sa buong sistema at mga sumusunod na rehimeng reaksyonaryo.

Sa aking panahon, nakatulong ang CNL sa pag-uugat ng mga pwersang rebolusyonaryo sa pambansang saklaw. Noong napilay ang National Liaison Committee, tumulong ang mga rebolusyonaryong pari at madre sa komunikasyon at sa pagpapalitaw at paglilipat ng maraming bagay. Sa dinami ng naitulong ng mga taong simbahan, makakapagbanggit ako ng iilan lamang na iniambag nila. Maraming kasama at mamamayan ang makakapagsabi ng nasaksihan nilang mga ambag ng CNL sa rebolusyon..

Sang-ayon ako sa tema ng pagbubunyi ng ika-40 na anibersaryo “Palawakin at patatagin ang Christians for National Liberation bilang pambansang demokratikong kilusang lihim ng mga taong simbahan. Aktibong lumahok sa armadong pakikibaka. Dapat itaas ang antas ng kamalaytang mapanlaban at ng kakayahang lumaban ang CNL upang ibayong makatulong sa pagsusulong ng rebolusyon

Sa pagbubunyi ng anibersaryo, lubhang mahalaga na maala-ala at masariwa ng Pambansang Konseho ng CNL, mga tsapter sa ibat ibang rehiyon ng bansa at sa ibang bansa, ang mga karanasan ng CNL upang humango ng mga aral at magbalak para sa mga susunod na taon sa pagsusulong ng rebolusyon.

Natutuwa akong nakapaglathala kayo ng mga babasahin, nakapagtanghal kayo ng mga porum at mga kultural na palabas at nakagawa kayo ng video tungkol sa kasaysayan ng CNL at nakapagparangal sa mga martir at bayani. Kasiya-siya na may bagong awit para sa anibersaryo.

Makabuluhan na nakapagpaabot ng kanya-kanyang mensahe ang mga kasapi ng CNL na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan o gumaganap ng rebolusyonaryong gawain sa lihim na kilusan para magbigay ng inspirasyon sa mga kasapi ng CNL na ipagpatuloy ang pagsasabuhay sa mga prinsipyong rebolusyonaryo at militanteng lumahok sa rebolusyon.

Kapuripuri na nakagawa kayo ng mga asambleang pangrehiyon at nakagawa ng paglalagom sa pag-unlad ng CNL sa kadadaang 12 na taon. Natukoy ninyo ang mga tagumpay sampu nang napahusay na ugnayan ninyo sa hiyerarkiya ng simbahan, Nailahad din ang mga kahirapan at kahinaan na dapat pangibabawan.

Mainam napagkakataon ang pagbubunyi sa ika-40 na anibersaryo para gumawa ng mga resolusyon at mga plano para palawakin ang hanay ng CNL at para paunlarin ang mga ugnayan ninyo sa masa at sa iba pang rebolusyonaryong pwersa. Malaki ang aking tiwala na ibayong lalakas ang CNL at ibayong lalaki ang mga ambag nito sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino!

Mabuhay ang Christians for National Liberation!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!