Panayam kay Prop. Jose Maria Sison ng PINOY WEEKLY
4 Pebrero 2007
PINOY WEEKLY (PW): Prop. Sison, Magandang araw! Muli nais po namin kayong hingan ng ilang pagtingin/komento sa ilang maiinit na isyu sa ating bayan:
Ano pong masasabi ninyo sa ipinalabas na bahagyang ulat ng Komisyong Melo hinggil sa pamamaslang sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaang Arroyo? Bakit si Palparan lamang ang inerekomendang kasuhan ng Komisyon at hindi na nagbigay paliwanag kung may kinalaman ba sa mga pagpatay si Pangulong Arroyo?
Professor Jose Maria Sison (JMS): Panloloko sa bayan at panibagong inhustisya sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang tao ang kawalang lubos na liwanag tungkol sa nilalaman ng ulat ng Komisyong Melo. Pinapaugong ng Malakanyang na inaakusahan ng ulat ang militar at Heneral Palparan tungkol sa ilang pamamaslang. Kasabay nito, sinasabi rin nila na hindi lamang ang militar at pulis ang gumagawa ng mga krimen. Sa gayon, pinagtatakpan nila ang kriminal na pananagutan ni Gloria M. Arroyo at mga alipuris niyang militar at pulis sa higit ng 820 na pamamamaslang at higit na 200 pagdukot sa ilalim ng Oplan Bantay Laya I at II.
PW: Bagaman inamin nina Hen. Esperon at Pangulong Arroyo na maaaring may ilang militar na sangkot sa pamamaslang, iilan lamang umano sila at sinabi pa ng dalawa na mismong mga nasa makakaliwang grupo ang pumatay sa kanilang mga kasamahan. Ano pong masasabi ninyo rito?
JMS: Talagang talamak na mga kriminal at sinungaling sina Heneral Esperon at Arroyo. Sila ang mga salarin sa pamamaslang. Pero ibig pa nilang palitawin na ang mga biktima ay dapat sisihin bilang mga kumunista at ibig din nilang palitawin na mga kumunista ang pumaslang sa kanila. Kabaligtaran ito ng katotohanan na bago paslangin ng mga death squad ng militar ang mga biktima ay lantarang pinagbabantaan at ginigipit sila ng mga militar. Sa maraming kaso, may mga saksi sa mga pangyayaring mga militar ang pumapaslang. Kasali sa mga saksi ang mga nakakaligtas sa mga salakay ng mga death squad. Sukdulan ang pagiging demonyo nina Arroyo at Esperon.
PW: Ano ho ba ang maitutulong ng mga internasyunal na grupo upang lumabas ang katotohanan hinggil sa patuloy na pamamaslang sa mga kasapi ng militante at progresibong grupo?
JMS: Malaki ang maitutulong ng mga internasyonal na grupo, laluna yong mga may malasakit sa karapatang tao, sa paghahantad ng katotohanan tungkol sa pamamaslang sa mga militante at progresibong aktibista. Mga international fact-finding groups at people’s tribunal ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, relihyoso, abogado at iba pa ang nauna at patuloy na naghahantad ng katotohanan. Malaki rin ang naging papel ng Amnesty International at iba pang human rights organizations.
Tingnan natin kung ano ang magagawa ng UN Human Rights Committee, UN Human Rights Council at iba pang UN human rights treaty bodies at mga special rapporteurs ng UN. Mahirap umasa sa kanila kahit na kailangang bigyan sila ng impormasyon tungkol sa mga paglabag ng mga karapatang tao. Problema na ang US at rehimeng Arroyo ay nakakapagmaneobra sa loob ng UN.
Sa The Hague sa Marso, magkakaroon ng sesyon ang Permanent People’s Tribunal tungkol sa Pilipinas para litisin ang rehimeng Arroyo at mga imperyalistang kasabwat nito sa paglabag sa mga karapatang tao, pandarambong sa ekonomiya ng Pilipinas at paglabag sa pambansang soberaniya ng sambayanang Pilipino. Mas magaling ang magagawa ng Permanent People’s Tribunal kaysa sa UN sa paglantad sa kaimbihan ng rehimeng Arroyo at mga amo nitong imperyalista.
PW: Hinggil naman sa nalalapit na eleksiyon. Ano pong tingin ninyo sa mga nagaganap sa hanay ng UNO at administrasyong Arroyo? Ang mga dating nasa kampo ng UNO tulad nina Sotto at Oreta, ngayon napapabalitang sasanib na sa tiket ng administrasyon dahil naetsa-puwera umano sa pilian ng mga kandidato sa pagkasenador. Sa hanay naman ng administrasyon, may ilan naman tutol sa pagpasok ng mga kandidatong kilalang dikit kay dating pangulong Estrada.
JMS: Napakabulok at napakabaho ang rehimeng Arroyo. Kung gayon, maraming nag-uunahang pumasok sa senatorial slate ng oposisyon. Sa isang slate, may puwang para lamang sa labing dalawang kandidato. Puedeng may dalawang slate sa oposisyon. Gayunman, marami pa rin yong hindi makakapasok. Kung gayon, liniligawan ng administrasyon ang mga hindi makapasok sa slate ng oposisyon.
Pero siksikan at tulakan na rin ang nangyayari sa slate ng administrasyon. Pang-akit ng administrasyon ang abilidad nitong mandaya sa eleksyion at ang malaking pondo at pasilidades ng gobyerno. Nasa mga susing posisyon ang mga kasabwat ni Garcillano sa pandaraya noong 2004 . Tinutukoy ko sina secretary of national defense Ebdane, chief of staff Esperon at DILG secretary (Puno).
PW: Sa kalagayang nabanggit sa itaas ano pong posibleng senaryo ang maaring mangyari ngayong halalan? Ano naman po ang dapat gawin ng mga progresibong grupo, maging ng mga partylist sa ganitong kalagayan?
JMS: Tiyak na mandaraya at gagamit ng dahas ang rehimeng Arroyo para mangibabaw ito sa halalan. Takot na takot si Arroyo na ma-impeach siya. Ayaw na ayaw niyang manalo ang tunay na oposisyon ng 79 o higit pa sa kamara ng mga kongresista. Dahil sa pandaraya at pandarahas ng rehimeng Arroyo, sasambulat ang poot ng sambayanang Pilipino. Kikilos sila para ibagsak ang rehimen.
Sa halalan, lalahok pa rin ang mga progresibong grupo sa party list para labanan ang imbing pakana ng rehimen. Kung dadayain sila at lalo pang ipagpapaslang ang mga lider at kasapi nila, lalong mapapatunayan ang masamang gawa ng rehimen, lalong magagalit ang sambayang Pilipino at lalong lalakas ang kilusan sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Matapos ang halalan, sasabog sa mukha ng rehimen ang lahat ng masamang ginawa nito sa bayan, ang pagkapapet, pangungurakot, pandaraya, pagsisinungaling at pamamaslang.
PW: Ano pong reaksiyon ninyo sa sinabi kamakailan ni US Amb. Kenney na kailangang magpadala ng tagamasid ang US sa darating na eleksiyon?
JMS: Walang maaasahan sa mga opisyal na tagamasid mula sa gobiyerno ng US. Pagtatakpan at babasbasan lang nila ang pandaraya at pandarahas ng rehimeng Arroyo. Gusto lang nila ang maka-imperyalistang estabilidad ng rehimen alang-alang sa neoliberal globalisasyon (monopolistang pandarambong) at militar na pakikialam at panghihimasok ng US. Mainam kung may mga tunay na demokratikong grupo na dadayo sa ating bansa para magmasid sa halalan. Balita kong iimbitahan sila ng Bayan at Migrante International. ###