Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Abril 26-27, 2010
Taos puso akong nagpapaabot ng pakikiisa sa mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita at mga kapanalig kaugnay ng kanilang mga aktibidades sa buwan ng Abril.
Sumasaludo ako sa 300 manggawang bukid na dadalo sa Hacienda Luisita Summit sa Abril 10-11. Malaki ang aking tiwala na magiging matagumpay ang inyong pagtatasa sa itinakbo ng kampanya at pakikibaka mula nang pumutok ang welga noong 2004.
Umaasa akong makakahango kayo ng mga mahalalagang aral mula sa karanasan at muling titibay ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Karapat-dapat na itakda ang mga bagong tungkulin at isakatuparan ang mga ito.
Ang matatag at militanteng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita ay isang maningning na halimbawa para sa lahat ng magbubukid sa buong Pilipinas. Dapat ipagpatuloy ang pakikibakang ito hanggang malubos ang tagumpay.
Malugod akong sumusuporta sa ilulunsad na limang araw na Lakbayan ng mga Manggagawang Bukid ng Hasyenda Luisita mula Tarlac patungo sa rehiyon ng pambansang kapital sa Abril 19-23.
Dapat ipanawagan sa buong bansa ang kagyat at walang kundisyong libreng pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita sa 10,000 farm worker beneficiaries, ilantad ang masaker na pinagsabwatan ng rehimeng Arroyo at pamilyang Cojuangco-Aquino at ipaglaban ang hustisya para sa lahat ng biktima.
Umabot sa ating kaalaman na malaking pera ang nalikom ng korap na Kamag-Anak, Inc, mula sa mga kapwa nilang malalaking komprador at asendero at mula sa mga Amerikano at iba pang dayuhang empresa para tustusan at ipanalo ang kampanya ni Noynoy Aquino para sa pagkapresidente.
Kapagnaging presidente si Noynoy, tiyak na gagamitin niya ang kapangyarihan ng estado para biguin at supilin ang mga karapatan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Ipagpapatuloy niya ang panggagantsong ginawa ni Cory Aquino sa anyo ng stock distribution option para dayain ang mga manggagawaing bukid at harangan ang tunay na reporma sa lupa.
Ngayon pa lang sinasabi nina Noynoy, pamilya niya at mga manedyer at abogado nila na marami silang paraan at dahilan para biguin ang reporma sa lupa. Ipinapahiwatig na rin nila na kapag presidente na si Noynoy masusunod ang kagustuhan niyang makinabang sa reconversion o reclassication ng ibat ibang bahagi ng Luisita at uubusin ang mga dating manggagawang bukid na isinangkot sa stock distribution option.
Mahalagang tungkulin ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita at ng sambayanang na isiwalat at labanan ang panlilinlang, pandarahas at korupsiyon ni Noynoy Aquino at ng kanyang pamilya sa pagbigo sa reporma sa lupa at patuloy ang pataksil na pagkamkam at pagkontrol sa Hacienda Luisita.
Dapat ngayon pa lang puspusan na tayong lumaban sa kasakiman at kalupitan ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Sa gayon, handang-handa na tayong lumaban kapag naging presidente si Noynoy dahil sa pera ng mga imperyalista at mga kapwa niyang malaking komprador-asendero, kahit na hungkag ang rekord niya sa kongreso at senado.
Kapag naging presidente si Noynoy, lalong pagsasamantalahan at aapihin ang sambayanang Pilipino. Patuloy na ipapataw sa atin lahat ang mga patakarang diktado ng mga imperyalistang Amerikano tulad ng “neoliberal globalization” at “global war of terror”. Patuloy ang krisis na sumasalanta sa kabuhayan ng mga anakpawis at panggitnang saray. Patuloy ang pagsupil sa mga karapatang pantao, laluna ng mga manggagawa at magsasaka.
Ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita!
Laging tandaan ang mga masaker na gawa ng pamilyang Cojuangco-Aquino magmula Mendiola masaker hanggang Hacienda Luisita masaker!
Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para sa mga magsasaka at manggagawing bukid!
Itaguyod ang pambansang kasarinlan, demokrasya, pag-unlad sa pamamagitan ng reporma sa lupa at industrialisasyon, hustisya sosyal at makatarungang kapayapaan!
Mabuhay ang mga anakpawis at sambayanang Pilipino!
Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle