ARTICLES & SPEECHES, 2001 - Present |
|
Input sa Ika-6 Kongreso ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Jose Ma. Sison Nobyembre 26, 2003 Isang malugod at militanteng bati ang ipinaapaabot ko sa inyong lahat, mga mahal na delegado at tagapag-organisa ng Ika-6 Kongreso ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Marapat na ipagbunyi natin ang mga tagumpay na nakamit ng KMP sa labingwalong taong pagtataguyod sa mga demokratikong karapatan at interes ng masang magbubukid sa Pilipinas. Isang malaking tagumpay na ang mga delegasyon ay galing sa 58 panlalawigan at 13 rehiyonal na balangay mula Luzon, Visayas at Mindanao. Nangangahulugan ang ganitong pambansang saklaw na napakaraming tagumpay ang nakamit ninyo sa pagpukaw, pag-organisa at pagmobilisa sa masang magbubukid. Saludo ako sa KMP sa katayuan nito bilang pinakamalaking organisayson ng mga magbubukid at mas mahalga pa bilang pinakamatapat at pinakamilitanteng organisasyon ng magbubukid. 1. Ibayong palakasin, palawakin at pasiglahin ang kilusan at pakikibakang magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa! Iwasan ang pagiging kampante bunga ng naipon ninyong mga tagumpay. Batayan ninyo ang mga ito upang ibayong palakasin, palawakin at pasiglahin ang kilusan at pakikibakang magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa. Pag-ibayuhin ang inyong pagkilos at pakikibaka dahil sa nananatili at tumitindi ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Napakahalagang tungkulin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ang repormang ito ang magpapalaya sa masang magbubukid na bumubuo sa malawak na mayorya ng sambayanang Pilipino. Sa gayon, ito ang pangunahing nilalalaman ng demokratikong rebolusyon sa ating bayang agraryo at malapyudal. Mapapalaya ang sambayanang Pilpino at mapapaunlad ang Pilipinas kapag napapakilos nang lubusan ang masang magbubukid at magkaagapay ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon sa programa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya. Paigtingin nang tuluy-tuloy ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magbubukid. Alam nating lahat kung gaano kalakas ang mga panginoong maylupa at kung gaano sila katuso sa usapin ng reporma sa lupa. Kasabwat nila ang mga imperyalista, malalaking komprador at mga burukrata kapitalista sa panloloko sa masang magbubukid. Para maging mabisa ang paglaban sa mga panginoong maylupa at mga kasabwat nila, kailangang palakasin ang pagkakaisa ng uring manggagawa at magsasaka. Sa pundasyon ng kanilang alyansa mahihimok ang mga panggitnang pwersa at mapapakinabangan ang mga hidwaan at alitan sa hanay ng mga reaksyonaryo. Mayroon ding kailangang interaksyon ang tunay at puspusang reporma sa lupa at ang pambansang industyrialisayon upang paunlarin ang isang ekonomya at lipunang nagsasarili. Para matupad ang mga ito, kailangang magkaisa ang uring manggagawa at magsasaka. Sa ganap na pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, malulubos ang reporma sa lupa dahil sa mawawalan na ng kapangyarihan ang mga mapagsamantalang uri. Subalit bago ang naturang tagumpay, kailangang itaguyod ang tunay na reporma sa lupa, gawin ang posible at tamasahin ang anumang makakamit para panatilihin at patingkarin ang tiwala ng masang magbubukid sa sarili nilang pagkilos. Kailangang ipagpatuloy ng KMP ang maningning na pagtataguyod nito sa reporma sa lupa, labanan nang puspusan ang panlalansi ng mga makapangyarihan at walang tigil na akumulasyon ng lupa sa kamay ng iilan. Laging nangangako ang reaksyonaryong gobyerno ng reporma sa lupa kapag kaharap nito ang isang lumalakas na kilusang magbubukid o kaya sandatahang rebolusyon. Gumagawa ito ng batas ng reporma sa lupa na tadtad ng butas na nilulusutan ng mga panginoong maylupa. Subalit kapag ipinapalagay ng mga naghaharing realsionaryo na kaya na nilang atrasan ang mga dating pangako, tatakpan nila ang mga ito at gagawa pa ng mga karagdagang butas sa pakunwaring batas ng reporma sa lupa. Gumagawa sila ng kung anu-anong reklasipikasyon at kumbersyon ng lupain para ialis ito sa balangkas ng ipinangakong reporma sa lupa. Mahilig silang magkunwari at magsabi na hindi istruktura ng pag-aari at mabibigat ng upa sa lupa ang problema para palitawin na mainam na manatili ang pagpapasya sa pag-aari, produksyon at distribusyon sa kamay ng mga panginoong maylupa at mga kasabwat nila. Kapuri-puri ang komprehensibong pag-atupag ng KMP sa usapin ng reporma sa lupa at sa lahat ng bagay na kaugnay nito tungo sa kagyat at pangmatagalang pagpapabuti sa kabuhayan ng masang magbubukid. Karapat-dapat na ipaglaban ang tamang presyo ng kanilang mga produkto sa agrikultura, pagpigil sa dumping ng sarplas na produktong agrikultural ng mga bayang imperyalista, pagtitiyak ng sapat at murang patubig, magaan na sistema ng kredit, teknikal na tulong, mga kalsada at tulay tungo sa palengke at iba pang bagay. Dapat may pag-unawa sa mga problema at kahilingan ng uring magsasaka hindi lamang sa pambansang saklaw kundi maging sa pandaigdigang saklaw. Mga magsasaka ang pinakamalaking bilang ng mga mamamayan sa buong daigdig. May mga komun na kondisyon, pangangailangan at aspirasyon sila. Komun na kaaway nila ang mga imperalista at mga lokal na reaksyonaryo. Kilalang kilala ang KMP sa pagtataguyod nito sa mga karapatan at interes ng mga magbubukid sa pandaigdigang saklaw, laluna sa pakikibaka laban sa WTO at iba pang kasangkapan ng imperyalismo. Dapat ipagpatuloy ng KMP ang ganitong kapuri-puring pagkilos. 2. Labanan ang lumalalim na panghihimasok at pandarambong ng imperyalismong US!Lalong napabilis ang pagbulok ng kapitalistang sistema ng US at buong daigdig dahil sa mapagkunwaring patakaran ng globalisasyon ng "malayang pamilihan". Sa katunayan, lalong pinabagsik nito ang pagsasamantala ng monopolyo kapitalismo sa proletaryado at mamamayan sa mga atrasadong bansa sa ikatlong daigdig, sa mga bansa kung saan matagal nang sinabotahe at pinagtaksilan ng mga rebisyunista ang sosyalismo, at mismo sa mga bansang imperyalista. Pinabilis ng mga imperyalistang empresa at bangko ang panghuhuthot ng tubo mula sa mga uring anakpawis sa daigdig at ng interes mula sa mga bansang nagluluwas ng hilaw na sangkap, laging nagkakadepisit at laging lubog sa utang tulad ng Pilipinas. Sa pagpapabilis ng tantos ng pagsasamantala, pinagsanib ang mas masibang pagpapaliit na pondo para sa pasahod, paggamit na mas mataas na teknolohiya para bawasan ang empleo at pagpapababa sa presyo ng mga hilaw na sangkap. Sa kalaunan, sinira ng mga imperyalista ang sarili nilang pamilihan sa daigdig. Ginawa nila ito sa pagpapaliit nila sa kita ng mga anakpawis at mga bansang atrasado, Sa kasalukuyan, umiigting ang mga kontradiksiyon sa pagitan ng imperyalismo at mga aping mamamayan at bansa, sa pagitan ng mga imperyalista at ilang bansang anti-imperyalista, sa hanay ng mga imperyalista at sa pagitan ng mga monopolistang burges at proletaryado sa mga bansang imperyalista. Sa pagkitid ng pamilihan para sa monopolyo kapitalismo o imperyalismo, lumalantad ang pinakamasahol na mapanghimasok at mandarambong na katangian nito. Dapat labanan ang umiigting na panghihimasok at pandarambong ng imperyalismong Estados Unidos sa Pilipinas. Sumasabay din ang iba pang dayuhang monopolyong kapital tulad ng Hapon. Kasabwat ng mga imperyalista ang malalaking komprador at panginoong maylupa sa sumisidhing pagsasamantala at pang-aapi sa uring magsasaka at samabayanang Pilipino. Desperadong ginagamit ng imperyalismong US ang karahasan para konsolidahin at palawakin ang hegemonya nito sa buong mundo. Ginagamit nito ang "gyera laban sa terorismo" bilang balatkayo sa lansakang agresyon sa mga soberanong bayan tulad ng Afghanistan at Iraq at para lalong makapanghimasok sa iba't ibang bayan at rehyon tulad sa Silangang Europa, Balkans, Central Asia, Middle East, Timog Asya at Silangang Asya . Masamang balak ng US ang magtayo ng panibagong base militar sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao, para isakatuparan ang estratehiko at taktikal na force restructuring nito sa Silangang Asya at sa buong mundo. Layunin nitong ilagay ang sarili sa higit na malakas na pusisyon para makapanghimasok at makapanalakay sa Timog-Silangang Asya, makialam o magkaroon ng mas malaki at direktang papel sa pagsugpo sa mga armadong hamon sa reaksyunaryong estado mula sa NPA at sa mga hukbong Bangsa-Moro, at mapalakas ang pwersa ng US sa buong Silangang Asya. Subalit kaharap ngayon ng imperyalismong Amerikano ang lumalaganap at lumalakas na pakikibaka ng mga mamamayan ng daigidig sa ibat’ibang anyo, kabilang ang mga protestang pangmasa, mga aklasan at mga digmang bayan. Mabilis na nawaldas ng imperyalismong US ang puhunan nitong simpatiya na dulot ng mga pangyayari ng Setyembre 11, 2001. Malawakan ang pagtutol ng milyun-milyong mamamayan ng buong daigdig sa pagsalakay ng US at Britanya sa Iraq. Inaani ng US ngayon ang itinatanim at isinasawalat nitong lagim sa buong mundo, sa Iraq, Afghanistan at iba pang bansa. Ipinapakita ng mga Iraqi at Afghan na magbabayad ng mahal at hindi magtatagumpay ang mga dayuhang mananakop. Nagtagumpay ang US na sakupin ang Iraq pero malinaw nang hindi nito maipatupad ang binalak at inasahang mabilis na pasipikasyon at pagpapasunod sa mga Iraqi. Mas marami nang napatay na sundalong Amerikano at Britano sa Iraq mula nang magsimula ang pananakop kaysa noong gera ng paglusob sa Iraq. Bumabaon na sa isang kumunoy ang US sa Iraq. Maging sa larangan ng ekonomya, lumalakas at lumalawak ang pagtutol at paglaban ng mamamayan ng buong daigdig sa imperyalistang pandarambong at pananalasa sa maliliit at mahihinang bayan. Nabigo ang tangka ng mga imperyalistang kapangyarihan na itulak sa kagaganap na kumperensya ng WTO sa Cancun, Mexico, ang karagdagang mga patakaran at pakanang higit pang ibubuyangyang sa pagsasamantala ang mahihinang ekonomiya ng maliliit at atrasadong bayan. Kabilang dito ang mga pakanang palalimin ang panghihimasok at pandarambong ng mga imperyalistang kapangyarihan sa agrikultura sa pamamagitan ng higit pang pagbaba ng mga taripa at subsidyo samantalang patuloy nilang pinananatili at pinalalaki pa ang subsidyo sa sariling mga bayan. 3. Biguin ang tumitinding pasismo ng estado!Kung gagawa tayo ng maigsing depinisyon ng taguring pasismo, ito ay paghahari ng lantarang lagim sa ilalim ng burges na estado. Wala na o halos wala nang pagkukunwari ang mga naghahari na may mga burges-demokratikong mga karapatan at proseso sa Pilipinas. Prinsipal na katangian ng kasalukuyang estado ng Pilipinas ang pagiging burges na malaking komprador, kahit na mas laganap pang mapagsamatalang uri ang uring panginoong may lupa at kahit na madalas na malaking asendero ang malaking komprador. Puwede na ring tawagin na terorismo ng burges ang pasismo. Sa neokonyal na kasaysayan ng Pilipinas, ang papet na rehimeng Marcos ang siyang unang nagpataw ng pasismo sa sambayanang Pilipino mula 1972 hanggang 1986. Ang pasismong ito ay bunga ng krisis ng naghaharing uri na lumubha na hanggang sa puntong hindi na kaya ng mga naghaharing uri na maghari ayon sa mga dating mapayapa at mapagkaibigang pamamaraan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Nagiging matindi at marahas ang mga hidwaan nila. Mangingibabaw na pwersang reaksyonaro yaong pinakalisto at pinakamabisa sa pagsupil sa sambayanan at sa mga karibal na reaksyunaryo. Matapos na maibagsak si Marcos noong 1986, sinabi ng ilan na wala nang pasismo at naging burges-demokratiko muli ang naghaharing sistema. Totoong nagmaskara ang rehimeng Aquino bilang burges-liberal at totoo ring nabawasan ang ilang pinakabrutal na patakaran at aksyon ng gobyerno. Subalit patuloy ang bulok at palagiang krisis ng naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Pinanatili ng rehimeng Aquino ang maraming pasistang dekreto laban sa anakpawis at patuloy na sinasalakay ang masang anakpawis, laluna sa kanayunan. Ganoon din ang nangyari sa panahon ng rehimeng Ramos, Estrada at Macapagal-Arroyo. Dahil sa walang pundamental na pagbabago sa malakonyal at malapyudal na lipunan at lumulubha ang krisis nito kasabay ng krisis ng imperyalismo, laging umiiral ang potensyal at peligrong ganap na lumantad muli ang pasismo. Kahit na sibilyan ang naghaharing pangkatin at nagbabatay pa sa proseso ng halalan, tumitindi ang paggamit nito ng dahas sa pagsupil sa karapatan ng mga manggagawa at magsasaka. May tendensiya rin na gumamit ng dahas para supilin ang mga karibal na reaksyunaryo. Isa pa, ang krisis at kabulukan ng mga opisyal ay nag-uudyok sa ilang pangkating militar na magbalak ng kudeta. Ibig sahibin may peligro ngayon ng pasismo isang ng pangkating militar. Pinakamasaklap at pinakamalawak na palatandaan ng tumitinding pasismo sa ating bayan ang madudugong kampanya ng pagsupil laban sa uring magsasaka, sa mga makabayan at progresibong organisasyon, mga tagasiyasat ng panlipunang kalagayan at ng paglabag ng mga karapatang tao at sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan. Kahit na sa mga kalunsuran, lantarang sinasalakay ng mga militar at pulis ang mga manggagawa sa piket line at lahat ng uri ng mga mamamayan na mapayapang nagpuprotesta. Pag-ibayuhin natin ang lahat ng pagsisikap para biguin ang tumitinding pasismo. Sa kabila ng laganap na disempleyo, kaliitan ng kita ng anakpawis at pagsupil sa mga mamamayan, nakikita sa mga matinding maniobrahan, tagisan at kutsabahan sa pagitan ng tatlong sangay ng reaksyunaryong gobyerno kaugnay ng hatian sa kurakot ang kalubhaan ng krisis at kabulukan ng naghaharing sistema. Napakainam ng sitwasyon para ibayong ilantad at labanan ang walang kahihiyan at walang pakundangang paggamit sa kapangyarihan ng estado para magsagawa ng mga katiwalian at magkutsabahan para sa sariling pakinabang at taliwas sa interes ng mamamayan. Tumpak ninyong inilantad ang kutsabahan ni Gloria Macapagal Arroyo at Danding Cojuangco kaugnay ng bantang patalsikin ang Punong-hukom ng Korte Supremo Davide at kaugnay ng hatian nila sa P138-bilyon coco levy fund, at paghahabol ni GMA na suportahan siya ni Danding Cojuangco sa eleksyong presidensyal sa Mayo 2004. Senyales ng kutsabahan ang naunang pagsasawalambisa ng sequestration ng bono ni Danding sa SMC. Habang nilalantad at nilalabanan ang kutsabahang GMA-Cojuangco, hindi dapat lubayan ang pagpapa-imbestiga at pag-uusig kay Davide para mailantad ang kabulukan ng buong reaksyunaryong sistema kabilang ang sangay ng judiciary at mismong Korte Suprema. Tiyak na higit pang titindi at lalalim ang paksyunal na girian, kutsabahan at labanan ng mga naghaharing uri habang nalalalapit ang eleksyon at laluna pagkatapos nito. Bagamat ang eleksyon ang litaw na pangunahing larangan, sinasakyan, sinusuhayan at ginagatungan ng bawat pangkatin o paksyon ng naghaharing uri na wala sa poder ang lehitimong mga karaingan, kilos protesta at iba pang anyo ng pagkilos at protesta ng mamamayan. Pinaghahandaang mabuti ng mga magkakatunggaling reaksyunaryong pangkatin hindi lamang ang labanan sa eleksyon kundi maging ang inaasahang mas madugong labanan matapos ang eleksyon. Malinaw na sintomas ito ng pagkabulok ng naghaharing sistema: hindi na makapagpaligsahan para sa poder ang mga paksyon ng naghaharing uri sa dati o lumang mapayapa at mapagkasundong mga paraan. Layunin ng alinmang reaksyunaryong rehimen ang pagpapanatili sa sarili sa poder para patuloy na makapagnakaw sa kabang yaman ng bayan samantalang inihahain sa among imperyalistang US ang hinihingi nitong mga amyenda sa reaksyunaryong Konstitusyon para higit itong mabigyang-laya sa pandarambong sa ekonomyang Pilipinas at panghihimasok at pagbabaseng-militar. Hinihingi ng US ang pagtanggal mula sa 1987 Konstitusyon maging ng mga pabalat-bungang probisyon hinggil sa pambansang soberanya, hurisdiksyong teritoryal at pagtanggol sa patrimonya ng Pilipinas. Gusto rin ng US na mawala ang mga karapatang taglay ng Miranda doctrine at magkaroon na pasistang batas ng "anti-terrorismo" na umaayon sa USA Patriot Act. Tumitindi ang pagpapataw ng terorismo ng estado sa sambayang Pilipino, laluna sa mga anakpawis. Subalit lalong lalaban ang sambayanan para sa sarili nilang mga karaparatan at interes. Mayaman ang karanasan nila sa pakikibaka at marami silang naipong tagumpay para sumulong. Mataas ang diwa nilang lumaban at kapasyahang magwagi dahil sa mga lantarang kontradiksiyon ng mga reaksyunaryo at walang tigil na pagbulok ng naghaharing sistema. 4. Patalsikin ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo! Nararapat lamang na patalsikin si Gloria Macapagal Arroyo at kanyang pangkatin mula sa kapangyarihan. Sukdulan ang pagkatuta ni Macapagal-Arroyo sa among imperyalistang US. Talamak ang korupsyon sa ilalim ng kanyang rehimen kung saan si G. Miguel Arroyo mismo ang pangunahing tagapangasiwa sa pangungurakot, pagtanggap ng malalaking suhol at iba pang katiwalian sa burukrasya. Lubhang nahihiwalay na ang rehimen ni Macapagal Arroyo bunga ng anti-mamamayan at anti-nasyunal na mga patakaran nito at ng ganid na pagnanasang solohin ang pag-hahari at ang mga nakaw mula rito. Sinisikap niyang pagtakpan at tapalan ang malalaking bitak sa hanay ng naghaharing uri sa pamamagitan ng "rekonsilyasyon" at "pagkakaisa para sa kapakanan ng bayan". Pero wala nang natitirang kahit isang hibla ng kredibilidad si GMA laluna dahil sa pagbali sa sariling salita o deklarasyon noong Disyembre 30, 2002 na hindi na siya tatakbo sa pagkapangulo sa 2004; at dahil hindi lingid kaninuman na ang panawagan sa "rekonsilyasyon" ay pakana lamang para maremedyuhan ang pagkahiwalay at paghina ng rehimen at manutralisa ang mga kaaway nito sa pulitika. Nauna pa rito, mabilis niyang tinalikdan at itinakwil ang mga adhikain ng EDSA 2 na nagluklok sa kanya sa poder laban sa korupsyon, pagkatuta sa US at imoralidad ng rehimeng Estrada. Liban na lamang kung makagawa pa ng napakalaki o eskandolosong pagkakamali, malamang na tatapusin ni GMA ang pagiging presidente sa Hunyo. Nahihila na ng maniobrahang elektoral ang mga reaksyonaryong karibal ni GMA. Kung gayon, mahirap na magkaroon ng isang malapad na nagkakaisang hanay na desididong magpatalsik kay GMA. May posibilidad din na "manalo" pa sa eleksyon si GMA sa pamamagitan ng pagbili ng suporta ng mga barangay captain at mga guro na magiging tauhan ng Comelec at sa pamamagitan ng pagmanipula ng bilang ng boto. Kung sakali "manalo" si GMA, maraming maniniwalang resulta ito ng malawakang pandaraya.. Babalikwas ang mga mamamayan, magkakaroon ng anti-GMA na "interbensyong militar" o gagawa ng "preemptive use of force" si GMA. Magiging mabuway at magulo ang kanyang susunod na administrasyon at lubhang lalaki ang posibilidad na mapatalsik siya sa poder.(or, Magiging mabuway, magulo at maiksi ang kanyang susunod na administrasyon.) Mainam na may bagong partido ng mga anakpawis para sa darating na eleksiyon. Kung gayon, mayroong instrumento ang masang magbubukid, kasama ang masang manggagawa, sa arena ng elektoral na pakikibaka para itaguyod ang kanilang mga karapatan at interes, para ilantad ang kabulukan ng sistema, para isulong ang programa ng pambansang kalayaan at demokrasya at para makipag-alyansa sa ibang partido at alisin sa kapangyarihan ang mga kaaway ng bayan. Gayunman, mas mahalaga pa rin kaysa sa pana-panahong eleksiyon ang pang-araw-araw na pangmasang pakikibaka tungkol sa mga matagalan at kagyat na mga isyu na may kinalaman sa mga karapatan at kabutihan ng uring magsasaka at sambayang Pilipino. Anuman ang kalalabasan ng kampanyang elektoral ng Anakpawis, nananatili ang KMP bilang isang matipunong pwersa ng magbubukid sa walang tigil na pakikibaka. Sa takbo ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng reaksionaryong gobiyerno at rebolusyonaryong kilusan, mapapansin natin na walang layunin dito ang pangkating Macapagal-Arroyo na seryosong makipagnegosasyon, sumabay sa paghanap ng solusyon sa mga problemang dahilan ng guerra sibil at makipagkasundo sa mga pwersang rebolusyonaryo tungkol sa makatarungang kapayapaan. Gusto lamang ng pangkatin na pasukuin ang kilusang rebolusyonaryo, linlangin ang sambayanang Pilipino at kamtin ang pasipikasyon para sa mas matindi pang pang-aapi at pagsasamantala. Dahil sa walang pagod ang mga reaksyunaryo sa
pang-aapi at pagsasamatala, wala ring pagod ang sambayanang
Pilpino at mga pwersang rebolusyonaryo na lumaban. Kapasyahan ng
mga reaksyonaryo na mangingibabaw. Kapasyahan din ng mga
mamamayan na magbalikwas hangggang ganap na tagumpay ng bagong
demokratikong rebolusyon. ### |
|