Ang Tulang May Talim
Ni Jose Maria Sison
Masdan ang tulang may talim
Matibay at sintalim ng labaha
Malamig at kumikinang na pilak
Sa liwanag o sa dilim.
Tingnan kung paano lumilipad
Ang ibong-itim na puluhang
Pinaganda ng mga perlas
Sa matatag at maliksing kamay.
Suriin ang bawat mukha
Sa dahong asero,
Ang mga matipuno’t pinong liyab,
Mga iniukit na gintong larawan.
Sa isang mukha’y mga anakpawis,
Sari-saring may piko at mineral,
Pugon, martilyo at pandayan,
Tubig at batong hasaan.
Araro at kalabaw sa lupa,
Mga talaba sa dagat,
Mga gamit panlilok at pang-ukit,
Mangkok ng asido sa mesa.
Sa kabilang mukha
Ang mga anakpawis pa ring nakatipon
Nakatindig at handang lumaban
Sa likod ng nagniningning na watawat.
Linulubos ng pagbalikwas
Ang mga anyo ng paggawa
At inuudyok ang bagong pagsulong,
Taglay ang matatas na sandata.
Tanganan ang tulang may talim
At paawitin sa inyong mga kamay.
Ang kampilang ito ay agimat
Ng mga mamamayang may potong na pula.