ARTICLES & SPEECHES, 2001 - Present |
|
Pahayag sa Ika-6 Kongresong Bagong Alyansang Makabayan- Gitnang Luson ni Prof. Jose Maria Sison Disyembre 4, 2003 Malugod kong ipinaaabot ang aking pinakamilitanteng pagbati sa lahat ng organisador, delegado at mga panauhin sa Ikaanim na Kongreso ng Bagong Alyansang Makabayan-Gitnang Luson (BAYAN-GL). Ang mensahe kong ito ay para na ring pagbabalik-bayan sa rehiyon ng aking ina at sa rehiyong matagal na pinanatilihan nang pana-panahon mula 1968 hanggang 1977. Malaki ang aking kasiyahang makasama kayo ngayon para gunitain at ipagdiwang ang mga tagumpay ng BAYAN-GL sa nakaraang 18 taon ng magiting na pakikibaka, at seryosong paghandaan ang mga hamon at tungkulin sa hinaharap. Idinaraos ninyo ang kongresong ito sa gitna ng walang kapantay na pagtindi ng krisis sa pulitika at ekonomya na yumayanig sa rehimeng US-Arroyo at ibayong nagpapahina sa naghaharing sistema. Ang imperyalismong US at ang mga lokal na naghaharing uri ay walang pakundangan sa ibayong pagsasamantala at pang-aapi sa sambayanan habang higit na tumitindi ang krisis. Lalo nilang itinutulak ang mamamayan na lumaban at maghangad ng ganap na pambansa't panlipunang paglaya. Lubos akong sumasang-ayon at nakikiisa sa itinakda ninyong tema ng Kongreso, "Konsolidahin ang mga Tagumpay ng Pakikibaka ng Mamamayan, Ibayong Palawakin at Pasiglahin ang Kilusang Masa Laban sa Lumalalalang Atake ng Imperyalistang US at Lokal na Papet Nito!" Tumpak at napapanahon ang mga panawagang ito para higit pang makaambag ang rebolusyonarong kilusan sa GL sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan batay sa kongkretong mga tagumpay na nakamit na nito sa nakaraang 18 taon. Mga Tagumpay ng BAYAN-GL Itinayo ang BAYAN-GL sa napakainam na panahong nasa rurok ang rumaragasang daluyong ng antipasistang pakikibaka, sa bisperas ng pagpapabagsak at pagpalis nito sa labis na kinamumuhian at lubhang nahihiwalay nang diktadurang US-Marcos. Matapos ito, naranasan at matagumpay na napangibabawan ninyo ang di iilang gusot at kahinaan bunga ng mga disoryentasyon at paglihis sa linya ng pagsulong ng pambansa-demokratikong kilusan sa rehiyon. Humantong ito sa pagtitiwalag noong 1997 sa iilang elementong naggugumiit na iligaw at ihiwalay ang mga pakikibakang masa sa GL sa kabuuang pambansa-demokratikong kilusan. Nakapanatili sa kabuuan ang BAYAN-GL sa tamang linya't oryentasyon dahil matapat at mahusay ang mayorya ng inyong kasapian at mga alyadong organisasyon, naging maagap at masikap kayo sa pagwawasto ng mga kahinaan at kamalian kapag natutukoy ang mga ito, at nagpunyaging manatili sa unahan ng mga pakikibakang masa sa GL para sa mga saligang pagbabago sa lipunan. Maniningning na tagumpay ng BAYAN-GL ang matatag na paglawak nito at pagtatayo ng ganap na mga balangay sa Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Pangasinan at Tarlac. Sa pamamagitan ng mga balangay na ito mabisang naisasagawa ang pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa ibayong lumalawak na masa sa mga bayan-bayan at probinsya sa mga isyung nagtataguyod sa partikular na interes nila, naitataas sa proseso ang kanilang kamulatang pampulitika, at naiuugnay ang mga pakikibaka nila sa pakikibaka ng buong sambayanan. Kaalinsabay at kaugnay nito ang makabuluhan at laging-naaasahang paglahok ng BAYAN-GL sa malalaki at mahahalagang rehiyunal at pambansang mga kampanya at pagkilos tulad ng anti-imperyalistang kampanya laban sa APEC (1996), laban sa panunupil at terorismo ng estado at pakanang baguhin ang reaksyunaryong Saligang-Batas (1997), laban sa Visiting Forces Agreement (1999), at kampanya laban sa rehimeng Estrada (2001). Kahanga-hangang sa nakaraang dalawang taon lamang, nakaambag nang malaki ang BAYAN-GL sa kampanya laban sa sukdulang pagkabulok ng rehimeng GMA at pagkatuta nito sa imperyalismong US na nakikita sa lansakang pagpapatupad nito sa mga neo-liberal na patakaran ng WTO at walang kahihiyang pagpapahintulot sa panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas at todong pagsuporta sa gerang agresyon ng berdugong rehimeng Bush sa Afghanistan at Iraq. Gayundin malaki ang naiambag ng BAYAN-GL sa paglaban sa militarisasyon at paglapastangan ng estado sa mga karapatang-tao ng mamamayan kapwa sa kalunsuran at kanayunan, pagtaas ng presyo ng langis, pagtatayo ng Metro-Clark Rapid Railway System (MCRRS) na nagbabantang baklasin ang mga komunidad ng maralitang-lunsod sa may daang-riles, pagpapatalsik sa mga magbubukid sa Hacienda Luisita, at iba pang mga sektoral at multisektoral na pakikibaka. Napapanahon at tumpak na itinayo ninyo ang malalapad na pormasyon tulad ng Network Opposed to Charter Change (NO to Cha-Cha), Peace Forum, Friends of Joma Sison at iba pang multisektoral na grupo para maabot, mapukaw at mapakilos ang mas malawak na masa ng sambayanan at mabisang maihiwalay ang pinakareaksyunaryo at pinakasagadsaring mga target ng mga kilusang protesta ng masa. Signipikante rin ang ambag ng BAYAN-GL sa tagumpay ng BAYAN MUNA at paglapad ng baseng elektoral nito sa rehyon. Kapwa tumutulong ang Peace Forum at Friends of Joma Sison ito sa paglalantad at pagtuligsa sa panghihimasok ng super-teroristang US hindi lamang sa usaping militar sa Pilipinas kundi pati sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Pagkakataon ko ngayon ang pasalamatan kayo sa pagtatanggol at pagtangkilik sa aking mga demokratikong karapatan at sa aking papel bilang punong pampulitikang konsultant ng NDFP. Pagsusulong sa Pakikibaka Napakahalagang makonsolida ninyo ang BAYAN-GL batay sa lahat nang tagumpay na ito at sa mga mahahangong aral mula sa mga positibo at negatibong karanasan. Magiging tuntungan ito sa higit pang pagpapalawak, pagpapalakas, at pagsulong sa harap ng naglalakihang mga hamon at tungkulin. Kailangan ninyong linawin ang mga pangkalatan at partikular na tungkulin na dapat gawin para mulatin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng mamamayan ng Gitnang Luson. Tulad ng BAYAN–National, ang BAYAN–GL sa esensya ay isang alyansa ng mga progresibong pwersa na kinabibilangan ng masang anakpawis– ang mga manggagawa at magsasaka– at ng petiburges ng kalunsuran. Pero maaari rin kayong makipagkaisa sa panggitnang burgesya para buuin ang alyansa ng mga makabayang pwersa. Sa bawat pagkakataon, maaari rin kayong makipagkaisa sa ilang seksyon o elemento ng mga reaksyunaryong uri para makapagbuo ng malapad na alyansa, pansamantala o mabuway man ito, laban sa kaaway sa isang takdang panahon. Sinusuportahan ko ang lahat ng inyong pagsisikap na palakasin ang kilusang masa tungo sa pagpapatalsik ng rehimeng US–GMA at sa proseso ay isulong ang pakikibakang bayan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya. Ihiwalay natin at patalsikin mula sa kapangyarihan ang bawat kontra-nasyunal at kontra-demokratikong rehimen at sa proseso mag-ipon tayo ng lakas tungo sa pagbabago ng buong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Tiyak na magiging isa sa mga pangunahing larangan ng mga darating na labanan ang inyong rehiyon. Bukod sa estratehikong halaga nito bilang kanugnog ng punong-lunsod na Kamaynilaan, may tradisyunal at kasalukuyang katangian ang GL sa pagkakaluklok dito ng mga balwarte ng ilan sa pinakamalalaking kumprador at panginoong maylupa at pinakasagdasaring mga reaksyunaryo tulad ng mga Cojuangco at mismong ng punong-papet na si Gloria Macapagal Arroyo. Manam na sa mismong rehiyon na ipinanganaglandakan ni GMA na balwarte niya ay determinado kayosa pagsisikap na patalsikin siya mula sa poder. Malaki angtungkulin ninyong ihiwalay at pahinain ang kanyang bulok na rehimen sa inyong rehyonNgayon pa lamang, ibayong ligalig sa buong bayan ang idinudulot ng paggigirian at pagkukutsabahan ng mga ito para makalamang sa labanang elektoral sa 2004. Tiyak na hahatakin, darambungin at pag-aagawan sa pinakamarurumi at pinakamararahas na paraan ang lahat na rekurso at makinarya mula sa rehiyon, kabilang na ang kabang-yamanng bayan. Higit pa, naghahanda ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri para sa inaasahang mas maiigting na labanan matapos ang eleksyon. Napakalubha na krisis ng naghaharing sistema at napakalalim ng hidwaan sa pagitan ng mga reaksyunaryo, na hindi na sila makapagpaligsahan para sa poder sa mga lumang mapayapa at nagbibigayang paraan. Tumpak na patuloy na ituon ang ating mga pagsisikap sa paglalantad at paghihiwalay sa rehimeng US-GMA, at manawagan sa pagpapatalsik sa bulok at tutang rehimeng GMA. Pero kilalanin nating mahirap nang makapagbuo ng pinakamalapad na hanay na makakapagpatalsik kay GMA bago matapos ang kanyang paununungkulan dahil mabilis na nahahatak kundiman lubusan nang tumataya sa labanang elektoral ang mga paksyon ng naghaharing uri na wala sa poder, gayundin ang masmidyang kontrolado nila. Mabubuo lamang ang naturang malapad na hanay kung lilitaw pang napakasahol at karumaldumal na kabulukan o katiwalian ang rehimeng GMA. Mabuti siyempre kung mapatalsik natin ang kasalukuyang rehimen bago ang eleksyon ng Mayo 2004. Kung hindi, pwede natin ihiwalay at pahinain pang lalo para hindi na ito makapanalo sa eleksyon. Sakaling manalo pa rin dahil sa pamimili ng boto at pandaraya sa bilangan, madali na para sa malawak na masa ng mamamayan na mag-alsa at ibagsak siya tulad kay Marcos noong 1986 at kay Estrada noong 2001 . Nagpapakana ang rehimeng US-Arroyo na amyendahan ang reaksyunaryong konstitusyon ng Republika sa tangkangpanatilihin si GMA sa poder at lalo pa para higit na bigyang-laya ang imperyalismong US na lapastanganin ang soberanya, teritoryal na integridad at patrimonya ng sambayanang Pilipino at patindihin ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Nalansag na ang mga baseng militar ng US sa Clark at Subic pero patuloy at lumalaki ang bilang at aktibidad ng mga imperyalistang tropa sa buong Pilipinas, laluna sa GL at sa Mindanaw, sa ilalim ng na kunwa’y joint military exercises, civic action, humanitarian missions, port visits, atbp. Inilalatag ng US ang pundasyon paraibalik ang mga baseng militar nito at ibayong panghihimasok-militar sa Pilipinas, kabilang ang tuwirang pagdirihe, pagtustos at paglahok sa mga kampanyang militar laban sa NPA at sa buong rebolusyonaryong kilusan. Tuwirang nanghihimasok ang imperyalismong US at mga alyado nitong dayuhang kapangyarihan hindi lamang sa usaping militar kundi maging sa ibang larangan, pati na sa usapang pangkapayapaan. Bigo ang imperyalismong US at rehimeng Arroyo sa tangkang gamitin ang "gera laban sa terorismo" at partikular ang bansag ng "terorista" laban sa CPP, NPA at sa aking pagkatao para gipitin ang rebolusyonaryong kilusan at itulak itong lumagda sa isang kasunduan ng kapitulasyon. Pero sa proseso sinasagkaan ng imperyalistang amo at papet nito ang pagdaraos ng pormal na negosasyon hinggil sa repormang sosyo-ekonomiko at sa implementasyon ng Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas (CAR-HRIHL). Nais ng rehimeng US-Arroyo na isangkot bilang mga terorista at sa gayon malayang salakayin ng rehimeng US-Arroyo hindi lamang ang mga armadong rebolusyonaryong organisasyon kundi pati na ang mga ligal na demokratikong pwersa katulad ninyo na napuprotesta at lumalaban para itaguyod ang interes ng sambayanan laban sa pagsasamantala't pang-aapi ng mga dayuhan at lokal na reaksyon. Palubhang Krisis at Rebolusyon Walang magagawang kalutasan ang mga imperyalista at papet sa patuloy na paglubha ng krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ang lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Anumang hakbangin ang gawin nila para makaahon sa krisis ay lalo lamang nagdudulot sa sambayanan ng di mabatang kahirapan at nagtutulak sa higit pang maraming inaapi at pinagsasamantalahan na bumangon at lumaban. Maningning ang rebolusyonaryong tradisyon ng mamamayan sa Gitnang-Luson, at bahagi na nito ang pagsusulong ng BAYAN-GL sa pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanan. Buo ang tiwala kong mahusay ninyong maipagpapatuloy ang dakilang tradisyong ito. Natitiyak kong magpupunyagi kayo sa pakikipagkaisa at pagtitipon sa rebolusyonaryong lakas para biguin ang mga pakana at pananalakay ng kaaway sa rehiyon at, kasama ang buong sambayanan, likhain ang makapangyarihang daluyong na magpapabagsak sa naghaharing sistema. Tandaan natin na sinumang reaksyunaryo ang manalo sa pagkapresidente, sinuman sa kanila ang mapabilang sa kasalukuyang naghaharing pangkatin, patuloy pa ring lalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at magdudulot ng higit na pasakit sa mamamayan, magbubunsod ng rebolusyonaryong paglaban na magtdudulot ng higit na lakas sa mga organisadong pwersa ng demokratikong rebolusyon. ### |
|