|
Paunang Salita
--Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
Natatangi ang paglathala ng librong Dakilang Alay na naglalahad ng buhay at
pag-aalay ng buhay ng mga kabataang namartir sa ating panahon. Taus-puso
akong nagpapasalamat sa mga naglathala, sa mga manunulat at artistang nag-ambag
upang magawa ang libro. Higit sa lahat, ang ating pasasalamat ay dapat iukol sa
mga martir ng sambayanang pinapaksa ng librong ito.
Ibinibigay natin ang pinakamataas na pagpupugay sa mga martir na matatag at
militanteng naglingkod sa mamamayan hanggang sa kanilang huling hininga. Silang
mga kabataang martir ay di nag-alinlangang ialay ang kanilang lakas, sigasig, talino't
buhay para pagsilbihan ang masang anakpawis, at mag-ambag sa pagsusulong ng
pambansa demokratikong rebolusyon. Ang kanilang pagpapasyang buong panahong
kumilos sa hanay ng masang magsasaka sa kanayunan ay di matatawaran at labis na
kahanga-hanga.
Sa kanilang hangaring itaas ang antas ng kanilang paglilingkod, ang ating mga martir
ay tumangan ng armas para sagupain ang dahas ng kaaway sa malawak na kanayunan.
Mula sa kanilang kinamulatang lipunan, nagpasya silang baguhin ito: sila'y lumahok sa
pakikibaka ng mamamayan, sumuong sa kahirapan at mga panganib at handang itaya
ang buhay. Iniwanan nila ang kinagisnang buhay, namuhay nang simple, at puspusang
nakibaka. Saludo tayo sa kanila at tularan natin ang kanilang halimbawa.
Ang mga martir na nagbuwis ng kanilang buhay sa kanilang murang edad ay nagsisilbing
inspirasyon para sa ating patuloy na pakikibaka. Sila ay huwaran sa marami pang kabataan
at mamamayang naghahangad ng tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bayan.
Ang ating pagpupugay sa kanila ay di matatapos sa ating paggunita, at sa pag-aalay ng
librong ito. Lalong higit ang ating pagpupugay kung ang kanilang mga iniwang gawain
ay ating pag-iibayuhin, kung ang kanilang naging buhay ay tutularan, at kung sa kanilang
pagkabuwal ay marami pang babangon at papalit sa pagrerebolusyon.
Sa nagdaang anim na taon, lalong nadagdagan ang mga pahina ng librong ito dahil sa
patuloy na pag-agos ng kabataang nais lumahok at mag-ambag sa rebolusyon at armadong
pakikibaka. Hindi sapat ang mga pahina ng librong ito para ilahad ang lahat hinggil sa
dakilang pag-aalay ng mga kabataang martir. Umaasa ako na may mga susunod pang
tomo para isama ang mga martir na hindi pa kasama sa librong ito. Sa pakikibaka, may
sakripisyo para makamit ang tagumpay. Laging sikapin nating isulat ang buhay at pakikibaka
ng ating mga martir upang patuloy na makinabang ang kilusang mapagpalaya ng bayan sa
kanilang rebolusyonaryong pamana.
Ang rebolusyonaryong pag-aambag ng kabataan ay dugong nananalantay at nagbibigay
buhay sa pambansa demokratikong rebolusyon at kilusan. Tiyak ang tagumpay ng rebolusyon
sa paparaming bilang ng kabataang lumalaban sa imperyalismo at lokal na reaksyon upang
itaguyod ang mga karapatan at interes ng batayang masang magsasaka't manggagawa.
--Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
=============
Pasasalamat
1999 nang unang mabuo ang konsepto, tema at layunin ng koleksyong ito. Sa
pagkakatanda ko, kabilang sana ang librong ito sa pagdiriwang ng unang anibersaryo
ng Anakbayan na siya ring ika-35 taon ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan.
Sa katunayan, ang ilan sa mga susing taong nagbuo ng nilalaman ng librong ito ay
hindi na mapabibilang sa sektor ng kabataan-estudyante sa panahong ito. Ang isa
pa nga sa kanila'y muntik na ring maipasama sa koleksyon noong taong 2000.
Gayunpaman, sila'y nananatili. Pana-panahong nakakasalamuha, nakakasalubong sa
lansangan kung minsan. Minamarapat na sila'y huwag nang pangalanan sa iba't ibang
mga dahilan, pero malaking bahagi ng librong ito ay hindi mabubuo kung hindi dahil
sa kanila. Maraming salamat at pagpupugay kina K, A, M at A. Mabuhay kayo!
Sa pagkakatanda ko pa, pangunahing layunin ng koleksyong ito na itanghal ang buhay,
karanasan at kadakilaan sa kamatayan ng mga binansagang 'recti babies' ng kilusan.
Sila yaong mga nagpasyang maglingkod ng buong-panahon sa kilusan at isabuhay ang
armadong pakikibaka matapos ang masalimuot na pinagdaanan ng makabayang kilusan
noong dekada '80.
Kaya kapansin-pansing mayaman ang kalahati ng koleksyong ito sa talambuhay, mga
kwento at artikulo, ng mga kabataan-estudyanteng namulat at naorganisa sa kilusan
noong unang bahagi ng dekada '90.
Malaking bahagi ng mga pahina sa koleksyong ito ay mga artikulong isinulat para sa
Young Martyrs Series ng The Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas noong
1999-2000, at mga isyu ng Kalayaan, ang opisyal na pahayagan ng KM, mula huling
bahagi ng 1998 hanggang unang bahagi ng 2000.
Ang mga karagdagang bahagi ng koleksyon ay binubuo na ng mga artikulong unang
inilathla sa The Catalyst ng Polytechnic University of the Philippines, Tinig ng Kabataang
Makabayan, ang opisyal na publikasyon ng Anakbayan, at ilang mga isyu ng Kalayaan
mula 2002 hanggang sa kasalukuyan. Idinagdag din ang mga artikulo at tulang binasa
para sa mga kabataang martir sa kanilang mga gawad-parangal.
Kaya't sumasaklaw na ang koleksyon hindi lamang sa mga tinaguriang 'recti babies'
kundi maging sa mga bagong dugo ng kabataang-aktibistang humalaw na ng aral at
inspirasyon sa buhay at pakikibaka ng mga dakilang martir na nauna nang nag-alay ng
kanilang buhay para sa sambayanan.
Nakakikilabot at nakakaiyak ang magbuo ng isang kumpilasyong kinapapalooban ng mga
dating kaibigan at kasamang yumao na. Mas nakakikilabot ang kamulatang tiyak na
madaragdagan pa ang mga ito, ng mga dati ring kaibigan at kasama, maging ng mga
bago pa lamang na nakikilala sa kilusan. Gayunpaman, ibang pagkakilabot ang dulot ang
nakaraan at nagpapatuloy na kabayanihan ng mga kabataan-estudyanteng handang ialay
ang kanilang kaalaman, pawis at huling hininga sa higit na dakilang adhikaing paglingkuran
ang sambayanan.
Maraming salamat kay Rowena Bayon at sa mga kasama sa Kabataang Artista para sa Tunay
na Kalayaan para sa disenyo ng pabalat at pangkalahatang lay-out ng libro. Kay Sinag de
Jesus na lalo pang pinagyaman ang hitsura ng libro at nag-lay-out ng mga idinagdag na
bahagi.
Hindi matatawaran ang gabay at suporta ng First Quarter Storm Movement, sa katauhan
nina Ka Bonifacio Ilagan at Prof. Monico Atienza.
Ikinararangal din ang naging ambag nina G. Pete Lacaba, Jess Santiago, Gelacio Guillermo
at Pambasang Artista para sa Literatura na si Dr. Bienvenido Lumbera sa kanilang inilaang
panahon para basahin at komentuhan ang manuskrito ng koleksyong ito. Mabuhay po
kayo!
Higit sa lahat, ilang ulit mang mababasa sa mga artikulo sa librong ito, pinakamataas na
pagpupugay ang walang-sawang inaalay ng sektor ng kabataan-estudyante sa mga
dakilang bayani at martir ng ating panahon!
Ito po ang aming Dakilang Alay.
Sarah Katrina Maramag
Patnugot
|
|