|
Dapithapon at Umaga ng Matagalang Pakikibaka
(Alay kay Jose Maria Sison)
ni Oliver Carlos
14 June 2007
Sa dapithapon ng buhay
may mga pagal na katawan
na nais na sanang magpahinga…
Makaamot man lang ng katiwayasan
ng isipang ginigiyagis ng pangamba
ng takot na malugmok sa kasukalan
doon sa dawag ng gubat na inaring ina
at nagkanlong sa mga tulad nila
na may di-pagagaping diwa…
Sa dawag ng gubat na di kailanman
nagkait ng kanlungan at aruga
sa mahabang taon ng pagdurusa..
sa mapait nilang pagkawalay
sanhi ng pakikibaka..
Kung maari lang sana…
sa dapithapon ng kanyang buhay
ay nais na niyang magpahinga
Humabi na lamang ng mga kwento
ng magiting nyang pagtindig at pakikibaka
sa kalayaang pinagbuwisan ng maraming buhay
na tigib pa rin ng pag-asa niyang tinatanaw..
Ngunit magpapatuloy siya…
maging sa dapithapon ng kanyang buhay,
magpapatuloy sya…
abutin man ng takip silim…
tuluyan mang malugmok sa karimlan ng gabi.
doon sa kasukalan na sa kanya'y tumanggap…
Duon siya nabibilang…
doon siya nakatagpo ng kapahingahan...
doon sya maghahanap at maghihintay …
ng pagsikat ng isang bukang-liwayway
Hindi na para sa kanya kundi sa mga susunod pa.
Sapat nang matanaw nya ang pamamaalam ng dilim.
na ibinabadya ng mga pag-aalsa ng lunsod…
At kasabay ng pahimakas ng katawang-lupa
Nakangiti siyang lilisan na tinatanaw
ang pagsilay ng isang bagong umaga
dala ang pangako ng isang bukas na malaya…
Dahil batid nya…may papanhik sa kasukalang iyon
Upang damputin ang baril nya.
May bagong sibol na bayaning titindig at papalit sa kanya
Sisigaw para sa paglaya…
|
|