BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001- Present |
|
Halaga ng mga Sirkulo sa Pag-aaral ng Marxismo Mensahe ni Jose Maria Sison 5 May 2003 Ipinapaabot ko ang malugod na rebolusyonaryong pagbati sa mga estudyante at iba pang kabataan na nakatipon ngayon para ipagdiwang ang araw ng kapanganakan ng dakilang guro na si Karl Marx sa Mayo 5. Angkop na angkop ang symposium ninyo para aralin at talakayin ang Manipestong Komunista at iba pang akda ng tagapagtatag ng pandaigdigang kilusang komunista. Natutuwa ako sa pagnanais at pagsisikap ninyong ilunsad muli ang mga sirkulo ng pag-aaral sa Marxismo. Malaking karangalan para sa akin ang magpaabot sa inyo ng mensahe para linawin ang halaga ng ganitong mga sirkulo noon at ngayon. Mahalaga at kinakailangan ang pagbubuo, pagpaparami at pagpapaunlad ng mga sirkulong ito. Dito mahuhubog ang mga kadre sa pamagitan ng pag-araal at pagsapol sa Marxismo-Leninismo. Mapagpasiya ito: kung walang rebolusyonaryong teorya, walang kilusang rebolusyonaryo. Pinakamahalagang sangkap sa matibay na pundasyon ng kilusang rebolusyonaryo ang pagkakaroon ng mga kadreng komprehensibo at malalim ang kaalaman sa rebolusyonaryong ideolohiya ng uring proletaryo na siyang may pangkasaysayang misyon na itayo ang sosyalismo at gapiin ang imperyalismo para itayo ang komunismo. Sa mga pambansang demokratikong paaralan, hinuhubog natin ang lahat ng aktibista sa kasalukuyang pangkalahatang linya sa pulitika. Mula sa hanay nila hanguin ang mga masipag sa pag-aaral at pagkilos para pasulungin silang maging kadre. Tulad noon, kinakailangan ngayon ang malawakang pagtatayo ng mga sirkulo sa pag-aaral ng Marxismo. Naging mapagpasiya ang ganitong mga sirkulo sa loob ng SCAUP at ilang unibersidad sa Maynila gayundin sa mga unyon at mga samahang magsasaka para likhain ang mga komunistang kadre at kasapi na naging ubod ng muling pagbangon at pag-unlad ng kilusang masa sa linya ng pambansang demokratikong rebolusyon. Tumpak ang balak ninyong magbuo ng mga sirkulong ito at magparami ng mga kadreng may mahigpit na pagtangan sa Marxismo-Leninismo. Isagawa ang balak nang puspusan. Sa gayon, matitiyak ang konsolidasyon sa ubod ng malawakang kilusang masa at mapapatatag ang wastong direksiyon ng rebolusyon. ### |
|