|
Hinggil sa General Amnesty, Peace Negotiations,
Human Security Act at Summit ng Korte Suprema
Panayam ng Pinoy Weekly
Kay Propesor Jose Maria Sison,
Punong Pampulitikang Consultant
ng National Democratic Front of the Philippines
3 Hulyo 2007
Pinoy Weekly (PW): Magandang araw!
Ano pong tingin ninyo sa umano'y panukalang general amnesty ng gobyernong
Arroyo sa lahat ng mga tinaguriang "kaaway" ng estado?
Jose Maria Sison (JMS): Kunwaring nagpapanukala ng general
amnesty ang rehimen para palitawin na ito ay nasa mataas na posisyong moral at
politikal. Sa katotohanan, ang rehimen ay imoral at kaaway ng sambayanang Pilipino
dahil sa pagtataksil at pagkapapet sa imperyalista, korap at mapagsamanatala, malupit,
nagpapairal ng terorismo ng estado at madugong mapanlabag sa mga karapatang tao.
Ang pag-aasta ng rehimen na handang magbigay ng general amnesty ay isang anyo
ng tusong paghahanda sa implementasyon ng Human Security Act o Anti-Terror Law.
Parang sinasabi ni Ermita bilang Torquemada ng Anti-Terrorist Council na dapat sumuko
na lahat ng oposisyon sa rehimeng Arroyo bago ipataw sa kanila sila ang Anti-Terror Law.
PW: Ano naman pong masasabi ninyo hinggil sa naiulat na pagtungo
nina National Security Adviser Norberto Gonzales at Presidential Peace Adviser Jesus
Dureza sa Norway upang pag-aralan ang posibilidad na muling mabuksan ang usapang
pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP?
JMS: Kalokohan lamang ang pagpunta nina Gonzales at Dureza sa
Oslo. Inulit lamang ang lumang tugtugin ng rehimeng Arroyo na sumuko at magsalang
ng armas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa anyo ng isang ceasefire at kalimutan
na ang mga dahilan ng sandatahang rebolusyon.
Ang linya ng GRP na pagpapasuko at pasipikasyon sa mga pwersang rebolusyonaryo
ay labag sa The Hague Joint Declaration ng 1992 at mga kasunod na kasunduan sa
pagitan ng NDFP at GRP. Kailangang may mga reporma sa ekonomiya at pulitika para
lutasin ang mga ugat na problema na naging sanhi ng sandatahang rebolusyon ng
mga anakpawis at sambayanan.
PW: Ano pong reaksiyon ninyo sa pahayag ni Executive Sec.
Eduardo Ermita na pumapangit ang imahe ng administrasyong Arroyo dahil sa mga
propaganda ng mga makakaliwang grupo?
JMS: Ang mga garapal na krimen ng rehimen at mga alipuris
nitong militar at pulis sa paglabag ng mga karapatang tao, tulad ng pamamaslang
at pagdukot sa mga legal na progresibong aktibista at pagpapalikas sa mga komunidad,
ang dahilan ng pagpangit sa imahe ng rehimen sa buong daigdig. Hindi ang propaganda
ng mga makakaliwang grupo ang dahilan.
Dahil sa garapal at sistematikong paglabag sa mga karapatang tao, napilitan nang
sumalungat ang Amnesty International, mga simbahan, mga organisasyon sa human
rights, mga special rapporteur ng UN at ilang gobyerno.
PW: Panghuli, ilang araw na lang pormal nang ipapatupad ang
Human Security Law. Ano pong masasabi ninyo dito kaugnay ng mga insidente ng
patuloy na pampulitikang represyon at pamamaslang sa mga aktibista? Kaugnay nito,
ano naman po ang tingin ninyo sa iminungkahi kamakailan ng Korte Suprema na
Summit hinggil sa mga extrajudicial killing?
JMS: Magiging lisensya ng US at rehimeng Arroyo ang Human
Security Act (Anti-Terror Law) para gumawa ng mas marami at mas malawak pang
mga paglabag sa mga karapatang tao. Gagamitin ng rehimen ang lisensiyang ito para
supilin ang malawak na oposisyon sa pamamagitan ng paglilista ng mga partido,
organisasyon at progresibong lider bilang mga "terorista", pagpataw ng mga punitive
sanctions, paglabag sa mga demokratikong karapatan at pabrikasyon ng mga paratang
laban sa mga pwersang rebolusyonaryo at legal na oposisyon. Gagamitin din ng US ang
lisensyang ito para magpalawak ng madugong pakikialam at panghihimasok sa pambansang
soberaniya at integridad teritoryal ng Pilipinas.
Sa summit na iminungkahi ng Korte Suprema, dapat itaguyod ang mga pundamental na
karapatang tao. Ilantad ang katangiang anti-demokratiko at pasista at magiging masamang
bunga ng Human Security Act. Ilahad kung paano gamitin ang principle of command
responsibility magmula sa commander-in-chief hanggang sa mga nakabababang antas
ng militar para panagutin ang mga kinauukulang opisyal na militar sampun pulis sa mga
paglabag ng mga karapatang tao kung may mga ebidensiya direct at/o circumstantial
at kung may padron na. Halatang-halata ang rehimen na mastermind ng mga paglabag
sa karapatang tao sa pamamagitan ng COC-IS at Anti-Terror Task Force nito na
pinamumunuan ni Eduardo Ermita at Norberto Gonzales.
Sa napakaraming kaso, wala man lang maagap na administrative suspension kundi may
papuri pa ang rehimen sa mga berdugong katulad ni General Palparan. Gusto pang pigilan
ng rehimen ang Senado sa pag-imbestiga ng mga human rights violations. Ayon sa
Konstitutsyon ng 1987, nasa Korte Suprema ang paggawa ng mga patakaran para
magamit ang command responsibility sa pagpigil sa HR violations, para ang Kongreso
makapag-imbestiga sa HR violations at para ang Korte Suprema mismo ay makapagpataw
ng contempt of court man lamang sa mga opisyal na hindi nakakapagbigay o ayaw
magbigay ng sapat na paliwanag at ayaw gumawa ng aksyon laban sa mga HR violations.
PW: Marami pong Salamat.
|
|