|
Interbyu kay Prof. Jose Maria Sison Tungkol sa Pagpapatalsik sa Rehimeng Arroyo
Ni Angel Tesorero
Pinoy Weekly
Ika-20 ng Hunyo 2005
Prof. Sison,
Magandang araw!
Ako po uli si Angel L. Tesorero (AT), reporter ng Pinoy Weekly. Nag-email na po ako sa inyo noon hinggil sa 'peoples
coalition government.' Ngayon, gusto ko ho kayong hingan ng ilang pagtingin hinggil sa mga pinakahuling pangyayari
dito sa ating bansa.
Una, gusto ko ho kayong hingan ng pagtingin/reaksiyon sa komentaryo ni Dean Luis Teodoro sa PDI kamakailan. Ayon
kay Dean Teodoro:
"(the Arroyo administration's) ouster through another People Power uprising seems unlikely at this point, and the
political crisis may very well be resolved in its favor. Both People Power I and II succeeded in removing presidents
because of a confluence of several factors. While some of those factors already exist, some are noticeably missing--chief
among them the absence of any consensus among the groups arrayed against President Macapagal-Arroyo as to how to
remove her, and who or what should succeed her."
JMS: Mayroon nang ilang batayang sangkap para sa pagpapabagsak sa rehimeng Arroyo. Kabilang na ang naipong galit ng
malawak na masa sa matinding hirap sa kabuhayan at sa mga trigger events ng jueteng expose at tapes, matatag na
kapasiyahan ng kilusang rebolusyonaryo na paigtingin ang sandatahang pakikibaka, panimulang pagdaloy ng protesta ng
mga legal na demokratikong pwersa, paglakas-loob ng mga opposition parties na anti-GMA, paghahati ng military at paghahati
ng dating pro-GMA coalition. Wala pang maliwanag mula sa mga imperyalistang Kano at CBCP. Puede pang 3 to 6 months na
pagsisikap ng anti-GMA opposition parties, mga legal na demokratikong pwersa at mga anti-GMA forces sa loob ng AFP at PNP
bago mahulog na sa bangin ang rehimeng Arroyo.
AT: Nais ko rin hong palawigin ninyo ang una ninyong pahayag na: "Adelantado o premature na pag-uusapan ng mga
rebolusyonaryo at anti-GMA na reaksiyonaryo ang tungkol sa coalition government. Pag-usapan nila muna kung paano sila
magkaroon ng koordinasyon at informal alliance para ibagsak ang rehimeng GMA."
JMS: Bago magkaroon ng coalition government, kailangang magbuo ng broad united front para paigtingin ang kilusang masa
at ibagsak ang rehimeng Arroyo o pilitin na magresign. Kung maliwanag nang babagsak ang rehimen, puedeng magtayo ng
provisional democratic government ang mga pinakamabisang pwersa sa broad united front. Puede ring tawaging revolutionary
ang provisional democratic government kung prinsipyo ng kagustuhan ng mamamayan ang pangunahing masusunod sa pagkuha
ng kapangyarihan o kung may tungkulin na magsagawa ng national and social liberation.
AT: Dagdag pa, ang ipinapakalat sa media ay "kulang sa rekado ang mga protesta" at wala raw lider ang oposisyon. Hamon pa
ni GMA, "present a viable alternative to my leadership."
Ano hong masasabi ninyo rito?
JMS: Sa takbo ng maikling panahon, may lilitaw na puedeng pumalit kay GMA. Nariyan si Noli de Castro na maaring magsabing
siya dapat ang kapalit dahil si GMA lamang ang nandaya. Nariyan din si Loren Legarda na maari ring magsabing siya dapat ang
kapalit dahil parehong nandaya sina GMA at Noli. Gayundin, nariyan si Senate President Drilon na maaring magsabing siya ang
nasa line of succession kapag hindi maliwanag kung sino ang kapalit ni GMA. Puede ring magtagal ang impasse (walang kapasiyahan)
hanggang makapagpasiya ang malalakas na organisadong pwersa ng masa, mga partidong anti-GMA at mga pwersang militar na
anti-GMA kung sino ang uupong transitional president para lamang tumawag ng snap eleksiyon sa loob ng anim na buwan. Huwag
magpalagay si GMA na hindi siya puedeng palitan. Ngayon pa lamang, nagmamaneobra na sina Noli at Drilon para palitan siya. Ang
mga organisadong masa, mga partidong anti-GMA at kung aling nangingibabaw na bahagi ng militar ay maaaring magpasiya kung
sino ang magiging kapalit ni GMA.
AT: Pangalawa, ano hong masasabi ninyo sa puna ng media at ilang mga political analyst na "mahina" raw ang presensiya ng mga
militante at progresibong grupo sa pagpapatalsik sa rehimeng GMA? (Segue ho, anong pagtingin ninyo sa KME (Kilusang
Makabansang Ekonomiya) na namuno sa Day of Mourning noong Hunyo 11?)
JMS: Ang pinakamalakas at pinakamatatag na organisadong masa ay nasa kilusang pambansa demokratiko. Puedeng bumuhos
ang lakas nito sa mga kalsada ng NCR at sa mga probinsiya sa pamamagitan ng ilang rounds ng buildup mass actions at peak mass
actions. Umabot na sa aking kaalaman na may balak na para sa build up mass actions at peak mass actions sa mga buwan ng Hulyo,
Augusto at Setyembre. Ang mga ito ay lalaganap at iigting hanggang mapatalsik si GMA.
AT: Pangatlo, sa inyong palagay totoo ho bang may "people power fatigue" na ang mga Pilipino?
JMS: Si Amando Doronila na maka-GMA ang nagsabi niyan. Hindi totoo at hindi magandang sabihin na napapagod ang masa sa
paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala. Laging handang lumaban at magbalikwas ang mga anakpawis bastat tumindi ang kahirapan,
hinog ang kalagayan, may naipong lakas, tama ang pamumuno at may mga pagkakataon para umabante o manalo. Handang
magtipon ang masa sa paligid ng palasyo at mga kalsada ng NCR bastat may mga nasa panggitnang uri na maglalaan ng rekurso
para sa tuluy-tuloy na 5 to 7 days na mass action ng 500,000 hanggang 2 million. Puedeng maglikom ang organisadong masa ng
sarili nilang rekurso para sa pagkain, pasahe, lathalain, kagamitan at iba pa para sa ouster campaign.
AT: Pang-apat, ano ho sa tingin ninyo ang papel ng US sa mga nangyayari sa ating bansa? Pumabor kaya ito sa pagpapalit ng
administrasyon?
JMS: Nangangako ang US sa rehimeng Arroyo na ililigtas niya ito bastat ibibigay ng rehimen ang lahat na gusto ng US. Sa likuran
ni GMA, nangangako rin ang US sa mga pwersang anti-GMA na kakampihan sila ng US kung maging papet din sa US. Ayon sa mga
opposition parties, ilalaglag na ng US ang rehimeng Arroyo. Makikita nating maliwanag ito sa mga susunod na tatlong buwan.
AT: Panglima, paano ho ba magkakaroon ng isang malawak na kilusan na siyang mamumuno sa pagpapatalsik kay GMA? Ano ho
ba ang porma ng koalisyon na dapat buuin? Sinu-sino ang dapat mamuno rito?
JMS: Sa linya ng broad united front (malawak na nagkakaisang hanay), dapat magkaisa ang lahat ng pwersa bastat nais nilang
ibagsak ang rehimeng Arroyo. Mainam kung may maliwanag na common points of agreement ang mga makabayan at progresibong
pwersa para magtayo ng tunay na independenyente, demokratiko, makatarungan at maunlad na sistema at gobyerno. Sa gayon,
puedeng magtayo ng bagong demokratiko at rebolusyonaryong gobyerno. Gayundin, mapapabilis ang pagkakaroon ng makatarungan
at matagalang kapayapaan. Sa umpisa ang mga lider na makikita ay yong napakaraming lider ng mga organisadong masa, mga partido,
mga grupo ng militar at iba pa. Pero kung aabutin na ang pagtatayo revolutionary council, uupo rito ang mga pinakamabisang pwersa
na may pinaka-importanteng papel sa pagpapatalksik kay GMA.
AT: At panghuli, ano hong porma ng gobyerno ang dapat pumalit sa kasalukuyang administrasyon? Tatagal pa kaya sa poder si GMA?
JMS: Mabuti kung ang gobyerno ay gobyerno ng mga manggagawa, magsasaka at mga panggitnang saray. Subalit nariyan pa ang
malalaking komprador at asendero kahit na nahahati sila sa maka-GMA at anti-GMA na paksyon. Alinmang paksyon ang mangibabaw,
maaapi at mapagsasamantalahan pa rin ng mga mapagsamantalang uri ang mga anakpawis. Habang naglalabanan ang mga paksyon
ng mga uring mapagsamantala, dapat ibayong magpalakas ang mga anakpawis at mga rebolusyonaryong pwersa.
Nais makipagtagalan si GMA sa labanan para manatili siya sa kapangyarihan. Puede pang abutin ng GMA ang 2006 sa kapangyarihan
kung mahina ang kooperasyon ng mga anti-GMA na paksyon ng mapagsamantalang uri sa balangkas ng broad united front. Kung
magtatagal si GMA hanggang 2006, magiging madugo ang pagpapatalsik sa kanya. Ganoon ang palagay ng ilang anti-GMA na paksyon
sa AFP at PNP.
AT: Maraming salamat po at ingat palagi.
ANGEL
|
|