BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


 

Ipagbunyi Ang IKA-40 Anibersaryo Ng Kabataang Makabayan
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Nobyembre 30, 1964
For English version

Mula nang itatag ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964, maningning nitong ginampanan ang papel bilang pangunahing komprehensibong organisasyon ng kabataan. Pinukaw nito, inorganisa at minobilisa ang mga estudyante at kabataang hindi makapag-aral, ang kabataang manggagawa, maralita ng lunsod, magsasaka, mangingisda at propesyunal sa pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa monopolyong kapitalismo ng dayuhan, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sinadya nating mga tagapagtatag na piliin ang karaarawan ni Andres Bonifacio bilang araw ng pagtatatag para parangalan ang kanyang pamumuno sa lumang demokratikong rebolusyon ng 1896 laban sa kolonyalismong Espanyol at bigyang diin ang ating determinasyon na muling palakasin ng KM ang patriyotikong tradisyong rebolusyonaryo ng mamamayang Pilipino at ipagpatuloy ang mga ditapos na tungkulin ng rebolusyong Plipino.

Kinilala natin na ayon sa umiiral na mga kondisyon ng modernong imperyalismo at rebolusyong proletaryo, kailangan nating maglunsad ng bagong demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng uring manggagawa, tinatangkilik ng malawak na masa ng mamamayan at nakatuon sa pagtatamo ng sosyalismo kapag umiiral na ang ganap na pambansang kasarinlan at demokrasya. Sa gayon, binalikat ng KM ang papel ng pagsisilbi bilang paaralan sa pagsasanay ng mga kabataang rebolusyonaryo at pagtulong sa uring manggagawa sa pagtupad ng mga rebolusyonaryong tungkulin nito.

Mula noon, nakapagrekluta ang KM, nakapagsanay at nakasubok ng mga kadre at aktibista at nakamobilisa ito ng malalaking bilang ng kabataang lalaki at babae para sa iba’t ibang tipo ng mga organisasyon ng kabataan, para sa kilusang unyon, para sa kilusang magsasaka, para sa iba’t ibang organisasyong propesyunal, para harapin ang mga isyung sektoral at multisektoral at tuparin ang iba’t ibang klase ng gawain. Naging napakahusay nito pareho sa ligal na mga pakikibakang masa at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka,

Naging susing salik ang KM sa pagluluwal ng daluyong ng anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa noong mga taon ng 1960. Nagbigay ito ng aktibong suporta sa kilusang unyon at kilusang magsasaka kaugnay ng edukasyong pampulitika, mga welga at protestang masa. Tumulong ito sa Lapiang Manggagawa at pagkatapos sa Partido Sosyalista mula 1963 hanggang 1968. Isinulong nito ang pagsasakongkreto ng Movement for the Advancement of Nationalism o MAN bilang isang malawak na pambansang nagkakaisang hanay mula 1966 hanggang 1968.

Nagsilbi ito bilang saligan ng mga kadre ng proletaryong kabataan na nakitunggali mula 1966 hanggang 1968 para sa pagwawasto ng mga kamalian sa lumang Partido at para isulong ang pagtatayo ng tunay na partido komunista na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ito ang nagpalitaw ng batayan sa muling pagtatatag ng proletaryong rebolusyonaryong partido na may pambansang saklaw at malalim na nakaugat sa hanay ng masang anakpawis at kabataan.

Inabot ng KM ang rurok ng mga mobilisasyong masa noong Unang Kwartong Sigwa ng 1970 at ang kasunod na sigwa ng mga protestang masa hanggang ipataw ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 1972. Napakabilis nitong lumawak sa pambansang saklaw dahil sa mabisang gawain nito sa sa propaganda, pagbubuo ng mga tsapter at pagpapakilos ng kilos masa. Lumikha ito ng lambat para sa pagbubuo ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at ng rebolusyonaryong kilusang masa sa pambansang saklaw.

Malaki ang naging tagumpay ng KM sa pagsasanay ng napakaraming kabataan na sa kalaunan ay sumulong sa pagiging mga kadre at myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP) at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Tumayo ang mga kabataang ito sa unahan ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa pasistang diktadura ni Marcos na inudyukan ng US.

Ang KM ang naging Komunistang Liga ng Kabataan (YCL). Patuloy itong umaambag sa pag-ibayo ng lakas at pagsulong ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa, kabilang ang CPP, ang NPA, mga organisasyong masa, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at iba’t ibang tipo ng alyansa. Patuloy nitong binibigyan ng inspirasyon ang kabataang Pilipino para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes at gayundin ang sa sambayanang Pilipino.

Maipagdiriwang ng mga beterano at kasalukuyang aktibista ng KM at maging ng mamamayan sa pangkalahatan ang naipong mga tagumpay ng KM kaugnay ng edukasyong pampulitika, pag-oorganisang masa at mobilisasyong masa. Maaaring ipagdiwang ang gayong mga tagumpay sa mga awit, sayaw, panulaan at ibang mga anyong gawaing pangkultura. Pero alinsabay na marapat ibigay ang pinakataimtim na pagpupugay sa mga namartir at kahanga-hangang nagsakripisyo sa nakaraang 40 taon ng pakikibaka para pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.

Mahabang pagmamartsa pa ang kailangan sa pagkompleto ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa imperyalismong US at lokal na mapagsamantalang uring malaking komprador at panginoong maylupa. Walang mapagpipilian ang api at pinagsasamantalahang kabataan at mamamayan kundi ang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes dahil hindi kailanman mapapagod sa pang-aapi at pagsasamantala sa kanila ang mga mang-aapi at mapagsamantala.

Nahihikayat ang KM at ang kabataang Pilipino sa pangkalahatan nang higit kailanman sa nakaraan na ipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino dahil mula 1964 lalo pang nabulok at lalo pang hinagupit ng krisis ang makolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at tinamo ng mga rebolusyonaryong pwersa ang ibayong karanasan, mahusay silang natuto ng mga aral at patuloy na lumalakas habang nakikibaka.

Sumasabay ang internal na kabulukan at kabiguan ng naghaharing sistema sa pagsama ng krisis ng kapitalistang sistema sa mundo. Walang kaparis ang paglala ng krisis mula noong magtapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinakawalan ng tinatawag na globalisasyon ng “malayang pamilihan” o “free market” ang pinakamapandambong na mga anyo ng pagsasamantala at nagbubunsod ito ng depresyong global, terorismo ng estado at mga gerang agresyon. Sa gayon, natutulak ang mamamayan ng mundo na maglunsad ng iba’t ibang anyo ng paglaban sa mga ito.


May ilusyon ang US na bilang nag-iisang superpower, na walang katulad ang hitech na armas at walang limitasyon ang kapasidad sa pangungutang, ay magagawa nitong palawakin bastat gustuhin ang sariling paghahari sa pulitika at teritoryong pang-ekonomya. Pero sa Iraq nahubaran ang Emperador na si Uncle Sam, nakahantad at bulnerable bilang isang sobrang banat na kapangyarihan at bilang target ng mamamayang Iraqi sa mga opensibang “close quarter” o malapitan. Kaya inspirado ang mamamayang Pilipino at ibang mga mamamayan ng mundo na pasidhiin ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka habang nalulubog sa kumunoy ang imperyalismong US sa Iraq.

Sa aking pagtanaw bilang bagong halal na tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), nagagalak akong makita ang pagdaluyong ng paglaban ng mamamayan sa imperyalismo at mga papet nito sa buong mundo. Ipinagkakapuri kong makita na ginagamit ng mamamayang Pilipino ang mga paborableng kondisyon para sa rebolusyon at nagbibigay sila ng ambag sa pakikibaka ng sangkatauhan para makalaya mula sa hagupit ng imperyalismo.

Ipagpatuloy ninyo sa Kabataang Makabayan ang pagiging isang mayor na salik sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino at ang pagiging mulat sa mahigpit na pangangailangan ng proletaryado at mamamayan na palakasin ang kanilang pagkakaisa at pakikibaka para sa isang bago at mas mabuting daigdiglaban sa imperyalismo at mga sagadsaring alipuris nito.

Mabuhay ang Kabataang Makabayan at ang kabataang Pilipino!

Isulong ang bagong demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino!

Umambag sa pagtindi ng paglaban ng mamamayan ng mundo sa imperyalismo at mga pusakal na papet nito!


 



what's new