ARTICLES & SPEECHES, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


SUSING TALUMPATI
Sa Ika-9 na Pambansang Kongreso
ng Kilusang Mayo Uno


Ni Propesor Jose Maria Sison
Chairman, International Network for Philippine Studies
Chairperson, International League of Peoples' Struggle
Abril 12-14, 2007

Malugod kong ipinapaabot ang taimtin na pagbati at pakikiisa sa ika-9 na Pambansang Kongreso ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa pambansang pamunuan at kasapian nito, at sa lahat ng delegasyon, mga lider at mga kinatawan ng mga kasaping unyon, pederasyon at organisasyong masa ng mga maralitang lunsod at sektor ng transportasyon mula sa Luzon, Bisayas at Mindanao.

Napakahalaga ng pagtitipong ito na magtatasa sa nakaraang apat na taon at magbabalak para sa susunod ding apat na taon ng pagkilos ng inyong sentrong unyon. Maghahalal din kayo ng bagong Pambansang Komiteng Ehekutibo at mga opisyal ng KMU.

Sa gayon, makakapagpanibago kayo ng kapasyahan at lakas para itaguyod at isulong ang tunay na unyonismo at ang pamumuno ng uring manggagawa sa pakikibaka ng sambayanang Pilpino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo.

Tumpak ang tema ng inyong kongreso: Mangahas magpalawak, puspusang magkonsolida at ibayong magpalakas sa papatinding paglaban ng mga manggagawa at mamamayan sa kaaway na rehimeng US-Arroyo. Para matulungan kayo sa pagtupad ng inyong layunin at mga tungkulin, sisikapin kong magbigay-liwanag tungkol sa pandaigdigan at lokal na kalagayan.

Kalagayan sa Daigdig

Umiigting ngayon ang lahat ng mayor na kontradiksyon sa daigdig, sa pagitan ng mga imperyalista at ng pinagsasamantalahan at aping mga mamamayan, sa pagitan ng mga imperyalista at ng ilang estadong nagtataguyod ng pambansang kasarinlan, sa hanay mismo ng mga imperyalista at sa pagitan ng malaking burgesya at ng uring manggagawa. Sa buong daigdig, lumalaban ang uring manggawa at lahat ng mamamayan sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Ito ang katotohanan, salungat sa kasinungalingan ng mga imperyalista at alipures nila na naglaho na ang makasaysayang tunggalian ng uring manggagawa at ng burgesya at permanente na ang panalo ng kapitalismo at ng mapagkunwaring demokrasyang burges liberal matapos ang pagtataksil ng mga rebisyonista at ang lubos na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga bayang pinagharian nila.

Batay sa maling palagay, naglunsad ng opensibang ekonomiko-sosyal ang mga imperyalista sa pangunguna ng US. Pinaiiral nila ang patakarang "globalisasyong neoliberal o globalisasyon ng malayang pamilihan" para yurakan ang pambansa at ekonomikong kasarinlan ng mga atrasadong bayan at pakawalan ang imperyalistang pagkaganid. Sa ngalan ito ng liberalisasyon ng monopolyong kapital at kalakalan, pribatisasyon at pagpapasakamay ng mga imperyalista ng mga ari-ariang publiko, at deregulasyon o pagpawi sa mga karapatan, proteksyon at benepisyo ng mga manggagawa, kababaihan, mga bata at kanilang kapaligiran.

Sa maikling panahon, lalong umigting ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa kanilang pagkaganid, pinakitid at sinira ng mga imperyalista mismo ang kanilang palengke sa buong daigdig sa pamamagitan ng malupit at todo-todong pagsasamantala at pandarambong sa kita ng mga anakpawis, laluna sa nakararaming bansang dimaunlad. Ang krisis ng sobrang produksyon ay bunga ng mabilis na pag-iipon o akumulasyon ng kapital sa kamay ng iilan at pagpapaliit sa kinikita ng mga mamamayan at paglaganap ng dis-empleyo.

Nabubuo ng imperyalista at mga alipures nito ang ilusyon na papalaki pa rin ang ekonomya ng daigdig at sa iba't ibang bansa sa pagpapalaki ng pinansyal na kapital sa pamamagitan ng pag-iimprenta at pagpapaikot ng pera at ng panloob at panlabas na pangungutang. Subalit sa kongkretong ekonomya, bumabagsak ang produksyon at lumalaki ang dis-empleyo.

Kung ibabatay sa datos ng ILO, lumobo ang bilang ng walang trabaho mula 140 milyon noong 1997 hanggang 186 milyon o 6.2 porsyento ng labor force sa buong mundo noong 2003. Halos 1.3 bilyong tao o mahigit sangkatlo (1/3) ng labor force ang wala o kulang ng empleyo. Bunga ito ng pagkitid ng palengke sa lahat ng tipo ng produkto ng batayang industriya, agrikultura at high-tech.

Nauuwi ang krisis sa produksyon sa krisis na pinansyal. Sa pagtatangka ng US na malutas ang ekonomiko at pinansyal na krisis pinapataas nito ang produksyong militar, inilulunsad ang mga gerang agresyon at ibinubunsod ang terorismo ng estado. Pinaluluwagan din nito ang pautang sa pabahay at sa pagkonsumo ng kalakha'y mga angkat na kalakal.

Subalit kakaunti ang empleyo na kayang likhain ng high-tech na produksyong militar. At hanggang ngayon bigo ang balak ng US na kumita ng limpak na tubo mula sa tuwirang pagkontrol sa produksyon ng langis sa Iraq sa tindi ng paglaban ng mamamayang Iraqi. May hantungan din ang maluwag na pagpapautang na pangkonsumo, laluna kung angkat ang mga kalakal.

Malaki ang paglobo ng depisit sa badyet at sa kalakalan ng US. Ang kabuuang pambansang utang nito sa kasalukuyan ay US$ 8.89 trilyon (sa April 5, 2007, tingnan ang US Treasury website http://www.treasurydirect.gov/NP/BPD Login?application=np) at mabigat ang taunang serbisyo sa utang na halos kalahating trilyon na. Sa ngayon, matumal at pagewang-gewang ang ekonomya ng US. Apektado ang ekonomya ng buong daigdig. Dati nang may global nadepresyon, laluna sa mga dimaunlad na bansa na matagal nang sinasalanta ng sobrang produksyon ng hilaw na sangkap at mga mala-manupaktura.

Mataba ang lupa sa buong daigdig para sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong partido ng manggagawa at ibayong pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong kilusang masa. Sa iba't ibang bansa, imperyalista man o hindi, lumalaganap ang pag-aaklas ng mga manggagawa at protestang masa laban sa pagsupil sa mga karapatan, dis-empleyo, paglusaw sa mga sosyal na benepisyo, rasismo, diskriminasyon at represyon.

Patuloy ang mga pakikibaka laban sa imperyalistang agresyon at interbensyon. Pinakatampok ang pakikibaka ng mga mamamayang Iraqi. Bigo pa rin ang US na lubusang kamkamin ang langis ng Iraq at pakitain ito ng malaking tubo, kapalit ng gastos na daan-daang bilyong dolyar, daan-daang libong buhay ng mga mamamayang Iraqi at sampu-sampung libong kaswalti (patay at sugatan) ng US. Sa pagkakasadlak ng US sa kumunoy sa Iraq, nababawasan ang pansin at kontrol nito sa kalakhan ng Gitnang Silangan mismo, sa Sentral Asya, Timog Asya, Silangang Asya, Amerika Latina at Aprika.

Matatag na sumusulong ang lahat ng anyo ng pakikikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya. May pag-asa na patuloy na lalakas ang digmang bayan sa Timog Asya, laluna sa India, para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Malamang na uusbong din ang ganito sa Indonesia. Sa Tsina ngayon, may lumalaganap na diwa na sundin ang aral ni Kasamang Mao, itakwil ang mga nagtaksil at panumbalikin ang sosyalismo sa anumang kailangang paraan.

Kalagayan sa Pilipinas

Lalong lumubha at lumalim ang pagiging malakonyal ng lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kasabwat ito ng US at iba pang imperyalista sa paglabag sa pambansang kasarinlan ng sambayanang Pilipino. Sunud-sunuran ito sa mga patakarang dikta ng mga imperyalista. Sukdulan ito sa pagkapapet.

Kinamumuhian ngayon ang rehimeng ito ng papalaking bilang ng mamamayan ng daigdig dahil sa sukdulang brutal at garapal na paglabag sa mga karapatang tao sa ilalim ng patakarang "all-out war" o todong gera at alinsunod sa global war of terror ni Bush. Lantad din sa buong daigdig ang matinding pagsasamantala at pandarambong ng mga imperyalista at ng pangkating Arroyo sa sambayanang Pilpino alinsunod sa patakarang "neoliberal globalization."

Garapal na itinatanggi ng rehimeng Arroyo ang pangangailangan sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Sa gayon, lumulubha at lumalala ang pagiging malapyudal ng ekonomya ng Pilipinas. Walang pag-unlad kundi ibayo ang pag-atras ng ekonomya. Patuloy na dependyente ito sa produksyon at pag-eeksport ng mga hilaw na sangkap at ilang mala-manupaktura. Dahil sa pandaigdigang sobrang produksyon ng ganitong uri ng mga produkto, mas marami ang inieksport pero mas kaunti ang kinikita ng Pilipinas.

Sa ilalim ng patakarang "neoliberal globalization", dumadagsa ang angkat na produktong industriyal at agrikultural. Nasira ang ating produksyon ng palay at naging numero unong importer na tayo nito sa Asya. Pati sa produksyon ng mala-manupakturang pangkonsumo para sa mga bansang imperyalista, nabawasan na ang mga order ng mga multinasyunal na korporasyon at ilinipat na sa Tsina at India. Bale subkontraktor ng subkontraktor na lamang ang Pilipinas.

Dahil sa kawalan ng trabaho o sapat na kita sa Pilipinas, mahigit tatlong libong manggagawa na karamiha'y kababaihan ang nagpapaibayong dagat bawat araw para magtrabaho kahit maging salat sila sa karapatan at kahit malayong mababa ang suswelduhin kung ihahambing sa mga manggagawa ng linipatang bansa. Siyam na milyon o sampung porsyento na ng populasyon ang mga OFW na nagpapasok ng mga US$ 14-15 bilyon bawat taon sa pambansang ekonomya. Subalit halos lahat ng kinikita nila ay ginagamit na pambayad sa konsumo at sa utang ng pamilya. Sa kalaunan naiipon ang kanilang kinitang foreign exchange sa kamay ng malalaking komprador.

Bangkarote ang buong ekonomya at reaksyunaryong gobyerno. Laging lumalaki ang mga depisit sa kalakalan at sa badyet ng gobyerno. Para matakpan ang mga depisit, palaki nang palaki ang inuutang ng rehimeng Arroyo mula sa loob at sa labas ng bansa. Ang naipong utang sa dayuhan noong Hunyo 2006 ay US$ 60.5 bilyon samantalang PhP 2.17 trilyon ang lokal na utang publiko noong Pebrero 2006.

Higit sa PhP 6 trilyon ang kabuuang utang at PhP 3.9 trilyon o 67% nito ang tuwirang pananagutan ng gobyerno. Pinaparami at pinapataas din ng rehimen ang mga buwis kahit na bangkarote at bagsak ang ekonomya para lamang tiyakin na mabayaran ang utang. Lalong pinapahirapan ang sambayanang Pilpino na nagdurusa sa mataas na tantos ng dis-empleyo at kakulangan ng kita.

Sa lahat ng naging papet na presidente, si Gloria M. Arroyo ang pinakamasahol sa pangungutang, pangungurakot at pagkabulagsak. Sa ilalim ng rehimeng Arroyo, lumobo ang serbisyo sa utang mula sa karaniwang US$ 3.9 bilyon o 7.7 porsyento ng GDP bawat taon noong 1981-2000 hanggang US$ 9.6 bilyon o 11.8 porsyento ng GDP bawat taon mula 2001-2006. Kasabay nito bumulusok naman ang porsyento ng taunang badyet na inilalaan sa mga serbisyong sosyal tulad ng edukasyon, kalusugan, social security at empleyo.

Dahil sa malaking pangungutang, pinapalitaw ng rehimen na lumalaki ang GDP at lumalago ang ekonomya. Subalit sa bawat taon lumalaki ang interes at amortisasyon sa utang. Ito na ang pinakamalaking gastos ng gobyerno at pumapangalawa sa laki ang gastos para sa militar, pulis, paniniktik at iba pang instrumento ng panunupil. Lagi namang nababawasan ang gastos para sa edukasyon, kalusugan at iba pang tinaguriang serbisyong panlipunan.

Napakalaki ang naiipong bilang ng mga walang trabaho o kulang sa trabaho. Lampas ito sa 45 porsyento ng pwersa sa paggawa. Maliit ang kinikita ng mga anakpawis na may trabaho. Wala pa sa kalahati ang minimum na arawang sahod (P350) sa P 766 (sa NCR) na ayon mismo sa gobyerno'y kailangan ng isang karaniwang pamilya para makapamuhay nang disente.

Mahigit 80 poryento ng populasyon ang nabubuhay sa US$ 2 lamang o mas maliit pa. Karamihan sa kanila ang kumikita ng mas mabababa pa sa minimum na pangangailangan sa pagkain. Kulang sa pagkain ang 67 porsyento ng populasyon. Nagdurusa sa malnutrisyon ang milyun-milyong bata. Laging tumataas ang presyo ng mga bilihin at batayang serbisyo (transportasyon, elektrisidad, tubig, atbp). Laging napag-iiwanan ng implasyon ang kahingiang dagdagan ng Php 125 ang minimum wage.

Walang alam ang rehimen para tugunan ang kahirapan at pangangailangan ng mga anakpawis kundi ang paggamit ng dahas para sila'y supilin. Lantarang pandarahas ng militar at pulis ang ginagamit para supilin ang mga legal na protesta at pag-aaklas. Dumarami ang pamamaslang, pagdukot, pananakit at iba pang brutalidad laban sa mga legal na lider at aktibistang anakpawis. Naglulunsad ang reaksyunaryong militar at pulis ng mga kampanyang panunupil sa mga komunidad ng mahirap sa lunsod at sa mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya sa kanayunan. Sinisira ang kabuhayan nila at pinalalayas sila mula sa mga tahanan nila para makamkam ng mga korporasyon at mga bulok na burukrata ang lupa.

Ang palubha nang palubhang pang-aapi at pagsasamantala ay nagtutulak sa mga anakpawis na ibayong lumaban sa pamamagitan ng ibat ibang anyo ng pakikibaka para sa kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan. Sa ganitong kalagayan, parami nang parami ang mga anakpawis na nagpapasyang kumilos sa kanayunan at sumanib sa hukbong bayan para isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa at sa pamamagitan ng digmang bayan.

Pinakaapi sa kasalukuyang lipunan ang mga manggagawa at magsasaka. Sila ang pundasyon ng rebolusyonaryong kilusan at ng pambansang nagkakaisang hanay. Pwede ring sumama sa kanila ang petiburgesyang-lunsod sa isang progresibong alyansa dahil inaapi rin ang mga ito. Maari pang palaparin ang nagkakaisang hanay kapag napasama ang mga panggitnang burges sa isang makabayang alyansa. Ang pinakamalapad na alyansa ay mabubuo kapag napasama rin ang mga temporaryo at mabuway na kaalyado mula sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Maaaring magpatupad ng patakaran at mga taktika ng nagkakaisang hanay para magmobilisa ng pinakamaraming pwersa at bilang ng masa para pahinain, ihiwalay at gapiin ang pinakamasamang mga reaksyunaryo na itinuturing nating kaaway tulad ng pangkating Arroyo. Dapat pakinabangan ng mga anakpawis, ng mga progresibo at mga makabayan ang mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo sa lipunan, sa loob ng burukrasya at sa loob ng militar at pulis.

Hanggang ngayon napipigilan ng rehimeng Arroyo ang pagpapatalsik sa pekeng pangulo sa pamamagitan ng mga legal na aksyong masa. Pero ang ikinatatakot nito ay manalo ang oposisyon sa darating na halalan sa Mayo ng sapat na bilang ng kongresista para ma-impeach si Ginang Gloria M. Arroyo at sapat din na bilang ng senador para ma-convict siya sa Senado.

Kung gayon, tiyak na mandaraya at gagamit ng dahas ang rehimen para pigilin ang panalo ng oposisyon. Naghahanda rin ang rehimen na gamitin ang Anti-Terror Law sa Hulyo para supilin ang mga pwersang rebolusyonaryo at ang legal na oposisyon. Magkakaroon ng mas maigting na tunggalian sa pagitan ng sambayanang Pilipino at kaaway nitong rehimen.

Mga Tungkulin

Dapat hagipin ng Kilusang Mayo Uno ang bawat oras at bawat araw para magpalawak, magkonsolida at magpalakas. Kailangan ito sa papatinding pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino para itaguyod ang mga pambansa at demokratikong karapatan nila, para gapiin ang rehimeng Arroyo at para isulong ang bagong demokratikong rebolusyon.

Ibayong paghusayan ang ahitasyon-propaganda o agitprop at mga kampanyang pang-impormasyon tungkol sa mga isyu para makapagpalawak. Gumawa ng mga pagsusuring panlipunan sa pamamagitan ng mga talakayan sa maliliit na pulong sa paligid ng pabrika o sa mga komunidad ng mga manggagawa at maralitang lunsod. Dapat magbunga ito ng malalaking martsa, raling protesta o malawakang aklasan tuwing kailangan. Ang mga martsa, raling protesta at mga aklasan ay mga paraan din ng mabilisan at malawakang pagmumulat.

Para maipatupad ang konsolidasyon ng mga unyon at pederasyon at iba pang tipo ng organisasyon ng mga manggagawa dapat mag-aral ng kurso sa tunay na unyonismo, sa pambansa at demokratikong kilusan ng sambayanang Pilipino at sa kilusang rebolusyonaryo ng uring manggagawa. Sa gayon, matitiyak ninyong maitaas ang antas ng edukasyon at pampulitikang kamalayan ng mga manggagawa. Matitiyak din ninyo ang matatatag na unyonista dahil nagtataglay ng mulat na disiplina ng uring manggagawa.

Walang katuturan ang agitprop at edukasyon kung hindi magbubunga ng mas marami pang unyon at pederasyon sa ilalim ng KMU bilang sentro o kaya'y hindi ibayong lalakas ang kasalukuyang mga unyon at pederasyon ng KMU. Kaugnay ng paglubha ng sosyo-ekonomikong krisis, mabigat ang presyur, pananalakay at pagbabanta ng reaksyunaryong gobyerno at mga kapitalista sa mga umiiral na unyon at sa mga manggagawang wala pang unyon.

Ang ganitong kalagayan ay dapat magbunsod ng mas masigasig na pag-oorganisa at pagpapatatag sa mga organisado nang manggagawa. Ang batayang organisasyon na itinatayo ninyo ay ang unyon sa lokal at sa buong saklaw ng kompanya kung napakalaki. Kailangan ding magtayo at magmantene kayo ng mga pederasyon batay sa industriya, teritoryo o natatanging kasaysayan. Magbuo rin ng mga kooperatiba ng mga manggagawa at mga mekanismong sasalo sa mga natatanggal sa trabaho. Tiyakin lagi na may nailalaang pondo sa aklasan, depensang legal, edukasyon, pagsasanay at iba pa.

Maglunsad ng mga kampanya para sa panloob na pagpapalakas ng mga unyon at pederasyon ng KMU sa pamamagitan ng mga gawaing pang-edukasyon at pang-organisasyon (pagpapalawak ng kasapian ng bawat unyon at pagpaparami ng mga unyon) at para sa pagtataguyod sa mga karaparatan at interes ng uring manggagawa, sambayanang Pilipino at ng pandaidigang proletaryado at lahat ng mamamayan sa daigdig.

Magagawa ninyo ang mabibisang mobilisasyon kung nakatuntong kayo sa masigasig, puspusan at solidong gawaing pang-organisasyon. Tutugunan at susundan ng masa ang inyong mga panawagan at paanyaya sa mga pagtitipon kung katanggap-tanggap ang inyong linya at respetado ang laki ng inyong organisasayon at nakaraang mga mobilisasyon.

Sa mga mobilisasyon, makakagawa kayo ng ibat ibang anyo ng alyansa at makakapagpalawak kayo sa hanay ng mga manggagawa, lahat ng anakpawis, mga progresibo at makabayang pwersa at iba pang pwersa na nais lumaban sa kaaway na rehimeng Arroyo at mga imperyalistang amo nito.

Mabuhay ang Kilusang Mayo Uno!
Mabuhay ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang uring manggagawa sa buong daigdig!

return to top

back



what's new