BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
MENSAHE NG PAKIKIISA SA KILUSANG MAYO UNO SA PAGLULUNSAD NG KAMPANYANG EDUKASYON SA TAONG 2001 Ni Jose Maria Sison 31 Marso 2001 Malugod kong binabati ang Kilusang Mayo Uno sa paglulunsad ng buong-taong Kampanyang Edukasyon ngayong 2001. Kapuri-puri ang inyong layunin na mabigyan ng pag-aaral sa progresibong unyonismo at sa sosyalismo ang maraming lider at aktibistang manggagawa. Binabati ko rin ang lahat ng lider at aktibistang manggagawa na lalahok sa kampanyang edukasyong ito. Sa pagkakahanay-hanay ng mga paksa nakikita ko na wasto ninyong binibiyang pansin sa inyong programang pang-edukasyon ang proletaryong pananaw-sa-daigdig, ang kritikal na pagsusuri sa kapitalismo at imperyalismo, pakikibaka para sa sosyalismo at ang linya ng pambansang demokrasya. Pangkasaysayang misyon at pangmatagalang interes ng uring manggagawa ang sosyalismo. Pero sa isang bayang malakolonyal at malapyudal tulad ng Pilipinas kailangang lahukan at pamunuan ng uring manggagawa ang demokratikong rebolusyon laban sa katutubong pyudalismo at imperyalismo na sumasaklob dito at pinananatiling atrasado at di-industriyalisado ang ating bayan. Kailangang makipagkaisa ang manggagawa sa ibang demokratikong pwersa unang una sa uring magsasaka bilang pinakamapagtitiwalaang alyado, ikalawa sa petiburgesya bilang dagdag na progresibong pwersa at pambansang burgesya bilang dagdag na patriotikong pwersa. Nasa interes ng mga uring ito ang paglaban sa imperyalismo at pagpawi ng pyudalismo. Pero ang pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng partido nito ang siyang magtitiyak na maisusulong ang lipunan tungo sa sosyalismo--sa lipunang makatarungan, maunlad at masagana. Sa gawaing edukasyon tama lang na bigyan ng pansin kapwa ang malawakang pag-aaral at ang pagtataas ng antas. Dapat maitayo ang mga rebolusyonaryong paaralan ng manggagawa sa lahat ng unyon na napamumunuan at nasasaklaw ng ating pagkilos. Ang sentralisadong tipo ng pag-aaral naman tulad ng ilulunsad ninyo ngayon ang tumutugon sa pangangailangan na naitataas ang antas ng kamalayan at kakayahan ng mga kadre at aktibista sa kilusang manggagawa. Kailangan natin ang libu-libong kadre at aktibistang manggagawa para umako ng napakaraming gawain hindi lamang sa pagsusulong ng kilusang manggagawa kundi para sa kabuuang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya at sa hinaharap para sa sosyalismo. Ang programang pang-edukasyon ay napakahalagang salik para sa pagkakamit ng layuning ito. Hinahangad ko ang inyong malaking tagumpay. # |
|