BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 

 

Pagbati sa Kabataang Artista Para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA)

Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle
Setyembre 16, 2006

Malugod na binabati ko ang pamunuan at mga kasapi ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA) sa okasyon ng ika-6 na anibersaryo ng pagtatatag nito sa Setyembre 16.

Nakiki-isa ako sa inyong layunin na paalabin, pasiglahin at pasulungin ang kilusang kabataan sa pamamagitan ng gawaing pangkultura sa balangkas ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at mga lokal na nagsasamantalang uri.

Pinupuri ko ang KARATULA sa pagkakamit nito ng mga tagumpay sa pagpapalakas ng organisasyon at sa pagpapaluwal ng mga likhain at pagtatanghal na makasining. Batay sa inyong mga tagumpay at sa mga aral mula sa inyong karanasan, inyong mapagpapasyahan at maisasakatuparan ang ibayong pagsulong sa pakikibaka.

Matindi ang hamon sa inyo ngayon para lalong paghusayin ang inyong pagkilos at ang paggamit sa inyong mga kakayahan sa sining para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga karapatan at interes ng kabataang-estudyante at malawak na masa. Nasa gitna kayo ng malubhang krisis ng lokal na naghaharing sistema at pandaigdigang sistemang kapitalista at kinakaharap din kayo ng rehimeng Arroyo na sukdulan ang pagiging papet, bulok, malupit at mapanlinlang.

Labis labis na ang paghihirap ng sambayanang Pilipino, laluna ang mga anakpawis at mga nasa panggitnang saray. Ito ang kalagayan ng nakararaming kabataan at mga estudyante. Bunga ng mga patakarang diktado ng imperyalismong US ang di-maibsang paghihirap ng bayan. Lalong pinalulubha ang pagsasamantala sa ilalim ng patakarang tinaguriang "neoliberal globalization". Umiiral ang matinding terorismo ng estado sa ilalim ng patakarang tinaguriang "global war on terror".

Kailangang labanan nang puspusan at gapiin ang rehimeng Arroyo bilang kagyat na kaaway na siyang pangunahing kinatawan ng mga naghaharing uri sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan, makakaipon tayo ng lakas para labanan at ibagsak ang buong mapagsamantalang sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Sa pakikibaka, may ibat ibang sandatang hawak ng mga mamamayan. May ibat ibang porma ng pakikibaka.

Taglay ninyo bilang natatanging sandata ang rebolusyonaryo, makabayan, demokratiko at syentipikong kultura. Gamitin ito laban sa reaksiyunaryo, maka-imperyalista, marahas at mapanlokong kultura na ipinalalaganap ng rehimeng Arroyo. Laging patalasin ang inyong sandata at ituon ito sa tamang target. Laging sikapin na maliwanag ang mensahe at kaakit-akit ang nilalaman at estilo ng inyong mga linilikha at itinatanghal para sa masang pinupukaw, inuorganisa at pinapakilos.

Dapat maganda ang pagkakagawa at pagtatanghal ng mga akda, awit, musika, guhit, tula at dula. Dapat tumalab ang mga ito sa mga nagbabasa, nanonood, nagmamasid at nakikinig. Dapat madaling lumaganap ang mga ito sa masa at sa buong bansa. Hindi natin magagapi ang kaaway kung hindi tayo mananalo sa larangan ng kultura sa pangkalahatan at sa sining at panitikan sa partikular. Mapurol at walang sigla ang anumang kilusan na walang sandatang kultura.

Dapat masinop, masipag at masigag kayo sa pag-atupag sa mga gawain sa pag-oorganisa ng mga kabataang artista. Kapag mas malaki at mas malawak ang inyong organisasyon, mas malaki rin ang magagawa ninyo sa larangan ng pakikibakang pangkultura. Dapat sinasadya ninyong akitin at hikayatin ang mga kabataang artista o yong may hilig sa sining. Bigyan ng pansin ang mga lumalapit dahil naaakit ng inyong mga gawa at prestihyo. Dapat may batayang pagpapaliwanag at pag-aaral para sa lahat ng sumasapi sa inyong organisasyon. Ang ibayong pag-aaral at paglahok sa mga gawain ng organisasyon kaugnay ng kilusang masa ang magpapatibay sa pagiging kasapi at sa pagbubuo ng mga sangay ng KARATULA.

Mahalaga at mapagpasiya ang papel ng mga artistang rebolusyonaryo. Sa pamamagitan ng mga pagtatanghal, madali at mabilis nilang naipapalaganap ang mga rebolusyonaryong diwa, isip at damdamin. Madaling tanggapin ang rebolusyonaryong mensahe kung ito ay naglalarawan ng mga pangangailangan at hangarin ng masa at sa paraang maliwanag at swabe ang dating. Isang tiyak na palatandaan ng pagsulong ng rebolusyon ang paglaganap sa hanay ng milyun-milyong mamamayan ang pagtangkilik sa mga rebolusyonaryong awit.###

return to top

back



what's new