BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


Mensahe sa Kongreso ng Pagtatatag ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Tagapangulo, International Network for Philippine Studies
Enero 20, 2005

For English Translation

Lubos kong ikinatutuwa na nakatipon ngayon ang maraming lider at aktibistang manggagawa at manggagawang bukid sa mga plantasyon at asyenda mula sa ibat ibang dako ng kapuluan upang itatag ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA). Maalab na makabayang pagbati sa inyong lahat!

Mainam na sa pagtatatag ng UMA bilang sentrong unyon mayroon na kayong mga tiyak na kasaping organisasyon, unyon at pederasyon ng manggagawang agrikultural at manggagawa sa mga empresa sa mga asyenda at plantasyon, tulad ng United Luisita Workers Union, National Federation of Sugar Workers at mga nasa Leyte, Bukidnon, Cebu at Panay.

Nakikiisa ako sa inyo sa layuning itatag ang UMA, bigkisin, palawakin at paigtingin ang pakikibaka ng mga mangaggawang agrikultural para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon at isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Dapat ipaglaban ninyo ang mga karapatan at kabutihang posible sa kagyat na panahon habang isinusulong ang mga pangmatagalang layunin na dapat ipatupad para maipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon.
Reporma sa lupa ang pangunahing nilalaman nito. Sa pamamagitan nito mapapalaya ng uring magsasaka at ng mga manggagawing bukid ang kanilang sarili. Mapagpasiya ang papel nila sa layuning ito.

Ang mga tradisyonal na manggagawang bukid ay yong mga maralitang magsasaka at nakabababang gitnang magsasaka na kinukulang ang kita mula sa lupang sinasaka at sapilitang nagbebenta ng lakas paggawa sa mga tradisyonal na panginoong maylupa at sa mga mayaman at pangginang magsasaka (laluna sa palayan, maisan, niyugan, gulayan, tabako, atbp.) at sa mga asyenda at plantasyon na may produktong pang-eksport at may ilang modernong kagamitan (asukal, pinya, saging, atbp.)

Karamihan ng mga manggagawang bukid ay tradisyonal. Sa bilang hindi sila bababa sa 95 porsyento ng mga manggagawang bukid. Dala pa nila ang lumang kagamitan, tulad ng itak, kapag nakikitrabaho sa mga luma at bagong asyenda at plantasyon. Kasama nito ang mga sacada o tabasero at iba pang di-regular at panahunang manggagawang bukid.

Ang tunay na modernong manggagawang bukid ay yong gumagamit ng modernong kagamitan tulad ng traktora at mga sasakyang panghakot at mga nagiging regular na manggagawa sa mga ilohan at warehouse. Mga 5 porsyento lamang ng mga manggagawang bukid ang ganito, batay sa nakakalap na datos.

Sa pangkalahatan, atrasado ang kagamitan sa produksyon at ugnayang sosyal sa agrikultura ng mala-pydual na ekonomiya. Umaayaw ang malalaking komprador at mga asendero sa paggamit ng mga harvester combines dahil labis-labis ang bilang ng manggagawang bukid na mauupahan nila nang napakamura. Takot din sila na bibilis ang takbo ng sandatahang rebolusyon kung tatanggalin sa trabaho ang manggagawang bukid at walang mapuntahang mga industriya. Pero hiwalay sa kamalayan ng mga mapagsamantalang uri, obhetibong lumalala ang krisis ng sistema. Dumarami ang manggagawang bukid subalit dumadalang ang empleo para sa kanila.

Tumpak ang pagtukoy sa problema ng kawalan ng lupa sa mga 75 porsyento ng mga magsasaka at sa pangangailangan ng reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon bilang solusyon. Kailangan ang reporma sa lupa para buwagin ang konsentrasyon ng pagmamay-aring-lupa sa uring asendero at ipamahagi ang lupa sa mga nagsasaka. Kailangan din ang pambansang industrialisasyon para likhain ang mga trabaho para sa labis na populasyon sa agrikultura.

Huwad at pakunwari ang lahat ng “reporma sa lupa” na ipingangalandakan ng bawat rehimen ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa ilalim ng pasistang diktadurang Marcos, pinataas ang balwasyon ng lupa nahulugang babayaran ng mangasasaka. Sa katapusan, dalawang porsyento lamang ang nakakompleto sa pagbabayad. Sa sumunod na rehimen ni Aquino, dumami pa ang paraan ng panloloko at pang-iinsulto sa mga magsasaka at manggagawang bukid, laluna ang prinsipyo raw ng boluntaryong pagbenta ng asendro ng lupa o sapi ng korporasyon sa agrikultura.

Sa mga rehimeng sumunod kay Marcos at Aquino, ni wala nang pakunwaring pagpapatupad ng reporma sa lupa. Ang dahilan kuno ay natupad na ang reporma sa lupa sa ilalim ng CARP at mga insentibo sa produksiyon at palengke na lang ang kailangan ng mga magsasaka. Sa panahon ni Ramos, inumpisahan nang malakihan ang kumbersyon at pagbawi sa mga lupang pinahulugan or kunwaring ibinigay sa mga magsasaka.

Sa kutsabahan ni Ramos bilang presidente at Arroyo bilang senador, itinulak ang tinawag na “free market globalization”. Tiniwangwang ang Pilipinas sa pagpasok ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa. Ang resulta ay pagpinsala sa produkyong agrikulturtal sa Pilipinas. Sinalat pati ang pagkain. Naipit din ang produksyon ng asukal at iba pang panluwas na produkto at nagsarahan ang maraming ilohan.

Sa lahat ng pagkakataon, ang pasanin sa krisis ay ipinapapasan sa mga magsakaka at manggagawang bukid. Ito rin ang idinadahilan ng mga imperyalistang may-ari ng mga plantasyon, mga komprador at mga asendero para magtanggal ng mga manggagawang bukid, buwagin ang mga unyon nila at gumagawa ng iba pang aksiyon para lalong paghirapin sila. Laging salungat ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga karapatan at interes ng mga manggagawang bukid at pinapatindi pa nito ang pagsasamantala at pang-aapi na humahantong sa maraming marahas na kampanya ng mga military, pulis, paramilitary at mga pribadong maton.

Mahalaga ang kapasiyahan ng UMA na himukin, organisahin at mobilisahin ang manggawang bukid sa mga asyenda at plantasyon at mga mangagawa sa mga kaugnay na impresa. Sa panahon ng malubhang krisis sa global na sistema ng kapitalismo at sa lokal na naghaharing sistema, nangyayari ang maramihang pagtatanggal ng mga manggagawang bukid sa trabaho, makahayop na pagpapaliit ng pasahod, pagsira sa mga unyon sa sarisaring paraan at pagpawi sa mga karapatan at kabutihang dating ipinagwagi ng mga anakpawis sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka.

Napapanahon ang pagtatatag ng UMA. Itaguyod ninyo ang mga karapatan at kagyat na interes ng mga manggagawang bukid. Ipagtanggol ninyo sila sa rumaragasang pang-aapi at pagsasamanatala ng mga imperyalista at mga alipuris nilang malaking komprador, asendero at mga bulok na burukrata. Isulong ang pakikibaka nang matatag at masigla at magtamo ng mga magkakasunod na tagumpay. Gamitin ninyo ang mga pamamaraan at ritmo ng pagpapalawak at konsolidasyon. Magbuo kayo ng sariling lakas sa UMA subalit magpakahusay sa patakaran at mga taktika ng nagkakaisang hanay. Biguin ang mga probokasyon at karahasan ng kaaway at bantayan din ang mga tunguhing labis na Kaliwa at Kanan.

Asikasuhin ninyo ang bahagi ng manggagawang bukid na nasa mga malawak na lupang konsentrado sa kamay ng mga pinakamaling kopmprador-asendero at mga imperyalistang korporasyon. Ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) naman ang umaatupag sa makapal na masa ng mga magsasaka, pati na ang mga tradisyonal na manggagawang bukid sa labas ng malalaking asyenda at plantasyon. Mainam at karapatdapat na magtulungan ang UMA at KMP, Pamalakaya, KMU, ang lahat ng anakpawis at sambayanang Pilipino.

Tama lamang na palagiang ikampanya ninyo ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa lahat ng legal na paraan. Gayundin isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya dahil kinakailangan ang pambansa at demokratikong kapangyarihan para lubusin ang reporma sa lupa, pambansang industrialisasyon at iba pang pagbabago na inaasam-asam nating lahat.

Makabuluhan ang pagmumulat, pag-oorganiza at pagmobilisa sa masa ng mga magbubukid sa mga militante subalit legal na paraan. Kung bibiguin ng mga imperyalista at mga lokal na reaksyonaryo ang legal na pakikibaka ng UMA, sila na rin ang magtutulak sa masang magbubukid na magsandata at magrebolusyon para isakatuparan ang bagong demokratikong rebolusyon.

Humahanga ako sa katatagan at kagitingan ninyong lahat dahil pursigido kayo sa pagtatatag ng UMA at sa legal na pakikibaka kahit na kung kailan lamang pinagbabaril at minasaker ang mga manggagawang bukid na mapayapang nag-aaklas at nag-rarali sa harap ng Hacienda Luisita, pati na ang bata, kababaihan at mga matatanda. Tama lamang na hindi tayo nagpapasindak at ibayo tayong lumalaban para mga karapatan ng mga mangaggawang bukid at ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura!
Umani ng maraming tagumpay sa pakikibaka!
Mabuhay ang lahat ng anakpawis at sambayanang Pilipino!



what's new