BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe para sa GAME OVER, GLORIA ED Festival Ni Jose Maria SisonTagapangulo, International Network for Philippine Studies Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan 20 Oktubre 2005 Pinakamaalab na pagbati sa mga kabataan ng Anakbayan, LFS, SCM, Anak ng Bayan, NUSP, INS, at iba pa! Binabati ko kayo sa pagdaraos ng ED Festival sa panahon ng kampanya sa pagpapatalsik kay GMA. Tauspuso ang aking pasasalamat na binibigyang-puwang ninyo na makasama ako sa ganitong mga pagkakataon na tunay na nakapagpapanariwa sa akin at nakapagpapatibay sa katumpakan ng landas na pinili natin at sama-samang tinatahak, kakapitbisig ang ibang mga uri at sektor ng lipunan, tungo sa pagtamo ng tunay na pambansang demokrasya. Natutuwa akong maging bahagi ng pagtutulungan ninyo sa pagbibigay sa kabataan at iba pang mga mamamayan ng mas malalim na pagsusuri at pag-unawa sa lipunang Pilipino kaakibat ng pag-aaral at pagpapatupad sa linya ng pambansang demokrasya. Tumpak at nararapat lamang na magdaos ng ganitong mga pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Dala-dala ang mga aral ng nakaraang mga pagkilos, batid natin na mahalagang nakaayon ang kampanya sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo sa pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Sa gayon natin matitiyak na magtatagumpay ang kampanya at magbubunga ito ng malaking pakinabang sa pambansang demokratikong kilusan, at hindi ng kalituhan o kapinsalaan kaya. Ugnayan ng Kampanya sa Pagpapatalsik sa rehimeng GMA sa Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya Ang kagyat na paghihiwalay at pagpapatalsik kay GMA at naghaharing pangkatin niya ay isang makabuluhan at kinakailangang bahagi ng matagalang pakikibaka para sa pambansang demokrasya laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Bahagi ng pangkalahatang linya at taktika ng pambansang demokratikong kilusan ang paghihiwalay sa kasalukuyang pinakamakitid na target na kaaway ng sambayanang Pilipino - ang naghaharing rehimeng US-Arroyo. Si GMA ang punong papet ng US at pinakamataas na kinatawan at pinuno ng mga naghaharing uri ng malalaking komprador-burges at malalaking panginoong maylupa. Siya sa kasalukuyan ang pinakamalaking burukratang kapitalista - pinakamasiba, pinakagahaman at pinakatiwali sa paggamit ng kapangyarihan at rekurso ng estado para makapanatili sa poder at makapagkamal ng higit pang kayamanan. Si Macapagal-Arroyo ang pangunahing may pananagutan sa kasalukuyang paghihirap ng sambayanan bunga ng patuloy na pagtindi ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan. Binubuo at inihaharap laban sa rehimeng US-Arroyo ang pinakamalapad at palapad nang palapad na nagkakaisang hanay ng sambayanan bilang bahagi ng pagtataguyod sa pambansang demokrasya at ng pagsusulong sa kilusang kaakibat nito. Isang bahagi lamang, bagamat malaki at makabuluhang bahagi, ang mga pambansang demokratikong pwersa sa malapad na hanay ng mga nananawagan at kumikilos para tanggalin sa pwesto si GMA. Para matamo ang pambansang demokrasya, kailangang itaguyod ang makauring pamumuno ng manggagawa at buuin, unang-una, ang saligang alyansa ng masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka; ikalawa ang mas malapad na alyansa ng mga batayang pwersa na kinabibilangan ng kinakailanga'y matatag nang saligang alyansa ng mga anakpawis, at ng petiburgesyang lunsod, lalo na ang pinakaabante dito (tinutukoy ang mahihirap na kabataang estudyante, guro, kawani at propesyunal), na mahalagang saray ng lipunan sa pagbubuo ng opinyong publiko; ikatlo, ang higit na mas malapad na alyansa ng mga positibo o makabayan o motibong pwersa na kinapapalooban ng mga anakpawis, petiburges ng lunsod at gitnang burges (mga makabayang negosyante). Habang pinauunlad ang iba't ibang alyansang nabanggit, bahagi ng pagpapalapad ng nagkakaisang hanay ang pormal o impormal na pagpapalahok sa lahat ng kalaban ni GMA sa kilusang alisin siya sa poder. Bunga ng walang kasintinding krisis sa ekonomya at sa lipunan sa kabuuan, higit na tumitindi ang bangayan at pagkakahati ng hanay ng naghaharing uri. Malaking bahagi ng mga paksyon ng naghaharing uri na wala sa kapangyarihan ang nagnanais na paalisin si GMA mula sa Malacanang. Napatunayan na sa EDSA 1 at EDSA 2 na maaaring alisin sa poder ang naghaharing rehimen sa pamamagitan ng malawakang kilos protesta ng mamamayan . Pero hindi makakasapat na palitan lamang ang pangulo para magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. Malinaw na ito sa maraming mamamayan bunga na rin ng karanasan sa EDSA 1 at EDSA 2 at sa naging resulta ng mga ito. Mas may probabilidad ngayon kaysa nakaraan na magkakaroon ng mahalagang bahagi ang mga legal na progresibong pwersa sa pagbubuo ng bagong gobiyerno dahil sa inabot nilang lakas at kasanayan. Kaugnay nito, isang Transition Council o Konsehong Transisyon ang ipinapanawagan ng nagkakaisang hanay na kagyat na ipalit sa gobyernong Arroyo sa kalagayang hindi katanggap-tanggap na maging pangulo si Noli de Castro. Bubuuin ito ng mga kinatawan ng iba't ibang pwersa, kabilang ang mga legal na pambansang demokratikong pwersa, na kumikilos para mapatalsik ang rehimeng Arroyo. Magtataguyod ito ng mga kagyat na reporma at maghahanda rin para sa paghalal ng bagong panguluhan. Hindi ito dapat ipagkamali sa demokratikong konseho ng mamamayan na mabubuo lamang kung nanalo ang bagong demokratikong rebolusyon laban sa naghaharing sistema. Dahil kasama sa konsehong transisyon ang mga kinatawan ng oposisyong paksyon ng reaksyunaryong naghaharing uri at maaaring dominahin pa nila, hindi maaasahang maging mayorya rito ang mga progresibong pwersa. Hindi rin maaasahang agad na maging daan na ito para sa saligang mga reporma o pundamental na pagbabago sa lipunan. Mananatili pa ang paghahari ng malalaking komprador-burges, malalaking panginoong maylupa at pagsunod nila sa imperyalismo. Hindi kusang ibibigay ng mga naghaharing uri ang kapangyarihang pampulitika sa mamamayan, lalo na sa masang anakpawis. Hindi rin makasasapat ang legal na demokratikong mga kilos protesta para ibagsak ang naghaharing sistema. Para maagaw ang kapangyarihang pampulitika ang kailanga'y rebolusyong wawasak sa makinarya ng estado, laluna sa marahas o mapanupil na mga aparato nito, kabilang ang mga batas, hukuman, bilangguan, sandatahang lakas at pulisya. Sa kasalukuyan, ginagamit ng rehimeng US-Arroyo ang "war on terror", Anti-Terror Bill, "CPR", EO 464 at "No Permit No Rally" para bigyang katwiran ang mas mararahas na pag-atake sa mamamayan, mapagtakpan ang mga katiwalian at krimen nito sa mamamayan, supilin ang malawakang protesta at pagkilos para patalsikin ang rehimen. Nagpapatuloy ang brutal na pagpaslang, pagdakip at iba pang paraan ng panggigipit sa mga lider at aktibista ng mga progresibong samahan. Kaya kailangang pag-ibayuhin ang mga pagsisikap sa paglaban sa kalagayang nagiging higit na desperado at mabangis ang reaksyunaryong rehimeng US-Arroyo. Mga Tungkulin Magiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang kampanya para sa pagpapatalsik kay GMA kung magbubunga ito ng paglawak at paglakas ng mga pambansang demokratikong pwersa. Sapat ang kakayahan ng mga legal na demokratikong pwersa na ibagsak ang isang naghaharing pangkatin tulad ng rehimeng Arroyo. Subalit hindi sapat para ibagsak ang buong naghaharing sistema at itayo ang bagong demokratikong sistema ng bayan. Gayunman, malaki ang pagkakataon ng malawak na nagkakaisang hanay at kilusang masa na nasa larangang legal para palakasin ang mga legal na pwersang makabayan at progresibo at mga rebolusyonaryong pwersa na ngayo'y sumusulong sa digmang bayan at masigasig na naglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Sabi ninyong "game is over" para kay GMA. Pwedeng "sooner than later" kung gagawin ng lahat ng pwersa sa malawak na nagkakaisang hanay ang maximum effort nila. Pero magiging "later than sooner" kung matumal sila at magpapadala sa mga mapanlito at mapangharang na salita at gawa ng mga imperyalistang kano at mga konserbatibong obispo at mga business organizations. Ang mga ito, kasama ng mga militar, ang nagtaguyod at nagpatagal sa pasistang diktadura ni Marcos noong 1972 hanggang 1986. Tulad noong 1986 at 2001 maari at kinakailangang muli ang malaking papel ng mga pwersa ng kabataan sa pagpapalibot sa Malakanyang at pagpapatalsik sa labis na papet korap at mandarayang rehimen. Tungkulin ninyong himukin organisahin at pakilusin ang mga kabataan sa buong bansa. Kung matagumpay kayo sa ganito, dadagundong ang tinig at sigla ng kabataan at mapapadali ang pagpapabagsak sa rehimeng Arroyo. Sa layuning paligiran ang Malakanyang, bigyan ng masusing pansin ang pagpapakilos sa mga estudyante ng mga hayskul at kolehiyo na malapit sa palasyong ito. Maaari silang makipagkoordina sa mga magsisimba sa mga simbahan na malapit din sa palasyo, Kapag may sapat na paghahanda at pagpapakilos ang mga pwersa laban sa rehimen, hindi nito mapipigil ang karapatang magtipon. Kapag okupado na ng ilang sampung libong estudyante at nagsisimba ang mga kalsadang malapit sa palasyo, hindi na rin mapipigil ng rehimen ang pagdagsa ng iba pang mga estudyante, manggagawa, maralitang lunsod at mga magsasaka sa iba pang mga plasa at kalsadang patungong Malakanyang. Hindi makakasapat ang bilang ng militar at pulis na alipuris ni GMA para pigilin ang masa. Dumarami na ang mga militar at pulis na laban kay GMA at ang mga ito ay handang alisan siya ng suporta sa oras na makita nila ang hindi bababa sa 200,000 ang masang nagtitipon o kaya'y sa oras na nag-utos si GMA na paputukan ang masang nagtitipon pa lamang. Gamitin ang kampanya laban sa rehimeng rehimen para maabot ang pinakamaraming bilang ng mamamayan at mapaliwanagan sila sa mga saligang suliranin ng sambayanang Pilipino at paano malulunasan ang mga ito. Pinakamahalagang maitaas ang kamulatan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapapakita ng ugnayan ng mga katiwalian, krimen at garapal na pagkapapet at pagkapasista ng rehimeng Arroyo sa pananagutan nito sa pagpapatindi ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Kaakibat ang malawakang pagpropaganda at pag-oorganisa sa mga ito. Palawakin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa lahat ng posibleng abutin. Tiyaking magbunga ang kampanya ng mas maraming balangay at ng paglawak ng kasapian ng mga pambansang demokratikong samahan. Samantalahin ang mainam na pagkakataon para sa pagsasaayos ng organisasyon at sa pagkokonsolida rin ng mga dating pwersa. Umaasa akong magbubunga ang ED Festival ng mas malaganap at masinsing mga pag-aaral sa hanay ng mga pambansang demokratikong kabataan at sa naaabot ninyong malawak na masa.##
|
|