|
Mensahe ng Pakikiisa sa Ika-25 Anibersaryo
at Ika-3 Kongreso ng Piston
Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples' Struggle
Abril 16-17 2007
Malugod kong binabati ang pamunuan at kasapian ng PISTON sa buong bansa
sa makasaysayang okasyon ng pagdiriwang ninyo ng ika-25 anibersaryo at lahat
ng delegado sa pagganap ninyo ng ika-3 Kongreso.
Karapat-dapat na ipagbunyi ang mga tagumpay ng PISTON sa pakikibaka ng
ng mga tsuper at maliliit na opereytor para sa kanilang mga karapatan at
kagalingan. Dapat kilalanin din ang mahalagang papel na ginampanan ng
PISTON sa kilusang manggagawa gayundin sa pakikibaka ng mamamayan para
sa pambansang kalayaan at demokrasya sa nakaraang 25 taon..
Ating pinaparangalan ang mga lider ng PISTON na nagbuwis ng kanilang
buhay alang-alang sa bayan tulad nina Ka Pedi de Leon at Ka Santy
Teodoro at ang lahat ng mga maslider at aktibista na kabilang sa mga
ligal na pambansa demokratikong organisasyon na pinaslang ng mga
utusang-aso ng gubyernong US-Arroyo. Sila ay nagsisilbing inspirasyon
sa mamamayan at nagpapatibay sa kanilang determinasyong lumaban.
Ang PISTON ay itinatag sa panahon ng kaigtingan ng pakikibaka laban sa
diktadurang US-Marcos. Ito ay bunga ng pakikibaka ng mga tsuper at
maliliit na opereytor laban sa mapaniil na mga patakaran ng
reaksyunaryong gubyerno. Mula nang ito'y itatag, nanguna ang PISTON sa
mga pakikibaka ng hanay sa pampublikong transportasyon laban sa pagtataas ng
presyo ng langis at laban sa mga masasamang patakaran ng gubyerno na
nagpapahirap sa mga tsuper, maliliit na opereytor at sa mamamayan.
Ang pakikibaka laban sa pagtataas ng presyo ng langis ay may natatanging
kabuluhan. Inilalantad nito ang imperyalistang dominasyon sa bansa at
pagkapapet ng lokal na reaksyunaryong gubyerno. Ang mga welgang bayan
na inilunsad laban sa di makatwirang pagtataas ng presyo ng langis para
pagbigyan ang kasakiman ng mga higanteng dayuhang kumpanya ng langis ay
naging paaralan sa pampulitikang pagmumulat hindi lamang para sa mga
tsuper at maliliit na opereytor kundi maging sa buong sambayanan.
Sa pakikibaka laban sa pasistang diktadurang US-Marcos, ang mga welgang
bayan na naganap noong mga taong 80 ay nagsilbing ensayo at naglatag ng
daan para sa pag-aalsa ng mamamayan na nagbagsak sa diktadurang
US-Marcos noong Pebrero 1986. Sa mga welgang bayan na ito gumanap ng
mahalagang papel ang mga tsuper sa pamumuno ng PISTON. Ang kanilang
transport strike ay nagkumbina sa coordinated strikes ng mga manggagawa
sa mga pabrika. Ito ang nagsilbing gulugod ng mga welgang bayan na
nilahukan ng mga kabataan, kababaihan, empleyado ng gubyerno, maralitang
tagalunsod, taong simbahan at iba pa. Maaring gumanap muli ng
kahalintulad na papel ang mga manggagawa at malamanggagawa sa transport
sa pakikibaka laban sa papet na rehimeng US-Arroyo.
Hinahangaan ko ang PISTON sa malalaking pagsulong nito sa pulitika at
organisasyon. May tsapter ito sa ibat ibang panig ng kapuluan. Ito ay
may sapat na latag at pambansang istruktura kung kayat may kakayahan
itong maglunsad ng mga pambansang pagkilos sa sariling mga isyu o
kaugnay ng mga pakikibakang kalahok ang ibang sektor ng mamamayan. Ang
mga tsapter nito ay may mahabang karanasan sa pakikibaka. May mga lider
itong kinikilala ng masa at panday sa paglaban. Ang mga tagumpay na ito
ay mahusay na batayan para sa higit pang pagsulong.
Kapuri-puri ang inyong determinasyon na higit pang palawakin at
ikonsolida ang PISTON bilang tunay, militante't makabayan pederasyon ng
mga tsuper at maliliit na opereytor ng dyip at iba pang sasakyang
pampasada o pampubliko. Sa gayon, mapapalalakas ang pamumuno ng PISTON
sa sektor at maitataas ang kakayahang umambag sa mga pampulitikang
pakikibaka ng mamamayan.
Ipinapakita ng inyong tatlong taong programa ang mulat na pagsisikap na
kumprehensibong isulong ang gawain sa pagmumulat, pag-oorganisa at
pagpapakilos sa masa ng sektor sa transport. Wasto ninyong inilulugar
ang mga pakikibakang masa para sa mga karapatan at kagalingan ng sariling
sektor at paglahok sa pakikibaka ng ibang sektor ng mamamayan at sa mga
pampulitikang pagkilos tulad ng paglaban sa CHACHA, sa pasistang
panunupil ng rehimeng US-Arroyo at sa malawak na kilusan upang
patalsikin si Arroyo.
Mataas ang aking kumpyansa na dahil sa inyong mayamang karanasan at
matatag na determinasyon ay makakamit ninyo ang mga itinakdang layunin
at target sa ekspansyon at konsolidasyon ng PISTON sa susunod na mga taon.
Mas malalaki pang tagumpay ang inyong aanihin sa hinaharap.
Mabuhay ang PISTON!
Ipaglaban ang mga karapatan at kagalingan ng mga tsuper at maliliit na opereytor!
Patalsikin ang bulok, pasista at papet na rehimeng US-Arroyo!
Isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|
|