BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Ang Terorismo ng Monopolyong Kapitalismo sa
Sambayanang Pilipino at Mamamayan ng Daigdig Disyembre 2002 Isang taas-kamaong pagpupugay ang nais kong ipaabot sa kasapian at pamunuan ng Migrante International. Sa okasyon ng inyong Ikatlong Kongreso, hangad ko ang inyong tagumpay sa patuloy na pagsusulong ng inyong gawain sa hanay ng ating mga kababayan sa labas ng Pilipinas at sa hanay ng kanilang mga pamilya sa loob ng bayan. Bilang isa ring migrante, dama ko ang inyong marubdob na pagnanais para sa isang makabuluhang pagbabagong panlipunan. Pagbabago na magtitiyak ng isang buhay na mapayapa, makatarungan, malaya at masagana para sa atin at sa ating pamilya. Pagbabago na magtitiyak na hindi na muling mapipilitan ang ating mga kababayan na mangibang bayan at ituring na kalakal ng pamahalaan. Ngunit ang ating mga pagsisikap at pagpupunyagi ay malupit na hinahadlangan o sinasabotahe ng mga imperyalista at ng naghaharing uri sa ating bayan. Sa pagnanais na mapanatili ang kanilang kontrol at pagsasamantala, walang kapantay na panggigipit at karahasan ang ipinalalasap nila ngayon sa mga progresibo at rebolusyonaryong organisasyon at indibidwal at maging sa mga estadong nagtataguyod ng kanilang pambansang soberanya. Di mapigilan ang paglala ng krisis ng monopolyong kapitalismo Ano ang nagtutulak sa US at mga kaalyado nitong kapwa imperyalista upang todong ilarga ang panggegera at pandarahas sa iba’t ibang panig ng daigdig? Krisis ng sobrang produksyon bunga ng walang tigil na akumulasyon ng kapital ng iilan, pagkitid ng palengke bunga ng kawalan ng trabaho at pagbagsak ng kita ng mga anakpawis, pagbulusok ng ekonomya, at malawakang dislokasyon ng mamamayan. Ito ang permanenteng krisis na dimalutas ng sistemang kapitalismo. Sa antas ng monopolyong kapitalismo, ang krisis ay patuloy na umiigting at humihila sa kapitalismo tungo sa tuluyan nitong pagkabulok. Nasa krisis ang lahat ng pandaigdigang sentro ng kapitalismo. Sa US, ang sobrang produksyon sa mga high-tech na produkto, ang pagsabog ng high-tech financial bubble at ang pagkabigo ng paglulunsad ng "new economy" ay nagresulta sa matinding resesyon sa bayan. Hindi naresolba ng mga nakaraang administrasyon ng US ang krisis. Lumulobo ang utang at ang depisit sa badyet nito. Humihina ang exports at lumalaki ang depisit sa kalakalan. Kahit ang pambabraso ng US sa ibang mga imperyalistang bansa upang ilipat ang kanilang pamumuhunan sa US ay lalong nakapagpalubog sa US sa pagkakautang. Inilagay din nito sa higit na panganib ang ekonomya ng US. Tinatayang US$6 trilyon ang halaga ng pamumuhunan ng mga alyadong imperyalista sa loob ng US. Kumpara sa US$2.5 trilyon na overseas investments ng US, makakadelubyo sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista kapag lumikas ang kapital mula sa kanilang bayan. Sa nakaraang dekada, inasahan ng US ang muling pagsikad ng ekonomya nito sa pamamagitan ng mga pakanang neoliberal na globalisasyon. Ngunit ang pagsampalataya sa liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ay gumuho sa paglala ng kalagayang pang-ekonomya nito. Dahil na rin sa pagtindi ng panloob na krisis ng mga neokolonyal na bayan, hindi napipigilan ang pag-boomerang ng krisis sa US. Ang Japan at European Union, lalo ang Germany bilang sentrong ekonomya ng EU, ay naunang sumadlak sa matinding krisis bago lumala ang krisis sa US. Ang sobrang produksyon ng Japan sa sasakyan at kagamitang elektroniko, dagdag ang sobrang produksyon din sa South Korea at ang presyur ng US, ay nagpalala pa sa depresyong kinasadlakan nito mula noong 1989. Bunga ng malakihang pump-priming, nasadlak din ang Japan sa malaking panloob na pagkakautang. Ang kasalukuyang paglaki ng GDP ng mga bansang kaanib ng OECD ay umaabot lamang sa 2%. Samantala bumababa ng 2 o 3% ang sa US at sa European Union naman ay nanatili sa 2.6%. Ang produksyon ng Japan ay hindi na makaahon sa pagbulusok. Sa mga imperyalistang bayan tulad ng US, ang pagbulusok ng ekonomya bunga ng krisis ay nagdulot ng pang-ekonomyang dislokasyon ng mamamayan, partikular sa mga manggagawa. Ang krisis na ibinunga ng pagkagahaman sa tubo at akumulasyon ng kapital ay pilit na ipinapapasan sa mga manggagawa. Kaya naman, maging sa mga imperyalistang bayan ay lantaran na ang pagyurak sa mga karapatan ng manggagawa sa usapin ng sahod at seguridad sa trabaho. Normal na ngayon sa US ang makakita ng mga manggagawa na may 2 parttime na trabaho (bahagi ng pleksibilisasyon ng paggawa). Kasabay nito ang pagsasara ng mga planta at maramihang pagtanggal sa trabaho. Ang patuloy na pagkamal ng tubo ng mga burgesyang nagmomonopolisa sa mga industriya ay sinasabayan ng pagdausdos ng kabuhayan ng mga manggagawa at pagtindi ng pagsasamantala.. Malaking porsyento ng mga mangaggawa sa US, Japan at EU ang nawalan ng trabaho. Maging ang serbisyong pampubliko ay binabawasan habang patuloy naman na pinagbubuwis ang mga karaniwang mamamayan. Ang epekto ng krisis ng pandaigdigang sistemang monopolyong kapitalismo ay mas masahol pa sa mga kolonyal at neokolonyal na mga bayan. Bunga ng isang sistemang atrasado at nakasandig sa pagluluwas ng hilaw na materyales at pag-aangkat ng mga pangunahing kagamitan, ang ekonomya ng mga bayang ito ay palaging palugi at batbat ng utang panlabas at panloob. Lalo pa itong pinapalala ng mga dipantay na kasunduan na ipinalulunok sa kanila ng mga makapangyarihang bayan. Ang mga kasunduang ito ay ipinapasok sa pamamagitan ng mga bilateral na usapan o kaya ay sa mga multilateral na pormasyong pang-ekonomya tulad ng IMF, World Bank at WTO. Itong mga institusyong imperyalista ay patuloy ding nagagamit ng mga imperyalista upang paluhurin sa kanilang mga dikta ang mahihirap na bayan. Halos lahat na ng industriya sa mga atrasadong bayan ay pinasok na ng mga korporasyon ng mga imperyalista. Maging ang kasiguruhan sa pagkain ay nanganganib bunga ng pagdagsa ng mga imported na produktong agrikultural mula sa mga monopolyo-kapitalistang bayan at malalaking korporasyong agrikultural. Mahigit 2.8 bilyon mamamayan ang nabubuhay sa mas mababa pa sa US$2 isang araw. Mula dito, 1.2 bilyon ay nabubuhay sa mas mababa sa US$1 bawat araw. Ayon mismo sa UNDP, 60 bansa ang dumanas ng pagbaba ng kabuhayan sa loob ng nakaraang dekada. Lalo ring lumaki ang agwat ng 20% ng pinakamahihirap sa daigdig sa 20% pinakamayayaman. Ayon din sa UNDP, sa nakararaming mga bansa ay lumala at lumalala ang ang di-pagkakapantay-pantay sa lipunan. Lalong lumilinaw ang mga kontradiksyon sa loob ng sistemang monopolyong kapitalismo. Sa mga kapitalistang bayan, umiigting ang tunggalian sa pagitan ng mga naghaharing burgesya at mga manggagawa. Hindi na rin maikaila ang kontradiksyon ng mga imperyalista upang isalba ang sari-sariling ekonomya. Lumalakas naman ang paglaban ng mga mamamayan sa globalisasyon at iba pang katulad na pakana sa pandarambong na pinaiiral ng monopolyong kapitalismo sa mga neokolonya at bayang dependyente. Sa pagtindi ng krisis, lantaran nang sinasagasaan ngayon ng mga imperyalista ang mga bansang naggigiit ng pambansang soberanya. Ang bumibilis na pagkabulok ng monopolyong kapitalismo ay sinasagip sa pamamagitan ng pagtanggal sa lahat ng balakid sa kanyang padaigdigang paghahari. Ang imperyalismo ay digma Ang agawan sa teritoryo at ang digma ay likas sa monopolyong kapitalismo. Huwag nating kalimutan ang napakalaking bilang ng mga Pilipinong pinaslang ng mga imperyalistang US para sakupin ang Pilipinas magmula 1899. Ilan na bang digmaang pandaigdig na kumitil sa milyun-milyong buhay ang iniluwal ng pagsasamantala at pandarambong ng imperyalismo? Ilang paghahasik ng pambansang kaguluhan, mga masaker at pagtatayo ng mararahas na rehimeng papet ang kagagawan ng mga monopolyo-kapitalista upang tiyakin ang kanilang kontrol at dominasyon sa ekonomya at pulitika ng mga bayan? World War I at II, digma sa Korea, agresyon sa Byetnam, kudetang militar sa mga bayan sa ikatlong daigdig, diktadurang Marcos sa Pilipinas, diktadurang Suharto sa Indonesia, digmang agresyon sa Iraq, sa Yugoslavia, sa Afghanistan at iba pang mga bayan. Kay haba na ng listahan ng karahasan ng mga imperyalista para sa iisang dahilan: agawan ng mga teritoryo na panangga sa papadalas na sikad ng krisis ng monopolyong kapitalismo. Sino ngayon ang hindi maniniwala na ang imperyalistang US ang numero unong terorista? Lampas isang taon matapos ang trahedya ng World Trade Center, ang tunay na dahilan ng umano'y digma laban sa ‘terorismo’ na pinangunahan ng US ay unti-unti nang nalalantad. Sa paglawak at pagtindi nito, lalong tumitingkad ang katotohanan na ang layunin ng digmang ito ay isalba ang ekonomyang monopolyo-kapitalista sa krisis na kinasasadlakan nito. Matapos ang gera sa Afghanistan, lalong lumutang ang pang-ekonomyang interes ng US nang nag-uunahang magtayo ng base sa Afghanistan at sa Central Asia ang mga korporasyong US na may koneksyon sa gobyerno. Ayon sa pananaliksik, nasa Afghanistan ang ikalawang pinakamalaking deposito ng langis at natural gas sa daigdig na hindi pa namimina. Hindi pa man natatapos ang gera, ang mga korporasyong tulad ng Chevron-Texaco at Unocal ay nagtayo na ng kanilang mga pasilidad sa Afghanistan. Ang Afghanistan ay isa ring estratehikong ruta tungo sa Indian Ocean. Ang digma laban sa ‘terorismo’ rin ang ginagamit ng US upang palakasin, palawakin at patatagin pa ang kanyang industriyang militar. Ito ang industriyang bumubuhay sa ekonomya ng US at nagpapanatili ng kanyang pandaigdigang dominasyon. Sa panahon ng digma sa Afghanistan, ang badyet ng Pentagon ay umabot sa US$375B. Ang industriyang militar ang kumakain ng 55% ng badyet na pederal ng US. Gayundin, 75% badyet para sa pananaliksik ay nakalaan sa mga proyektong militar. Ang industriyang militar ng US ang may monopolyo sa 40-50% ng pamilihan ng mga armas militar sa buong daigdig. Samantala, ang 11 pinakamalaking korporasyon sa aerospace at depensa ay may mahigit isang milyong manggagawa. Bukod dito ang ibang mga manggagawa sa mga kumpanyang nagbibigay ng serbisyo sa mga planta at sa mga manggagawa. Ngunit ang kita mula sa negosyo ng digma ay hindi sapat upang lunasan ang krisis. Paano ang pagkamal ng superganansya ng mga monopolyong korporasyon kung ang mga manggagawa ay palaban? Paano dadagsa ang kanilang mga produkto kung lumalakas ang anti-pyudal na pakikibaka ng mga magsasaka sa mga neokolonyal na bayan? Paano magkakamal ng malaking tubo ang mga dayuhang korporasyon sa sektor ng serbisyo kung ang masa ay lumalaban? Paano maiigiit ng US ang kanyang kapangyarihan kung may mga bansa na naninindigan sa kanilang pambansang soberanya? Ang anumang paglaban na bunga ng pandaigdigang krisis at tumitinding pagsasamantala ng monopolyong kapitalismo ay sagabal sa pagpapatuloy ng paghaharing imperyalista. Gera laban sa kilusang mapagpalaya Sa paggamit ng bansag na ‘terorismo’, pinipilit ng US na bigyang katwiran ang gerang agresyon at interbensyon sa mga bansang may paninindigang independyente at sa mga organisasyon para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Napahinuhod ng US maging ang United Nations sa planong paglulunsad ng aksyong militar sa Iraq. Ipokritong binabatikos ng US ang diumano ay pag-aari ng Iraq ng armas nukleyar at ibang armas sa malawakang paninira at pagpatay habang buong yabang na binabawi ang pirma sa mga tratado ng pagkontrol sa pagsubok na nukleyar at antiballistic missile systems at iniiwasan ang pagpirma sa mga tratado ng pag-aalis ng armas nukleyar at iba pang armas sa malawakang paninira at pagpatay. Bukod sa direktang agresyon sa mga kalabang bansa, kabi-kabila ang ginagawang pagtutulak ng pamahalaan ni Bush sa paglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong opensiba sa mga kilusang mapagpalaya sa Palestine, Nepal, India, Turkey, Columbia, Peru at Pilipinas. Ang mga atakeng ito ay nasa porma ng mga aksyong militar at gayundin sa pagpapatibay ng mga batas laban sa ‘terorismo’ na nakaayon sa kagustuhan ng US. Arbitraryo at walang pakundangang tinatawag na ‘terorista’ ang mga partido at organisasyonng anti-imperyalista. Ito ay isinasagawa ng US upang maging katanggap-tanggap ang anumang porma ng agresyon at interbensyon laban mga bansang may lumalawak at lumalakas na mga kilusan laban sa pananaig at kontrol ng US at iba pang monopolyong kapitalista. Ang Pilipinas bilang second front ng gera ng US laban sa ‘terorismo’ Matapos ang kanyang pananagumpay sa Afghanistan, itinuon na ng US ang kanyang gera laban sa ‘terorismo’ sa Pilipinas – ang ika-2 prente ng gerang interbensyunista at agresyon ng US. Simula pa lamang sa pagpasok ng US sa Pilipinas lampas 100 taon na ang nakalilipas, hindi na binitiwan ng US ang kanyang dominasyon sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng bansa. Mahigit 1.4 milyong Pilipino ang nasawi bunga ng agresyon at mga kampanyang militar ng US laban sa Pilipino (1899-1916) para sakupin ang Pilipinas at magpyesta sa likas na yaman, hilaw na materyales, at lakas-paggawa ng bagong kolonya. Simula noong 1946, itinali ng US ang Pilipinas sa kanyang interes sa pamamagitan ng mga dipantay na tratadong pang-ekonomya at lalo pang tagibang na kasunduang militar. Hindi kailanman niluwagan ng US ang paghawak sa Pilipinas bilang isa sa mga estratehikong bayan sa pagpapalawak at pagpapatag ng kanyang kontrol sa rehiyong Asya-Pasipiko. Mahigit kalahating milyong mamamayan ng US ang nagnenegosyo, nagtatrabaho, nag-aaral at nakatira sa Asya-Pasipiko bukod pa sa 100,000 nakakalat na mga tropang militar. Ang Pilipinas ang lagusan ng imperyalistang US sa pagpasok sa napakayamang rehiyong Asya-Pasipiko. Nananatili ang interes ng US sa likas na yaman ng ating bayan. Ang mayamang rehiyon ng Mindanao ay isang malaking atraksyon para sa mga korporasyon ng US. Kaya naman, hindi nakapagtatakang magbigay ang US ng tulong pinansyal sa gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo. May umano’y laang US$93M sa mga ispesyal na pang-ekonomyang proyekto sa Mindanao samantalang ang US$1.2B ay laan sa pagtatayo ng mga pasilidad at imprastruktura para sa operasyon ng mga negosyo ng US. Ang Mindanao ay bungad-tuntungan sa pagkontrol ng mga imperyalista sa Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines–East Asian Growth Area (BIMP-EAGA), ang rehiyong sagana sa langis at iba pang likas na kayamanan. Mismong ang Mindanao ay mayaman sa langis, ginto at deuterium ("heavy water" na mahalagang sangkap sa produksyong nukleyar at hydrogen fuel cells). Wala nang pagkukunwari ang US at ang gobyerno ni Arroyo sa kung sino ang target ng kanilang gera sa Pilipinas. Kung ginamit nila noon ang histerya laban sa Abu Sayyaf na ang US din mismo ang may likha, lantaran na ngayong ipinapakita ng rehimeng US-Arroyo ang tunay nilang layunin na sugpuin ang pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Katulad ng ginagawa niya sa ibang mga rebolusyonaryong partido at organisasyon sa ibang bayan, binansagan ng US na ‘terorista’ ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito ay upang padulasin ang kanyang panghihimasok at gawing katanggap-tanggap ang pagpapanumbalik ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Agad din namang sumang-ayon ang militaristang gobyerno ni Arroyo sa ginawang ito ng US. Sa pamamagitan nito, pilit na binibigyang-katwiran ng pamahalaan ng Pilipinas ang "all-out war" o todong gera sa mga kalaban ng gobyerno at ang kabuntot nitong pagpapalobo ng badyet militar. Ang serye ng Balikatan ay siyang kongkretong ekspresyon ng pagpapalakas muli ng pwersang militar ng imperyalistang US sa Pilipinas. Ito ang ginagamit ng rehimeng US-Arroyo upang ilunsad ang mga kontra-rebolusyonaryong opensiba laban sa rebolusyonaryong kilusan at progresibong organisasyon at indibidwal. Linabag ng pamahalaang Arroyo ang kanyang mga batas mismo at maging ang Konstitusyon ng Pilipinas upang ipilit sa sambayanan ang matagal nang ipinagtabuyang base militar at pwersa ng US. Kamakailan lamang ay patraydor na pinirmahan ang Mutual Losgistics and Support Agreement (MLSA) na nagbibigay-laya sa pagtatayo muli ng base at pasilidad na pang-militar ng US sa anumang panig ng Pilipinas. Sa pagiging anti-imperyalista at aktibong kritiko ng pamahalaan, tumitindi rin ang panggigipit at atake ng rehimeng US-Arroyo sa aking karapatan at katauhan. Ilang ulit sa midya, sa Pilipinas, US at maging sa Europa, pilit na pinalalabas na ako ay isang ‘terorista’ at lider ng ‘teroristang organisasyon’. Walang pakundangan namang sumunod ang gobyerno ng Nederland sa pakanang ito ng US at gobyernong Arroyo. Hanggang sa kasalukuyan, nilalabag ang aking mga karapatan bilang isang kinikilalang political refugee. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang demonisasyon at paninira sa aking pagkatao. Walang pagkilala ang gobyernong Arroyo sa pagsisikap na kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. Hindi niya alintana ang pagkatigil ng usapang pangkapayapaan sa National Demoractic Front of the Philippines (NDFP) dahil sa tahasang pagpayag niya sa Balikatan at paggigiit na ‘terorista’ ako, ang CPP at ang NPA. Sa pamamagitan ng pagtutuon ng atake sa akin, inaasahan ng rehimeng US-Arroyo ang pagkabigo ng pambasa-demokratikong kilusan sa Pilipinas. Pananakot, panghahati at pananabotahe – ito ang layunin ng rehimen at ng imperyalistang US sa kanilang pagyurak sa aking karapatan. Kasabay nito ang walang kapantay na karahasang idinudulot ng gobyerno sa mamamayang lumalaban. Masaker ng mga komunidad, tortyur at di-makataong pagtrato sa mga nahuhuling diumano ay kasapi ng NPA. Arbitraryong pag-aresto at pamamaslang maging sa mga lider ng ligal na organisasyon sa kanayunan. Marahas na pagbuwag sa mga rally, pagbaklas sa piketlayn ng mga manggagawa at reyd sa mga komunidad. Mapaniil na mga batas tulad ng National ID system at anti-terrorism bill. Ang ganitong kalagayan ay lalo pang nakapagpapalala sa sitwasyon ng mga migranteng Pilipino. Magastos ang gera ni Arroyo. Sa isang bangkaroteng gobyerno tulad ng kay Arroyo, mananatiling ang pagluluwas ng lakas-paggawa ay gagawing suhay sa pabagsak na ekonomya ng Pilipinas. Ang pamahalaan ni Arroyo ngayon ay todo largang nagbebenta ng lakas-paggawa sa iba’t ibang bayan. Hindi alintana ni Arroyo, at sa aktwal ay sinusuportahan pa nito, ang mga anti-migranteng pakanang tulad ng pagbawas ng sweldo sa Taiwan at Saudi Arabia. Alagang-alaga naman niya maging ang mga ganid na rekruter. Sa mga kaso ng di-makatarungang pagtrato sa mga migrante, bahag ang buntot na nagtatago si Arroyo sa likod ng ‘diplomasya’. Ayos lang hanggat hindi mababawasan ang trabahong mapapasukan ng ating mga kababayan. Ayos lang, hanggat tuloy ang pagpapadala ng dolyar ng migrante sa Pilipinas. Ayos lang dahil walang kakayahan ang Pilipinas na saluhin ang kanyang sariling mamamayan. Sa kanyang pagsang-ayon sa gerang inilulunsad ng US at maging sa gera sa Iraq, hindi rin alintana ni Arroyo ang pagkawala ng kabuhayan at pag-atake sa karapatan ng libu-libong migranteng Pilipino sa US, Malaysia, Italy at mga bayan sa Gitnang Silangan. Hindi rin maitatanggi ang pangangamba ng mga migrante sa kaligtasan ng pamilyang naiwan dahil walang sinisino ang gera ng rehimeng US-Arroyo sa sambayanan. Labanan ang interbensyon, agresyon, at patuloy na pandarambong ng imperyalismo Taliwas sa inaasahan ng US at mga kaalyado nito na suportang popular sa ‘walang hangganang digma sa terorismo’, ang mga mamamayan sa buong daigdig ay tumitindig, nagpuprotesta at lumalaban. Ang pakikidigma ng mga imperyalista ay sinasalubong ngayon ng mga organisadong militante sa iba’t ibang antas sa lahat ng panig ng mundo. Maging ang mga mamamayan ng US ay hindi na naniniwala na para sa kanila ang gerang inilulunsad ng Amerika. Iba’t ibang mga organisasyon at koalisyon ang binubuo upang pigilan ang pandaigdigang pangwawasak na idinudulot ng panggegera ng mga monopolyong kapitalista. Sa ilang kumperensyang inilunsad na, hindi na mabilang ang mga organisasyon, taong simbahan at maging mga opisyal ng gobyerno na nagkaisa laban sa gerang interbensyon at agresyon. Nagpupuyos sa galit ang mamamayan ng daigdig sa paglapastangan sa karapatang pantao at mga karapatang sibil. Umiigting din ang paglaban ng mga partido at mga armadong hukbong mapagpalaya. Ang paglakas ng armadong rebolusyon sa iba’t ibang bayan kahit na sa harap ng pandaigdigang pasismo ng mga imperyalista at kanilang mga papet ay patunay lamang ng sagadsarang pang-aapi at pagsasamantala na kanilang nararanasan. Ipinapakita nito ang determinasyon ng mga mamamayan na makalaya sa gapos ng imperyalismo at itayo ang isang malaya at tunay na demokratikong lipunan. Sa kasalukuyan, kailangan ang higit pang pagpapalawak ng kilusan laban sa digmang inilulunsad ng mga imperyalista. Kailangang militanteng abutin ang iba’t ibang sektor sa lipunan at pagkaisahin ang sambayanan laban sa paglapastangan ng imperyalistang gera sa pambansang soberanya. Aktibong itaguyod sa iba’t ibang antas, larangan, at porma ang mga karapatang tao at karapatang sibil na tinatapak-tapakan ng mga imperyalista. Ang antas ng paglaban sa gerang inilulunsad ng imperyalista laban sa mga lumalabang mamamayan ay kailangang itaas at higit pang patalasin. Ang malawak na kilusan laban sa gera ay kailangang gawing malawak at matatag na kilusang anti-imperyalista. Kailangan ang lahatang-panig na pakikibaka laban sa imperyalismo upang tuluyang magapi ang pandarambong at karahasan sa daigdig na idinudulot ng monopolyo-kapitalistang paghahari. Sa harap ng matatag na kilusang anti-imperyalista at demokratiko at sumusulong na pambansang kilusan sa pagpapalaya at demokrasya, ang terorismong hatid ng mga imperyalista sa mamamayan ng Pilipinas at ng buong daigdig ay mabibigyang-wakas. Ang Ikatlong Kongreso ng Migrante International ay isang hakbang sa pagtatagumpay nitong dakilang layunin ng masang lumalaban. # Mga Pinagkunan: 1. The Bush War of Terror and Attacks on
Revolutionaries and Progressives 2. Imperialist Globalization and Terrorism 3. Contradictions in the World Capitalist System and the Necessity of Socialist Revolution By: Prof. Jose Maria Sison Contribution to the Brussels May Seminar 3 May 2001 6. Discussion Guide on Balikatan 02-1 and the RP-US Visiting Forces Agreement (By the Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy) 7. IBON Facts & Figures, 15 & 30 April 2002 8. UNDP Human Development Report 2002 |
|