BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 

 

Mensahe ng Pakikipagkaisa sa ILPS Philippine Chapter Ikalawang Pangkalahatang Asambleya

Prof. Jose Ma. Sison
Tagapangulo, International Coordinating Committee
International League of Peoples' Struggle
18 Agosto 2006

Nais kong ipaabot ang pinakamainit at pinakamilitanteng pagbati at pakikipagkaisa sa lahat ng mga organisasyon at pamunuan ng ILPS Philippine Chapter sa okasyon ng inyong Ikalawang Pangkalahatang Asambleya.

Ang ILPS Philippine Chapter ang pinakaunang pambansang balangay ng ILPS. Mula nang itayo ito, ibayo ninyong naisulong ang pangkalahatang anti-imperyalista at demokratikong linya ng ILPS sa mga pakikibaka ng mamamayan sa pambansa, rehyunal at pandaigdigang saklaw . Sa loob ng nakaraang apat na taon, malaki at makabuluhan ang naiambag ninyo sa pagpapakilala at pagpapatampok sa ILPS bilang rallying point ng militanteng anti-imperyalistang pakikibaka.

Ilan sa maniningning na tagumpay kung saan matayog at masigasig ninyong naiwagayway ang bandila ng ILPS sa pagtataguyod ng tunay na interes ng mamamayan ang sumusunod:

    Pagganap ng mayor na papel sa pangunguna sa mga workshop ng ILPS Second International Assembly
    Pagganap ng mga susing papel sa paglulunsad at pagdaraos ng mga panrehyon at pandaigdig na mga kumperensya sa iba't ibang concern ng ILPS (Manggagawa, Pesante, Kababaihan, Kabataan, Pangkalusugan, Kampanya laban sa mga baseng militar ng US, atbp)
    Paglahok sa mga kumperensya ng ILPS sa ibayong dagat (Mumbai Resistance 2004, "Towards a Just and Lasting Peace Conference" - Vancouver 2006, Conference on Debt, Jakarta 2006)
    Pagganap ng susing papel sa pagdaraos ng HK People's Action Week laban sa WTO
    Pagdiriwang ng Bandung Conference sa Indonesia
    Mga aksyong protesta sa iba't ibang pambansa at pandaigdigang isyu tulad ng gyerang agresyon ng US, pagtatanggol ng mga karapatan ng tagapangulo ng International Coordinating Committee ng ILPS at iba pang demokratikong pwersa, pagtutol sa pag-aresto at pagkabimbin kina Memek Horuz at Ka Crispin Beltran
    Paglahok ng ilang myembrong-organisasyon ng ILPS Philippine Chapter sa mga internasyonal na kumperensya at porum (WSF 2004; Asian Social Forum - 2003, Now We the People, Australia 2003, 2005; All-Cuba Conference - Chennai 2005, atbp).
Namumukod na maningning na tagumpay ang pagkilos ninyo, katuwang ang mga myembrong organisasyon ng ILPS sa Hongkong, para bigyan ng malakas na anti-imperyalistang nilalaman ang Hongkong People's Action Week noong Disyembre 2005. Ang nakamit doong tagumpay, tulad sa iba ninyong pagkilos, ay bunga ng obhetibong pagsusuri sa iba't ibang isyu ayon sa pangkalahatang linya ng ILPS ng militanteng pakikibakang anti-imperyalista at pro-mamamayan, pagtukoy at pagpapatupad sa angkop at mabisang mga porma ng protesta at iba pang pagkilos, tumpak na taktika ng pagpapalakas ng ating mga pwersa at pakikiisang hanay ayon sa karampatang pagtukoy sa mga kaibigan, at kaaway, at ng karaniwang masigasig at masigla ngunit masinop at mabisang estilo ng paggawa.

Mula't sapul, nagsisilbi ang ILPS Philippine Chapter at ang mga myembrong organisasyon nito bilang halimbawa ng tamang mga pamamaraan ng paggawa kaugnay ng gawaing masa - ang walang sawang pagpukaw, masinsin at malawak na pag-oorganisa at sustinidong militanteng pagpapakilos sa masang sambayanan.

Ipinapakita ng naging pagkilos at mga tagumpay na nakamit ninyo ang katumpakan at bisa ng pagbubuo ng pambansang balangay ng ILPS para ibayong isulong ang anti-imperyalista at demokratikong linya sa pakikibaka, at ang pangangailangan at kahusayan ng pagtatayo ng mga pambansa at rehyunal na mga pormasyong pangunahing magsisilbi bilang mga sentro ng koordinasyon para sa mga myembrong organisasyon ng ILPS sa isang bansa o rehyon.

Napakainam ng pandaigdigang sitwasyon, gayundin ang kalagayan sa Pilipinas, para sa pagpapalakas at pagpapalawak sa ILPS para maisulong ang anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibaka ng mamamayan. Dapat walang lubay ang pakikibaka natin sa pagsasamantalang pinaigting ng monopolyo kapitalismo sa ilalim ng patakaran ng "neoliberal na globalisasyon" at sa pagpataw ng represyon o terrorismo ng estado sa mga mamamayan at sa imperyalistang agresyon at interbensiyon sa ngalan ng "gyera laban sa terorismo".

Patuloy na nababayo ng papalubhang krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista. Kamakailan lamang tuluyang gumuho ang negosasyon ng mga imperyalista sa Doha Round ng WTO at malinaw na nalantad ang kahungkagan ng sinasabi nilang "para sa kaunlaran ng Ikatlong Daigdig" ang isinusulong na mga panukala sa Doha Round. Litaw na litaw ang katotohanan na instrumento ng mga bansang imperyalista ang WTO para pigain ang dugo at pawis ng mga mamamayan.

Malinaw na ang pagtindi ng tunggalian ng sariling interes ng mga imperyalistang kapangyarihan, at laluna ang lansakang kasakiman at pagkaarogante ng US ang naging dahilan ng pagkabigo ng Doha Round na matamo ang kasunduan sa takdang panahon. Bagamat mayroon nang natamo ang mga imperyalistang kapangyarihan sa naunang mga kasunduan sa Doha, tagumpay pa rin para sa mamamayan ng daigdig ang pagkabigo ng mga imperyalista na higit pang ibuyangyang sa kanilang pandarambong ang mahihina at maliliit na atrasadong ekonomya.

Gayunman, marami pang paraan ang mga imperyalistang kapangyarihan para maipataw sa mas mahihinang mga bansa ang "neoliberal" na mga patakaran ng deregulasyon, liberalisasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon. Kaya't kailangang pag-ibayuhin ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan sa mga ito.

Patuloy ding nalalantad at linalabanan ng mamamayan sa lahat ng dako ng daigdig ang imperyalistang gyera ng pananalakay at interbensyong militar, laluna ang buktot na "gyera laban sa terorismo" na inilulunsad ng imperyalismong US at ng mga ayudante nitong tulad ng Britanya at ng Zionistang Israel. Lubos na nalantad at nahiwalay ang US at Israel sa ginawang pananalakay sa Lebanon at Palestina at walang habas na pag-atake sa mga sibilyang target na nagdudulot ng pagkamatay na ilang libong sibilyan at pagkawasak ng mga sibilyang imprastruktura at kabuhayan ng mga Lebanes.

Pero tulad sa Iraq at sa iba pang dako ng daigdig, bigo ang mga mananalakay na Israeli sa harap ng magiting at mabisang pakikibaka ng mamamayanan ng Lebanon sa pangunguna ng Hezbollah.

Gayundin, mabilis na ring nalalantad ngayon at nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo, dahil sa buktot at walang habas nitong pagpaslang sa ilandaang inosenteng sibilyan, laluna sa mga progresibong lider at aktibistang masa. Umaani ng batikos ang inilunsad nitong diumanong "todong gyera laban sa Kaliwa" na lalo lamang nagpapakita ng pagkatuta at pangangayupapa nito sa imperyalistang US para patuloy siyang suportahan at makapanatili sa poder.

Tumpak ninyong naihanay at pinaghahandaan ang ilang mahahalagang aktibidad sa taong ito para higit pang maisulong ang pakikibaka laban sa imbi at kriminal na rehimeng Macapagal-Arroyo at ang amo nitong imperyalistang mananalakay at mandarambong. Sa huling pulong ng ICC nitong nakaraang Mayo, nagpasya ang ILPS na manawagan sa sabay-sabay na mga aksyong protesta laban sa panunupil ng estado sa Pilipinas sa iba't ibang bayan sa buong daigdig, ayon sa resolusyong inihapag ninyo na suportahan ang kampanya para itigil ang mga pampulitikang pagpaslang na isinasagawa ng rehimeng US-Arroyo.

Ayon din sa inyong panukala, nagpasya ang ICC na maging isa sa mga tagapagtaguyod (sponsor) ng Regional Conference on US Militarism and War on Terror in Asia-Pacific, at ilunsad ang Regional Campaign against US Bases sa Asia-Pacific.. Buo ang tiwala ng ICC na matagumpay ninyong maidaraos ang mga ito, gayundin ang binabalak na malalaking aksyong protesta tulad ng People's Caravans kaugnay ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa darating na Disyembre 2006.

Inaasahan din namin ang matagumpay na pagdaraos ng ILPS East Asia Consultative Conference sa Disyembre tungo sa pagtatatag ng ILPS East Asia Coordinating Committee. Mahusay na pundasyon ang pagkakaroon ng pambansang balangay sa Pilipinas, ng maraming aktibong myembrong organisasyon ng ILPS Hongkong, gayundin ng ilan pang myembrong organisasyon sa Malaysia, Taiwan, Indonesia, Australia at New Zealand para maitatag ang East Asia Coordinating Committee at mapag-ibayo ang kilos ng ILPS sa rehyong ito.

Natitiyak kong sa gagawin ninyong pagtatasa ng gawain sa nakaraang apat na taon at sa pagbabalak para sa darating na panahon, patuloy kayong magagabayan ng pangkalahatang linya ng ILPS, mga pagsusuri, desisyon at patakaran ng ILPS-SIA, at ang sumunod na mga plano at desisyong inilatag ng ICC alinsunod dito. Napag-alaman naming nakapagdaos kayo ng mga pangkalahatang pulong para talakayin ang lahat ng ito.

Umaasa kami kung gayon na mabibigyan din ninyo ng karampatang atensyon ang mga panawagan sa higit pang pagpapagana ng mga study commission, na karamiha'y pinangungunahan ng mga myembrong organisasyong ng ILPS Philippine Chapter. Gayundin ang pagharap sa mga usaping pampinansya at pagtakda ng mga angkop na hakbang para lutasin ang mga kaakibat na suliranin. Laging may tiwala kami sa ICC na ibayong mapapalakas ang inyong hanay at mabisa ninyong magagawa ang iba't ibang paraan para maglikom ng rekurso para sa pakikibaka.

PATATAGIN AT PALAWAKIN ANG ILPS!

ISULONG ANG PAKIKIBAKA NG MAMAMAYAN LABAN SA IMPERYALISTANG GYERA AT PANDARAMBONG SA PILIPINAS, SA REHYONG SILANGANG-ASYA AT OCEANIA, AT SA BUONG DAIGDIG!

MABUHAY ANG MGA MAMAMAYAN NG PILPINAS AT NG SANDAIGDIGAN!



Click here to view powerpoint presentation in Filipino

return to top

back



what's new