|
Mensahe ng Pakikiisa sa UNIFIL-HK
sa Okasyon ng Ika-10 Kongreso
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle
26 Nobyembre 2006
Taos-puso akong nagpapaabot ng pagbati at pakikiisa sa pamunuan, kasapian at mga
organisasyon ng UNIFIL-Hong Kong sa okasyon ng ika-10 Kongreso nito. Saludo ako
sa inyong lahat dahil sa inyong matatag at militanteng pagkilos para sa karapatan at
interes ng mga kababayan nating migrante.
Ipagbunyi natin ang inyong mga tagumpay sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos
sa mga mga migrante sa Hong Kong. Nakatulong din kayo sa pag-organisa sa mga
migrante sa iba't ibang dako ng daigdig sa pamamagitan ng inyong halimbawa at mga
organisador na sinanay ninyo. Kapuri-puri ang inyong tagumpay na iugnay ang inyong
mga pagpunpunyagi sa balangkas ng pakikibaka para sa mga pambansa at demokratikong
karapatan at interes ng sambayanang Pilipino laban sa mga imperyalista at mga lokal na
mapagsamantalang uri.
Wasto at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: Buong lakas na patatagin ang
progresibong hanay ng Migrante! Buong giting na ipatanggol ang sektor, pamilya at
bayan! Malaki ang aking tiwala na sa inyong kongreso malalagom ninyo ang inyong
karanasan, makikilala ninyo ang inyong mga kalakasan at kahinaan at magiging maliwanag
kung ano ang mga tungkuling dapat ninyong tupdin para ibayong tumatag at lumakas
ang inyong pederasyon.
Napilitan kayong maghanapbuhay sa ibayong dagat dahil sa kawalan o kasalatan ng
trabaho at kita sa ating bayan. Dapat masapol nating lahat ang mga dahilan kung
bakit hindi umuunlad ang ating bayan. Pinagsasamantalahan at inaapi tayo ng mga
dayuhang monopolyo, mga panginoong maylupa at bulok na opisyal ng reaksyonaryong
gobyerno.
Ang palalang kalagayan sa ating bayan ay bunga ng krisis ng pandaidigang sistema
ng kapitalismo at local na nagharharing sistema. Sa desperadong pagtatangkang
manatili sa kapangyarihan, lumulubha ang pagiging papet, tiwali, sinungaling at brutal
ng rehimeng Arroyo. Kaharap at katunggali natin ngayon ang mga sistematikong
pamamaslang, pagdukot at pagtortyur na isinasagawa ng rehimen at mga alipuiris
nitong military at pulis. Lumalaki ang halimaw na terorismo ng estado o pasismo
tulad sa panahon ni Marcos.
Lalong maging mabisa ang UNIFIL-HK bilang tagapagtanngol sa mga karapatan at
interes ng mga migrante, mga pamilya at sektor nila kung mapapatatag at mapapalawak
ang hanay ng mga progresibo at mapaakyat sa bago at mas mataas na antas ng
kamalayan at pagkilos para ikawing ang pakikibaka ng migrante sa pakikibaka ng
sambayanang Pilipino para sa ganap na Pambansang kasarinlan, demokrasya,
katarungang sosyal, lahatang panig na pag-unlad at kapayapaan.
Mabuhay ang UNIFIL-Hong Kong!
Mabuhay ang mga migrante!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|
|