|
Mensahe ng Pakikiisa sa NAFLU-KMU
sa Ginintuang Anibersaryo Nito
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples' Struggle
Hunyo 3, 2007
Sa ngalan ng International League of Peoples' Struggle, malugod
kong ipinapaabot ang aming pakikiisa sa National Federation of
Labor Unions (NAFLU) sa okasyon ng ginintuang anibersaryo ng
pagkakatatag nito noong ika-18 ng Mayo 1957. Maipagmamalaki
ng ILPS sa buong daigdig ang maningning at mayamang kasaysayan
ng NAFLU-KMU sa pakikapaglaban para sa mga kagyat at matagalang
interes ng uring manggagawa.
Bilang makabayang Pilipino at kasama sa kilusang manggagawa,
nagagalak akong ipinagbubunyi natin ang mga pakikibaka, sakripisyo
at tagumpay ng mga lider, kasapian at mga unyon ng NAFLU para
itaguyod at isulong ang tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo
at ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng
sambayanang Pilipino. Sa maligayang okasyon na ito, karapat-dapat
na magpanibagong kapasyahan kayo batay sa 50-taong karanasan sa
pakikibaka, panghawakan ang mga tagumpay at mapangahas na
magkonsolida at magpalawak.
Isang malaking karangalan na nagpang-abot at nagkasama kami ni Ka
Bert Olalia, ang tagapagtatag ng NAFLU, sa Lapiang Manggagawa mula
noong ikalawang bahagi ng 1962. Nagkatulungan din kami sa pagpapasigla
sa kilusang magsasaka mula 1963. Mula sa kanya mismo at sa mga
manggagawang dinadatnan ko sa opisina ng NAFLU o nakakasama ko sa
mga pag-aaral, aklasan at kilos protesta nalaman ko ang kahalagahan ng
pagtatatag ng NAFLU sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas.
Itinatag ang NAFLU sa layuning buhayin muli at pasiglahin ang kilusang
manggagawa hindi lamang sa ekonomikong pakikibaka para sa mas
mabuting pasahod, katiyakan sa trabaho at karaparatan sa pag-uunyon
at pag-aaklas sa loob ng mapagsamantalang sistema ng mga malalaking
komprador at asendero kundi pati sa pampulitikang pakikibaka ng uring
manggagawa upang kamtin ang kapangyarihang pampulitika tungo sa
isang malaya, demokratiko, makatarungan at maunlad na lipunan.
Mahalaga ang papel ng NAFLU sa pagtataguyod at aktwal na pagtahak
nito sa tamang landas at sa pagsalungat sa mga lantarang anti-manggagawang
mga patakaran ng estado at mga ahente nitong dilawang lider na binulok,
sinanay at tinustusan ng mga ahensiyang imperyalista, mga malalaking
empresa at ilang pareng Heswita para linlangin at ilihis ang mga manggagawa,
matapos na malupit na durugin ng estado ang Congress of Labor Organizations
noong maagang bahagi ng dekada ng 1950.
Matatag ang kapasyahan at militante ang paglahok ng NAFLU sa lahat ng
mayor na pagsisikap na buuin ang isang sentro ng mga pederasyon at
unyon ng mga manggagawa. Naging haligi ito sa pagtatayo ng Katipunang
Manggagawang Pilpino noong 1959. Kasama rin ang NAFLU sa pagtatayo
ng Lapiang Manggagawa noong 1962, sa Movement for the Advancement
of Nationalism noong 1966 at sa Socialist Party of the Philippines noong
1967. Kaugnay nito, marami kaming pinagsamahan ni Ka Bert at ng mga
kasamang taga-NAFLU
Sa pamumuno ni Ka Bert, sumalungat ang NAFLU at MASAKA-Olalia sa
mga rebisyonista sa MASAKA-Lava. Mula 1968 nakapagtayo ang mga
progresibong pwersa ng ilang pederasyon at ilang unyon nang tumahak
sa oportunista and repormistang linya ang Socialist Party of the Philippines.
Tuluy-tuloy ang kooperasyon ng NAFLU at mga naturang progresibong
pwersa sa balangkas ng kilusang manggagawa, kilusang magsasaka at
kilusang pagtatanggol ng mga demokratikong karapatan laban sa salot
ng pasistang diktadura.
Kaugnay ng Sigwa ng Unang Kwarto at paglala ng represyon, aktibo
ang NAFLU sa Movement for a Democratic Philippines mula 1970 at sa
Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties mula 1971. Lumahok
ang NAFLU sa malawak na aklasan sa mga 200 lugar ng paggawa, mula
sa La Tondeņa noong Oktubre 1975 hanggang Enero 1976. Mahigpit
ang pagsalungat ng NAFLU sa anti-labor code ng pasistang rehimen at
sa pagtatangka nitong ipataw ang kanyang kasangkapan na Trade
Union Congress of the Philippines (TUCP) sa kilusang manggagawa.
Noong ikatlong linggo ng Nobyembre 1977, nakatakdang kausapin ko
si Ka Bert tungkol sa pagtatayo ng isang legal na sentro ng mga manggagawa
para salungatin ang rehimen at ang TUCP. Umaasa tayo noon na magbabalikwas
ang uring manggagawa bago matapos ang dekadang 1970. Subalit ako ay
nahuli ng kaaway noong Nobyembre 10, 1977. Gayunman, hindi napuksa
ng kaaway ang konsepto at mga pagsisikap na magtayo ng sentro ng mga
pederasyon at unyon.
Laging taglay ng NAFLU at ni Ka Bert ang kapasyahan na lumahok sa pagtatayo
ng sentro, partido o alyansa ng mga manggagawa. Ang kapasyahang ito ay
nakabatay sa mahusay na pundasyon, pag-aaral, pagsasanay at walang humpay
na pakikibaka. Sa gayon, naging haligi muli ang NAFLU sa pagtatayo ng
Kilusang Mayo Uno noong 1980 sa harap ng mabalasik na pasistang diktadura
ni Marcos.
Lumawak at lumakas ang NAFLU habang gumaganap ng mahalagang papel
sa pagpapalakas ng KMU at sa pakikibaka sa pasistang rehimen. Matibay
ang tiwala ng mga manggagawa sa KMU at NAFLU dahil sa katapatan,
katatagan at kagitingan ng mga namumuno sa pakikibaka, kahit na umabot
sa pagkakabilanggo at pagka-martir tulad ng halimbawa nina Ka Bert at
Ka Lando. Matatag at magiting na lumahok ang NAFLU-KMU sa pagpapabagsak
sa pasistang diktadura ni Marcos noong 1986.
Rumurok ang lakas ng NAFLU noong 1987. Subalit lumitaw ang mga
nakatagong bulok at ang taksil na mga lider na tumunton sa mga
oportunistang linyang Kanan at "Kaliwa". Ang Kanang opportunismo
ay kinatangian ng ekonomismo, pakikipagsabwatan sa mga kapitalista
at nauwi ito sa korupsiyon. Ang "Kaliwang" oportunismo ay kinatangian
ng insureksyonismo, pag-aaklas nang walang sapat na paghahanda at
nauwi sa kapahamakan at pagkawasak sa mga dating unyon o sa mga
binubuong bagong unyon.
Mainam na mula 1994 nakapaglunsad ang NAFLU ng pagwawasto para
masagkaan ang pagdaus-dos nito at mailatag ang matibay na batayan
ng panibagong paglakas. Sa kalaunan, mula 1996, humusay nang humusay
ang katayuan ng NAFLU sa pampulitika at pang-organisasyong pagkakaisa
at pagkilos. Lalo pang napapatibay ng NAFLU ang mga unyon nito.
Nakakapagbuo ito ng mga bagong unyon at nakakaakit sa mga dating
nalinlang ng mga oportunista para bumalik.
Laging may peligro na sumulpot at lumalala ang mga kahinaan at kamalian
hanggang masira ang ilang bahagi o ang kabuuan ng isang pederasyon o
unyon. Kung gayon, dapat laging maging mapagmatyag at gawin ang
mga dapat gawin para mapatingkad ang mga kalakasan ng organisasyon
at mapangibabawan ang mga kahinaan. Dapat may sistematikong pag-aaral,
regular at maagap na pagpuna at pamumuna sa sarili at mahigpit na
pakikiisa sa masa ng manggagawa. Laging may puwang para sa pagpapahusay
ng paggawa at estilo ng paggawa.
May mga pagkakataon din na ang ilang malaking paktor ng obhetibong
kondisyon ang nakakapinsala o nakakahadlang sa pag-unlad ng gawain
o pagkilos. Kung gayon, kailangang mapag-aralan nang sapat at
mapapangibabawan ang mga ganoong kondisyon. Halimbawa, ang
14-taong diktadura ni Marcos ay naging malaking sagabal sa kilusang
manggagawa. Subalit sa kalaunan, napangibabawan at ginapi ito ng
uring manggagawa.
Noong dekada ng 1990, hindi lamang ang mga oportunista at dilawang
lider ang hinarap ninyo kundi pati ang pagpapataw ng rehimeng Ramos
sa patakarang neoliberal at sa kontraktwalisasyon sa mga manggagawa
sa pamamagitan ng downsizing, spin-off, rotation, lay-off, retrenchment
at runaway shop. Para supilin ang paglaban ng mga manggagawa,
gumamit ang estado ng mararahas na paraan sa pagbubuwag sa picket
line, assumption of jurisdiction order, temporary restraining order at
lockouts.
Subalit sa kalaunan, laluna sa unang dekada ng ika-21 siglo, ang labis-labis
na pagsasamantala at pang-aapi ay nagbunga ng mas malakas na pakikibaka
ng mga manggagawa at muling paglaki ng mga organisasyon. Lumahok
ang NAFLU-KMU sa proseso ng pagpapabagsak sa bulok na rehimeng
Estrada noong 2001.
Ang mahabang kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ay hindi isang
maluwang at tuwid na boulevard kundi paliku-liko, urong-sulong at
pababa-paakyat. Kaya kailangang pinag-aaralan ng mga organisadong
pwersa katulad ng NAFLU ang obhetibong kalagayan at subhetibong
kakayahan nang sa gayo'y malaman ang pangkalahatang takbo at direksyon
ng mga pangyayari ang dapat gawin para mapangibabawan ang mga kahirapan
at maisulong ang pakikibaka.
Patuloy ang paglala ng kahirapan ng mga anakpawis, gayundin ng mga nasa
gitnang saray ng lipunan bunga ng tumitinding krisis ng pandaigdigang
sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema. Kaugnay ng katatapos
na halalan, ipinagyayabang ng rehimeng Arroyo na pataas ang halaga ng piso.
Pero mas masama ang kalagayan kung tumaas o bumaba man ang halaga ng
piso. Kung tumaas, umutang lang nang malaki ang rehimen sa loob at labas
ng bansa. Kung bumaba, hihirap na namang mangutang.
Tuloy-tuloy ang paglala ng kahirapan dahil sa ekonomiyang malapiyudal at
atrasado na pinipiga ng mga imperyalista, malalaking komprador-asendero at
burukratang kapitalista sa ilalim ng patakarang neoliberal. Dumarami ang walang
trabaho. Tumataas ang presyo ng mga batayang kalakal. Lumalaki ang utang
mula sa loob at labas ng bansa. Pinapatawan ng mabigat na buwis ang mga
mamamayan. Lumalawak ang karukhaan. Karamihan sa mamamayang Pilipino
ay nabubuhay sa halagang USD 2 (PhP94) o mas mababa pa.
Ang malubhang pagsasamanata ay sinasabayan ng terorismo ng estado sa
pamamagitan ng mga masaker, asasinasyon, pandurukot, tortyur, pagpapalikas
at iba pang garapal na paglabag sa mga karapatang tao. Bunga ito ng
patakarang "war on terror" ng Estados Unidos at pagsang-ayon ng papet
na rehimeng Arroyo. Isinasagawa ng rehimen ang brutal na Oplan Bantay
Laya para panilbihan ang interes ng mga imperyalista at lokal na mapagsamatalang
uri at para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at supilin ang ang kilusang
pagpapatalsik na lumitaw dahil sa pandaraya nito sa halalan ng 2004.
Lalong nagngangalit ang sambayanang Pilipino ngayon dahil sa garapal na
paggamit ng rehimeng Arroyo ng pandaraya, dahas at mga pondo at kagamitan
ng publiko sa nakaraang halalan para palitawing panalo ang mga kandidato
ng rehimen sa mababang kamara ng Kongreso at sagkaan ang impeachment
ng pekeng presidente. Handang gumamit ng ibayong dahas at panlilinlang
ang rehimen. Namiminto ngayon ang paggamit nito sa Anti-Terror Law para
panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at lalo pang palubhain ang pagsasamantala
at pang-aapi sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino.
May tiwala akong gagamitin ninyo ang ika-50 anibersaryo ng NAFLU para
pag-aralan ang kalagayan, lagumin ang karanasan, alamin ang mga kalakasan
at kahinaan ninyo at itakda ang mga tungkulin para mapatingkad ang mga
kalakasan ninyo at mapangibabawan ang mga kahinaan. Sa gayon, mapatataas
ninyo ang antas ng inyong mapanlabang kamalayan at kakayahan, at mapupukaw,
ma-oorganisa at ma-momobilisa ninyo ang mas malaki pang masa ng manggagawa
sa kilusang paggawa at sa pangkalahatang pambansa at demokratikong kilusan
ng sambayanang Pilipino.
Mabuhay ang NAFLU-KMU!
Ibayong palakasin ang pederasyon!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Isulong ang pambansa demokratikong kilusan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|
|