Nakakabighani Pa Ang Gubat
Ni Jose Maria Sison
Lumayas na ang mga sumpunging anito at diwata
Mula sa matatandang puno at sukal,
Madidilim na yungib at puntod sa mga lilim,
Malulumot na bato at nagsisibulong na sapa.
Nawalan na ng katakatakang kapangyarihan
Ang bukubukong mga balete at mga uwak.
Ang kawalang-tiyak ng sinaunang mga panahon
Ay hindi na makapanggulat at makapanakot.
Maingat na pumipintig sa gubat
Ang katiyakan sa ibabaw ng mga katiyakan
Ng pagputol ng kahoy, pangangaso
Pag-ani ng mga prutas, pulot-gata at orkidiya.
Subalit nakakabighani pa rin ang gubat
Bagong himig ang nasa hangin
Bagong hiwaga ang nasa malalim na luntian,
Sabi ng mga magsasaka sa kanilang mga kaibigan.
Nananaig ang iisang mapanlabang diwa
Para bitagin at gulatin ang mga nanghihimasok.