|
Panayam kay Propesor Jose Maria Sison
Kaugnay ng Ika-20 Anibersaryo ng Courage
Ni Angelo L. Tesorero
Pinoy Weekly
Disyembre 4, 2006
Pinoy Weekly (PW): Prof. Sison, Magandang araw! Idaraos ng
COURAGE ang kongreso nila simula ngayong Disyembre 4-6, kasabay ng kanilang
ika-20 anibersaryo. Gayundin, idineklara ng pamahalaang Arroyo na 'National Government
Employees Week' sa susunod na linggo. Kaugnay nito nais naming hingin ang inyong
opinyon hinggil sa ilang mga katanungan.
Propesor Jose Maria Sison (JMS): Magandang araw! At sigue po.
PW: Ano ang papel na ginagampanan at dapat gampanan ng
mga kawani ng pamahalaan sa pagkamit ng tunay na kalayaan at kaunlaran sa
lipunang Pilipino. Sa partikular, ano ang tungkulin ng mga empleyado ng gobyerno
gayong batbat ng kritisismo ang kasalukuyang admnistrasyon, na ayon nga sa isang
sarbey 1 sa 2 Pilipino ang walang tiwala sa Pangulo. Ano ang papel mga kawani sa
susunod na halalan?
JMS: Mahalaga ang papel na ginagampanan at dapat gampanan
ng mga kawani ng pamahalaan. Sila ang nauugnayan ng mga mamamayan tungkol
sa mga kongkreto at mahalagang bagay. Nasa posisyon sila na makakatulong sa
mga mamamayan sa iba't ibang paraan.
Dapat magsilbi at makipagtulungan sila sa mga mamamayan hangga't maari kahit
na anti-nasyonal, anti-demokratiko at anti-mamamamyan ang mga batayang patakaran
at bulok ang karamihan ng matataas na opisyal ng gobyerno. Dapat punahin nila
ang mga masamang patakaran at bulok na opisyal, sumama sila sa COURAGE at
magkaisa para tutulan ang mga masamang patakaran, opisyal and kilos ng gobyerno
at itaguyod ang makabayan, malinis and episyenteng pamamahala.
Karamihan ng Pilipino ay walang tiwala at tutol sa pekeng presidente na si Gloria
M. Arroyo. Dapat tutulan at biguin ng mga kawani ang anumang mga pakana ng
rehimeng Arroyo na gamitin sila sa kampanya at pandaraya sa susunod na halalan.
Dapat tulungan ang mga mamamayan sa pag-intindi sa kalagayan at mga problema
at lumahok sa mga kilos masa para harapin at lutasin ang mga problema.
PW: Paano lulugar ang mga empleyadong may progresibong
pananaw at paninindigan sa loob ng burukrasyang nagpapanatili ng tagibang na
kaayusan.
JMS: Dapat itaguyod at ipalaganap ng mga empleyadong
progresibo ang makabayan, demokratiko at maka-masang pananaw at paninindigan
sa hanay ng kanilang kapwa empleado. Dapat sumapi sila sa COURAGE at himukin
nila ang iba na sumapi rin. Magtayo ng matitibay na organisasyon ng COURAGE.
Ipaglaban ang makabayan, malinis at episyenteng paglilingkod sa mga mamamyan,
laluna sa mga anakpawis.
Kahit na bulok ang kabuuan ng gobyerno dahil ito ay instrumento ng mapanupil
at mapagsamantalang sistema, mainam na itaguyod ng mga kawani kung ano
ang tama at mabuti para sa bayan. Sa gayon, kalahok sila sa pagpapalitaw ng
bagong sistema na makabayan, demokratiko, makatarungan at maunlad.
PW: Ano ang mensahe ninyo sa pagdiriwang ng COURAGE
ng kanilang ika-20 anibersaryo?
JMS: Nagpapaabot ako ng taos-pusong pagbati at pakikiisa
sa pamunuan at kasapian ng COURAGE sa okasyon ng ika-20 anibersaryo. Saludo
ako sa kanilang mga tagumpay sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa
mga kawani ng gobyerno.
Umaasa ako na gumawa ang COURAGE ng mahusay na paglalagom sa karanasan
at maliwanag na pagtatatakda ng mga tungkulin. Sa gayon, ibayong lalakas ang
COURAGE para sa pagtataguyod, pagtatanggol at pagsusulong ng mga karapatan
at interes ng mga kawani. Mapapalaki nila ang ambag nila sa kilusang pambansang
demokratiko ng bayan. Mabuhay ang COURAGE! ###
Si Propesor Jose Maria Sison ay tagapangulo ng International League of Peoples'
Struggle, punong political consultant ng National Democratic Front of the Philippines
at tagapangulo ng International Network for Philippine Studies.
|
|