|
Panayam kay Prop. Jose Maria Sison ng Pinoy Weekly
Hinggil sa Komisyong Melo at Halalan sa 2007
Pinoy Weekly
Pebrero 4, 2007
PINOY WEEKLY (PW): Prop. Sison, Magandang
araw! Muli nais po namin kayong hingan ng ilang pagtingin/komento
sa ilang maiinit na isyu sa ating bayan:
Ano pong masasabi ninyo sa ipinalabas na bahagyang ulat ng
Komisyong Melo hinggil sa pamamaslang sa mga aktibista at kritiko ng
pamahalaang Arroyo? Bakit si Palparan lamang ang inerekomendang
kasuhan ng Komisyon at hindi na nagbigay paliwanag kung may kinalaman
ba sa mga pagpatay si Pangulong Arroyo?
Professor Jose Maria Sison (JMS): Panloloko sa
bayan at panibagong inhustisya sa mga biktima ng paglabag sa mga
karapatang tao ang kawalang lubos na liwanag tungkol sa nilalaman
ng ulat ng Komisyong Melo. Pinapaugong ng Malakanyang na inaakusahan
ng ulat ang militar at Heneral Palparan tungkol sa ilang pamamaslang.
Kasabay nito, sinasabi rin nila na hindi lamang ang militar at pulis ang
gumagawa ng mga krimen. Sa gayon, pinagtatakpan nila ang kriminal
na pananagutan ni Gloria M. Arroyo at mga alipuris niyang militar at pulis
sa higit ng 820 na pamamamaslang at higit na 200 pagdukot sa ilalim
ng Oplan Bantay Laya I at II.
PW: Bagaman inamin nina Hen. Esperon at Pangulong
Arroyo na maaaring may ilang militar na sangkot sa pamamaslang, iilan
lamang umano sila at sinabi pa ng dalawa na mismong mga nasa
makakaliwang grupo ang pumatay sa kanilang mga kasamahan. Ano
pong masasabi ninyo rito?
JMS: Talagang talamak na mga kriminal at sinungaling
sina Heneral Esperon at Arroyo. Sila ang mga salarin sa pamamaslang.
Pero ibig pa nilang palitawin na ang mga biktima ay dapat sisihin bilang
mga kumunista at ibig din nilang palitawin na mga kumunista ang pumaslang
sa kanila. Kabaligtaran ito ng katotohanan na bago paslangin ng mga death
squad ng militar ang mga biktima ay lantarang pinagbabantaan at ginigipit
sila ng mga militar. Sa maraming kaso, may mga saksi sa mga pangyayaring
mga militar ang pumapaslang. Kasali sa mga saksi ang mga nakakaligtas sa
mga salakay ng mga death squad. Sukdulan ang pagiging demonyo nina
Arroyo at Esperon.
PW: Ano ho ba ang maitutulong ng mga internasyunal
na grupo upang lumabas ang katotohanan hinggil sa patuloy na pamamaslang
sa mga kasapi ng militante at progresibong grupo?
JMS: Malaki ang maitutulong ng mga internasyonal na
grupo, laluna yong mga may malasakit sa karapatang tao, sa paghahantad
ng katotohanan tungkol sa pamamaslang sa mga militante at progresibong
aktibista. Mga international fact-finding groups at people's tribunal ng mga
manggagawa, magsasaka, kababaihan, relihyoso, abogado at iba pa ang
nauna at patuloy na naghahantad ng katotohanan. Malaki rin ang naging
papel ng Amnesty International at iba pang human rights organizations.
Tingnan natin kung ano ang magagawa ng UN Human Rights Committee,
UN Human Rights Council at iba pang UN human rights treaty bodies at
mga special rapporteurs ng UN. Mahirap umasa sa kanila kahit na kailangang
bigyan sila ng impormasyon tungkol sa mga paglabag ng mga karapatang
tao. Problema na ang US at rehimeng Arroyo ay nakakapagmaneobra sa
loob ng UN.
Sa The Hague sa Marso, magkakaroon ng sesyon ang Permanent People's
Tribunal tungkol sa Pilipinas para litisin ang rehimeng Arroyo at mga
imperyalistang kasabwat nito sa paglabag sa mga karapatang tao,
pandarambong sa ekonomiya ng Pilipinas at paglabag sa pambansang
soberaniya ng sambayanang Pilipino. Mas magaling ang magagawa ng
Permanent People's Tribunal kaysa sa UN sa paglantad sa kaimbihan
ng rehimeng Arroyo at mga amo nitong imperyalista.
PW: Hinggil naman sa nalalapit na eleksiyon. Ano
pong tingin ninyo sa mga nagaganap sa hanay ng UNO at administrasyong
Arroyo? Ang mga dating nasa kampo ng UNO tulad nina Sotto at Oreta,
ngayon napapabalitang sasanib na sa tiket ng administrasyon dahil
naetsa-puwera umano sa pilian ng mga kandidato sa pagkasenador. Sa
hanay naman ng administrasyon, may ilan naman tutol sa pagpasok ng mga
kandidatong kilalang dikit kay dating pangulong Estrada.
JMS: Napakabulok at napakabaho ang rehimeng Arroyo.
Kung gayon, maraming nag-uunahang pumasok sa senatorial slate ng oposisyon.
Sa isang slate, may puwang para lamang sa labing dalawang kandidato. Puedeng
may dalawang slate sa oposisyon. Gayunman, marami pa rin yong hindi makakapasok.
Kung gayon, liniligawan ng administrasyon ang mga hindi makapasok sa slate ng
oposisyon.
Pero siksikan at tulakan na rin ang nangyayari sa slate ng administrasyon. Pang-akit
ng administrasyon ang abilidad nitong mandaya sa eleksyion at ang malaking pondo
at pasilidades ng gobyerno. Nasa mga susing posisyon ang mga kasabwat ni
Garcillano sa pandaraya noong 2004 . Tinutukoy ko sina secretary of national
defense Ebdane, chief of staff Esperon at DILG secretary (Puno).
PW: Sa kalagayang nabanggit sa itaas ano pong posibleng
senaryo ang maaring mangyari ngayong halalan? Ano naman po ang dapat gawin
ng mga progresibong grupo, maging ng mga partylist sa ganitong kalagayan?
JMS: Tiyak na mandaraya at gagamit ng dahas ang rehimeng
Arroyo para mangibabaw ito sa halalan. Takot na takot si Arroyo na ma-impeach
siya. Ayaw na ayaw niyang manalo ang tunay na oposisyon ng 79 o higit pa sa
kamara ng mga kongresista. Dahil sa pandaraya at pandarahas ng rehimeng
Arroyo, sasambulat ang poot ng sambayanang Pilipino. Kikilos sila para ibagsak
ang rehimen.
Sa halalan, lalahok pa rin ang mga progresibong grupo sa party list para labanan
ang imbing pakana ng rehimen. Kung dadayain sila at lalo pang ipagpapaslang
ang mga lider at kasapi nila, lalong mapapatunayan ang masamang gawa ng
rehimen, lalong magagalit ang sambayang Pilipino at lalong lalakas ang kilusan
sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Matapos ang halalan, sasabog sa mukha
ng rehimen ang lahat ng masamang ginawa nito sa bayan, ang pagkapapet,
pangungurakot, pandaraya, pagsisinungaling at pamamaslang.
PW: Ano pong reaksiyon ninyo sa sinabi kamakailan ni
US Amb. Kenney na kailangang magpadala ng tagamasid ang US sa darating
na eleksiyon?
JMS: Walang maaasahan sa mga opisyal na tagamasid
mula sa gobiyerno ng US. Pagtatakpan at babasbasan lang nila ang pandaraya
at pandarahas ng rehimeng Arroyo. Gusto lang nila ang maka-imperyalistang
estabilidad ng rehimen alang-alang sa neoliberal globalisasyon (monopolistang
pandarambong) at militar na pakikialam at panghihimasok ng US. Mainam
kung may mga tunay na demokratikong grupo na dadayo sa ating bansa
para magmasid sa halalan. Balita kong iimbitahan sila ng Bayan at Migrante
International. ###
|
|