BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Pagbati sa Bayan-Negros Mensahe ng Pakikiisa November 14, 2003 Malugod akong bumabati sa lahat ng opisyales at organisasyon ng BAYAN-Negros sa okasyon ng ikalawang asambleang panrehiyon nito. Nakikiisa ako sa lahat ng inyong layuning makabayan at progresibo para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na piyudalismo at burukrata kapitalismo. May tiwala akong malalagom ninyo ang inyong karanasan, makikilala ang mga kalakasan at kahinaan at maitatakda ninyo ang mga tungkulin sa pagpapataas ng antas ng inyong kapasiyahan at kakayahan para isulong sa inyong rehiyon ang pambansang demokratikong kilusan laban sa imperyalismong Amerikano at papet na rehimeng Arroyo. Sang-ayon ako sa tema ng inyong asamblea: "Labanan ang terorismo ng estado at imperyalistang agresyon! Mangahas magpalawak, mangahas makibaka! Lubhang mahalaga at napapanahon ito. Dahil sa walang tigil na paglala ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at local na naghaharing sistema ng mga malalaking komprador at asendero, tumitindi ang terorismo ng estado at interbensiyon at agresyon ng mga imperyalista. Karapatdapat na magiting at masigasig na magpalawak ng lakas at makibaka para sa mga pambansa at demokratikong karapatan ng sambayanang inaapi at pinagsasamtalahan. Gawin ang lahat na magagawa para ibagsak ang imperyalismong Amerikano at mga papet na pinangungunahan ng pangkating Macapagal- Arroyo. Bantayan din ang kumpetisyon at sabwatan ng pangkating naghahari at pangkating Danding Cojuangco. Anuman ang prinsipal na tunguhin ng relasyon ng dalawa, ang masang Pilipino ang pinagsasamantalahan at pinahihirapan nila. Mabuhay ang BAYAN-Negros! Mabuhay ang BAYAN! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! |
|