BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
PAGBATI SA PAGLULUNSAD NG "LUPA AY LAYA" Ni Jose Maria Sison 12 Oktubre 2001 Sa mga kasama sa KMP at IBON, Binabati ko ang mga kasama sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at sa IBON Foundation sa araw ng paglulunsad ng kanilang bidyo dokumentaryong Lupa ay Laya. Ngayon pa lang, nakakasiguro akong malaki ang maiaambag nitong dokumetaryong ito sa mga nais makapag-aral ng kalagayan at kasaysayan ng kilusang magsasaka sa Pilipinas. Di pa kasama rito ang laki ng maiaambag nito at maibibigay na inspirasyon ng Lupa ay Laya sa mga nagnanais gumawa ng mga alternatibong porma ng pelikula at likhang sining na nagsisilbi sa kapakanan ng batayang masa at sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Ang liberalisasyon ng agrikultura na pinapatupad ng anti-magsasaka at anti-mamamayan na rehimeng US-Macapagal-Arroyo, sa balangkas ng Agreement on Agriculture ng WTO ay mas lalong nagsadlak sa milyun-milyong magsasakang Pilipino sa ibayong kahirapan, pagsasamantala, kawalan ng lupa at kagutuman.Ito ay kasabay din ng papatinding pang-aapi at pagsasamantalang nararanasan sa kamay ng mga dayuhang transnasyunal na korporasyon at mga malalaking panginoong maylupa. Dagdag pa sa pagpapahirap na ito ang epekto sa kabuhayan at buhay ng magsasaka at mamamayan ng imperyalistang gerang inilulunsad ngayon ng US at ng mga alyado nitong bansa. Ang pag-usbong ng kilusang magsasaka sa Pilipinas ay bunsod ng batayang problema ng magsasaka sa lupa. Kasaysayan na rin ang nagtuturo at nagsasabi na ang solusyon para wakasan ang pagsasamantalang ito ay ang masikhay at militanteng pakikibaka at paglaban ng mga magsasaka, pagpapatupad ng programa ng rebolusyong agraryo, pagpapalakas ng rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at pagsusulong ng armadong pakikibaka. Di ko pa man din napapanuod ang Lupa ay Laya, alam kong ang kasaysayang ito ay ipapakita rin ng bidyo dokumentaryong ito. Muli, pagbati sa KMP at IBON, sa batikang direktor na si Boni Ilagan, sa mga nasa likuran ng produksyon ng dokumentaryong ito at lalung-lalo na sa mga masang magsasaka na patuloy na nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Mabuhay kayo! Ibayong itaguyod at isulong ang bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino! Umani ng mga tagumpay! |
|