|
Pagpupugay Kay Ka Togs, Kasamang Monico M. Atienza
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
7 Enero 2007
Nakakalungkot na dinatnan si Ka Togs ng malubhang sakit. Tulad ng lahat ng mga
kamag-anak, kasama at kaibigan niya, umaasa ako na mapapangibabawan niya ang
ganitong kalagayan. Alam nating matibay at palaban si Ka Togs. Hindi tayo
magugulat kung makakatawid siya sa kasalukuyang kalagayan at magpapatuloy
sa pag-ambag sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Anuman ang mangyari sa
personal na katayuan niya, natitiyak nating makabuluhan at maningning ang
kanyang buhay at papel na ginampanan sa kasaysayan.
Una kong nakilala si Ka Togs, Monico M. Atienza, noong 1965 bilang kasapi ng
Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP). Agad
kong natantya na matalino at alisto siya dahil naging valedictorian siya ng Class
1964 ng Boys High School ng Far Eastern University (FEU) at presidente ng
high school student government.
Napag-alaman ko ring dati na siyang sumapi sa Kabataang Makabayan (KM)
noong nasa FEU pa siya at nakasama siya sa isang delegasyon ng mga estudyanteng
Pilipino na inimbitahang dumalaw sa Republikang Bayan ng Tsina. Mataas ang
diwang makabayan at malalim ang pagnanais niyang maipagpatuloy ang rebolusyong
Pilipino na inumpisahan ng Katipunan at binigo ng imperyalismong Amerikano at
mga lokal na nagsasamantalang uri.
Napagmasdan kong mahilig siya sa pagbabasa at pag-aaral ng mga rebolusyonaryong
akda tungkol sa Pilipinas, sa Tsina, Biyetnam at iba pang bansa at tungkol sa
pandaigdigang kilusan ng uring manggagawa at iba pang mamamayan. Umaasa
siya na mailapat sa kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas ang teorya ng Marxismo-Leninismo.
Naging aktibo si Ka Togs sa mga pag-aaral at pagkilos ng SCAUP. Seryoso siya sa
lantarang pag-aaral ng pambansang demokratikong rebolusyon at sa lihim na pag-aaral
ng Marxismo-Leninismo. Masigasig siya sa mga gawaing paghimok, pag-organisa at
pagpapakilos sa hanay ng mga estudyante. Di nagtagal ay naging presidente siya
ng SCAUP.
Habang nasa SCAUP pa siya, naging malapit na kasama ko si Ka Togs sa KM, sa mga
pag-aaral, rali, aklasan at iba pang pinagsamang gawain ng mga kabataan at
manggagawa, sa ilang pakiki-ugnay sa masang magsasaka at sa ilang aktibidades ng
Movement for the Advancement of Nationalism. Magmula pa 1966 nahasa siya sa
gawain sa lumalaking kilusang pangmasa laban sa imperyalismo, piyudalismo at
burukrata kapitalismo.
Kasama ko si Ka Togs sa pinakaunang grupo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)
sa loob ng KM, sa Unang Kilusang Pagtutuwid sa loob at labas ng PKP magmula 1967,
sa Kongreso ng Muling Pagtatatag ng PKP sa patnubay ng Marxism-Leninismo-Kaisipang
Mao Tsetung noong 1968 at sa Unang Komite Sentral ng PKP magmula 1968
hanggang sa kanyang pagkadakip noong Oktubre 1974.
Kung lalagumin ko ang pagsasama namin at pagkakakilala ko sa kanya sa dekada ng
1965-1974, masasabi kong siya ay isang dakilang makabayang Pilipino para sa paglulubos
ng pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan at
isang matatag na komunistang mandirigma para sa pagpapatupad ng makasaysayang
misyon ng uring manggagawa sa pagtatayo ng sosyalismo.
Tampok sa kanyang mga tagumpay sa kilusang kabataan at pagiging pangkalahatang
kalihim ng KM ang pagpapalakas at paglaganap ng mga sangay ng KM sa mga eswelahan
at komunidad sa pamamagitan ng mga OD-ED team sa Metro Manila at sa buong bansa
magmula 1968 hanggang 1970. Mahalagang preparasyon ito para sa Sigwa ng Unang
Kwarto ng 1970 at sa pambansang paglawak ng kilusang pambansang demokratiko.
Magmula sa sigwang ito hanggang 1972, ibayong pinaandar ni Ka Togs ang sentralisado
at di-sentralisadong mga paaralan ng pambansang demokrasya para pataasin ang
kamalayan at militansya ng mga aktibista. Ang mga paaralang ito ay naging sanayan
at bukal ng mga kadre para sa legal na demokratikong kilusan at gayundin para sa
armadong pakikibaka.
Magmula 1968, ginampanan ni Ka Togs nang napakahusay ang mga tungkulin niya
bilang kagawad ng Komite Sentral ng PKP at bilang puno ng Pambansang Kagawaran
sa Organisasyon (NOD). Susi ang papel niya sa pagtatayo ng pundasyong
pang-organisasyon ng Partido at sa pag-unlad nito hanggang mahuli siya noong 1974.
Pinamahalaan niya ang mga batayang organisasyong pangmasa, ang lantaran at
lihim na pagkilos sa kalunsuran at ang pagpapadala ng mga kasapi ng Partido at
mga aktibistang pangmasa mula sa hanay ng mga manggagawa at edukadong
kabataan para sumama sa Bagong Hukbong Bayan at kumilos sa hanay ng mga
magsasaka.
Ipinatupad niya ang kapasyahan ng Political Bureau noong Agosto 1970 na paramihin
ang kasapian ng Partido mula sa ilang daan hanggang 4000 magmula 1970 hanggang
1974. Ginampanan niya nang mabisa ang tungkuling sanayin, obserbahin at irekomenda
sa Komite Sentral ang mga kadreng dapat ilagay sa staff ng mga sentral na organo at
sa mga komiteng pangrehiyon.
Mahuhusay ang mga kadreng sinanay ng NOD sa ilalim ni Ka Togs. Napapansin sa kanila
ang mahusay na pangangalaga niya at impluwensya ng mahuhusay na katangian niya.
Matatag siya sa panininidigan sa uri. Sapul niya ang materyalistang dialektika. Masigasig
siya sa pag-aaral kaugnay ng rebolusyonaryong praktika. Mataas ang inisyatiba, masinop,
masipag at maparaan. Hindi nagugulat o nalulugmok sa mga problema. Masigasig sa
pag-iisip ng mga paraan sa paglutas ng mga problema.
Maagap sa pagtupad sa mga tungkulin at atas sa kanya. Magaling magpakilos sa mga
kasamang nasa departamento niya. Mabilis makipagkonsulta at humiling ng tulong
mula sa mga makakatulong sa gawain. Matulungin, mapagkaibigan, marunong
makipagkwentuhan at mapagpakumbaba. Hindi siya nagwawasiwas ng awtoridad
para mapasunod ang iba. Nagbibigay ng paliwanag tungkol sa gawain at kolektibong
pagtutulungan ang diwa at estilo ng pakiki-ugnay niya sa loob at labas ng organo at
yunit niya.
Nagpapakita ng inis o nagtataas ng boses paminsan-minsan kung nakita niyang may
gumawa nang mali na madaling iwasan o nagpabaya sa tungkulin o kaya sinita siya sa
kawalan o kakulangan ng resulta bago nakapagbigay siya ng ulat at paliwanag. Ang
kanyang mga bugso ng "pagkagalit" ay laging may seryosong dahilan. Pero marunong
magpalamig at hindi nagkikimkim ng galit sa sinumang kasama.
Mahusay siyang makipagpalitang-kuro para sa layuning mapaunlad ang trabaho at
pakikibaka. Karaniwang mahinahon siya sa talakayan. Handa siyang makipagsagutan
kaninuman para igiit ang kanyang mga punto at pananaw. Kung minsan, napapataas
ang boses niya sa sagutan. Pero lagi siyang handang magpaliwanag at tumanggap
ng paliwanag mula sa iba. Siya ay dakilang tao na hindi nalilihis mula sa dakilang layunin.
Dahil sa mabungang trabaho ni Ka Togs, kahit na maghimpil sa malayong baryo o sa
gubat ang Komiteng Tagapagpaganap at kahit magkakalayo ang mga kagawad ng
Politburo, nauugnayan sila at nakakaugnay sila sa pamamagitan ng Pangkalahatang
Kalihiman, laluna sa pamamagitan ng NOD at ni Ka Togs.
Noong 1974 nagpasya ang Komiteng Tagapagpaganap na panipisin ang sentral na
balangkas ng NOD at ilipat ang daan-daang kadre nito tungo sa ibat ibang rehiyon
dahil sa mabilis na paglawak ng kilusang rebolusyonaryo, dahil sa tulak ng mga kadre
mismo na madeploy sa kanayunan at dahil sa lumalaking peligro ng paghihimpil sa
kalunsuran.
Sa pagnipis naman ng tauhan ng NOD noong ikalawang bahagi ng 1974, lumaki
ang peligro sa pamunuan ng NOD, nahirapan ang KT/KS sa komunikayon sa iba't
ibang rehiyon at lumaki rin ang panganib sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite
Sentral (KT/KS). Sa ganitong kalagayan, nahuli si Ka Togs at ibang mahalagang kadre.
Sa mga sumunod na taong mabuway ang Pambansang Komiteng Tagapag-ugnay
at madalas matimbog. Nalutas ang problema sa komunikasyon sa tulong ng National
Democratic Front at sa pag-unlad ng mga batayang organisasyon ng Partido at
masa at alyansa sa ibat-ibang rehiyon. Sa malakihang pagdeploy ng mga kadre mula
sa NOD noong 1974 lalong bumilis ang pag-unlad ng mga organisasyong pangrehiyon
ng Partido at kilusang rebolusyonaryo.
Umabot sa aking kaalaman ang pagpapahirap na ginawa ng kaaway kay Ka Togs
Kahanga-hanga at kapuri-puri ang paglaban niya sa pagpapahirap at ang pagpapagaling
niya sa sakit at pagbalik sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang magturo. Mga ibang
kasama na nakasama niya sa piitan ang mas nakakaalam at mas mabuting maglahad
sa kanyang masakit na karanasan sa kamay ng malupit na kaaway.
Lalo pang kahanga-hanga at kapuri-puri na ipinagpatuloy ni Ka Togs ang pagpapalaganap
ng mga makabayan at progresibong idea sa kanyang pagtuturo ng wikang Pilipino at
kaugnay na mga paksa. Alam kong malapit siya sa mga estudyante niya dahil sa
mabait at mapagkaibigan siya at nakikilalang wasto ang kanyang mga ideyang
makabayan at progresibo.
Tumulong siya kay Julie at iba pa sa pagtatayo at pagpapakilos sa komite para
sa aking pagpapalaya magmula 1982. Anong laki ng tuwa ko noong makatagpo
at makasama ko muli si Ka Togs nang lumabas ako sa military detention noong
1986. Sa pagbagsak ng pasistang diktadura, parang may malaking pagkakataon
na lumago muli ang pambansang demokratikong kilusan sa legal na paraan tulad
ng mga taong 1960.
Subalit nang nasa labas ako ng bansa, nabalitaan ko ang mga pamamaslang at
mga tangkang pagpatay na ginawa ng militar sa mga pinuno at tauhan ng
Partido ng Bayan para biguin ang mga kandidato nito. Sa isang pagtambang
ng militar sa mga pinuno at kasapi ng Partido ng Bayan, malubhang nasugatan
si Ka Togs at namatay ang dalawang kasama niya sa sasakyan noong 1987.
Maliwanag sa lahat na hindi natakot si Ka Togs sa pagtatangka sa buhay niya.
Nagpatuloy siya sa pagtuturo at pagpapalaganap ng mga ideya ng pambansang
demokratikong kilusan. Wala siyang tigil sa pagpapataas ng kamalayan ng mga
kapwa niyang guro at mga estudyante hinggil sa mga rebolusyonaryong isipan
at gawa magmula kay Andres Bonifacio hanggang sa mga bayaning katulad niya
sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat ako kay Ka Togs sa lahat ng ambag niya sa muling pagsulong
ng rebolusyong Pilipino, sa pagtatayo ng rebolusyonaryong partido ng uring
manggagawa at sa pagpapalakas ng kilusang masa. Nagpapasalamat ako sa
kanya sa aming pagsasama at pagtutulungan sa mahabang panahon. Nagpapasalamat
ako na noong 2004 gumawa siya ng testimonyang parangal sa akin, sa tinawag na
selebrasyon ng 45 taon ng aking paglilingkod sa bayan.
Tungkulin natin ngayon na gumawa ng pagpupugay sa isang dakilang Pilipinong
rebolusyonaryo sa paglalagom ng maningning at mabungang pagkilos niya. Ang
kanyang kasaysayan sa pakikibaka ay patuloy na mag-inspira, magpasigla at
magpaunlad sa kilusang rebolusyonaryo. Laging magiging buhay ang mga
ambag at pamana niya. Walang humpay ang paglilingkod niya sa sambayanang
Pilipino at rebolusyong Pilipino. ###
|
|